KABANATA 2

1362 Words
KABANATA 2 Akala ni Sancho ay titigilan na siya ng makulit na batang iyon, hindi niya alam kung bakit mas nagpursige pa ito na araw-araw siyang lapitan at kausapin. “Si Sancho po ang gusto kong partner!” sigaw nito habang hila-hila siya. “Ano ba! Bitawan mo nga ako!” Pilit siyang kumakawala rito. Kapag sasapit kasi ang hapon ay nagpalalaro lagi ang mga madre sa mga bata. Ni isang beses ay hindi siya sumali sa mga laro, pero ngayon ay may makulit na nangalaladkad sa kaniya. Sa sobrang inis ay buong pwersa niya itong tinulak dahilan para mapasalampak ito sa lupa. Taas baba ang kaniyang didbib sa labis na inis at huli na siyang napasinghap sa gulat. Mabilis siyang napatingin sa paligid at kinabahan sa mga titig nila. Kinabahan siya dahil baka makaladkad siya paalis sa ampunan. “Lui! Sancho!” Lumapit ang isang madre sa kanila. Ang ibang bata naman ay mabilis na tinulungan si Lui patayo. Naitago niya sa kaniyang likuran ang nanginginig niyang mga kamay. Hindi niya naman sinasadya, sadyang ito lang ang makulit. “H-Hindi ko po –” “Sumusobra ka na talaga! Bakit kailangan mong itulak si Lui?” ang isang bata. Umurong ang kaniyang dila. Napatingala siya sa mga madre na napailing. Mapalalayas kaya siya? Iyon ang nasa isipan niya ng mga oras na iyon. “Wala siyang kasalanan!” si Lui. “Pasensiya na, Sancho. Pinilit kita kahit ayaw mo.” Sikreto niya itong sinamaan ng tingin. Pakiramdam niya ay sinabi nito iyon para mas lalo siyang maging masama sa mga mata nila. Naiinis siya sa ngiti nito, lalo pa at mas kumampi ang mga ito rito dahil doon. Naninibugho siyang nag-iwas ng tingin. “O siya, tama na, tama na,” ang madre. “Huwag mo na kasing pinipilit itong si Sancho, Lui. Ikaw rin, Sancho. Mag-sorry ka kay Lui.” Gulat siyang napatingin sa madre. Hindi siya makapaniwala! Pero kung hindi niya gagawin, baka mapalayas na talaga siya. “P-Pasensiya na,” labas sa ilong niyang sabi. Naningkit lamang ang mga mata niya nang matamis na ngumiti sa kaniya si Lui. Ayaw niya talaga sa ngiti nito. Mas lumayo nga ang loob ng mga bata sa kaniya dahil doon. Pero ang makulit ay para pa ring tuko na kumakapit sa kaniya. Sa labis na pagkapuno ay nagpasiya si Sancho na sakiyan ito. Kung bait-baitan ang nais nito’y ibibigay niya rito. “Sige. Gusto mo bang mamasyal kasama ako? Tayong dalawa lang kung gusto mo talaga akong maging kaibigan,” seryoso at mariing tugon niya kay Lui. Natahimik ang buong kusina ng ampunan. May iba na napatigil sa pagkain at mayroon pang naihulog ang hawak na kutsara. Gulat na gulat ang kaniyang kaharap. Nanlalaki ang mga mata at hulog ang panga. Umiwas siya ng tingin para maiwasan ang matawa. “Nananaginip ba ako?” Kinurot nito ang sariling pisngi. “Gising na gising ka,” walang gana niyang sabi. Malakas nitong hinampas ang lamesa kung nasaan sila dahilan para muntik na siyang mabulunan sa gulat. Masamang tinignan ni Sancho si Lui pero nilapit lamang nito ang masaya nitong mukha sa kaniya. Hinawakan pa ng mga kamay nito ang mga kamay niya. “Talaga? Magkaibigan na tayo?” Matagal siyang tumitig sa masaya nitong mukha. May kung anong kiliti iyong dinulot sa puso niya. Bumuntong hininga siya at binigyan ito ng tipid na ngiti. “Oo nga.” “Yes!” Hindi ito natigil sa pagsasabi sa mga kasamahan nila na magkaibigan na sila. Maging sa mga madre ay binida nito iyon at anito pa ay siya mismo ang nagsabi noon. Hinayaan na lamang niya ito at hinahabi na niya ang plano niya para kay Lui. Pambawi niya sa pangungulit nito rito at maiparamdam dito na ayaw niya ito. Isang masukal na lugar sa likod ng ampunan ang narinig niyang pinag-uusapan ng mga madre kamakailan. Base sa narinig niya ay nakatatakot daw roon, pero isang malaking puno raw ang makikita sa dulo noon at tuwing gabi ay pinapaganda ng mga alitaptap. Iyon ang ideya na nabuo sa kaniyang utak para bahagyang takutin si Lui. Dadalhin niya ito roon at iiwang mag-isa. Bahala na itong umuwi pagkatapos at tiyak sa galit nito ay titigilan na siya nito. “S-Sancho, baka mapagalitan tayo nila Sister na pumunta tayo rito na hindi nagpapaalam,” kabado nitong ani habang nakasunod sa kaniya. Lumabas ang ngisi sa labi niya sa narinig. Ala-sais ng gabi, sakto lang ang dilim. Inaya niya ang kaniyang kaibigan at masigla naman itong sumama sa kaniya. Akala nito ay sa labasan lamang ng ampunan sila pupunta, hindi nito inakala na dadalhin niya ito sa masukal na likod ng ampunan. “Babalik naman tayo ng tahimik gaya ng pag-alis natin. Nais kong makita ang malaking puno at mga alitaptap. Nais ko rin na ipakita iyon sa iyo.” Pero siyempre, hindi sinsero iyon. Napamaang lamang si Sancho nang maramdaman ang isang kamay na humawak sa kaniyang kamay. Tila isang kuryente ang naramdaman niyang dumaloy mula roon hanggang sa kaniyang tiyan. Nakita niya ang matamis na ngiti sa mukha ni Lui habang nakatingin sa kaniya. “Talaga? Ang saya-saya ko. Salamat, Sancho!” Matagal siyang napatitig sa mukha nitong iyon. Ibang-iba ang ngiting iyon sa mga ngiti na mayroon ito palagi. Kakaiba na nagpabilis sa t***k ng puso niya. Tumikhim siya at nag-iwas ng tingin. Kinse minutos din ang tagal ng kanilang nilakad bago nila natagpuan ang puno. Sa dilim ng gabi ay pinapaliwanag iyon nga mga alitaptap. Hindi nila maiwasang mamangha, pero naalala niya kaagad ang pakay niya sa gabing iyon. Binitawan niya ang kamay ni Lui na noo’y manghang-mangha pa rin. Binantayan niya ang bawat galaw nito at kapag malingat ito ay saka niya ito iiwan. “Sancho ang ganda! Next time dalhin din natin silang lahat dito. Ikukwento ko ito pagbalik natin!” Kung maikukuwento mo pa. Tignan natin. “Hm,” tugon niya habang hindi na mawala ang ngisi sa kaniyang mga labi. Nang sandali na lumapit ito sa puno at nasa likuran lamang siya nito, tiniyak niya na hindi muna ito lilingon. Nang makita na nalunod na ito sa kahahabol at katitingala sa mga alitaptap, saka siya umatras pagkatapos ay kumaripas nang takbo paalis doon. Ni hindi siya lumingon, dire-diretso siya hanggang makabalik sa ampunan. Nang mag-isa. Pagbalik niya ay naghahanda na ang lahat sa hapunan. Sa gulo at dami nila minsan ay hindi na rin napapansin kung sakto ba sila o kulang. Nagsimula lamang siyang maalarma noong malapit na ang tulugan at wala pa ring bumabalik na Lui. “Headcount!” sigaw ng head ng mga madre. Napalunok si Sancho at tumingin sa bungad ng ampunan. Hinalughog din niya ang kaniyang mga mata at walang bakas ni Lui siyang nakita. Imposible namang hindi niya alam ang daan pabalik? Naisip niya sa kaniyang sarili. “Oh? Bakit kulang kayo? Nasaan si Lui?” pansin ng madre. Nagsimulang mag-ingay at maghanap ang lahat. Pinatignan din nila ang kwarto nito at walang Lui. Napayuko siya nang tignan siya ng nagdududang tingin ng iba. Kinalma niya ang sarili at umakto na tila walang pakialam kagaya ng nakasanayan. Pinapasalamat lamang ni Sancho noon na walang nakakita na sila ang huling magkasama. “Alas-onse na, nasaan ba iyon? Magpabaranggay na ba tayo?” Napalunok siya sa narinig. “Baka kung saan na naman napadpad iyon, Sister. Wala pa namang sense of direction iyon!” ang isang bata dahilan ng pag-iingay. “Diyos ko, wala naman sanang kumuha sa batang iyon.” Unti-unti ay nagsimula siyang kabahan. Kagat ang kaniyang labi ay nagsimula si Sancho na tubuan ng alala lalo pa at mahina pala ito sa direksiyon. Hindi niya naman iyon alam. Sa gitna ng kumosiyon, walang ano-ano ay bumuhos ang malakas na ulan kasunod ng malakas ding kulog at pagkidlat. Nahintakutan ang iba sa kidlat lalo na sa kulog. Lumipad kaagad ang isip ni Sancho kay Lui na pinahanap na ng mga madre. “Naku… Si Lui pa naman ang pinakatakot sa atin sa ganito. Minsan ay nahihimatay pa iyon sa takot sa kulog at kidlat. Nasaan na kaya siya?” dinig niya ang mahinang sabi ng katabi niyang bata kausap ang isa. Doon na siya labis na kinabahan. Baon ang konsiyensiya ay mabilis na tumakbo si Sancho palabas ng ampunan. Sinuong niya ang malakas na ulan, hindi alintana ang kulog at kidlat mabalikan lamang si Lui.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD