GALIT na galit si Dale pero pinipigilan niya ang sarili dahil nasa tabi niya ang anak. Ayaw niyang makita nito kung paano siya sumabog sa gigil. Inihatid niya sa mansiyon si Deile at nagmamadaling lumabas ng bahay. Halos paliparin niya ang Ferrari papunta sa bahay ni Cathy. Bumusina siya nang sunod-sunod. Hindi naman nagtagal ay sumungaw sa maliit na pinto ang kasambahay ni Cathy.
Hindi malaman ng kasambahay kung susundin ba siya o hindi, kaya sinigawan niya ito. “Open the gate!” At nanginginig na binuksan nito ang malaking gate. Malakas ang ingit ng gulong ng kotse at halos sumadsad ito sa harap ng bahay. Nagmamadaling bumaba si Dale.
“Where are my sons?”
“A-Ah, s-sir . . .”
“I said, where are my sons?!” Halos mabingi ang kasambahay sa lakas ng sigaw niya.
“N-Nasa taas po si Jordan at Jayden, s-sir, sa kuwarto.”
Patakbong inakyat ni Dale ang kuwarto ng mga anak sabay tulak ng pinto. Mabuti at hindi naman naka-lock iyon.
“Dada!” magkapanabay na sigaw ng dalawa at patakbong sumalubong sa kanya.
“Baby, I missed you so much. Did you miss me?” Yumakap nang mahigpit sa kanya ang dalawang bata. Halos maiyak naman si Dale sa sobrang pagka-miss sa mga anak.
“Opo, Dada, miss na miss ka namin, pero sabi ni Mommy, busy ka daw sa work kaya hindi mo kami nadadalaw.”
“Oh, God. I terribly missed my sons.” Panay ang halik niya sa ulo ng dalawa. “Do you want to go with me?”
“Yes, Dada! How about Mommy po? Kasama po ba natin siya?”
“No, baby, but it’s okay if you don’t like.”
“Saan po ba tayo pupunta, Dada?”
“Sa mansiyon, baby. Sa bahay ko. So do you wanna come?”
“Talaga po, Dada? Yehey! Sabi ni Mommy, malaking-malaki daw ang mansiyon n’yo, may swimming pool pa. Puwede po ba kaming maligo doon?”
“Of course, baby, anytime.”
“Yes!” magkapanabay na sigaw ng dalawa.
“Dada, please po, pakikuha ’yong bag namin.”
“Bakit? Ano’ng gagawin ninyo sa bag?”
“Siyempre magdadala kami ng damit,” hagikgik nito sa ama.
“No need, baby. Marami kayong damit sa mansiyon, saka we can buy tomorrow if you like.”
Tumakbo sa banyo ang isang kambal na si Jayden at mabilis ding lumabas dala ang dalawang toothbrush. Pagkatapos ay iniabot ang isa sa kakambal na si Jordan.
“O, ano naman ’yan?” tanong ni Dale sa anak.
“Dada, sabi po ni Mommy, always brush our teeth po. Kaya ito, dadalhin namin.”
“Okay, sabi n’yo, eh. Let’s go.”
Karga ni Dale ang isa at ang isa naman ay nasa likod niya. Mabilis ang pagbaba nila ng hagdan.
“Sir, saan ho kayo pupunta?”
“Sa mansiyon, ipapasyal ko lang ang mga anak ko sa bahay.”
“Sir, puwede po bang hintayin n’yo si Ma’am?”
“No need.” At mabilis ang hakbang na binuksan ni Dale ang sasakyan. Nilagyan niya ng seatbelt ang dalawa saka umupo sa driver’s seat at ini-start agad ang kotse.
Wala nang nagawa ang kasambahay kundi isara ang gate saka pa lang naalalang tawagan ang amo.
“Ma’am, please answer the phone . . .” Pero ring lang nang ring iyon.
***
SI Cathy na kalalabas lang ng restroom ay naglakad na pabalik sa kanyang upuan. Almost 7 p.m. na at dadaan pa siya sa Jollibee.
“Cath, kanina pa nagri-ring ang phone mo.”
Sinilip agad iyon ni Cathy at marami ngang missed call ang yaya ng mga bata. Kinabahan siya bigla kaya nag-excuse muna siya kay Andrei.
“Ma’am . . .” Halos maiyak ang kasambahay.
“What happened?” tanong ni Cathy sa kalmadong boses.
“Ma’am, ang mga bata po, dinala ni Sir Dale. Sa mansiyon daw po.”
Takot at galit ang naghahalo sa dibdib ni Cathy pero hindi siya nagpahalata kay Andrei. Baka lalong lumaki ang gulo ’pag nalaman nito at magpumilit na sumama para bawiin ang mga bata.
Aminin man niya o hindi, takot siya sa galit ng mga Montemayor. Baka lalo niyang hindi makita ang mga anak.
“Are you okay, Cath?” tanong ni Andrei sa kanya.
“Yes, no worries. May sinabi lang ang yaya ng mga bata. Andrei, I need to go, almost 7 na.”
Naunawaan naman agad ni Andrei ang ibig niyang sabihin kaya kinawayan niya ang waiter at hiningi ang kanilang bill.
***
MALAKAS ang kabog ng dibdib ni Cathy na nag-doorbell sa mansiyon nina Dale.
Sumilip ang guwardiya. “Ano’ng kailangan nila?” tanong nito sa kanya.
“A-Ah, pakisabi sa boss mo na si Dale, nandito sa gate si Cathy.”
Hinayaan ni Cathy ang sasakyan sa labas ng gate nang papasukin siya nito.
“Sa master’s bedroom daw po kayo tumuloy, ma’am.”
Tinanguan lang niya ito. Pagdating niya sa master’s bedroom ay kumatok siya. Agad namang bumukas iyon.
“Come in and lock the door,” utos ni Dale sa kanya. Sinunod naman niya ito at nagmamadaling pumasok. “What do you want?” baling nito sa kanya. Gusto nang mainis ni Cathy sa klase ng tanong nito, eh alam na alam naman nito kung ano ang ipinunta niya.
“Of course, susunduin ko ang mga anak ko!”
Lumapit si Dale sa bintana. “Sino’ng may sabi sa ’yo na makukuha mo ang mga bata?”
Napatayo si Cathy sa inis. “Anak ko lang naman sila kaya karapatan ko iyo—” Pinutol ni Dale ang sasabihin pa sana niya.
“Ako na ang mag-aalaga sa kanila, tutal wala ka nang oras sa kanila dahil sa mga activity mo sa araw-araw!”
“What do you mean?”
“Hypocrite!” sigaw ni Dale sa kanya. “Nagmamaang-maangan ka pa. Doon ka na sa lalaki mo, hindi mo kailangan ang mga bata. Anytime naman, puwede kayong gumawa ng kahit ilang bata, kaya bakit mo pa pag-aaksayahan ng oras ang kambal?!” Madiin ang bawat salita ni Dale.
“Excuse me, Mr. Montemayor. Ako ang ina ng kambal, ako ang nagpakahirap mag-isa nang siyam na buwan, ako ang nagpalaki sa kanila, at ako ang nagpakain sa kanila!” Mangiyak-ngiyak si Cathy sa sobrang galit.
“Makakaalis ka na. Hindi mo sila makukuha sa akin, tandaan mo ’yan!”
“No! Don’t do this to me, Dale! Mamamatay ako! Please, ibalik mo sa akin ang mga anak ko!” Hindi na napigilan ni Cathy ang pagtulo ng luha. Sobrang sakit para sa isang ina ang alisan ng karapatan. “Halos buhay ko ang kapalit maipanganak ko lang sila at mapalaki.”
Halo-halong hinanakit ang pumuno sa dibdib ni Cathy. Nagsisikip ang dibdib niya na hindi na siya halos makagalaw sa kinatatayuan. Kilala niya ang mga Montemayor: makapangyarihan ang mga ito. Alam niyang mahihirapan siyang mabawi ang mga bata basta ginusto ng mga ito.
“Please, D-Dale, maawa ka . . .” Lumuhod siya sa harap ni Dale habang nakatungo at panay ang daloy ng masaganang luha mula sa kanyang mga mata. “H-Hindi ko kayang mawala ang mga anak ko, please maawa ka . . . Alam kong makapangyarihan kayo. Lahat ng gustuhin n’yo ay makukuha n’yo, but please, nagmamakaawa ako sa ’yo. Ibalik mo sa akin ang mga anak ko.”
Gusto nang bumigay ni Dale. Hindi niya kayang makita na nakaluhod sa harapan niya ang babaeng mahal niya. Iisa lang naman ang gusto niya: ang bumalik ito sa kanya, na mahalin uli siya nito, at ang tanging alas lang niya ay ang mga anak. Kailangan niyang maging matigas at h’wag maawa rito dahil kapag pinairal niya ang awa at pagmamahal dito ay hindi na niya ito mababawi pa.
Aminado naman siya na malaki ang kasalanan niya rito, lalo na no’ng umalis ang mga ito na hindi man lang niya naihatid sa airport. Kinailangan kasi niyang unahin ang isang anak dahil nagkataon na bigla na lang bumagsak at nawalan ng malay si Deile no’ng mga panahong iyon. Dahil kung hindi nila ito aalagaan ay maaaring ikamatay nito ’yon. Ayaw na niyang maulit na mabuksan uli ang puso nito. Awang-awa na siya sa anak. Then after a month, hindi na niya ma-contact ang numero ni Cathy sa UK.
“Kung gusto mong makasama ang mga bata, move here!”
“No!” Hindi na niya hahayaang paglaruan na naman siya nito at gamitin ang katawan niya. Pasalamat nga siya noon at hindi siya nabuntis uli. Ngayon, kung susundin niya ang gusto nito ay gagawin lang siya nitong parausan. Ngayong naka-move on na siya sa sakit at pait sa halos sampung taong alipin siya ng pagmamahal dito, hindi na niya hahayaang malugmok na naman siya sa pesteng pagmamahal na iyon.
“Kung gano’n, makakaalis ka na, bukas ang pinto.” At tinalikuran na siya nito.
Walang-patid ang luha ni Cathy na dahan-dahang tumayo sa pagkakaluhod at humakbang palapit sa pinto. Bagsak ang mga balikat na bumaba siya ng hagdan at lumabas ng mansiyon. Tumingala pa siya, nagbabakasakaling masilip ang mga bata.
Nakasilip si Dale sa bintana. Parang sinasaksak ang puso niya nang paulit-ulit nang tuluyan nang mawala sa paningin niya si Cathy. Tuluyan na nga bang nawala sa kanya ang babaeng mahal niya? Napaiyak si Dale habang nakatungo.
***
ILANG araw nang hindi lumalabas ng bahay si Cathy kaya wala na siyang nagawa nang magpumilit si Andrei na puntahan siya sa bahay nila isang gabi. May mga dalang fruits at bulaklak si Andrei nang bumaba sa tapat ng bahay ni Cathy.
Sa ’di-kalayuan, halos mangain na ng tao ang nanlilisik na mga mata ni Dale habang nakatanaw sa papasok na si Andrei. Pinaharurot niya ang kotse. Sa kaalamang kasama ni Cathy ngayon si Andrei ay parang pinipiga ang puso niya sa sobrang sakit. Ini-imagine niya na nakayakap ito kay Cathy habang hubad silang dalawa sa ibabaw ng kama.
“F*ck!” Hinampas ni Dale ang manibela ng kotse niya. Para siyang mababaliw sa isipin. Gusto niyang pumatay ng tao sa mga oras na ito.
Sobrang frustrated na pumasok siya sa bar na matagal na niyang iniwasan.
“Wow, pare. Ikaw ba ’yan? Ano’ng masamang hangin at naligaw ka dito? Akala ko ba, isinumpa mo na ang lugar na ito?” pambubuska ni Tyron sa kanya.
“Shut up, man! Give me a shot of tequila.”
“Eh, babae, ayaw mo? Ang dami mo nang na-miss dito, pare.”
Nakaapat na shot na si Dale ng tequila at nag-iinit na ang katawan niya. Maya-maya lang ay may lumapit sa kanyang babae.
“Hi, babe.” Nairita siya pagkarinig sa salitang ‘babe.’ Si Cathy lang ang tumatawag sa kanya n’on.
“What do you want?” pasinghal na tanong niya rito.
“O, gusto ko ’yan, loverboy. Ikaw ang gusto ko.” Sabay hagod nito sa pagitan ng mga hita niya.
Tatayo na sana si Dale nang mamataan niya ang babaeng pumasok ng bar. “Sh*t!” Sina Cathy at Andrei. No’ng malapit na ito sa kanila ay walang-sabi-sabing nilamukos niya ng halik ang babaeng katabi.
Natigilan si Cathy sa nakita. Hinila agad siya ni Andrei at dinala sa VIP room.
Nang maramdaman ni Dale na wala na ang mga ito ay mabilis siyang tumayo at umalis. Ang nagtatakang babae pati si Tyron ay napailing na lang sa kanya.
“Baliw ba ’yang kaibigan mo?” tanong ng babae kay Tyron.
“No. Pasalamat ka na lang at iniwan ka niya dahil kung napag-trip-an ka n’on, sigurado akong hindi mo magugustuhan ang gagawin niya sa ’yo.”
***
NAGPAALAM si Cathy saglit kay Andrei na pupunta ng restroom, pero ang totoo, sisilipin niya si Dale kung ano’ng ginagawa nito at ng babaeng kahalikan nito. Palinga-lingang hinanap niya si Dale pero wala na ito.
“Si Pareng Dale ba ang hinahanap mo, ganda?”
Napabaling si Cathy sa nagsalita. “A-Ah, y-yeah. Nasaan na sila?”
“Sinong sila?” balik-tanong ni Tyron sa kanya.
“I mean, ’yong kaibigan mo saka yong girlfriend niya.”
Natawa si Tyron sa sinabi niya. “’Yon? Naku, hindi niya ’yon girlfriend. Kanina lang niya ’yon nakita. Saka ’yong kaibigan ko na ’yon, hindi uso ’yan doon. Iisa lang ang alam kong girlfriend niya na iniyak-iyakan pa niya.” Sabay tawa nito.
Naintriga si Cathy sa kadaldalan nito. “At sino naman ’yong babaeng iniyakan niya?”
“Naku, Miss Ganda, ang dami mong tanong. Type mo ba ang kaibigan ko? Kung ako sa ’yo, tigilan mo ang ilusyon mo dahil iisang babae lang ang minamahal n’on hanggang ngayon: ’yong taga-UK. Siguro napakaganda ng babaeng iyon, dahil sa dinami-dami ng babaeng dumaan sa mga kamay niya ay iyon lang ang iniyakan niya, lalo na nitong last two years.”