“WHAT the hell! Are you blind? Look what you have done!” malakas na sigaw ni Phillip sa babaeng nasa harapan niya.
Kung minamalas nga naman ang tao! Sa babae pang kinaiinisan niya siya na-assign bilang private bodyguard. May hawak silang kaso at ito ang abogadang nakatalaga sa anak ng kanilang COP.
Pero hold your temper, boy, amo mo ’yan, nasa harapan ka pa ng pamamahay nila!
Sa isip naman ni Princess, ito ang unang pagkakataon na may nanigaw sa kanya. This can’t be lalo na’t nasa teritoryo niya ito!
“Sa tingin ko’y hindi ka lang bulag kundi bingi ka pa! Ewan ko ba kay Hepe kung bakit sa ’yo pa ako in-assign!” sigaw nitong muli na pumukaw sa pagmumuni-muni niya.
Aba’y sumosobra na ito, ah!
Una, tinawag siyang bulag. Pangalawa, he accused her for being deaf. She’s going to say sorry dahil sa nabugahan niya ito ng kape pero ang pagsigaw-sigaw nito sa kanya lalo na’t nasa sarili niya itong pamamahay ay hindi na iyon makatwiran!
“Hoy, mamang hindi ko alam kung pulubing pagala-gala! Una sa lahat, hindi ako bulag dahil nakikita kita with your ragged clothes! Pangalawa, hindi ako bingi dahil ang abot-langit mong boses ay naririnig ko! Tsk! Hihingi na sana ako ng paumanhin dahil sa nagawa kong pagbuga sa ’yo ng kape pero aba’y sino ka nga ba’t nandito ka? Mali pala dapat eh, ano ka sinusuwerte na pagkatapos mo akong sigaw-sigawan ay ako pa ang hihingi ng sorry? Haller! Mamang ewan kung saang lupalop ng planeta nabibilang, I’ll never say sorry, never in my wildest dream!” ganting sigaw ni Princess Ann.
“Bakit, sinabi ko bang humingi ka ng sorry? Aba’y huwag kung huwag! Pero ito’ng tandaan mo, babaeng daig pa ang tigre, humanap ka ng magiging bodyguard mo na puwede mong bugahan ng kape any moment that you want!” ganting sigaw rin ni Phillip.
Napakunot ang noo ng dalaga. Nasira na ang araw niya pero mukhang mas masisira pa ito dahil sa narinig. Ibubuka pa lamang niya ang mga labi para muling sagutin ito pero inunahan na siya ng ama na hindi niya namalayang nakalapit na pala
Paano mo kasi mamamalayan, busy ka sa pakikipagsigawan.
*****
“HON, boses ni Princess ’yon, ah! What’s happening to her? Sino’ng kaaway niya?’ takang tanong ni Sheryl Ann sa asawa.
Sa lakas ng boses ng bunso nilang anak ay dinig na dinig nila ito kahit na nasa ikalawang palapag sila ng bahay.
‘Ewan ko, hon. Early in the morning, parang nasa courtroom ang dalaga natin. Tara, hon, sa baba nang malaman natin kung ano ang problema niya,” tugon naman ni Raven II sa asawa.
Nagmadali silang bumaba. Hindi na rin sila nagsayang ng oras at agad silang nagtungo sa mismong harapan ng gate, only to find out na may lalaking naka-ragged outfit pero ang pang-itaas nitong damit ay basang-basa na at kung hindi sila nagkakamali ay dahil ito sa kape. Hindi nga sila nagkamali dahil muling sumigaw ang anak nila na pinatulan ng lalaki.
“Hon, mukhang nahanap na ni Princess ang katapat niya,” out of the blue na ani Raven II na hindi maitago ang ngiti sa mga labi.
“Tama, hon. Magaling pumili si Kuya Frank ng tagabantay ng anak natin. If I’m not mistaken, unang araw niya ngayon bilang bodyguard ni Princess,” sagot ni Sheryl Ann na hindi rin napigilan ang pagngiti.
Akmang magsasalita pa sana ang anak nila na hindi yata aware sa presensiya nila pero inunahan na ito ni Raven II lalo na’t kitang-kita niya ang lalaki na basa sa kape.
“Enough, Princess! Look at him, he’s wet already because of coffee,” saway rito ng ginoo saka lumapit sa lalaki.
“Hijo, ako na ang humihingi ng paumanhin sa nangyari. Ikaw na lang ang bahalang magpasensiya sa anak ko. By the way, ano pala ang sadya mo dito? Pasok ka muna nang makapagpalit ka,” ani Raven II sa binata, although narinig nila ang huling tinuran nito na ito ang bodyguard ng kanilang anak ay ayaw pa rin nila itong pangunahan.
Para namang hinaplos ng malamig na tubig ang puso ng binata dahil sa tinuran ng ginoo. Tama, galit na galit siya sa mala-tigreng babaeng nagbuga sa kanya ng kape pero amo pa rin niya ito dahil tinanggap niya ang trabaho mula sa kanilang department.
“Hmmm, sorry po, sir, kung nakapag-ingay ako dito nang umagang-umaga. Huwag po kayong mag-alala dahil may baon po akong pamalit sa damit ko saka maaari naman akong sumaglit kay Inay sa palengke para makapagpalit. By the way, salamat, sir,” sagot ng binata sa mababang boses.
“No, hijo, don’t go and waste your time. Just come in and use the bathroom to change and freshen up yourself. Don’t be shy, hijo,” pagsalungat ni Raven II sa tinuran ng binata ngunit tumanggi ito.
“Ay naku, Daddy, kung ayaw niya huwag niya! Siya na nga ang inaalok, siya pa ang maarte! Daig pa si Miming na naglilihi!” inis pa ring turan ng dalaga na ang tinutukoy ay ang alagang pusa.
“Say sorry to him, Princess. He’s the one your ninong Frank sent as your bodyguard,” dinig ng binata na wika ng ginang sa tigreng nagkatawang-tao.
Sa sulok ng mga mata niya’y kitang-kita niya ang pagtaas ng kilay at ang pag-pout ng mga labi nito saka parang nasa battlefield na nag-about face.
Pumasok ito nang hindi nagso-sorry at hindi man lang inalam kung ano ang pangalan ng magiging bodyguard niya.
Ang buong akala nila’y tapos na ito sa panggagalaiti pero lumingon pa ito saka nagwika.
“At siya nga pala, ikaw na lalaki ka na parang pulubi sa tabi-tabi at labas-masok sa kulungan, aba’y paano mo magagawa ang maging tagabantay ko kung palagi kang nasa lugar ng mga kriminal? And will you look at yourself, maging presentable ka naman kahit papaano para hindi halatang isa kang sangganong bodyguard ng isang abogadang tulad ko!” umuusok pa rin ang ilong nitong sabi.
Kuyom man ang kamao ng binata dahil sa lantarang pang-iinsulto ng tigreng parang nakawala hawla na kahit anumang oras ay puwedeng mangain ng tao, nahihiya pa rin siya sa mag-asawang nasa harapan niya lalo na’t mabait naman ang dalawa. Kung hindi siya nagkakamali’y ang ginang na nasa harapan niya ngayon ay ang mayamang kaibigan ng pinakamamahal niyang ina.
Walang nagsalita sa kanilang tatlo, hinintay muna nilang mawala si Princess sa kanilang paningin bago lumapit si Gng. Sheryl Ann sa binatang si Phillip.
“Wait, hijo, mukhang kilala na kita, ah. Saan na ba kita nakita dati? Parang . . . parang ikaw iyong humabol dati sa snatcher sa palengke, ah,” ani ng ginang.
“Opo, ma’am, ako po ’yon, nanay ko po si Inay Wilma,” tugon ng binata.
Dahil dito ay mas naging maluwag ang ngiting nakabalatay sa mukha ng ginang.
“Ako na ang nagsasabi sa iyo, hijo, mabait ang anak namin kaya ikaw na muna ang bahalang magpasensiya sa kanya. Nagkataon lang siguro na nagsimula kayo sa maling pagkakataon,” sabi ng ginang na agad namang sinegundahan ng ginoo.
“Kailanman ay hindi pumalpak ang pakiramdam ko, hijo. I felt that we can trust you. Ikaw na ang bahala sa anak namin. Tama naman ang tita mo, mabait si Princess Ann, kaya lang nagsimula yata kayo sa maling sitwasyon. By the way, you can call us Tito Raven and you can call my wife Tita Sheryl Ann, and you are?” tanong ng ginoo.
Napangiwi naman ang binata sa narinig. Sa dinami-dami ng binitiwang salita ng mga ito’y nakaligtaan ng mga itong itanong muna ang pangalan niya.
“Phillip Sandoval po. Pinakiusapan po ako ni Chief Fuentes para maging bodyguard ng tigreng iyon dahil nga sa isa daw itong abogado’t may hawak na mahalagang kaso,” tugon niya na napakamot pa sa batok dahil nadulas ang dila niya at natawag niyang tigre ang maging amo niya—amo niyang sa unang araw pa lang ay nakasagutan na niya.
Buong akala niya’y magagalit ang mag-asawa dahil dito pero laking gulat niya dahil napahalakhak lang ang dalawa.
“Lalaking pulubi ang tawag niya sa iyo, hijo, ’tapos babaeng tigre naman sa ’yo. No problem about that as long na huwag umabot sa puntong magkakasakitan kayong dalawa. By the way, let’s all go inside para makapagpalit ka na, may lakad pa naman kayo ngayon ni Princess Ann,” nakatawang wika ng ginang.
Wala nang nagawa ang binata kundi ang sumunod sa mga magulang ng dalagang amo niya. Hindi siya propeta pero ramdam niya ang kabaitan ng mga ito na siyang kabaliktaran ng tigreng nagkatawang-lupa.
*****
INIS na inis ang dalaga dahil sa kamalasan niya no’ng araw na iyon.
“What happened to you, bunso? Aba’y halos puwede nang sabitan ng kaldero ni Nanay sa kusina ’yang nguso mo, ah?” takang tanong ni Ralph Angelo sa bunsong kapatid.
“Huwag kang dumagdag sa init ng ulo ko, Kuya, kung ayaw mong patulan kita,” nakasimangot na tugon ng dalaga.
“Naku naman, Princess Ann Harden, what’s happening to you? Nanganak na ba si Miming? Beware, nandiyan si Sky, baka maisipan nitong kainin ang pusa mo,” pang-aasar pa ng binata saka mabilis na lumayo sa kapatid. Lalaki siya at marunong sa self-defense pero hindi pahuhuli ang kapatid niya lalo na’t sangkot ang pinakamamahal nitong si Miming o ang alaga nitong British shorthair cat.
“Crazy! Subukan ng asong ’yon na lapitan ang pusa ko, tingnan ko lang kung maabutan mo pa siyang buhay mamayang hapon.”
Ang unti-unti nang humuhupang galit ng dalaga ay muling nabuhay dahil sa siraulo niyang kapatid na ewan niya kung ano ang ipinakain ng ambisyosa nitong nobya rito at mahal na mahal niya pa rin ito kahit iniiputan na siya sa ulo.
Dahil sa inis ay hindi na lumabas ang dalaga, nagtungo na lamang siya sa kinaroroonan ng alagang pusa at baka maisipan pa talagang awayin ng alagang pitbull ng kuya niya.
*****
“SORRY po, sir, pero hindi po namin puwedeng ibigay ang records ng mga pasyente sa kahit sino,” hinging-paumanhin ng nurse kay Jhay-R na unico hijo ni Don Fred.
Dahil sa kagustuhang walang masamang mangyari sa kanila ay mas ninais ng grupo ni Damian na ipaalam sa don ang tungkol sa pagpapabalik-balik ng dalagang abogado sa naturang pagamutan.
“Miss, ibigay mo na lang kung ayaw mo pang magpaalam sa mundong ibabaw,” pananakot pa ni Damian.
“No! I won’t do that, sir. I will not let those patients be in danger. That’s the protocol of the hospital, so just do what you want to do,” pagmamatigas ng nurse.
Hindi na sumagot ang mga ito pero pasimpleng luminga-linga. Nang makasiguradong sila lang ang tao sa paligid ay walang sinayang na panahon si Jhay-R, agad niyang itinakip sa ilong ng nurse ang hawak na panyo. Hindi niya ito tinanggal hangga’t sa mawalan ito ng malay.
“Magmasid kayo, guys, at susubukan kong galawin ang computer, bakasakaling may malaman tayo,” bilin ni Jhay-R.
Nasa aktong gagalawin sana ng iba pang kasama ni Jhay-R ang iba pang computer nang biglang tumunog ang emergency alarm. Ora-orada silang umalis kasama ang nurse na nawalan ng malay. They left the hospital without a trace.
*****
“ANONG kapalpakan na naman iyan, Jhay-R?” salubong na tanong ng don pagdating na pagdating pa lamang nila.
“Kapalpakan agad, Daddy? Sinubukan lang namin na hanapin ang kuwarto ni Marco sa pagamutang iyon dahil lagi ngang nandoon ang abogada ng namayapang anak ng mortal mong kaaway,” prenteng sagot ni Jhay-R.
“Sino?” kunot-noong tanong ng don dahil wala namang nabanggit ang mga tauhan niya tungkol dito. Ang laging sinasabi ng mga ito’y ang tungkol sa tinik sa lalamunan niyang si Sandoval.
“Kitam, Dad! Hindi mo pala alam ang tungkol sa abogadang iyon? Kaya lang naman ako nakialam sa teritoryo ng mga tauhan mo, Daddy, dahil wala na yata silang magawa para matukoy kung bakit laging magkausap ang hepeng iyon at ang abogadang iyon. Kung hindi lang sana tatanga-tanga ang tauhan mo sa presinto, disin sana’y malaya pa tayong nakakasagap ng impormasyon doon,” wika ng binata.
Napabuntonghininga na lamang ang don dahil totoo naman kasi ang tinuran ng anak. Bihira itong makialam sa mga tauhan niya lalo at may sarili itong ruta, pero ang ikinakatakot niya'y baka mamukhaan ito ng mga tao. Hangga’t maaari’y ayaw pa niyang malaman ng lahat kung ano’ng mayroon sila o ano ang tunay na ikinabubuhay nila. Totoong mayaman sila pero ang yaman nila’y galing sa ipinagbabawal na gamot. Sangkot din sila sa smuggling, sa illegal loggings sa North Luzon, at higit sa lahat, may ilang club sila na nakakalat sa buong Luzon.
“Just take care, anak. Alam mo namang mainit tayo ngayon sa mata ng mga parak. And beware, pangalan mo rin ang masisira niyan, you know what I mean,” ani na lamang ng Don.
“Don’t worry, Dad. Just trust me,” kumpiyansang sagot ng binata saka binalikan ang mga tauhan ng ama lalo nang maalala niya ang nurse na walang-malay na nasa sasakyan.