“NANDITO ka na naman, Sandoval? Aba’y hindi na yata nakokompleto ang linggo mo nang hindi ka bumabalik dito, ah?” sita ng hepe nang mamukhaan ang dala-dala ng mga tauhan.
“Ilang ulit n’yo man akong ibalik dito sa kulungan, gano’n din ako; paulit-ulit na lalabas dahil wala naman kayong napapatunayan na kasalanan ko,” ismid na sagot ng binata.
“Bastos mo namang lalaki ka. Ikaw na nga ang suspect, ikaw pa ang bastos. Hala lakad, hindi ka na nagtanda!” inis na sagot ng pulis na umaresto sa binata.
“Pakialam ko! Bastos na kung bastos! Lagi kayong nang-aaresto nang wala naman kayong napapatunayan,” pang-aasar pa ng binata.
Totoo naman kasing basta na lamang siyang hinuli ng mga pulis samantalang ang ganda ng panaginip niya, pero dahil sa mga walang-hiyang distorbo ay heto na naman siya sa kulungan.
“Tama na ’yan, Phillip, Sarhento. Maupo ka muna, Phillip, nang makunan ka namin ng statement,” paggitna ng hepe sa dalawa.
Padaskol namang hinila ni Phillip ang mono bloc chair. Sa sulok ng kanyang mga mata ay nahagip niya ang paa ng kinaiinisang pulis kaya naman lihim siyang napangiti dahil kahit sa maliit na paraan ay makagaganti siya. Bago niya inupuan ang hinilang upuan ay tinantiya niya ito.
“Ahhh! Hayup ka talagang Sandoval ka! Tumayo ka diyan! Aaah!” daing ng sarhento dahil ang upuan ay tumama sa paa nito, idagdag pang inupuan ito ng binata.
Lihim na napangiti ang binata pero imbes na patulan ang patutungayaw nito ay kibit-balikat lamang niyag inayos ang upuan na mas ikinainis ng sarhento.
“Kapag ako ang napuno sa ’yong Sandoval ka, ako ang magdedemanda sa ’yo—”
“Eh ’di magdemanda ka kahit ngayon na,” ismid na sagot ng binata saka hinarap ang hepe.
“Chief, pahiram ng landline ninyo nang matawagan ko si Inay. Siguradong nag-aalala na ’yon sa akin,” walang pakiyemeng aniya ng binata sa hepe.
“Later, Sandoval, dahil may itatanong pa kami sa iyo,” sagot ng hepe. Kilala naman nila ang binata pero ang hindi nila maunawaan ay lagi itong nasasangkot sa mga krimeng nangyayari sa paligid nila, kahit pa sabihing wala silang napatutunayan pero ito talaga ang mainit sa mata nilang mga awtoridad.
“Okay, Chief, go ahead. Huwag kayong magpatumpik-tumpik dahil higit sa lahat ay ayaw na ayaw kong nag-aalala si Inay,” sagot ng binata na halatang inis na inis.
“Ano’ng kinalaman ninyong magkakaibigan sa nangyaring krimen kagabi, Phillip?” deretsahang tanong ng hepe.
Sa narinig ay biglang nanlaki ang ulo ng binata. Tama! Gabi-gabi silang lumalabas na magkakaibigan pero kung ano ang nangyari ay hindi niya alam, paano pa kaya ang may kinalaman sila? Nasaan ang katarungan doon? Malamang nasa Supreme Court.
“Hepe naman, ’ayan na naman kayo, eh. Aba’y ano’ng kinalaman namin diyan, eh wala nga akong alam kung ano ang nangyari. Saka, Hepe, ha? Iyan ang trabaho ng mga tauhan mo na mag-imbestiga para sa ikalulutas ng kaso, huwag ang basta na lamang sila mandadampot,” pabalang na sagot ng binata.
“Shut up, Sandova—”
“Ikaw ang manahimik, Sarhento. Alam mo ba kung bakit? Dahil wala kaming kinalaman diyan. Sa bagay, kailan n’yo ba napatunayan na ako at ang mga kaibigan ko ang mga may sala sa mga naglipanang krimen diyan? Tsk! You’re not a good example, Sergeant. Aba’y nasa presinto ka nga pero nagmumura ka, o baka naman wala ka sa klase ninyo nang naituro ang GMRC? O baka naman talagang hindi mo alam ang ibig sabihin niyan? Para sa kaalaman mo, Sarhento, ang ibig sabihin niyan ay Good Manners and Right Conduct,” pang-iinis pa ng binata sa sarhento na nagkukulay kamatis na dahil sa inis. Marahil nga ay umuusok na ang ilong nito sa galit.
“Chief, ngayon kung kagaya lang din ng dati na wala kayong ebidensiya na ako at ang mga kaibigan ko ang may sala, baka puwedeng patawagin mo na ako kay Nanay.” Pero imbes na ang telepono ang iabot ng hepe ay muli itong nagsalita.
“Sarge, palabasin mo na ang tatlo diyan. Wala naman tayong mahihitang ebidensiya sa mga iyan,” he ordered na ikinalaki ng mata ng sarhento.
“Pero, sir—”
“No more buts. Narinig naman nating lahat ang pahayag nilang apat na pare-parehas na hindi naman sila magkakasama sa isang lugar,” putol ng hepe bago bumaling sa binata.
“Umuwi ka na, Sandoval, at huwag ka nang bumalik dito, dahil kapag ako ang makakapagpatunay na may kinalaman kayong apat sa mga nangyayaring krimen ay hindi lang iyan ang aabutin ninyo dito. Saka puwede bang magdamit ka muna bago ka matulog? Look at yourself, daig mo pa ang taong-lansangan na walang-kadamit-damit,” dagdag pa nito na agad ikinatayo ng binata.
Paano naman kasi, nakapantulog lang siya, may butas pa sa magkabilang tuhod. Ang damit pang-itaas ay sando pa!
“Naku, sir, ako na ang nagsasabi sa ’yo, walang GMRC ang sarhento mo dahil pumasok siya ng bahay na walang nakakaalam. Sino’ng may gusto na lumabas nang walang-bihis? Wala lang talagang galang ang taong ’yan. Patatawarin ko ’yan ngayon, sir, pero kapag may masamang mangyari kay Inay oras na malamang dinakip na naman ako, aba’y ako na mismo ang kusang susuko dito, tandaan n’yo ’yan,” ani ng binata saka tiningnan nang spaghetti, este nang pataas at pababa ang sarhento na halatang masama ang loob dahil muli siyang pinalalaya ng hepe kasama ang mga kaibigan.
Hindi na rin sila nagtagal na magkakaibigan sa presinto dahil pagkalabas pa lang ng tatlo niyang kaibigan ay agad silang nagtakbuhan palabas ng naturang lugar.
Sa pagtakbo nila ay may nakabangga si Phillip. Kung saanman galing ang nakabangga ng binata ay hindi nila alam. Nagulat na lamang sila nang magsalita ito.
“Kayong apat, lalo na ikaw na lalaki ka, baka naman puwedeng magkabit kayo sa inyong mga sarili ng konting hiya? Look at yourselves, para kayong mga taong-gala. Look around you, nasa presinto kayo at wala sa galaan para magsipagtakbuhan,” inis na aniya ng dalaga saka nagmartsang papasok ng presinto hanggang sa mawala ito sa kanilang harapan.
Walang nakapagsalita sa kanilang apat lalo na si Phillip na kung hindi pa pinitik sa ilong ng mga kaibigan ay hindi pa maibabaling ang tingin sa kanila.
“Dagdag inis pa ang mala-tigreng ’yon. Makauwi na nga lang. Tsk!” naiiling na sambit ng binata, dahilan para mapahalakhak ang tatlo niyang kaibigan.
Paano raw kasi, sa unang pagkakataon ay nakita nilang nabuwisit ang kanilang kaibigan lalo na sa isang babae. Nagsipagtakbuhan sila nang tumingin nang nakakamatay ang binata kaya wala na rin itong nagawa kundi ang sumunod sa kanila pauwi.
*****
SAMANTALA, inis na inis si Princess Ann dahil sa sunod-sunod niyang kamalasan nang umagang iyon. Una, namatay ang star witness nila sa kasong hawak at wala man lang silang makuhang lead kung sino ang may kagagawan ng pagkamatay nito. Pangalawa, naipit siya sa kasinghaba na yata ng San Juanico Bridge na trapiko kaya’t tinanghali na siya ng pag-report sa presinto, at ang pinamasaklap, nakabangga siya ng taong animo’y nasa lansangan na gutay-gutay na nga ang damit, para pang mga bata na nagsisipagtakbuhan sa loob ng presinto.
“Good morning, Miss Harden. Aba’y parang dinaig mo pa ang mukha ni Madame Elizabeth Ramsey, ah. What’s with that wrinkles early in the morning?” salubong na tanong ng hepe pagkakita sa dalaga.
“Sorry, Chief, pero walang maganda sa umaga kung puro kamalasan ang natatamo. Akala ko sa lansangan lang ako makakakita ng mga taong halos walang-damit, aba’y mukhang nagkamali yata ako ng pinasukan ngayon, Chief,” labas sa ilong na sagot ng dalaga na ikinangiti ng hepe.
“Come inside first, Attorney Harden. Take a seat,” nakangiting sagot nito.
Sumunod naman ang dalaga pero ang kunot-noo ay nandoon pa rin.
“Sino ba ang mga ’yon, Chief? Lalo na ’yong parang siraulo na ’yon. Lalabas ng bahay na hindi man lang nagbihis? Mabuti pa nga ang tatlo niyang kasamahan dahil naka-civilian dress pa sila kaysa sa lalaking ’yon.” Nandoon pa rin ang inis sa boses ng dalaga.
“Just calm yourself, Attorney Harden, dahil masisira lang ang araw mo kapag pakakaisipin mo ’yan. Kilala ko kung sino-sino ang mga tinutukoy mo dahil sa katunayan ay bagong laya ang mga ’yon, o mas tamang sabihin ko na suki na sila ng kulungan,” paliwanag ng hepe na mas ikinakunot-noo ng dalaga.
“Aba’y kung suki sila ng kulungan, Chief, dapat hindi na sila nakakalabas dahil isa lang ang ibig sabihin niyan; marami na silang kasalanang dapat pagbayaran,” sagot ng dalaga.
Napabuntonghininga naman ang hepe dahil dito. Gano’n pa man, ipinaliwanag pa rin niya nang maayos kung bakit hindi nila makulong-kulong ang apat.
“Hindi naman siguro lingid sa ’yo, Attorney Harden na hindi tayo basta-basta nakakapagpakulong ng tao lalo na kapag wala tayong matibay at konkretong ebidensiya. At isa pa, wala namang complaint kaya pinalabas ko na lang ulit sila dahil kami rin namang tagapresinto ang masisira kapag nanghuli kami nang basta-basta at iyon ang pinakaayaw ko sa lahat; ang masira ang imahe naming mga pulis lalo na’t sira na nga,” pahayag nito.
Sa narinig naman ay naliwanagan ang isipan ng dalaga. Iyon nga lang ay hindi pa rin mawala-wala ang inis niya sa nakabanggang lalaki.
“Well, sa bagay tama ka diyan, Chief. Mahirap nga ’yan pero let’s not talk about those person, mas nasisira lang ang araw ko. By the way, sir, kumusta pala ang investigation about the latest murder case?” tanong ng dalaga.
“Iyon na nga ang masaklap, Attorney, dahil sa isang iglap ay nawala ang star witness natin. Nawala na ang taong makakapagpatunay na walang kasalanan ang anak ko sa nangyaring kidnapping with murder,” malungkot na sagot ng hepe sa pagkakaalala sa kinasangkutang gulo ng panganay na anak—ang inaakala niyang susunod sa yapak niya.
Sa nakitang reaksiyon ng hepe ay parang kinurot nang pinong-pino ang kanyang puso. Isa siyang abogado pero may malambot siyang damdamin lalo na pagdating sa mga taong wala naman talagang kasalanan.
“Huwag ka nang mag-alala, Chief, gagawan natin iyan ng paraan para mapatunayang wala siyang kasalanan. Kilala ko si Marco at alam kong wala siyang kinalaman sa bagay na ’yan. Ang kailangan ko lang ngayon ay ang cooperation mo at . . . Sorry, ha? Pero . . .” hindi matapos-tapos na sambit ng dalaga habang palingon-lingon.
He knew her already kaya alam niya na kung ano ang sinabi nito ay gagawin niya. Iyon nga lang ay nagtataka siya sa inaakto nito.
“Miss Harden, why? What’s happening?” nahihiwagaang tanong niya rito.
“Sorry to tell you the truth, Chief, pero I feel something strange dito sa opisina mo. Are you sure na kakampi mo ang lahat ang mga tauhan mo?” ani ng dalaga na talaga namang naglulumikot ang mga mata.
Hindi naman agad nakasagot ang hepe dahil sa tinuran ng dalaga. Alam niyang hindi ito magsasalita nang gano’n kapag walang pinagbabasehan kaya naman agad siyang tumayo at isinara ang pinto.
“Alam kong hindi lingid sa kaalaman nating lahat na may mga kaaway tayo, Princess, pero sa departamento ko, wala—”
“Listen, ninong, makinig ka sa akin. Hindi tayo kapapanganak lang kahapon para hindi natin malaman ang katotohanang sa isang grupo ay mayroon at mayroong ahas, o mas tamang sabihin nating hater ng kanilang lider. Sa halos isang buwan na pagkakakulong ni Marco, I’m sorry to tell you, lahat ng mga lumilitaw na testigo’y nawawala at napapabalitang patay na. Kagaya ngayon ng star witness nating nasa witness protection na pero ano’ng nangyari? Sumunod din siya sa mga nauna. Paano nangyari ’yon? Isa lang ang sagot diyan ninong at alam kong nakukuha mo ang ibig kong sabihin. May ahas sa departamento mo dahil hindi mangyayari na mamamatay ang lahat ng mga testigo natin kung hindi alam ng ahas ang pasikot-sikot sa mga plano natin. Kung ako sa ’yo, ninong, from now on, huwag kang magtiwala masyado sa mga nasa paligid mo, lalo na sa mga tauhan mo dahil kahit tauhan mo ang mga ’yan ay hindi mo sila nababantayan bente-kuwatro oras. Hope you got my point, ninong,” pormal na pahayag ni Princess.
Magkababata sila ni Marco, ang anak ng ninong niyang hepe kaya siya ang nagkusang maging manananggol nito dahil sayang lang ang ibabayad ng mga ito sa ibang abogado. Saka hindi rin naman makakaya ng isipan niya na wala man lang siyang gagawing hakbang samantalang may magagawa naman siya para tulungan ang mga ito.
Dahil sa narinig ay hindi agad nakaimik ang hepe dahil totoo naman kasi ang tinuran ng inaanak niyang si Sheryl Ann. Tama naman kasi ito. Mukhang masyado siyang nagtiwala sa mga taong nakapaligid sa kanya. Naging bobo na yata siya’t nakalimutan niya ang bagay na ’yon.
“Salamat, Princess. Huwag kang mag-alala. Dahil sa panunupalpal mo’y nagka-idea ako kung ano’ng gagawin para mahuli natin kung sinuman ang traydor sa departamento ko. The whole area was well-covered by CCTV cameras kaya malalaman natin sa pamamagitan ng mga ito kung sino sa mga tauhan ko ang balimbing. For now, hija, huwag kang magpahalata sa mga nasa labas na may kaugnayan tayo sa isa’t isa bukod sa pagiging attorney-client. Dadalaw ako sa inyo mamayang gabi para doon natin pag-usapan nang maayos ang bagay na ’yan. We need help, either from your father or your brother. Bihasa ang mga iyan sa wirings. Hope you get my point too, hija,” nakasilip ng pag-asang sagot ng hepe.
“No problem, Chief. You’re always welcome sa bahay, alam mo ’yan. By the way, I’m going na. Napadaan lang ako para kumustahin ang latest,” sagot ng dalaga sabay kindat, hindi dahil sa wala siyang galang pero ramdam na ramdam ng matalas niyang pakiramdam na may mga taingang nakikinig sa kanila nang palihim.
Agad namang nakuha ng hepe ang ibig sabihin ng inaanak kaya sumabay na lamang siya rito.
“Okay, Attorney Harden. Take care. Thanks for visiting us here,” aniya na lamang ng hepe saka binuksan ang pinto.
Huling-huli sa akto! Nakasandal sa pinto ang isa sa mga tauhan ng hepe. Sa pagbukas ng pinto ay sumama ito papasok kaya naman agad itong kinorner ng dalaga.
“Sino ang nag-utos sa iyo para gawin ’yan? Sumagot ka nang maayos kung gusto mo pang mabuhay—”
Pero hindi pa natatapos ng dalaga ang sinasabi ay itinulak na siya bigla ng lalaki saka mabilis na tumakbo palayo sa kanilang dalawa ng hepe.
“Huwag kang mag-alala, Attorney. Dahil sa kanya ay may lead na tayo. For now, go ahead sa lakad mo. Basta iyong bilin ko, mag-ingat ka palagi,” aniya na lamang ng hepe.
“You too, Chief, you know what I mean,” tipid na sagot ni Princess Ann saka naglakad na palayo.
Pagkaalis ng dalaga ay tahimik ang hepe na nagsagawa ng hakbang para magkaroon ng lead para malaman kung ano ang kinalaman ng isa niyang tauhan sa pagkawala ng mga witness nila at kung sino ang nasa likod nito.