CHAPTER FOUR

2182 Words
SA kagustuhang makalaya ang kinakapatid ay ginawa lahat ni Princess Ann ang lahat. Kahit nasa trabaho ay kumikilos pa rin siya para sa pag-iimbestiga at pangangalap ng ebidensiya na inosente ito. She’s so busy when her personal mobile rang but the number was unknown to her. Sa pagsagot niya ay napakuyom siya nang narinig ang tinuran ng nasa kabilang linya. “Ikaw na ang kasunod, Attorney Harden,” wika ng nasa kabilang linya. “Who are you?” kuyom ang palad na balik-tanong nito. Wala siyang nakuhang sagot kundi nakalolokong tawa ng nasa kabilang linya. “Ang sabi ko, sino ka? Bakit mo ako pinagbabantaan?” tanong ng dalaga. “Ang mga kagaya mong pakialamera sa buhay ang dapat mawala sa mundo. Ikaw na ang kasunod, Attorney Harden,” malamig pa sa yelong sagot ng nasa kabilang linya saka tuluyang nawala. Tuloy ay naibato ng dalaga ang hawak na cell phone at lumikha iyon ng ingay. “Hayup ka kung sino ka mang hinayupak kang nagbabanta sa buhay ko. I’ll make sure na hinding-hindi ka magtatagumpay. Hindi ako ang uri ng tao na basta na lamang natatakot,” ngitngit na sambit ni Princess Ann. Pupulutin na sana niya ang ibinato niyang cell phone nang may Herodes na kumatok sa pinto ng opisina niya. “Who’s that?” tanong niya na hindi man lang nag-abalang tingnan kung sino ang nasa labas. “Ma’am Princess, ako po ito. Okay lang po ba kayo diyan?” ani ng nasa labas na walang iba kundi ang sekretarya ng dalaga. “Thank you for asking, Mary, I’m fine,” tugon ni Princess. Hangga’t maaari ay ayaw niyang ipaalam sa iba ang mga bagay-bagay na wala pang kasiguraduhan. “Okay po, ma’am,” sagot nito. Dinig pa ng dalaga ang yabag nito palayo hanggang sa mawala ito nang tuluyan. Hindi na siya nakapag-consentrate sa pagtratrabaho dahil sa Herodes na caller niya na mas ikinabuwisit niya. ‘Sino kaya ang hayup na ’yon? Kung kailan handa na ang next hearing—' Muling naputol ang pagmumuni-muni niya dahil muling tumunog ang hawak niyang cell phone. Kamuntikan pa niya itong mabitiwan dahil sa gulat pero agad din siyang napaupo nang tuwid nang napagtanto kung sino ang caller. “Hello, ninong, napatawag ka? Ano? Paano nangyari ’yon? Anak ng! Okay po, ninong, darating ako,” sunod-sunod na sabi ni Princess. Tuloy ay hindi niya alam kung ano ang una niyang gagawin. In a day, dalawang pangyayari ang dumating sa buhay niya. Una, may nagbanta sa buhay niya. Pangalawa, agaw-buhay na ang kanyang kliyente na kinakapatid niya. Labis siyang nagtataka kung paano nangyari iyon samantalang nakabukod ito sa kulungan. “Wait, hindi kaya inside job ang nangyari? Nakakapagtaka lang kasi kung paano nangyari iyon . . . Hindi kaya may kinalaman ito sa nagbanta— Anak ng put*,” Kuyom ang kamao na bulong ng dalaga. Hindi na siya nagsayang ng oras. Agad niyang iniligpit ang mga gamit niya na nasa ibabaw ng lamesa at isinara ang drawers na naglalaman ng files. She needs to know the truth! Ilang sandali pa lamang ay maingat at tahimik siyang nagtungo sa ospital kung saan naka-confine ang kinakapatid niyang si Marco. ***** SIMULA nang nahuli ang kanilang asset sa presinto ay naging mas maingat na ang grupo ni Don Fred. “Huwag na huwag kayong magpabaya sa trabaho ninyo, alam n’yo namang hindi natin alam kung hanggang saan ang buhay ng mga hayup na ’yan. Maging maingat kayo sa bawat lakad. Nauunawaan n’yo ba ako?” “Yes, boss. Nga pala, boss may, good news kami—” “Anong good news ’yan, aber?” supla ng unico hijo ng Don. “Senyorito, boss, ang anak ni Hepe, patay na—” Muli ay naputol ang pagsasalita ni Damian dahil sa mala-kulog na boses ng Don. “Bakit ninyo pinatay?! May sinabi ba ako sa inyo na patayin ninyo ang taong ’yon, ha?! Kayo kaya ang patayin ko ngayon din?! Hindi n’yo ba alam na ang anak ni Hepe ang magiging alas sana natin? Pero dahil sa kapalpakan ninyo’y nawala nang parang bula ang plano ko!” malakas na sigaw ng Don, dahilan para matahimik ang lahat kahit ang anak nito. “B-Boss—” “Umalis kayong lahat sa harapan ko kung ayaw ninyong ora mismo’y isunod ko kayong lahat sa anak ni Hepe!” galit pa rin nitong saad. Imbes na salubungin ang galit ng kanilang big boss ay mas pinili ng mga ito na sundin ang nais nito. Iniwan nila itong galit na galit. **** “HON, ano bang sumpa mayroon ang buhay ko? Bakit lagi na lamang namamatay ang dinadala ko?” umiiyak na tanong ni Aileen sa asawa. “No, don’t say that, hon, dahil buhay na buhay ang panganay natin. Even if our two babies died consecutively, it doesn’t mean na mawawala na silang lahat. Let’s pray na sa mga susunod mong pagbubuntis ay mabubuhay na,” emosyonal na ring sagot ni Andrew. Sa ilang taon nilang pagsasama, masasabi na rin nilang marami nang pagsubok ang kanilang pinagdaanan. Una namatay ang ama ni Aileen dahil sa road accident. Nang mga panahong iyon ay dinadala na nito ang una sana nilang supling pero dahil sa stress, idagdag pang mahina ang kapit ng bata ay nawala ito. Masakit man pero step by step ay natutuhan nilang tanggapin ang sabayang pagkawala ng dalawang tao na mahalaga sa buhay nila. Pangalawa, plane crash naman ang kinaharap nilang magkakapamilya nang nagbakasyon sila sa London kung saan nandoon ang ilang negosyo ni Don Gustavo. Ang plane crash ay kumitil sa buhay ng don dahil isinangga nito ang sarili sa manugang na buntis upang mailigtas ito. Namatay ang don pero nabuhay ang bata at kasalukuyang nasa unang baitang na sa elementarya. Pero hindi lang iyon, nakadalawang miscarriage pa si Aileen bago ang kinaharap nilang pagsubok sa buhay. “Napakalupit ng mundo, hon. Hindi ko alam kung ano ang kasalanan natin at ganito na lang tayo kung parusahan,” umiiyak na sambit ni Aileen. “Hon, malalampasan din natin ang lahat ng ito,” tugon ni Andrew pero ang mata ay hilam na ng luha dahil muli na namang nawala ang pangalawa sana nilang anak. Malupit nga ang mundo para sa kanila pero masuwerte pa rin sila dahil may anak silang buhay. Sa paglipas ng taon ay muling nagbuntis si Aileen hanggang sa naging dalawa ang kanilang anak. Napagdesisyunan nilang mag-asawa na makontento na lang sa mga ito. **** “PHILLIP anak, halika nga dito,” tawag ni Aling Wilma sa binata na hindi matukoy kung ano na naman ang pinagkakaabalahan sa likod ng bahay nila. “Nandiyan na po, Inay,” tugon naman ni Phillip na may pagmamadali ang kilos. Ayaw na ayaw niya ang pinaghihintay niya ang nanay niya kaya kahit may ginagawa siya, kung tinatawag siya nito ay isinasantabi ang ginagawa. Dahil dingding lang naman ang pagitan ay naging mabilis lang ang pagpasok niya sa maliit nilang sala, ang bahagi ng bahay nila na nakapagitan sa kuwarto nilang mag-ina. “Ay, Inay naman, ano ba’ng ginagawa mo diyan? Bakit hindi ka na lang nagsabi at ako ang gumawa?” may pag-aalalang wika ni Phillip nang makita ang ina na hawak-hawak ang paa sa may tabi ng lababo o mas tamang sabihin na nakasalampak ito sa sahig habang hawak ang paang nasaktan. “Gusto mo yatang makurot, Phillip? Aba’y paano kita mauutusan sa araw, eh lagi kang tulog na ewan kung saan kayo laging gumagala ng mga kaibigan mo sa gabi,” wika ng ginang. Para namang may kung ano’ng kumurot sa damdamin ng binata dahil sa tinuran ng ina. Wala silang ginagawang masama kahit gabi-gabi silang nasa labas pero hindi pa rin niya maiwasang makonsensiya sa lagi niyang pag-iwan sa mahal niyang ina lalo sa gabing mas kailangan siya nito. “Ikaw naman, Inay, alam mo namang kahit ano’ng ginagawa ko, basta ikaw. ’Ayan tuloy, nabagsakan na ang paa mo. Halika’t dadalhin kita sa ospital at baka mapaano ka pa.” Banaag sa tinig niya ang hindi matatawarang pag-aalala. “Heh! Tumigil ka nga diyang bata ka! Para nabagsakan lang, eh. Saka aba’y saan ka kukuha ng pampaospital sa akin, aber?” Nakangiwi na nga ito dahil sa sakit dulot ng pagkabagsak ng semento sa paa ay nagawa pa nitong isipin ang pera. “Pambihira ka naman, inay, iyan pa ang iniisip mo. Of course, mayroon ako basta para sa ’yo, Inay. May pinaglalaanan ako ng pera at ikaw iyon, Inay.” Hindi niya malaman kung matatawa o ano sa ina. Inalalayan din niya itong makaupo nang maayos sa upuan. “Huwag na, anak. Bilhan mo na lang ako ng gamot sa parmasya. Huwag na naman kung saan-saan ka magsususuot, pagkabili mo’y uwi ka kaagad,” tugon ni Aling Wilma. “O siya, kung ayaw mong magpadala sa ospital. Sa susunod kasi, kapag may mga sira dito sa bahay na hindi ko nalalaman, paluin mo na lang ako para malaman ko kaysa naman ganyan na ikaw ang nasasaktan. Ang lababong ’yan, ako na lang ang gagawa mamayang pagbalik ko,” sabi na lang ng binata saka kinuha ang wallet niya sa kanyang kuwarto. Pagkaalis naman ng anak ay pinilit ni Aling Wilma na makatayo. Ayaw rin naman niyang maging pabigat sa anak niya kaya kahit masakit ang paa niya’y inunti-unti siyang naglakad habang nakahawak sa dingding hanggang sa nakarating siya sa kuwarto niya. “Hay, kung minamalas nga naman ang tao, oo. Ano ba ’tong nangyayari sa mundo, kamuntikan pa kaming madali ni Ma’am She Ann noong isang araw ’tapos ngayon halos mapilay naman ako. Paano ako makakahanapbuhay nito?” bulong nito sa sarili saka dahan-dahang naupo sa higaan niya. Sa kanyang pag-upo ay nasulyapan niya sa lamesa ang larawan nilang mag-ina. “Ang anak ko, kailanman ay hindi ako pinabayaan. Huwag lang sanang dumating ang panahon na kinatatakutan ko dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kapag nangyari ’yon,” muli ay bulong nito saka umusog at inabot ang larawan nilang mag-ina nang maglabingwalo ito. “Huwag na tayong maghanda, Inay. Aba’y ang ipapambili natin ng handa eh ikain na lang sa natin sa kantina ni Aling Mila, mabubusog pa tayo nang husto. Saka naku, huwag mo nang alalahanin ang mga kumag kong kaibigan, may pagkain ang mga ’yon sa kani-kanilang bahay,” parang sirang plaka na umalingawngaw sa isipan ng ginang ang sinabing iyon ng binata noong kinausap niya ito na maghanda sila noong sumapit ang ikalabingwalo nitong kaarawan. Hindi niya napigilan ang mapangiti habang nakatitig sa hawak na frame. “Ang bilis talaga ng panahon, anak. Parang kailan lang nang dumating ka sa buhay ko nang hindi ko inaasahan. Hindi ko pinagsisisihan ang lahat kahit na minsan ay para tayong mga bata kung magturingan. Sabi nga nila, para-paraan lang ’yan at iyon ang paraan ko kung paano kita palakihin,” nakangiti niyang sabi. Ibinalik muna niya ang hawak na frame sa dating lagayan nito saka dahan-dahang nahiga para mai-straight ang paa. Sa kanyang paghiga’y parang tukso namang muling rumagasa ang lahat sa kanya kung paano dumating sa buhay niya si Phillip. **** ON his way to the pharmacy, hindi niya alam na may mga matang nakamatyag sa bawat kilos niya. Ilang minuto pa naman ang dapat niyang lakarin para marating ang pharmacy. Sa nakamulatan niyang buhay, hindi na bago sa kanya ang gano’ng sitwasyon. Kumbaga sa isang hayop, naging alerto na siya sa lahat ng oras lalo’t madalas siyang nasa labas tuwing gabi. “Hmm . . . Tingnan natin ngayon kung hindi rin kayo ang mahuhulog sa sarili ninyong bitag, mga hayup,” ngitngit na bulong ng binata. Lumaki siya sa magulong siyudad ng Baguio City na dinaig na yata ang siyudad ng Maynila sa trapiko. Hinding-hindi na siya maloloko ng mga ito dahil alam na alam niya ang pasikot-sikot saanmang sulok ng Baguio. “Pre, nasaan na ’yon? Aba’y para namang may extension ang pang-amoy n’on,” sabi ng isang lalaki sa kasama. “Sabi ko naman kasi sa ’yong kung anuman ang nasa isip mo’y huwag mo nang ituloy, eh,” aniya naman ng isa. “Kung ikaw lang ang lumipad nang wala sa oras, masasabi mo pa kayang huwag nang ituloy ang balak? Aba’y hanggang ngayon ramdam ko ang sakit ng katawan ko, ah. Kung alam mo lang kung gaano kahalaga sana sa akin ang nilalaman ng bag na ’yon, aba’y bongga sana. Pero huwag siyang pakasigurado dahil lintik lang ang walang ganti,” ngitngit nitong tugon. Kaya naman hindi na nagdalawang-isip ang binata, alam niyang siya ang tinutukoy ng dalawang nasa harapan niya na lingid sa mga ito. “Ako ba ang hinahanap ninyo, mga ’tol?” tanong niya sa maangas na paraan. Nakapamulsa pa talaga. Well, gano’n naman talaga siya kahit sino pang Poncio Pilato ang makalaban niya. Biglang lingon naman ang dalawa saka maangas ding sumagot. “Pwe! Akala mo naman kung sino kang hayup ka. Tsk! Mayabang ka lang dahil may kasama ka no’ng araw na ’yon,” sagot ng lalaki saka binalingan ang kasama. Without a word, biglang inilabas ng dalawang lalaki ang mga armas at sinalakay ang binata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD