KABANATA 1
Lumaki na walang ama samantalang isang prostitute ang ina, sa murang edad ay natuto ang batang si Sancho na tumayo para sa kaniyang sarili. Sa edad na pitong taon ay gigising siya at ipagluluto ang sarili. Kapag iniwanan ng ina – na gabi na umuuwi – ng kakarampot na pera ay mag-isa siyang namimili ng kanilang stock ng mga pagkain. Kahit naaawa man sa kaniya ang ibang kapitbahay at nakakikilala na kay Sancho sa pamilihan ay wala silang magawa kung hindi tignan na lamang ang lagay ng nakaaawang bata.
Buto’t balat at halos wala nang kabuhay-buhay ang kaniyang mga mata. Namulatan na ni Sancho ang marahas na mundo, ni hindi alam ang pakiramdam ng minamahal. Gigising sa umaga na wala ang ina, matutulog na maririnig ang mga ungol nito kapag inuuwi ang costumer nito sa bahay nila. Natuto siyang huwag dumepende sa iba at kahit ang awa na nagmumula sa mga mata ng nakakikita sa kaniya ay ni hindi na niya inda.
Para kay Sancho ay wala nang didilim pa sa kaniyang mundo.
“Ikaw ba ang anak ni Sandra?”
Isang hatinggabi ay nagising si Sancho sa amoy ng alak at mainit na hininga na dumarampi sa kaniya. Napabangon siya at napasiksik sa gilid nang makapasok sa kaniyang silid ang lalaking inuwi ng nanay niya noong gabing iyon. Naalala niya ang sabi ng ina na huwag bastusin ang mga costumer nito, pero hindi maiwasan ni Sancho na lukuban ng takot lalo pa at nakikita niya ang kakaibang pagnanasa sa mga mata ng lalaki na papalapit sa kaniya.
“H-huwag po…” aniya sa maliit at takot na boses.
Lumapit pa ang lalaki at sinapo ang kaniyang hita na nagpanginig sa buo niyang katawan. Wala na siyang maatrasan at walang nagawa ang buto’t balat niyang katawan nang sapilitan siya nitong ihiga at takpan ang kaniyang bibig. Nagsimula siyang maiyak at ipikit na lamang ang kaniyang mga mata sa maaaring mangyari. Akala niya ay tuluyan na siyang mahahalay pero narinig niya ang marahas na pagbukas ng kaniyang pinto at doon ay nakita ang kaniyang pag-asa.
Iyon ang senariyo na nadatnan ng nagising niyang ina.
Wala na siyang pang-itaas at pinaiibabawan pa rin siya ng lalaki na tinatakpan ang kaniyang bibig. Nakakita siya ng pag-asa na ililigtas siya ng mahal na ina, pero sa unang pagkatataon ay tinalikuran siya ng sarili niyang kadugo. Sa unang pagkatataon ay sinampal kay Sancho na nag-iisa lamang siya sa madilim na mundong iyon.
“S-Sandra… i-inakit ako ng anak mo. Wala akong kasalanan!”
Umiling-iling si Sancho sa harap ng ina habang takot pa rin at luhaan. Inayos niya ang kaniyang sarili at dinamitan ang kaniyang pang-itaas dahil ramdam na niya ang panlalamig. Kaagad na lumapit ang lalaki sa kaniyang ina habang siya ay paluhod na lumapit dito. Kumapit siya sa binti nito, umaasa na papanigan.
“H-Hindi po totoo iyon, Nanay. S-Siya po ang p-pumasok dito at –”
“Sa tingin mo ay maniniwala ako sa iyo na bata ka?”
Napasinghap at napahiyaw si Sancho nang mabilis na hinila ng sariling ina ang kaniyang buhok. Ramdam niya ang hapdi at nanunuot na sakit sa kaniyang anit maging ang kalmot mula sa mahahaba nitong kuko. Pilit siya nitong kinakaladkad palabas sa kaniyang kwarto habang siya ay nagpupumiglas at pilit na inaalis ang kamay nito sa kaniyang buhok.
“N-Nay! Masakit po! Tama na po, Nay!” pagmamakaawa niya sa ina. “Wala po akong kasalanan! Maniwala po kayo sa akin! Wala po akong kasalanan!”
“Magtigil ka! Wala ka na ngang pakinabang sa akin tapos aagawan mo pa ako ng costumer? Lumayas ka! Umalis ka na para wala na akong palamunin! Walang kwenta!”
Halo ang takot, hinagpis, at kakaibang galit sa luhaan niyang mukha. Nagmakaawa siya nang nagmakaawa sa babaeng nagsilang sa kaniya sa mundo ngunit hindi siya pinakinggan. Naisip ni Sancho ng mga oras na iyon kung bakit pa siya isinilang sa mundo kung daranasin niya lang ang ganito kalupit na buhay? Sinubukan niyang manlaban pero ano nga ba ang magagawa ng bata at payat niya pang katawan?
Tinubuan ng kakaibang galit ang puso ni Sancho. Sa bawat araw na nagsimula siyang magpalaboy-laboy sa kalsada matapos palayasin ng sariling ina ay hindi niya alam kung mapatatawad niya pa ba ang marahas na mundo. Sa kumakalam na sikmura ay wala na siyang inaasahan na magpakakain sa kaniya maging siguro ang tinatawag nilang Diyos. Nanunuyo na ang kaniyang lalamunan na kahit basura ay pagkain na sa kaniya. Nakipag-aagawan sa mga batang lansagan at minsan pa ay napagtulungan.
Hanggang sa hinang-hina na siya at inaasahan na lamang niya ang kaniyang kamatayan. Naiisip niya pa lamang iyon, nakadarama na siya ng kakaibang kapayapaan. Kung kukunin man siya sa puntong iyon, walang pag-aalinlangan na siya ay sasama kay kamatayan. Ngunit, may plano pa yata ang nasa itaas para sa kaniya. Sa muli niyang paggising ay may nagdala na sa kaniya sa isang tahanan.
Tahanan kung saan niya mararamdaman ang tunay na aruga.
“Nakita ko siya sa daan at pinagtutulungan ng mga batang lansangan hanggang sa siya ay mawalan ng malay. Mukhang hindi lumaki sa lansangan ang batang ito,” narinig niya ang boses ng isang babae.
“Mukhang gising na siya.”
Mula sa nanlalabong mga mata ay nakaaninag siya ng tatlong bulto ng mga tao. Ramdam niya ang init ng bisig na tila siya ay buhat. Nang naging klaro sa kaniya ang lahat at bigla siyang napakislot. Nagpumiglas siya sa hawak ng babaeng siya ay buhat.
“Kumalma ka, ijo. Hindi ka namin sasaktan,” narinig niyang sabi ng isang madre.
Hapo siyang tumingin sa lahat ng nakapalibot sa kaniya. Mababait silang tignan pero natatakot siyang magtiwala. Naroon at sariwa pa rin ang puot sa puso niya.
“Nasa bahay ampunan ka, ijo. Kami ang mga madre rito. Napulot ka sa daan ng isa sa naging anak namin dito. Ikaw ba ay laki sa lansangan?” tanong ng isa pang madre.
Tipid siyang umiling sa katanungan nito. Nang matanaw ng kaniyang mga mata ang mga kabataang hindi nalalayo sa kaniyang edad roon sa likuran ng mga madre, bahagya siyang natigilan. Nakatanaw ang mga ito sa kaniya, tila ba sa mga mata nila ay nakakita siya ng kasama. Na hindi siya nag-iisa at may kapareho siya ng kalagayan. Sa puntong iyon ay hindi napigilan ni Sancho ang kaniyang mga luha.
Doon nagsimula ang buhay niya sa bahay-ampunan. Hindi naging madali ang pakitutungo niya sa mga bata. Naroon pa rin kasi ang takot niya na magtiwala. Lagi lamang siyang tahimik, nakamasid, at mailap sa kanila. Nakita niya na may ilan sa kanilang ilang beses nagtangka na siya ay lapitan at kausapin, pero sa huli ay aatras lamang dahil ramdam na ayaw niya rin. Wala rin namang kaso kay Sancho kung magkaroroon siyang kaibigan o wala, ang importante sa kaniya ngayon ay tahanan at makakain. Sapat na sa kaniya iyon.
“Hindi mo pa rin ba ako kakausapin ngayon?” Napaismid siya nang marinig ang boses na iyon.
Sa lahat ng mga bata rito sa ampunan, may isang nangingibabaw sa lahat. Palakaibigan, malapit sa lahat, palangiti na tila walang problema sa buhay, laging kumikislap ang mga mata. Hindi alam ni Sancho kung bakit nasa bahay-ampunan ang kagaya nito. Ayaw niya sa batang ito, ramdam niya iyon. Hindi niya makasusundo ang kagaya nitong tila walang galit sa mundo.
Hindi niya ito pinansin.
“Hmm… Mukhang no good na naman ngayong araw,” pagparirinig nito.
Nagpatuloy lamang siya sa pagkain. Bahagya niyang pinadaanan ng tingin ang paligid at nakitang nasa kanila na naman ang atensiyon. Sigurado siyang masama na naman ang bulong-bulungan sa kaniya dahil hindi niya pinapansin ang taong mahal ng lahat.
Binaba niya ang hawak na mga kubyertos at tinignan ang kaharap. Nagulat ito pero kalaunan ay napangiti rin nang malawak. Natahimik ang paligid, nag-aabang sa kaniyang sasabihin.
“Pwede ba? Tigilan mo na ako. Wala akong plano na makipagkaibigan sa iyo.”
Pagkasabi niya noon ay tumayo na siya at kinuha ang kaniyang pinagkainan. Tinignan niya pa sa huling pagkatataon ang kaharap na natulala sa kaniyang mukha. Muli siyang umismid, pagkatapos ay walang pasabi na ito ay tinalikuran.