“SAAN ka na naman pupunta, anak? Aba’y lagi ka na lang ganyan sa tuwing sumasapit ang gabi, ah. Paniki ka ba, anak?” nakakunot-noong tanong ni Aling Wilma sa anak.
Bigla siyang napalingon sabay halakhak dahil sa dami ng puwedeng paghambingan sa kanya ng nanay niya ay sa isang paniki pa talaga.
“Sus maryosep kang bata ka, ano’ng nakakatawa sa sinabi ko? Saka puwede bang umayos-ayos ka diyan? Baka mamaya ikaw ang isunod ng mga walang-puso diyan sa lansangan at mapagkamalan ka pang drug addict,” muling aniya ng ginang.
Hindi na ipinagpatuloy ni Phillip ang paglabas sa munti nilang tahanan. Muli siyang bumalik at inakbayan ang ina saka ito iginiya sa maliit nilang sala.
“Inay, sa dami ng puwede mong paghambingan sa akin, sa isang paniki pa? Aba’y porke’t lumalabas na sa gabi, paniki na? Naku, Inay, binata na ako. Malay mo kung sa paglabas-labas ko sa gabi ay maduling ako’t may makitang magiging manugang mo. Ayaw mo ba no’n, Inay?” nakatawang aniya ng binata.
“Sa ganitong oras? Aba’y huwag mo nga akong pinaglololoko kung ayaw mong mapalo sa puwet,” sagot naman ng ginang na mas ikinatawa ng binata.
Kahit nasa tamang edad na siya, kung makapagsalita ang nanay niya ay para siyang maliit na bata. Pero kahit gano'n ay mahal na mahal niya ito; ang tanging kayamanan niya sa mundo.
“Inay, maniwala ka sa akin, wala akong ginagawang kababalaghan. May sideline lang ang barkada kaya lagi akong nasa labas. Saka gaya ng sabi ko, ayaw mo ba no’n ng magkamanugang ka na?” pagbibiro ng binata pero napangiwi na lamang siya sa reaksiyon ng kanyang ina.
“Ikaw, Phillip, baka gusto mo talagang mapalo sa puwet? Aba’y kung saan-saan na naman kayo gumagala ng mga barkada mo. Naku, ang hilig mo kasing makipagbarkada, eh. Imbes na maghanap ka ng trabaho mo’y kung saan-saan ka nagsususuot. Lagi ka namang tulog sa araw. Aba’y baka iba na ’yan, Phillip?” patuloy na sermon ng ginang habang nakapamaywang. Kaya naman imbes na lumabas ang binata nang gabing iyon ay hindi na niya itinuloy dahil naharang na siya ng kanyang ina.
“Si Inay talaga, oo. Sige na, hindi na ako lalabas. Matutulog na lang ako. Good night na, mother,” paglalambing ng binata sa ina saka iginiya na ito papasok sa sariling silid-tulugan.
Hindi iniwan ni Phillip ang ina hangga’t hindi ito mahimbing na natutulog.
“Tulog ka na, Inay, at ako’y lalabas pa rin para sa ekonomiya ng bayan,” pabiro pang sambit ng binata saka dahan-dahang lumabas ng kuwarto.
Same as before, he wore his black cap, put up his black jacket, and inserted himself to the darkness of the night.
*****
SA kabilang banda, inis na inis na ang grupo ni Phillip dahil siya na lamang ang wala.
“Pareng Joe, ano’ng sabi ni Phillip? Sasama daw ba o ano? Aba’y anong oras na’t wala pa rin,” may pagkainis na aniya ni Arnold.
“Hintayin lang natin, pare. Para namang hindi ka pa nasanay kay Phillip na laging late,” pampalubag-loob ni Joe pero sa isipan niya’y nagsisimula na rin siyang kabahan dahil lumampas na sa kalahating oras ang pagkahuli ni Phillip.
“Ewan ko sa taong ’yon, mga pare. Lagi na lamang nahuhuli samantalang walang asawa’t anak na nagbabawal,” sabad naman ni Leo.
Sina Leo, Joe, Arnold, at Phillip ay magkakaibigan. Kung nasaan ang isa ay nandoon din ang lahat. Kagaya lang din sila ng iba pang magkakaibigan na may tampuhan, may asaran, may kulitan, pero ang mas nakaaagaw-pansin sa kanilang apat ay lagi silang laman ng balita. Lahat na yata ng mga masasamang imahe at masasamang gawain ng isang tao ay sa kanilang apat ibinato.
“Walang asawa’t anak, Leo, pero may ina namang super higpit na parang laging batang maliit si Pareng Phillip,” ani Arnold pero agad siyang sinita ni Joe.
“Kayong dalawa, pag-usapan n’yo na ang taong iyon, huwag n’yo lang idamay ang nanay niya. Para namang hindi n’yo siya kilala. Mamaya, kayo-kayo naman ang hindi magkakaunawaan niyan,” ani Joe.
Kilala nilang lahat ang binata na isa itong mapagbirong tao, palakaibigan, at loko-loko kung tawagin ng mga taong nakapaligid sa kanya, pero pagdating sa nanay nito’y ayaw nila itong pag-usapan lalo na kapag nasa paligid ito.
“Sorry naman, Pareng Joe. Sana makapunta siya nang matuloy ang lakad natin,” paghingi ng paumanhin ni Arnold dahil salot man sila sa lipunan kung ituring ng mga tao, pagdating sa pagkakaibigan nila ay marunong silang rumespeto.
Sasagot pa lang ang hindi mapakaling si Joe nang may nagsalita sa kanilang likuran.
“Sino’ng may sabi na hindi matutuloy ang lakad natin? Ano na, guys, larga na ba?” sambit nito na labis namang ikinagulat ng tatlo and it came to the point na napatalon sila kaya naman hindi agad sila nakapagsalita. “Tsk! Ano’ng nakakagulat doon, mga pare? Naku, malamang sa malamang nanay ko na naman ang pinag-uusapan ninyo kaya kayo nagulat, ’no?” muling aniya ng binata, dahilan para mapaismid si Joe.
“Ikaw, Sandoval, hindi ko alam kung may extension nga ba ang tainga mo o talagang kanina ka pa diyan at nagpapahintay na naman,” ismid ni Joe.
“Well, well, well, I’m sure na nanay ko ang pinag-uusapan ninyo. But by the way, dahil hindi ko naman narinig dahil kadarating ko lang ay patatawarin ko muna kayong tatlo. Kaya kung ako sa inyo, hala, lakad. Tara na nang makarami tayo.” Iyon naman talaga ang totoo, wala siyang narinig na kahit ano sa usapan ng mga kaibigan niya dahil kadarating lamang niya. Nagkibit-balikat na lang ang binata at nagpatiuna na sa service nilang owner-type jeep.
Hindi na niya nakita ang pagtitinginan ng tatlo na para bang sinasabi nila na “Lagot tayo kapag nagkataon na narinig nito ang usapan.” Kilala rin naman kasi nila itong kahit barumbado at walang breeding kung ituring ng mga tao ay alam nilang mali iyon dahil ito pa ang pinakamatino sa kanilang apat. Nakasasalamuha kasi nila ito araw-araw.
Ilang sandali pa ay tahimik na nilang tinahak ang daan patungo sa kanilang ruta ng gabing iyon.
*****
SAMANTALA sa kabilang banda, isang dalaga ang tahimik na naglalakad pauwi nang biglang may humarang sa kanya na grupo ng mga lalaki.
“Miss, sakay na,” aniya ng lalaki rito.
Natatakot man siya ay ayaw naman niyang maging bastos kaya naman sinagot niya ito.
“Sorry, kuya, pero malapit na kasi ang bahay namin kaya maraming salamat na lamang po,” sagot nito saka nagpatuloy sa paglalakad, kahit na ang totoo ay ilang minuto pa ang bubuuin niya para makarating sa kanilang bahay.
“Okay lang, miss. Ayaw mo ba n’on nang hindi ka na pagpawisan? Pagdating mo doon ay beauty rest ka na,” ani naman ng isa.
Kinikilabutan ang dalaga sa paraan ng pananalita ng mga ito. Mas gugustuhin pa niyang maglakad at pagpawisan kaysa naman isugal ang dangal niya sa kamay ng mga lalaking hindi niya kilala. Kaya imbes na patulan ang mga ito ay nagpatuloy lang siya sa paglalakad.
“Papayag ka bang ganyan lang, boss? Aba’y kinakausap pa natin pero tinalikuran na tayo.”
Pinagpapawisan na ang dalaga nang dahil sa takot.
‘Diyos ko, huwag naman sanang mangyari ang kinatatakutan ko,’ piping dasal nito. Pero ang mundo ay wala sa kanyang panig dahil sa kanyang paglalakad ay sinabayan siya ng mga ito.
“Walang bastusan, miss. Kinakausap ka namin nang maayos kaya humarap ka sa amin nang maayos,” mariing aniya ng isa pero dahil nadala na siya ng takot ay hindi na siya sumagot, bagkus ay naglakad-takbo na siya.
Pero ano’ng laban niya sa mano-manong paglayo sa mga nakasasakyan? Wala, dahil nilamon na lamang ng dilim ang pakiusap at pagmamakaawa niya sa mga ito. Hindi siya tinantanan ng mga ito hangga’t hindi siya puwersahang naisasakay.
*****
KINABUKASAN, dahil sa may trabaho na ang lahat, maaga pa lang ay gising na ang mga tao. Hindi man sila sabay-sabay sa pagkain at sa pagkakape, ang paggising ng lahat ay halos sabay-sabay. Kaya naman nang pumutok ang balita tungkol sa krimeng nangyari kinagabihan ay agad silang napatutok sa telebisyon.
“Magandang umaga po sa inyong lahat, mga kapatid. Heto na po ang mga nagbabagang balita sa araw na ito. Isa na naman pong babae ang natagpuang patay sa may talahiban. Ang naturang babae ay hinihinalang ginahasa muna bago pinatay. Nagtamo rin ng mga pasa ang bangkay kaya napagdesisyunan ng mga awtoridad na isailalim ito sa autopsy bago dalhin sa punererya para doon kunin ng mga kapamilya nito. Ako po ang inyong lingkod, Dianna Montreal, nag-uulat. Magandang umaga.”
Ang balitang ito ang gumulantang at sumulabong sa lahat.
“Ano ba namang buhay ’to, oo. Umagang-umaga, krimen ang sumasalubong sa mga tao,” himutok ni Princess Ann.
“Naku, anak, nagtaka ka pa. Ganyan na karumi ang mundo ngayon. Kaya ikaw, huwag mong ugaliin ang magpagabi sa labas. Sa uri ng trabaho mo’y hindi nalalayo na may nakakaaway ka,” pangaral naman ni Sheryl Ann sa anak.
“Tama ang mommy mo, hija. Kababae mong tao’y napakahilig mong magpagabi sa labas,” segunda ni Raven II.
“Bakit naman po napunta sa akin ang usapan? Aba’y natural po, may trabaho ako. Kahit gabi ay hindi ’yan puwedeng iwanan lalo na kapag hearing.”
Para sa mga magulang na walang ibang ninanais kundi ang mapabuti ang kalagayan ng anak ay hindi inalintana ng mag-asawang Raven II at Sheryl Ann ang nakasimangot na si Princess Ann.
“Anak, para sa ikabubuti mo lang naman ang iniisip namin ng mommy mo. Isa kang abogada at hindi lang iyan, anak, ang iniisip namin. Babae ka, baka kung ano ang mangyari sa iyo sa labas,” pangaral pa ng ginoo.
Hindi naman siya galit sa mga pangaral ng mga magulang dahil alam niyang para lang din sa kapakanan niya ang iniisip ng mga ito, naiinis siya dahil sa balitang sumalubong sa kanya. Kalunos-lunos ang hitsura ng biktima kaya naman hindi niya maiwasang magalit sa kung sino man ang gumawa nito dahil sa kawalang-hiyaan n ito. Awang-awa siya sa biktima. Dahil sa mixed emotions ay hindi niya namalayang nakasimangot na pala siya.
“Ay sorry naman po, Mommy, Daddy. Hindi naman po ako galit sa inyo kundi naiinis lang ako sa mga walang-awang gumagawa ng kahayupan. Sige na po, mauna na ako sa inyo, may pinapaimbestigahan pa po akong kaso,” hinging-paumanhin ng dalaga saka humalik sa pisngi ng mga magulang.
Hinintay naman ng mag-asawa na mawala sa kanilang paningin ang dalaga bago sila muling nagsalita.
“Alam kong hindi tayo dapat matakot dahil trabaho niya iyan pero bilang isang ina’y hindi ko maiwasang makaramdam ng takot sa tuwing lumalabas siya ng bahay at ginagabi sa pag-uwi,” napabubuntonghiningang sabi ni Sheryl Ann.
“Wala na tayong magagawa diyan, hon, kundi ang ipanalangin na sana’y huwag mangyari sa kanya ang mga kaliwa’t kanang krimen na laging laman ng mga pahayagan at telebisyon lalo at isa siyang abogado,” ani naman ni Raven II.
Hindi na rin sila nagtagal, tinapos lamang nila ang kanilang almusal at sabay na silang pumasok sa kompanya na pag-aari ng namayapang ama ng ginang.
*****
NAGISING si Phillip sa lakas ng pagkatok ng kanyang ina sa pinto ng kuwarto niya, o mas tamang sabihin na pagkalabog nito sa pinto niya dahil kulang na lamang ay magiba na ito sa lakas ng pagkalampag.
“Si Inay talaga, oo. Makakalampag, wagas. Ano kaya kung magiba ’yan nang wala na siyang kakalampa—”
Naputol ang pagmomonologo niya, este ang pagmumuni-muni niya ng nakabibinging ingay mula sa pagkalampag ng pinto kaya naman dali-dali na siyang bumangon sa higaan niya at tinungo ang pintuan.
“Saan ba ang sunog, Inay? Aba’y dinaig mo pa ang mga bombero sa Recto sa ingay mo,” pupungas-pungas na aniya ng binata without knowing kung ang nanay nga ba niya ang kumakalampag sa pinto ng silid niya kaya naman laking gulat niya nang maramdaman niya ang posas sa mga kamay niya.
“Ano na naman ang dahilan mo ngayon, Phillip? Hala lakad at sa presinto ka na magpaliwanag,” aniya ng boses. Saka pa lamang niya napagtantong pulis ito nang tiningala niya ang pinagmulan ng boses.
Hindi na rin siya nakapalag nang kinaladkad siya ng mga unipormadong pulis at dinala sa presinto.