Kabanata 31

1206 Words
SA KABUTIHANG PALAD walang gaanong tao sa baybayin dahil nga sa pagkamatay ng datu, tanging ang mga panauhing naghahanda na sa pagsakay sa balangay ang naroon. Abala nga rin naman ang mga tao sa paghahanap sa kaniya kaya hindi nabigyan ng pansin ang pag-alis ng mga ito. Hindi gaanong gumagalaw ang balangay sa ibabaw ng kalmadong tubig kaya hindi nahihirapan sa pag-akyat ang mga tagapagsilbi sa tablang nagsilbing hagdan. Nanatili siya saglit sa likuran ng mga malalaking bato habang pinagmamasdan ang mga ito sa baybayin, napansin pa ng kaniyang mga mata ang mandirigmang si Mitos kausap ang bagong kasal na mag-asawang sina Silay at Talas. Ninais niyang kausapin ito ngunit nang maisip niyang nag-iba ang tingin nito sa kaniya dahil sa nangyayari sa isla inalis niya na lamang sa kaniyang sarili ang bagay na iyon. Hindi rin naman siya nag-aksaya ng mga sandali sa pinagtataguan sapagkat lumusong na siya tubig. Umabot sa kanyang tiyan ang lalim ng tubig sa bahaging iyon ng dalampasigan. Hindi siya nakasisid sa pagsasalita ng pulang ahas sa kaniyang isipan. "Ano ang gagawin mo?" ang tanong ng pulang ahas na si Soraka. Malinaw niyang narinig ang matinis nitong pagsasalita. Huminga siya nang malalim upang mapuno ng hangin ang kaniyang baga. "Sisisid ako patungo sa balangay. Hindi naman ako puwedeng makiusap para sumakay dahil walang makikinig sa akin," mabilis niyang saad kapagkuwan ay tuluyan na siyang sumisid nang tahimik. Marahang bumalot sa kaniya ang maligamgam na tubig sa naiiwang bahagi ng kaniyang katawan na naiwang tuyo. Hindi na rin naman nagsalita ang dalawa kaya nailagay niya ang buong atensiyon sa pagsisid. Bata pa lang madalas na siyang lumalangoy sa tubig dahil na rin sa paghahanap ng mga maiuulam na laman ng dagat, kaya nga hindi na nakapagtatakang mistula lang siyang naglalakad sa ilalim ng tubig sa kaniyang paglalangoy sa tagal ng pagpigil niya sa kaniyang hininga. Puno ng kasiguraduhan ang pagkampay ng kaniyang mga kamay kasabay ng pagsipa ng kaniyang mga paa kaya mabilis siyang nakalapit sa ilalim ng balangay. Hindi siya kaagad pumaimbabaw ng tubig bagkus ay dumiretso siya sa pinakahulihan nito. Humawak siya sa lubid ng angkla't umakyat gamit iyon na nakabitin, tumutulo sa kaniyang basang katawan ang kumapit na tubig na hindi rin naman gaanong gumagawa ng ingay. Matapos nga niyang maabot ang puwetan ng balangay kumapit siya roon sabay inilipat ang kaniyang sarili sa tabla mula sa kinakapitan ng lubid. Habol niya ang kaniyang hininga nang makatayo siya nang tuwid na siya ring pagbitiw niya sa lubid. Hindi siya nanatili sa puwetan ng balangay dahil hindi nga magiging maganda sa kaniya kung makita siyang nakatayo roon na basang-basa. Kung kaya nga umalis siya roon at hinahanap ang kaniyang daan patungo sa lagayan ng kargamento. Nagawa niya namang makarating doon na walang nakasasalubong dahil abala pa rin ang lahat sa pag-akyat. Pumasok siya kaagad sa daanan na bumababa sa maikling hagdanan, naroon sa kargahan na iyon ang mga iba't kargamento magmula sa sako ng palay hanggang sa nakakahong daing. Nang marinig niya ang paglapit ng mga tagapagsilbi dala ang mga kaing ng saging mula sa itaas nagmadali siyang tumago sa likuran ng mga sako. Sumilip siya sa pagitan ng mga sako ng palay nang makakita siya Mayamaya nga ay nakita na niya ang dalawang tagapagsilbi na bumaba ng hagdanan, sa balikat ng mga ito ay nakapatong ang mga kaing ng saging. Muli siyang napapigil ng hininga sa lalo niyang pagyuko nang lumapit sa pinagtataguan niya ang dalawang tagapagsilbi. Huminto pa nga isa sa dalawa na para bang mayroon itong nakita, nakatitig ito sa madilim na bahagi ng kargahan na napansin ng kasama nito sa pagbaba