KUNG sa iba marahil ay inatake na ng takot ang binata dahil bukod sa dalawa ang kasagupa niya’y may mga hawak pang kutsilyo ang mga ito, pero para kay Phillip ay hindi iyon hadlang sa kanya dahil sanay na siyang hinaharang ng kung sino-sino lalo na ng mga kagaya niyang sanggano kung ituring ng mga tao.
“Hindi ka na makakatakas ngayon, Sandoval ka! Masyado ka kasing pakialamero, epal ka pa!” malakas ang boses na sabi ng isang lalaki.
“Tsk! Tsk! Ikaw, kalbong ewan kung saan nanggaling ang kapiranggot mong utak, huwag na huwag mong kakantiin kahit sino sa malalapit kay Inay dahil kahit nasaang sulok ka ng impiyerno, hahanapin pa rin kita para singilin,” ismid na wika ni Phillip na mas ikinainit ng ulo nito.
“Ang yabang mo! Ito’ng para sa ’yo!” galit na sabi ng lalaki sabay bigwas kay Phillip gamit ang kutsilyo.
Naging maagap ang binata, inilagan niya ito saka parang ibon na umangat ang katawan sa lupa. Binigyan niya ng nakaliliyong sipa ang lalaking mananaksak sana sa kanya.
“Sino ngayon ang mayabang sa atin, kalbong panot ka? Tandaan mong hayup ka, oras na mabalitaan ko pang may mabiktima ka sa palengke, ora mismo, ako ang maniningil sa buhay mong lintik ka!” mariing aniya ng binata dito na banaag sa boses ang panggagalaiti.
Hindi agad nakasagot ang lalaking namimilipit ngayon sa sakit dahil sa tinamong round kick mula sa binata. Palihim itong tumingin sa kasama na para bang sinasabi na ikaw naman ang umatake sa kalaban.
Hindi iyon nakaligtas kay Phillip kaya naman ibinaling nito ang paningin sa isa pang lalaki na may hawak na kutsilyo at pamalo.
“O, anong silbi ng armas mo kung hindi mo ito gagamitin? Hindi ba’t iyan ang plano n’yo; ang itumba ako ngayon dahil mag-isa lang ako? Tsk! This is your chance, you two!” paghahamon pa ng binata rito.
Siraulo na siya kung hindi niya pa napansin ang panginginig nito kaya naman lumapit siya rito. Well, hindi naman siya pumapatol sa isang taong walang-kalaban-laban pero ang plano niya’y alamin kung lalaban ba ito o hindi. Ang hindi niya inaasahan, nang matapat siya sa unang lalaki ay pinatid siya nito, dahilan para matumba siya pero agad niyang naisuporta ang mga bisig bago pa man siya tuluyang bumagsak sa semento. Hindi rin nakaligtas sa sulok ng kanyang mga mata ang pagbibigay nito ng senyas na sugod na.
“Hayup ka! Akala mo ba’y ligtas ka na, ha? Hindi dahil ito’ng para sa ’yo!” tungayaw ng lalaki sabay sugod sa binata kasama ang napipi’t nanginginig na lalaki.
Sa isang aktwal na labanan o sa pelikula ay nagagawan ng paraan para hindi madali ang bida. Ang ginawa ng binata ay tumihaya siya para makita ang mga kalaban. Sa kanyang pagtihaya ay siya namang pagsugod ng dalawa kaya hindi na siya nagdalawang-isip pa, kumbaga sa isang agila’y lumipad siya at binigyan ng round kick ang mga kalaban niya.
“Ahhh!” dinig pa niyang daing ng dalawa dahil sa pagkakabagsak.
Nang nilingon ito ni Phillip ay kitang-kita niya na parang mga papel ang dalawa na lumipad sa isang sulok kaya’t hindi na siya nagsayang ng oras. Agad siyang lumapit sa mga ito.
“Ano, lalaban pa kayong dalawa?” paismid niyang tanong. Ang lalaking nang-snatch sa kaibigan ng nanay niya ay parang may balak pang lumaban kaya muli itong hinarap ng binata.
“Ikaw, kalbong panot ka, wala ka na talagang kadala-dala. Binigyan na kita ng pagkakataon sa palengke pero ano itong ginawa mo? Nagsama ka pa ng mas matatakutin pa yata kaysa sa isang totoy.” This time ay mabigat na lamang ang boses ng binata pero hindi na malakas.
“Ikaw naman, ’tol, alam kong hindi ka kasingsama ng kalbong panot na ’yan kaya huwag na huwag kang padadaig sa demonyong tulad ng kalbong ’yan. Kung ako sa iyo, umuwi ka na sa inyo at tulungan ang mga magulang mo,” sabi niya rito.
Halos hindi pa niya natatapos ang pananalita ay kumaripas na ito ng takbo kaya’t hindi na siya nagsayang ng oras, muli niyang hinarap ang lalaki.
