SIMULA

642 Words
SIMULA Sa isang malaking tahanan, makikita ang magpamilya na kalilipat lamang doon. Kabibili lamang nila ng lupain at tahanan na dating pagmamay-ari ng isang mayamang pamilya na ngayon ay lumipat na sa ibang bansa. Hindi magkandaugaga ang mga tagahakot ng kanilang mga kagamitan at habang nangyayari iyon ay naglalaro lamang ang isang batang lalaki sa bakuran. Tuwang-tuwa ang bata sa bago nilang tahanan, kung kaya ay agaran din ang kaniyang paglilikot. “Huwag lumayo, ha? Diyan ka lang muna at marami pa ang mga aayusin nila Mommy,” paalala ng ina sa limang taong gulang nitong anak. “Yes, Mommy!” masigla namang tugon ng bata. Hawak niya ang isang maliit na bola sa kamay. Pinapatalbog, hinahagis, hanggang sa hindi inaasan ay napalakas ang hagis niya sa bola na napunta iyon sa kabilang bakuran. Nais niya sanang tawagin ang ama o ina para kuhain ang bola, pero sobrang aligaga pa ang mga ito na hindi na rin siya makasingit. Doon naglakas loob ang bata na kuhain na lamang ng mag-isa ang bola at sakto naman na kasiya siya sa butas ng pinsa na harang. Malaki at malawak din ang bahay at lupain ng kanilang kapitbahay. Namangha pa siya roon at hawak ang kaniyang bola ay naglakad-lakad para silipin ang magandang tahanan. May salaming pinto iyon na de-slide. Makikita ang kagandahan ng sala na maaaninag sa salamin. May mga magagarang muwebles at nalula maging ang bata sa malaki at kulay gintong chandelier sa itaas. “Wow… Ganda!” mangha niyang sigaw. Dala ng kyuryusidad ay lumipat pa siya sa may gitna ng bakuran at doon ay nakita ang isang matanda na lalaki. Nakaupo ito sa isang rocking chair, nakapikit ang mga mata habang yakap ang isang larawan. Kahit puti na ang mga buhok at kulubot na ang balat, unang tingin mo pa lang sa matanda ay halata mo na ang kagandahang lalaki nito noong kabataan. Parang ginto na dumaan man ang panahon, hinding-hindi kumukupas. “Lolo?” tawag ng bata sa matanda. Imbes na matakot ay nakaramdam ang bata ng kagaanan ng loob sa matandang lalaki. Nakita niya ng klaro ang mga mukha sa larawan nitong yakap. Larawan iyon ng dalawang lalaki na parehong nakasuot ng kulay puting mga terno at kurbata. Kahit sa murang edad ay kita ng bata ang pagmamahalan sa mga mata ng dalawang lalaki kagaya sa kaniyang mga magulang kapag sila ay magkatinginan. Tila ba sa kanilang dalawa lamang ang mundo at walang ibang tao na makasisira noon. Ang hindi lamang makuha ng bata ay kung bakit nakikita niya lahat ng iyon sa dalawang lalaki, gayong ang mga magulang niya ay isang babae at isang lalaki. “Aba eh, sino itong gwapong binata na napadpad sa aking bakuran?” Gising na pala ang matanda at nakangiti na nakatingin sa kaniya. Tinuro ng bata ang litrato na hawak nito. “Lolo, sino po sila?” Natigilan naman ang matanda sa narinig at sinundan ang tinuturo niya. Natawa ito nang makita na ang ibig niyang sabihin ay ang dalawang lalaki sa litrato. “Gusto mo ba silang makilala?” tanong nito na tinanguan niya. “Halika, ikukwento ko sa iyo ang pag-iibigan na hanggang ngayon ay nabubuhay pa rin sa kasalukuyan.” Lumapit siya sa matanda at hinayaan siya nitong maupo katabi nito. Umihip ang hangin sa paligid at maririnig ang pagsayaw ng mga dahon sa mga nagtatayugang puno. Maaliwalas ang paligid at kumikislap sa sinag ng araw ang mga mata ng matanda. “Sisimulan natin ang kwento sa isang bahay-ampunan kung saan hindi maaliwalas ang panahon kagaya ngayon…” Sa sinabi ng matanda ay tila biglang dinala ang bata sa isang eksena kung saan makikita ang makulimlim na kalangitan. May isang batang madungis ang sinalubong ng mga madre sa isang bahay-ampunan. Ang mga mata ng batang iyon ay tinakasan na ng pag-asa kagaya ng mga bata sa likuran ng mga madre. Ang batang iyon ay nagngangalang Sancho Dominguez.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD