KABANATA 3

1047 Words
KABANATA 3 Humahalo ang pawis sa tubig-ulan, halo rin ang kaba at konsiyensiya kay Sancho. Ang normal na kinse minutos na lakad patungo sa lugar na pinuntahan nila kanina ay katuwa na halos naging limang minutos na lamang. Pagkarating ay hapo niyang naitukod ang mga kamay sa magkabila niyang tuhod, hinahabol ang sariling hininga. Hindi naman siya takot sa kulog o kidlat kung kaya ay hindi niya rin iyon alintana. “Lui! Lui!” tawag niya rito. Sa malakas na ulan at dilim ng gabi ay nahihirapan na rin siyang umaninag ng paligid. Maging ang malaking puno na hindi niya alam kung saan na nakapwesto ay hindi na rin niya makita. Pero sa kabila noon ay pilit niya pa ring tinatalasan ang kaniyang paningin maging ang kaniyang pandinig. “Lui! Sumagot ka! Si Sancho ito!” Ngunit kahit anong tawag niya ay walang Lui na nasagot sa mga tawag niya. Nagsimulang manubig ang mga mata niya, iniisip ang mga nakakatakot na senariyo na maaring nangyari rito. At kung ganoon nga, mapapatawad pa kaya siya nila? Baka tuluyan na nga siyang mapalayas at baka ibalik pa sa nanay niya! Ayaw niyang mangyari iyon! “LUI!” mas malakas niyang tawag. Lumiwanag ang buong paligid sa biglaang pagdaan ng isang napakalakas na kidlat. Noon ay saktong nadapuan ng paningin niya ang malaking puno at doon nakita ang isang katawan na nakahiga na sa lupa. Walang pag-aalinlangan na tinakbo ni Sancho iyon at nakumpirma nga na si Lui iyon. “L-Lui! Lui!” Yinugyog niya ito. Nakayakap ito sa sariling katawan at nanginginig. Hula ni Sancho ay nahimatay ito sa takot at dala ng lamig ng ulan ay nagsimulang manginig ang payat nitong katawan. Nakita niya nang unti-unti ay bumukas ang mga mata nito. “S-Sancho?” mahina nitong tawag sa pangalan niya. Bahagyang umangat ang isang kamay nito at dumampi sa kaniyang pisngi. Dama niya ang lamig na nanunuot sa kamay nito. Nang makumpirma nga na siya ang tinatawag nito ay nakita niya mismo ang ngiti na sumilay sa mga labi nito nang muli ay kumidlat. “I-Ikaw nga… Bumalik ka. S-Salamat…” Muli itong nawalan ng malay. Nanlaki ang mga mata ni Sancho sa narinig. Naisip niya na hindi kaya ay magdamag lang itong naghintay sa kaniya? Ni hindi manlang nito inisip na iniwan niya ito ng sadya? Na wala siyang balak balikan ito kung hindi lang siya nakonsiyensiya sa mga narinig niya kanina? Pagak siyang natawa. Hinila niya ang katawan nito palapit sa kaniya at binigyan nang mahigpit na yakap. Suko na siya. Nabihag na ni Lui ang puso niya. Pilit niyang iniiwasan iyon sa sarili niya, pero napasuko siya nito. “Bakit ba ang tanga mo?” bulong niya habang yakap ito. Nagsimulang tumila ang ulan at tumahimik ang paligid. Buhat niya si Lui sa kaniyang likuran ay bumalik sila sa ampunan ng magkasama. Sinalubong sila ng mga madre na lubusang nag-alala, naroon na rin ang baranggay na magsisimula na sanang maghanap. Hindi niya pinansin ang mga mata na nakatuon sa kaniya, hindi niya winala ang paningin kay Lui na noo’y nagsimula nang lagnatin. “Maari mo bang sabihin sa amin ang totoo, Sancho?” tanong ng head ng mga madre sa kaniya. Nasa labas sila noon ng kwarto ni Lui. Dinadaluhan ito ng ibang mga madre habang ang ibang mga bata ay pinatulog na dahil ala-una na ng madaling-araw. Sa pagdala pa lang niya kay Lui pauwi kanina, alam niyang nakuha na ng mga madre na may alam siya. Alam niya rin na nakadama ng galit sa kaniya ang mga bata. Sa tingin pa lang nila sa kaniya kanina dala si Lui ay may paninisi na. “H-Hindi ko naman po sinasadya. Balak k-ko lang na… takutin siya. Hindi niya po k-kasi ako tinitigilan,” pag-amin niya. Dinig niyang bumuntong hininga ang madre at hinaplos ang buhok niya. “Ganiyan talaga si Lui, ijo. Ang ayaw niya sa lahat ay may napag-iiwanan na isa. Ayaw niya na may isang hindi belong, dapat lahat magkakaibigan. Importante ang pagkakaibigan at pagmamahalan sa batang iyan sapagkat iyan ang gumagamot sa nangungulila niyang puso.” Ngumiti ang madre, tila may alaalang biglang pumasok sa isipan. Nagsimula siyang makinig dito. Nais niyang makilala pa si Lui na hindi niya nagawang gawin, kung kaya nagawan niya ito ng hindi maganda. “Sanggol pa lang si Lui ay narito na iyan sa ampunan. Isa siya sa mga pinakaunang bata rito. Iniwan lamang siya sa harap ng ampunan, hindi namin alam kung sino ang mga magulang niya at aniya ay ayaw na rin daw niyang malaman. Lumaki siyang masiyahin, palakaibigan. Tuwang-tuwa kami sa batang iyan.” Masayang kuwento ng madre. “Ngunit ang mga tinuring niyang mga ate at kuya, isa-isa nang lumaki at sumama sa mga gustong umampon sa kanila. Labis na nalungkot si Lui noon, pakiramdam niya ay iniiwan na naman siya. Kung kaya kapag may bagong bata rito ay nais niyang maging kalapit lahat. Ganoon niya pinoprotektahan ang puso niya sa sakit, Sancho. Kung kaya mahanap mo rin sana sa puso mo na kaibiganin si Lui. Makatutulong din iyan sa iyo, hindi ka nag-iisa, ijo. Hindi lang si Lui, narito rin kaming mga madre para sa iyo maging ang ibang mga bata na kasama niyo.” Hindi na napigilan pa ni Sancho ang sariling damdamin at yumakap sa madre. Humagulhol siya ng iyak. Nilabas niya lahat ng bigat na nagpagaan sa kaniyang dinadala. Kinalimutan niya ang takot at hinayaan ang sarili na magtiwala sa kanila. Ang pag-aruga at pagmamahal na matagal na niyang gustong maramdaman ay unti-unti na niyang nakukuha. Pakiramdam niya ay noon lamang tumibok nang payapa ang kaniyang puso. Umusbong ang kakaibang saya sa sistema niya. At dahil lahat iyon kay Lui; ang taong hindi sumuko sa kaniya kahit pa ilang beses na niya itong inayawan. Hindi siya umalis sa tabi ni Lui noon. Kahit pinagpapahinga na siya ng ibang madre ay sinabihan ang mga ito ng head na hayaan na lamang siya. Hindi siya natulog, nanatili lamang siyang nakatingin sa payapang natutulog na si Lui. Nais niya na sa pagmulat ng mga mata nito ay siya kaagad ang makita nito at sa ganoon ay sinsero na niyang sasabihin na magkaibigan na silang dalawa. Simula noon ay pinangako ni Sancho sa kaniyang sarili na hinding-hindi siya aalis sa tabi ni Lui.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD