Drizella Genet's POV
"Ma'am Drizella, ako na po ang tatapos sa paglilinis ng sasakyan niyo," saad ng tauhan ng Daddy ko.
"Ako na lang po," sagot ko agad.
Itinaas ko ang spaghetti top ko na brown na nabasa na. Pati ang cotton short ko ay basa na rin. Hindi ko na lang pinansin at kinuha ko na ang hose para alisin ang sabon sa kotse ni Daddy na hilux.
Kailangan kong linisin 'to dahil nasukahan ni Kuya kagabi pagbaba niya ng kotse. Kaya kahit hapon na, nililinis ko pa rin ang kotse. Pauwi na bukas sila Mommy at Daddy galing sa Europe trip nila at hindi nila pwedeng maabutan na marumi ang sasakyan.
"Miss Universe!"
Napalingon kaagad ako sa gate namin. Pinatay ko ang hose at binitawan ito dahil nakita ko ang isa sa mga kaibigan ni Kuya na nakasakay sa kotse na nakababa ang bintana.
"Marky!" Naglakad ako papunta sa gate namin at binuksan ito para makapasok ang sasakyan niya.
Pumasok ang nguso ng kotse ni Marky at huminto ang parte ng driver seat sa mismong harapan ko.
"Hello, Drizella!" bati sa akin ng dalawang kasama ni Marky.
Si Dexter na nakaupo sa shot-gun-seat at si Marlo na nasa back seat ang bumati sa akin. Mga kaibigan din ni Kuya.
"Hi! Sige na, pasok na kayo."
Umatras ako para makadaan ng maayos ang sasakyan ni Marky. Nang makadaan sa harapan ko, handa na akong tumalikod pero nagulat ako sa isang ducati na nakasunod sa kotse nila.
Hindi ko kilala ang lalaking nagmamaneho dahil sa suot nitong helmet. Kupas na pantalon, itim na t-shirt at itim na jacket. Wala namang lamay sa bahay namin.
Huminto sa harapan ko ang motor at hindi ito sumunod sa garahe ng bahay namin. Inalis nito ang helmet niya. Ang magulong buhok na blonde.
"Oh, Pierre," saglit akong nagulat pero itinago ko rin.
Ayokong isipin niya na ayaw ko siya sa bahay dahil hindi ko inaasahan na darating siya. Ang sinabi kasi ni Kuya sa akin kanina, pupunta ang mga kaibigan niya pero hindi ko inasahan na kasama si Pierre.
"Nice motor huh," nakangiting sambit ko at napatingin sa Ducati niyang pula na may nakalagay pang 'Aceves'.
Isinandal niya ang sarili sa ducati niya at yakap-yakap niya ang hellmet niyang pula rin at heavily tinted ang salamin.
Napatingin ito sa katawan ko at tumaas ang sulok ng labi niya.
"Miss Universe!" narinig kong tawag sa akin ni Marky.
Lumingon agad ako sa kanya. Nakababa na siya ng kotse pati si Dexter at Marlo.
"Oh, sige na. Pumasok na kayo sa loob. Naghihintay si Kuya sa living room," nakangiting sambit ko.
Pumasok naman silang tatlo sa loob ng bahay. Napalingon muli ako kay Pierre dahil kami na lang ang naiwan.
"Maganda ang hubog ng katawan mo," puri nito sa akin.
Tumaas ang magkabilang gilid ng labi ko. Sanay na akong pinupuri ang katawan ko at hindi na bago sa akin 'to.
"Salamat, Pierre."
Inalagaan ko talaga ang katawan ko para maging ganito ka-confident. Mahal na mahal ko ang katawan ko dahil ito ang isa sa puhunan ko para sa Miss Universe.
"Sigurado ka bang wala kang boyfriend?" nagtatakang tanong na naman nito.
Natawa ako sa kanya. Magaan na ang loob ko sa kanya lalo na ngayon na nakita kong nagawi siya sa bahay namin kasama ang iba pang kaibigan ni Kuya.
"Wala nga."
Wala rin naman akong balak na pumasok sa isang relasyon. Hindi pa ako handa at mas gusto kong unahin ang pangarap ko. Makakapaghintay naman ang tamang lalaki sa akin.
"Manliligaw?" tanong pa nito.
"Teka bakit ba naging interesado ka bigla?" natatawang tanong ko sa kanya at namewang.
Umayos ito nang pagkakatayo at tumingin sa likod ko.
"Marunong ka pa lang maglinis ng kotse?"
Napalingon ako sa sasakyan na nasa likod ko. Hindi ko pa pala natatapos ang paglilinis.
"Ay oo nga pala!" natatarantang saad ko.
Nawala sa isip ko na kailangan ko nga pala na maglinis ng kotse.
"Sige na," humarap ako kay Pierre. "Pumasok ka na sa loob kasi maglilinis pa ako ng sasakyan—"
"Pumasok ka na rin," putol niya sa ano pa man na sasabihin ko.
Dumausdos pababa ang tingin niya sa damit ko na basang-basa na parang naligo sa dagat.
"Basang-basa ka na. Maligo ka na at ipatapos mo na 'yan sa taga-linis niyo. Modelo ka kaya alagaan mo ang sarili mo."
Katulad din siya ng kaibigan ng Kuya ko na maaalalahanin sa akin.
"Ayos lang," natatawang sambit ko. "Matatapos na rin naman na ako sa paglilinis. Banlaw na lang sa kotse para matanggal na ang sabon—"
"Ako na ang tatapos sa paglilinis," anito at inihagis sa akin ang helmet niya.
Mabuti na lang at maagap ako na nasalo agad ito. Maaalalahanin ang mga kaibigan ng Kuya ko pero iba ang Aceves na 'to.
"Mang Alvarro, kayo na po ang tumapos nito," nakangiting sambit ko sa tauhan ng Daddy ko.
Muli akong humarap kay Pierre at ibinalik ko sa kanya ang helmet niya.
"Tara na. Pumasok na tayo," anyaya ko sa kanya.
Nakakahiya na paglinisin pa ang bisita. Kaya kahit na gusto ko na ako ang tumapos sa paglilinis ng sasakyan, hindi ko na gagawin.
"Anyway, bakit nga pala ngayon ka lang nagawi sa bahay namin? New friend ka ba ni Kuya—"
"Matagal na kaming magkakilala ni Damien," putol nito sa sasabihin ko.
Naglakad kami papasok ng bahay. Matagal na sila pero kahapon ko lang siya nakilala.
"Eh bakit hindi ka nagagawi sa bahay namin—"
"Club at bahay ko lang ang puntahan ko," mabilis na sagot nito sa mga tanong ko na hindi pa nga tapos sabihin. "Hindi ko hilig ang pumunta sa bahay ng kaibigan."
Huminto kami sa paglalakad ng makarating kami sa living room ng bahay pero wala sila Kuya. Narinig ko naman ang ingay mula sa taas. Mukhang doon sila nagpunta.
"Ah kaya pala ngayon lang kita na kilala," wika ko at humarap kay Pierre.
May mga kaibigan siya pero nasa mukha niya na parang mas gugustuhin niya na mapag-isa na lang.
"Mabuti naman at nagawi ka kahit na wala kang hilig na bumisita sa bahay ng kaibigan mo," natatawang sambit ko sa kanya.
"Mukhang ngayon may hilig na ako sa pagdalaw sa bahay ng isang kaibigan."