“This is your last chance, you fool! Next time na muli kitang makasagupa, hindi na kita patatawarin. Hindi ako napuruhan at hindi ko na hihintayin pa na mapatay mo ako dahil sa susunod na magkita tayong muli sa ganitong pagkakataon, sorry ka na lang dahil isa sa atin ang magiging malamig na bangkay at sisiguraduhin kong ikaw ang magiging bangkay,” malamig na wika ni Phillip.
Hindi na nito hinintay na makasagot ang kalaban dahil mabilis na itong umalis. Ipinagpatuloy na niya ang pagpunta sa pharmacy para ibili ng gamot ng kanyang pinakamamahal na ina. Kung anuman ang tumatakbo sa isipan ng kalbong panot na sa pangalawang pagkakataon ay nakasagupa niya’y wala na siyang pakialam.
Sa pagkakaalala sa ina ay para siyang nagkaroon ng pakpak. In just a blink of his dark black eyes ay nakabalik na siya sa kanilang bahay. At dahil sa kusina niya iniwan ang ina ay doon din siya dumeretso pero sinalakay siya ng kaba dahil wala roon ang taong hinahanap niya.
“Inay! Inay, nasaan ka na?” malakas niyang sigaw na para bang nasusunugan.
Without putting down the medicine on his hand, he started to panic as he search inside the house for his beloved mother.
Muli sana siyang sisigaw pero nahagip ng kanyang mga mata ang taong hinahanap kaharap ng sarili niyang kuwarto. Kitang-kita niya ang larawang yakap nito, ang larawan nilang mag-ina noong labingwalong taong gulang pa lang siya.
“Sorry, Inay, kung napaghintay kita nang ilang minuto. Hmmm, isang oras ba? Sorry na, Inay, dahil natagalan ako. Ewan ko ba kung bakit habulin na yata ng gulo ang guwapo mong anak. Mabuti sana kung habulin ng chicks kaso wala naman akong natitipuhan sa mga nakapaligid sa akin. Hay naku, Inay, pasensiya ka na talaga at nakatulugan mo na ang paghihintay sa akin pero huwag kang mag-alala dahil nakabili ako ng gamot mo at babawi ako sa ’yo ngayon din. Ipagluluto kita ng sopas para paggising mo’y kakain ka na lang at kahit gabi na, Inay, aayusin ko ang lababo natin,” sabi ng binata habang nakaluhod sa tabi ng higaan ni Aling Wilma saka masuyong hinahaplos-haplos ang buhok nito.
Kung gaano siya kaingay na pumasok sa munti nilang tahanan ay gano’n din siya katahimik lumabas sa kuwarto ng ina matapos ilapag sa side table ang biniling gamot. Bago siya tuluyang lumabas ay inayos muna niya ang kumot ng ina at binuksan ang electric fan sa katamtamang lakas.
****
NAGPAIWAN ang dalagang si Princess sa pagamutan kung saan naka-confine ang agaw-buhay na si Marco na buong akala ng mga tagakulungan ay patay na.
“Hindi ko alam, anak, kung ano na lamang ang kasalanan ng kinakapatid mo sa kanilang lahat at ninais pa nila itong patayin. Hinayaan ko siyang makulong dahil iyon naman talaga ang dapat sa mga taong under surveillance lalo at malakas ang ebidensiya ng kabilang kampo, pero hindi ko talaga lubos-maisip, anak, kung bakit umabot pa sa puntong ipapapatay nila ito sa loob,” malungkot na sabi ng hepe kay Princess habang ang mga mata ay nakatutok sa anak na kung ilang tubo at wires ang nakakabit sa katawan. Sa maikling salita ay ang life support machine na lang ang nagbibigay ng buhay rito.
“Ninong, huwag ka nang magtaka sa bagay na iyan. Halatang inside job ang nangyari sa kaso ni Marco at iyan ang aalamin ko. Pero bago ang lahat, may itatanong ako, ninong, dahil hindi ko pa ito naitatanong noong bago siya makulong," seryosong sabi ng dalaga.
“Yes, hija, go ahead. Ano ba ’yon?”
“Noong bago makulong si Marco, ninong, sino-sino po ba ang mga huli niyang nakasama? Ano ang lumabas sa investigation sa ibinibintang nila sa kanya?” tanong ni Princess.
Dahil dito ay nagpakawala ng malalim na hininga ang hepe na labis namang ikinataka ng dalaga.
“What’s on that sigh, ninong?”
“Nang umalis si Marco sa bahay para sa OJT niya ay mga kaklase naman niya ang kasama niya. Ang sabi niya sa amin ng mommy niya ay hindi niya alam kung paano napunta sa gamit niya ang ilang kilong shabu at hindi niya alam kung paano siya naging suspect sa panggagahasa sa anak ng superior niya sa loob ng kampo. May tiwala kami sa kinakapatid mo, Princess hija, kaya alam naming wala siyang kasalanan. Pero lahat ng ebidensiya na makapagdidiin sa akusasyon laban sa kanya ay nakaturo sa kanya,” paliwanag ng hepe.
