“TINIK talaga sa lalamunan ko ang Sandoval na ’yan,” ngitngit na sambit ni Don Fred, isa sa pinakamayaman sa kanilang lugar.
“Boss, lahat na nga ng paraan ay ginawa na namin pero wala pa rin. Nakalabas na naman sila ng tropa niya,” aniya naman ng isa sa mga tauhan ng Don.
“Huwag kang mag-alala, Damian, dahil marami pang pagkakataon para mailigpit natin ang grupo nila.
Dahan-dahan lang dahil baka makahalata sila. Alam n’yo na, mahirap na,” saad ng Don.
“Iyon na nga, boss. Nagiging mainit na kami sa mata ng mga awtoridad lalo na’t nahuli ni Hepe ang walang-kuwentang mata natin sa loob,” sang-ayon ni Damian na siya namang pagbaba ng unico hijo ng Don.
“Paano kayo hindi magiging mainit sa kanila, eh hindi naman kasi kayo nag-iingat. Pinag-iinitan ninyo ang grupo ng mga pipitsuging Sandoval na ’yon para mapagtakpan ang gawain ninyo pero hindi naman kayo maingat sa paggalaw. Kaliwa’t kanan ang kilos ninyo pero lagi naman kayong bokya. Ang pinag-iinitan ninyo, mayroon na ba kayong nalaman na nabokya sila? Iyan ang pakaisipin at pag-aralan ninyong lahat para may silbi ang lakad ninyo,” sabad nito.
“Senyorito—”
“Oo, alam ko ang whereabouts ninyo, Damian, dahil kahit hindi ninyo ako kasama sa araw-araw ay naka-monitor ako sa inyo. Alam n’yo nang mainit kayo sa mata ng mga awtoridad, sige pa rin kayo nang sige. Aba’y mag-isip din naman kayo ng paraan para mailihis sa inyo ang haka-haka nila; iyon bang hindi sasagi sa isipan nila na kayo ang may gawa,” pagputol nito sa magsasalita sanang si Damian.
“Hayaan mo na silang gawin ang alam nilang tama, anak. Huwag lang darating sa punto na malagay sa panganib ang grupo dahil ngayon pa lang, ako na mismo ang magsasabing magkalimutan na tayo. At hindi lang ’yan, kung ano ang pinasok nila, dapat alam nila ang lalabasan. Kung sa baril sila pumasok, sa baril din sila mamamatay,” makahulugang saad ng don kaya naman hindi na nakatiis na hindi sumabad at magsalita ang ilan pa sa tauhan ng don na nandoon.
“Huwag kayong mag-alala, boss, senyorito, dahil alam namin ang bagay na iyan. Hindi namin ilalagay sa kapahamakan ang ating grupo. Asahan n’yo po iyan,” wika nito.
“Mabuti naman kung gano’n, Alfonso,” nakangiting sambit ng Don.
Pero ang unico hijo ng don ay hindi na umimik. Hindi na rin ito nagsalita at higit sa lahat ay hindi na rin nagpaalam sa ama. Basta na lang itong umalis kasama ang sariling tauhan.
“Huwag n’yo nang pansinin ang anak ko, guys. Ang mahalaga ay ginagawa ninyo ang trabaho n’yo. Basta isaisip ninyo na ayaw na ayaw ko ang lokohan, maliwanag ba?” tanong ng don bagama’t hindi naman ito galit.
“Maliwanag, boss,” sabay-sabay na sagot ng mga ito.
“Very good. Sige na, guys, maaari na kayong umalis. Basta pagbalik at pag-report ninyo ay may good news kayo,” pagtatapos ng Don.
Nagsipagpaalam muna ang mga ito sa kanilang big boss saka umalis. Kung saanman nagtungo ang mga ito ay walang nakaaalam.
*****
SA kabilang banda, nais namang magalit ni Aling Wilma sa mga kapwa tindera sa palengke dahil sa naririnig niya mula sa mga ito. Kesyo raw ganito, kesyo raw ganyan ang anak niya, pero hindi niya iyon pinatulan dahil alam na alam niyang hindi gano’n ang binata niyang anak.
