One year later . . .
KALALAPAG lang ng eroplanong sinasakyan nina Dale sa NAIA. Galing siyang London kasama ang tatlong anak.
“Dad, can we eat please?” tawag ni Jayden sa ama, at dahil malapit sila sa Starbucks ay doon na sila pumasok. Nakapila sina Deile at Jayden samantalang nakaupo na sina Dale at Jordan. Bigla itong tumayo.
“Uncle Andrei!” sigaw nito. Paglingon ni Dale, nakatayo sa harap niyang table si Andrei kasama ng isang sexy at maputing babae.
“How are you, Dhel?”
“I’m good, uncle. And who is she?”
“Ah, this is my fiancée Yza. By the way, where is your mom?”
“She’s busy at the hospital.”
“Who’s with you, Dhel?”
“My dad. We’ve just arrived from London.”
“I see . . .” Lumapit ito kay Dale. “It’s been a long time, pare. Kumusta? How’s my best friend Cathy? Are you two on good terms now?”
Naguguluhan si Dale kay Andrei. “What do you mean?” balik-tanong ni Dale dito.
“I know you are mad at me before at hindi naman kita masisisi. Before, I admit na gusto ko si Cathy kaya niligawan ko siya, but wala, eh. Iisa lang ang laman ng puso niya. Kaya nga malaki ang utang na loob ko sa girlfriend mo dahil sinagip niya ako sa muntikang fix marriage. Kung hindi siya pumayag na magpanggap na fiancée ko noon, malamang hindi ko makikilala ang babaeng ito.” Itinuro ni Andrei ang fiancée niya. “She’s like a sister to me, at hindi naging kami dahil ikaw lang ang mahal n’on. So paano? Nice meeting you again.”
“Hi, uncle,” bati sa kanya ni Jayden.
“Hi, kiddo. Both of you are a big man now. H’wag ninyong pasasakitin ang ulo ng mommy n’yo.”
Nakaalis na si Andrei at ang fiancée nito ngunit hindi pa rin maka-recover si Dale sa mga nalaman.
“Dad, are you okay?” Nag-aalala si Deile habang nakatingin sa kanya. Siguro iniisip nito na nag-away na naman sila ni Andrei.
“Yeah, son, I’m okay. No worries.”
“Are you sure, Dad? Kasi nag-usap lang kayo ni Uncle Andrei ’tapos nagkaganyan ka na.”
Sumakay na sila ng limo na sumundo sa kanila pero tahimik pa rin si Dale. Hanggang ngayon, hindi maalis sa isipan niyan ang mga sinabi sa kanya ni Andrei. All these years, pinag-isipan niya ng masama ang babaeng mahal niya, sinaktan niya ito nang paulit-ulit, at ang pinakamasakit, pinabintangan niya itong masamang babae.
***
NASA canteen si Cathy habang umiinom ng soup. Lately, wala siyang apetite at malaki na ang ibinagsak ng katawan niya. Kahit kasi ano’ng gawin niya ay hindi siya makatulog. Sobrang nangungulila siya sa mga anak. Lalo na nang minsang dumaan siya sa tapat ng mansiyon. Nabanggit ng guard na nasa London na sila. Tuluyan nang inilayo sa kanya ni Dale ang mga anak.
“Paging Doctora Villegas, please come to the emergency room . . .”
Nagmamadali na siyang tumakbo. ’Pag gano’n na ang announcement ay delikado ang lagay ng pasyente. Tama siya, isang hit-and-run accident. Halos wala nang buhay ang pasyenteng nadatnan niya at kailangan itong operahan agad.
Matapos ang halos anim na oras na operasyon ay nanlalambot na lumabas si Cathy ng OR. Sinalubong siya ng pamiya ng pasyente.
“Doc, how’s my son?”
“He’s stable now but he needs to stay in the ICU within 24 hours.”
Kinabahan si Cathy nang magtama ang tingin nila ng lalaki sa dulo ng upuan. ‘Ano’ng ginagawa ni Dale dito?’ Nagmamadali siyang umiwas at dumeretso sa rooftop para magpahangin at uminom ng kape.
Hindi na nagawang habulin ni Dale si Cathy. Kahit siya ay natulala pagkakita kay Cathy. Hindi niya inaasahan na makikita itong humpak ang pisngi, nanlalalim ang mga mata, at sobrang payat. Gustong maiyak ni Dale. Parang tinusok ang dibdib niya sa pagiging miserable ng hitsura ni Cathy at alam niyang siya ang may kasalanan kaya ito nagkaganito.
Ang sabi ng guard sa penthouse, hindi na raw ito umuuwi roon. Itinanong ni Dale ang schedule ni Cathy at napag-alaman niyang mahigit isang taon nang 24-hour on call duty ito at sa ospital na raw ito nagsi-stay.
***
“DOCTORA, may note ho kayo dito, ipinabibigay sa inyo.”
Sumikdo ang dibdib ni Cathy nang mabasa iyon. Excited siyang umuwi sa penthouse at naligo saka nagmamadaling nagbihis, pero kahit ano’ng isuot niya ay nahuhulog sa kanya. Mula kasi noong mag-on call siya sa ospital ay puro uniform ang suot niya. Hindi niya namalayan na ganito na siya kapayat.
Nagmamadaling dumaan sa mall si Cathy para bumili ng damit na maisusuot. Gusto niyang makaharap ang mga anak na maayos ang itsura. Nagbihis siya at ipinusod ang mahabang buhok. Panay ang practice niya sa pagngiti dahil mula noong magkahiwalay sila ng mga anak ay hindi na niya nagawa pang ngumiti.
Halos paliparin niya ang sasakyan niya para makarating agad sa mansiyon nina Dale. Iniwan niya ang kotse sa gilid at nag-doorbell. Pagkakita sa kanya ng guard ay hindi na siya tinanong nito at pinapasok agad. Naupo siya sa isang couch sa garden at doon niya hinintay ang mga anak. Hindi malaman ni Cathy ang mararamdaman.
“Mommy!” sigaw ng dalawang bata. Nag-uunahang pumatak ang mga luha ni Cathy pagkakita sa mga anak. Hindi siya magkamayaw sa pagyakap sa mga ito. Sobrang miss na miss niya ang dalawa.
Nakatanaw sa bintana si Dale na panay ang patak ng luha. Ramdam na ramdam niya ang paghihirap ni Cathy. Hindi mapatid-patid ang pag-agos ng mga luha nito dahil sa sobrang kasabikan sa dalawang bata.
Hinayaan ni Dale ang mag-iina niya na masolo ang isa’t isa. Hindi ito ang oras para magpakita siya rito dahil alam niyang masisira ang kasiyahang nakikita niya sa mga mata nito ’pag nakita siya ni Cathy. Nakontento na lang siyang pagmasdan si Cathy sa malayo, kahit ang totoo ay gustong-gusto na niya itong lapitan at paulit-ulit na humingi ng tawad. Gusto niyang yakapin ito nang mahigpit at sabihin dito na mahal na mahal niya ito, pero paano? Alam niyang hindi na ito maniniwala sa kanya.
Nagbilin si Dale sa mga bodyguard na kung sakaling ilalabas ni Cathy ang mga anak ay samahan ang mga ito pero dumistansiya lang sila at siguraduhing ligtas ang mga ito. Hindi sa labas pumunta ang mag-iina kundi sa kuwarto ng mga anak niya. Rinig ni Dale ang malalakas na tawanan ng mga ito.
Ilang oras na ang lumipas nang maisipan ni Dale na silipin ang room ng mga anak dahil tahimik na iyon. Wala na ang kambal pero si Cathy ay tulog na tulog na sa kama ng anak. Awang-awa si Dale kay Cathy. Maingat na binuhat niya ito at inilipat sa master’s bedroom. Inayos ni Dale ang kumot nito saka dinukwang ng halik sa noo bago niya ito iwan.
Napabalikwas ng bangon si Cathy nang maalimpungatan. Hindi iyon ang kuwarto niya. Unti-unting luminaw ang lahat sa kanya. Nakaramdam siya ng kaba kaya nagmamadaling tumakbo siya palayo. Sigurado siyang ’pag naabutan siya ni Dale ay hindi na naman siya nito pakakawalan. Dinadaan siya nito sa lakas kaya wala siyang magawa. Kahit ayaw niya ay nagagawa nito ang gusto. At siguradong hindi na naman siya nito palalabasin ng bahay.
Samantala, nagtatakang nakamasid ang guwardiya nang makita nitong tumatakbo at hingal na hingal si Cathy. Gusto sana niya itong tanungin pero agad itong nakasakay ng sasakyan at halos paliparin iyon sa bilis.
Mabilis ang pagpasok ni Cathy sa gate ng penthouse. Nagmamadali siyang lumabas ng kotse at dumeretso agad sa elevator. Hinihingal pa siya nang makapasok sa loob. Dapat makaalis agad siya rito. Hindi siya titigilan ng lalaking yon ’pag nanatili siya sa penthouse niya.
Inabot niya ang kanyang maleta at nagmamadaling naglagay ng mga importanteng gamit. Mas mabuti nang umiwas na muna siya sa binata. Minsan hindi na niya ito maintindihan lalo na ’pag nagagalit. Baka hindi nito makontrol ang sarili at bigla siyang saktan.
Mabilis ang kilos na isinara niya ang maleta at patakbong hinila iyon palabas ng bahay pero biglang bumukas ang pinto at iniluwa n’on si Dale. Napaatras si Cathy at nabitiwan ang maleta. Biglang nanlamig ang katawan niya habang patuloy pa rin sa pag-atras.
Nagtataka si Dale kung bakit gano’n ang reaksiyon nito. Tumigil siya sa paghakbang nang mapansin niyang parang natatakot talaga ito sa kanya.
“Baby, ano’ng nangyayari sa ’yo? Bakit ka nanlalamig?” Humakbang si Dale papalapit dito pero napayuko si Cathy at naglakad patungo sa pinakakanto ng sala.
“Please, h’wag mo akong lapitan. Diyan ka lang kung may gusto kang sabihin . . . Tungkol sa mga bata, pangako, hindi na muna ako magpapakita sa kanila, huwag ka lang magalit o saktan ako.” Hindi na napigilan ang pagtulo ng luha ni Cathy habang nakikiusap sa binata.
Hindi makaya ni Dale na makitang ganito si Cathy kaya hindi niya ito pinakinggan. Nagpatuloy siya sa paglapit dito ngunit mabilis na tumakbo si Cathy papasok sa kuwarto nito. Malalaki ang hakbang na hinabol niya ito at bago pa maisara ni Cathy ang pinto ay naiharang na ni Dale ang kamay niya rito. Alam ni Cathy na hindi niya kayang isara iyon kaya binitiwan niya ang pinto at tumakbo papasok ng banyo.
Walang nagawa si Dale nang mag-lock ito ng pinto ng banyo kaya naupo na lang siya sa gilid ng kama. Bumalik sa alaala niya ang ginawa niya kay Cathy a year ago. Kung papaano niya ito inangkin at iwang muli.
Kailangan makausap niya ito kaya lumabas siya ng kuwarto at nagkubli. Hindi siya papayag na makaalis ito. Halos twenty minutes din bago narinig ni Dale na binuksan nito ang pinto ng banyo.