nito ng mga kaing ng saging. "Ano bang problema mo?" ang naitanong ng ikalawang tagapagsilbi sa pagbaba nito sa mga saging sa lapag. Nakuha pa nitong tulungan ang kasama sa pagbaba ng dala nitong nga sagig. "Namalikmata lang ako. Akala ko ay mayroon akong nakitang kung ano diyan sa dingding," ang nasabi ng unang lalaki na pinakinggan ng pangalawa. Tinuro nito ang madilim na bahagi ng kargahan. Hindi na nagtaka ang ikalawang tagapagsilbi kung bakit ganoon ang lumabas sa bibig kasama. Nakuha pa nga nitong tingnan ang itinuturong dingding na hindi pa rin naman kakitaan ng kung ano roon. Napabuntonghininga nang malalim ang ikalawang tahapagsilbi para sa kalagayan ng kasama. "Tinatakot mo talaga ang sarili mo. Bakit ba masyado kang duwag?" ang naisatinig ng unang tagapagsilbi. "Maging matapang ka na naman. Ano pa't kasama ka ni Talas kung ganiyan ka na madalas matakot.". Tinapik pa nito sa balikat ang unang lalaki kapagkuwan ay nagpatiuna na ito sa paghakbang patungo sa hagdanan. Bumagsak na lamang ang balikat ng unang lalaki sa pananatili nitong nakatingin sa dingding. Sumunod din naman ito nang akyat sa hagdanan matapos makitang nasa itaas na ang kasama. Sa pagkawala nga ng dalawa dala ang ingay ng yabag nakahinga na siya nang maluwag na siya ring pag-upo niya sa lapag. Hindi siya umalis sa pinagtataguan. Habang pinapakalma ang pagtibok ng kaniyang puso nagsalita ang puting tigre sa kaniyang isipan. "Hindi lang ikaw ang narito. Huwag kang basta lang maupo," sabi ng puting tigre na hindi pa rin natutuwa sa kaniya. "Tumingin ka sa likod mo." Nagtataka man kung bakit ganoon ang nasabi ng puting tigre lumingon din naman siya sa kaniyang likuran. Sa simula ay kumunot ang kaniyang noo dahil tanging dingding lang naman ng loob ng balangay ang nakikita na hindi naabot ng liwanag. "Wala naman akong nakikita," aniya sa puting tigre. Narinig niya pang umungol sa pagkadismaya ang puting tigre. "Kausapin mo nang lumabas dahil kilala mo siya," sumunod na sabi sa kaniya ng puting tigre. "Sino ba?" ang naitanong niya dahil wala talaga siyang maisip na sinasabi nito. "Palabasin mo nang malaman mo kung sino. Kanina pa siya nakatitig sa iyo." Sa sinabi ng puting tigre sa kaniya napatitig siya ulit sa dingding. Ngunit wala pa rin siyang makita roon kaya lalo lang nagdagdagan ang kunot ng kaniyang noo. Napagdesisyunan din naman niyang gawin na lang ang naging suhestiyon ng puting tigre kahit na magmumukha siya mangmang na kausap ang dingding. "Magpakita ka," aniya sa kung sino man ang naroong nagtatago. Hinintay niya pang mayroong lumitaw doon ngunit hindi naman nangyari kaya napapabuntong hininga siya nang malalim. Hindi niya tuloy naiwasang isipin na pinagdidiskitahan lang siyang lokohin ng puting tigre. "Wala naman. Niloloko mo lang ako," maktol niya sa puting tigre. "Hindi ako isang isip-bata para gawin iyang sinasabi mo," hirit naman nito pabalik sa kaniya. "Kung hindi bakit wala namang nagpapakita." "Huwag mong itanong sa akin dahil hindi ko rin alam," ang huling nasabi ni Morasu na hindi na nadugtungan. Sumingi sa kanilang usapan ang tinig ni Soraka. "Natatakot siya marahil na malaman mo kung sino siya," ang nasabi ng pulang ahas. "Kausapin mo nang mabuti para lumabas siya talaga." Muli na naman siyang huminga nang malalim. Hindi niya maalis sa isipan na pinaglalaruan lang siya ng mga ito. Gayunman muli niyang tinawag ang sino mang nagtatago roon. Ibinalik niya ang tingin sa dilim. "Lumabas ka na kaya. Akala mo siguro hindi ko alam kung sino ka," aniya nang subukan niya ulit na kumbinsihin kung sino man iyon. Hindi niya inalis ang atensiyon sa dingding sa paghihintay na mayroong mangyayari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD