Napuno ng katahimikan ang buong silid nang manatiling walang imik si Ice pagkatapos itong paulit-ulit na tinanong ni Vivian kung ano ba talaga ang sakit nito. Hindi na rin nangahas na sumabat ang mga kasamahan nito. Tahimik lang na nakikinig ang mga ito kay Vivian at naaawang nakatingin lang kay Ice. "Lalabas lang kami sandali," mayamaya ay paalam dito ni Clarisse. Tinapik nito sa balikat ang kaniyang asawa. Nagpaalam din sa kanila ang doctor at ang lalaking nakahuli sa kaniya kanina. Tumango lang si Ice samantalang wala namang emosyon ang mukha ni Vivian. Mas naka-focus siya sa magiging sagot ni Ice. Inihahanda na niya ang kaniyang sarili na ngayon pa lang ay parang nadudurog na sa ideyang may sakit ang kaniyang asawa. At siguradong malala. Dahil hindi naman siguro ito maglilihim sa kan