“Wait lang, ninong. Sa mga kaklase niya ba ay may mga kakilala kayo? Or may nakausap na ba kayo para maging saksi na wala siyang kasalanan?” muli ay tanong ng dalaga sa maliit na boses.
Nailipat na sa pribadong kuwarto ang pasyente pero hindi pa rin sila sigurado kung kakayanin ng katawan nito ang lumaban lalo na’t major parts ng katawan nito ang napuruhan. Gano’n pa man, para makasigurado silang walang makaaalam na buhay ito ay hindi na sila nagtalaga ng bantay o mga pulis bagkus ay kumuha sila ng private nurse para personal na mag-alaga rito.
“Iyon na nga ang masaklap, anak, dahil hindi lingid sa iyo ang mga kaganapan na kahit mga star witness natin ay either bigla na lang silang nawawala kahit nasa witness protection program sila. Kung hindi nawawala, mas malala naman dahil napapabalita na lang na patay na sila. Sa lahat ng kaklase ni Marco, wala ni isa sa kanila ang gustong magsalita at mas lalong walang gustong tumestigo dahil ayaw daw nilang matulad sa mga naunang witness natin,” pahayag ng hepe na kahit hindi man nito aminin ay nawawalan na ito ng pag-asa.
“Ninong, alam kong masakit para sa iyo na halos wala kang magawa para kay Marco dahil sumusunod ka lang sa mga protocols. It may sound boastful but I don’t care, ninong. Hayaan n’yo ako ni Ninang na lihim na mag-imbestiga para kay Marco. We belong to one blood, ninong, at ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang nanlalamang ng kapwa. Kung nagkasala ang isang tao, dapat lang na managot ito. But if that person is innocent from any of the accusations, I promise you, ninong, the truth must prevail. In addition, huwag na huwag ninyong hahayaang may makakaalam na iba bukod sa buong pamilya na buhay siya dahil siya mismo ang magiging witness when he wake up,” kuyom ang palad na sabi ng dalaga.
“Yes, we will, anak. Be careful in every step that you’ll do. Kung may nais kang malaman ay itanong mo lang sa akin pero huwag sa presinto. Ikaw na rin ang nagsabi na hindi natin alam kung sino ang kakampi at sino ang kalaban natin sa mga tauhan ko. You may come here or sa bahay,” tugon ng hepe.
“Isa pang tanong, ninong. Hmmm, let’s say dalawang hirit pa ako bago ako umuwi,” muli ay wika ni Princess.
“Sure, hija, go on. Basta ikaw,” wika ng hepe na kahit naghihinagpis sa sinapit ng anak ay hindi maiwasang mapangiti dahil sa inaanak. Kung gaano katahimik at kaseryoso sa buhay ang kuya nito ay kabaliktaran naman ito dahil bagay na bagay lang ang propesyon nito na naging abogada.
“Well, hindi ko na tatanungin, ninong, kung bakit ka napapangiting mag-isa diyan dahil baka abutin tayo ng siyam-siyam dito at hindi na ako makauwi. First, alam n’yo po ba kung saan ko matatagpuan ang mga malalapit niyang kaklase? Second, baka naman may kakilala kang tao na mapagkakatiwalaan na puwede nating gawing bodyguard ko? Aba’y kahit marunong ako sa self-defense, babae pa rin ako,” patay-malisyang sabi ng dalaga.
Without hesitation, the chief answered all of her questions. Ilang minuto rin ay umuwi na ang dalaga na baon ang mga salaysay ng hepe para lutasin ang kaso ng kinakapatid kahit pa na nangangahulugan na ang buhay niya naman ang malalagay sa alanganing sitwasyon.
Sa kabilang banda, isang grupo ng kalalakihan ang nakasunod sa kanya.
“Sundan mo, Damian, bilisan mo,” utos ng isa pang lalaki.
“Huwag ka ngang magmadali diyan. Aba’y baka puwedeng alamin muna natin kung saan siya galing sa bandang south,” tugon ni Damian.
“T*do! Ang sabi ni Boss, huwag nating iwala ang ating paningin sa abogadang iyan. Gusto mo yatang ikaw ang isunod ni Boss, ah,” iretableng wika ng nagpapamadali kay Damian.
Sasagot pa sana si Damian para salungatin ito pero maagap na sumabad ang isa nilang kasama.
“Huwag na kayong magtalo, Damian, Walter. Para kayong mga bata. Ang pinakamagandang hakbang na magagawa natin by this time para may mai-report din tayo kay Boss ay ang sundan natin ang babaeng iyan at alamin kung saan siya nakatira para daw mapadali para sa atin ang isakatuparan ang plano natin laban sa kanya,” wika nito.
Masama man ang loob ng dalawa dahil wala ni isa sa kanila ang nais magpatalo ay wala na rin silang nagawa kundi ang sundin ang nais mangyari ng kanilang boss.