“Alam ninyo, mga kasama, kaysa pag-usapan ninyo ang anak ko, mag-isip na lang kayo ng ibang paraan para makabenta kayo sa mga paninda ninyo. Hindi ako nagsasalita dahil galit ako’t pinag-uusapan ninyo si Phillip, nagsasalita ako dahil iyan ang totoo. Kung anuman ang pinaggagawa nito sa buhay ay wala na kayo doon, ang mahalaga’y wala siyang inaapakan sa inyong lahat. Akong nanay niya, may narinig na ba kayong salita at tsismis na binitiwan ko laban sa inyo? Wala naman, hindi ba? Kaya kung ako sa inyo, ang paninda n’yo na lang ang atupagin n’yo kaysa pag-usapan ang buhay ng may buhay,” pahayag ni Aling Wilma pero ang mata’y nakatutok sa pagpaypay sa panindang isda’t karne para hindi madapuan ng langaw.
“Ang sabihin mo, Aling Wilma, kriminal ang anak mo. Aba’y baka hindi mo alam na nasa kulungan na naman ang binata mo? O talagang nagbubulag-bulagan ka lang sa pinaggagawa niya?” ismid na aniya ng isa ring tindera.
“’Ayan ka na naman, Pacing. Sigurado ka bang kriminal si Phillip? Aba’y walang magulang na gustong maging kriminal ang anak. Tungkol naman sa sinasabi mong nasa kulungan na naman ang anak ko, aba’y kung nagkasala siya’y dapat lang na maparusahan siya. Pero kung hindi, aba’y Pacing naman, kahit ibalik pa nila nang paulit-ulit ang anak ko sa loob ng selda kung wala naman silang napapatunayan, lalabas at lalabas pa rin siya,” mahabang paliwanag ni Aling Wilma.
Akmang sasagot pa sana ang katabi at kapwa tindera nang may nagsalita sa harap ni Aling Wilma.
“Aling Wilma, kumusta po kayo? Aba’y maaga pa lang pero parang ubos na ang paninda mo, ah,” sabi nito.
Abot hanggang tainga ang ngiti ni Aling Wilma nang masilayan at mapagsino ang nagsalita.
Pansamantala niyang nakalimutan ang samot-saring tsismis ng mga kasamahan patungkol sa kanyang anak.
“O ikaw pala, Ma’am She Ann. Okay lang ako, ma’am. Ikaw ba, ma’am, kumusta ka na? Aba’y blooming na blooming ka, ah,” masayang aniya nito.
“Mabuti naman kung gano’n, Aling Wilma. Siyempre naman mas gumaganda tayo kapag laging nakangiti. Pabili ako ng isda at karne.
” As always, when she said a word, a smile on her face was there.
“Aba’y oo naman, ma’am, ikaw pa ba? Nakabukod na ang para sa iyo, ma’am.” Mas maluwag pa ang ngiti nito habang nagsasalita at ang palad ay abala sa paglalagay ng isda at karne sa cellophane.
“Maraming salamat, Aling Wilma. Heto po ang bayad ko,” tugon ng butihing ginang na siya pa talaga ang sumasadya sa kaibigan at suki sa tindahan para personal na mamili ng isda’t karne. Hindi naman sa ayaw niyang bumili sa iba pero bukod sa subok na niya ang paninda ng kaibigan ay palagay na siya rito.
“Walang anuman, Ma’am She Ann—”
Pero hindi pa man natatapos ni Aling Wilma ang pagsasalita ay nagkagulo sa kanilang kinaroroonan. Biglang may humablot sa shoulder bag ni Mrs. Harden.
“Hoy, magnanakaw! Ibalik mo ang bag ng kaibigan ko! Tulong! Tulungan ninyo ako!” sigaw ni Aling Wilma para makahingi ng tulong.
Pagkagaling ng magkakaibigan sa kulungan ay dumeretso sila sa palengke para mamili ng lunch nila sa tahanan ng mag-inang Phillip at Wilma. Pero halos hindi pa sila nakalalapit sa kinaroroonan ng ina ni Phillip ay dinig na dinig na nila ang sigaw nito.
“P’re, si Nanay ’yon, ah,” may pag-aalalang sambit ni Phillip.
“Tara, lapitan natin, ’tol, baka—”
Hindi na natapos ni Leo ang sinasabi dahil mabilis nang lumayo sa kanila ang kaibigan saka lumapit sa ina kaya wala na rin silang nagawa kundi ang sumunod dito.
“Inay, ano’ng nangyari? Bakit ka sumisigaw?” tanong ni Phillip sa ina.
“Anak, bilisan mo! Doon, sa banda do’n nagtungo ang magnanakaw! Dalian mo’t kawawa si Ma’am She Ann,” utos ni Aling Wilma kay Phillip imbes na sagutin ang tanong nito.
Salubong ang kilay ng binata dahil sa narinig. Kutyain na siyang walang matinong trabaho, pabalik-balik sa kulungan, pero kapag ang nanay niya ang sangkot ay ibang usapan na ’yon.
“Mga ’tol, bilisan ninyo! Tara na at bawiin ang bag ng kaibigan ni Inay. Walang ibang gumagawa niyan dito kundi ang hayup na ’yon,” mabilis na aniya ni Phillip sa mga kaibigan.
Hindi na sumagot ang tatlo, bagkus ay mabilis na rin silang tumakbo at tinungo ang lugar kung saan nagtungo ang magnanakaw.
“Ma’am She Ann, pasensiya sa nangyari. Nagkataon pang nandito ka, saka pa may snatcher,” hiyang-hiya namang hinging-paumanhin ni Aling Wilma sa kaibigan saka ito tinulungan na makatayo.
“Okay lang, Aling Wilma. Ang mahalaga’y hindi tayo nasaktan,” tugon ni Mrs. Harden kahit na may panghihinayang dahil may cash ang bag niya’t ilang papeles.
“Pero nakakahiya sa ’yo, ma’am, kasi kung kailan nandito ka ay saka pa nagkagyan. Halika muna dito, ma’am, dito natin hintayin si Phillip. Huwag kang mag-alala dahil sigurado akong mababawi nilang magkakaibigan ang bag mo,” sagot ni Aling Wilma saka binigyang-espasyo ang panauhin.
“Baka mapaano ang anak mo, Aling Wilma. Sana hinayaan mo na lang kaysa naman mapaano siya. Pera lang ’yon, madaling kitain kaysa mapahamak siya,” may pag-aalalang aniya ng ginang habang nakatanaw sa daang tinungo ng magnanakaw at ng magkakaibigan.
Sasagutin pa sana ni Aling Wilma ang suki pero naunahan siya ng nakapuwestong tindera sa harapan niya.
“Naku, misis, huwag kang matakot dahil sanggano ang anak niyang si Wilma. Hindi nila basta-basta matatalo si Phillip. Kilala ’yon dito na hustler sa mga ganyang bagay,” patuyang sabi nito.
Hinarap ito ni Aling Wilma para ipagtanggol sana ang anak pero walang-pakiyemeng pinigil ni Mrs. Harden ang palad ng ginang.
“Huwag mo nang patulan, Aling Wilma. Hayaan mo na siya,” sabi nito.
“Ang sabihin mo, ma’am, lagi na lang nilang pinag-iinitan si Phillip. Hindi man lang niya masita’t makita ang anak niya na daig pa ang anak ko. Naku, ma’am, mamimihasa lang ’yan,’ inis na tugon ni Aling Wilma.
“As long as alam mong walang ginagawang masama ang anak mo, Aling Wilma, wala kang dapat ikabahala’t ikainis. Wala namang magulang ang may gustong mapariwara ang mga anak kaya huwag mo nang patulan ang mga sabi-sabi,” sagot ng ginang. Hindi na sumagot si Aling Wilma dahil naiinis talaga ito sa mga kasamahan niya. Kung ano-ano na lang ang nakikita laban sa anak.
*****
HINDI nahirapan ang magkakaibigan sa pagsunod at paghanap sa pangahas na magnanakaw.
“Wow, bok, mukhang nakadali ka na naman, ah,” dinig nilang sabi ng hindi na nila kailangang alamin kung sino dahil boses pa lang ay kilalang-kilala na nila ito.
“Tsamba lang, bok. Aba’y mukhang mayaman pero nandito sa tindahan ng mga isda’t karne,’ nakangising tugon ng snatcher.
“Baka ’yong suki ni Aling Wilma, bok. Aba’y kapag nagkataon, patay ka diyan,” ani ng lalaking walang pakialam sa mundo na nakade-kuwatro pa sabay buga ng usok galing sa bibig.
“Eh, ano naman kung suki ng matandang ’yon ang nadukutan ko? Aba’y pakialam ko doon,” patuyang ismid nito na abala sa pagkalkal sa laman ng bag na nahablot. Konti man ang laman nito pero para sa mga mahihirap ay malaking halaga na ang sampung libo at isang latest brand ng iPhone.
“Ul*l! Hindi sa matanda ka dapat makialam, gag*. Hindi mo ba alam na nanay ’yon ni Sandoval—”
Hindi na nito natapos ang sina dahil hindi na rin napigilan ng magkakaibigan si Phillip.
“Akin na ang bag na ’yan kung gusto mo pang mabuhay.” Malamig pa sa yelo na akala mo’y galing sa ilalim ng lupa ang boses ni Phillip.
“Aba’y sino ka para pakialaman ako?” sagot nito na hindi man lang nilingon ang pinagmulan ng boses. Hindi na rin nito napansin ang babala ng kausap.
“P’re, huwag—”
Huli na para pigilin nina Leo, Joe, at Arnold ang kaibigan dahil bumalandra na sa sementong pader ang pobreng snatcher samantalang nahihintakutang tumayo at tumabi ang kausap nito.
“Kutyain na ninyo akong lahat! Sabihin n’yo na ang gusto ninyo, kahit hamunin ninyo ako sa suntukan, hindi ko kayo uurungan kahit ako lang mag-isa. Pero kapag ang nanay ko ang ginalaw ninyong mga p*t*ngina kayo, lintik lang ang walang ganti! Hindi ako Diyos para katakutan ninyo pero ito ang itatak ninyo sa kapiranggot ninyong utak kung may utak nga ba kayo. Kahit saan man kayo magtagong mga hayup kayo, hahanapin ko pa rin kayo! Akin na ang bag kung gusto mo pang makita ang liwanag!” galit na sabi ni Phillip sabay bawi sa bag.
Minsan lang niya itong sinipa’t sinuntok pero daig pa nito ang nabugbog dahil sa pagkakabalandra sa sementadong pader. Pagkakuha niya sa bag ay bumaling na siya sa mga kaibigan; those who knew him inside out and who understand him during bad times and good times.
“Kayo na muna ang bahala sa hayup na ’yan, baka matuluyan ko pa. Mauna na ako doon sa puwesto ni Nanay, nakakahiya sa customer niya,” he said furiously.
“Sige lang, pare, nang mabalatan din namin ang magnanakaw na ’to,” nakangising sagot ni Arnold.
Tumango na lamang ang binata saka tumalikod at tinahak ang daan patungo sa kinaroroonan ng ina. Kahit mahirap silang mag-ina ay marangal pa naman ang kanilang ikinabubuhay kaya’t walang karapatan ang kahit sinuman na bastusin sila.
Nadatnan niyang masayang nag-uusap ang nanay niya at ang ginang na may-ari ng bag kaya naman hindi na siya nagdalawang-isip at agad siyang nagwika.
“Ma’am, sorry po kung muntik na kayong mawalan ng bag. Huwag po kayong mag-alala dahil wala pong bawas iyan. Pasensiya na po talaga sa nangyaring aberya,” hinging-paumanhin niya sa ginang.
“Maraming salamat, hijo. Sana hinayaan n’yo na lang ng mga kaibigan mo tutal konting halaga lang ’yan. Anyway, maraming-maraming salamat sa ’yo at sa mga kaibigan mo,” tugon ni Mrs. Harden.
“Walang anuman po, ma’am, at hindi puwedeng hayaan na lamang ’yon dahil mamimihasa sila,” sagot ng binata.
“Heto na, Aling Wilma, ang bayad ko sa karne’t isda,” ani Mrs. Harden kay Aling Wilma sabay abot sa perang pambayad saka muling bumaling sa binata.
“Hijo, sana ipagpatuloy ninyo ng mga kaibigan mo ang kabutihang-loob ninyo. Pakisabi na rin sa kanila na maraming salamat. Mauna na ako sa inyo dahil sigurado akong naghihintay na ang driver namin diyan sa parking area.”
Iniabot muna ni Aling Wilma ang sukli sa suki na ayaw naman nitong tanggapin. Hindi siya pumayag na keep the change na kahit tinulungan ng anak niya ang ginang, baka akalain pa nito na nagpapabayad sila.
“Anak, ihatid mo muna si Ma’am She Ann sa sasakyan niya, baka may makasalubong na naman siya diyan na masamang-loob,” bilin nito sa binata.
“Ma’am, mag-ingat kayo sa daan,” sabi naman niya sa ginang.
“Salamat, Aling Wilma. Sige, mauna na ako,” muli ay paalam nito.
Ngiti at tango na lamang ang isinagot ni Aling Wilma saka muling sinabihan ang binata na samahan ito hanggang sa parking area.
Ilang sandali pa ay masayang nagkukuwentuhan ang ginang at si Phillip habang tinatahak ang daan patungo sa sasakyan ng una.