Hindi na siya hinintay ng mga ito na mayroong masabi pa sa pagtalon ng puting tigre patungo sa kaniya, nakahanda ang mga paa nito na kapag dumikit sa kaniya siguradong masusugatan siya ng matatalim nitong mga kuko. Iyong inakala niyang sasakmalin siya nito ay hindi naman nangyari sapagkat sa pananatili ng mga ito sa ere nagbago ang anyo ng katawan ng mga ito. Naging walang hugis ang mga ito na kulay itim kapagkuwan ay magkahiwalay na lumapit sa kaniyang katawan. Naramdaman niya na lamang ang enerhiyang taglay ng mga ito sa pagkapit ng mga ito sa kaniyang balat. Umikot pa ang mga ito sa kaniyang buong katawan hanggang sa nahanap ng mga ito ang dapat tigilan, sa kanang dibdib niya nanatili ang puting tigre na mukha lang nito ang nakalitaw samantalang ang pulang ahas naman ay sa kaniyang tiyan na ang buntot ay tumakbo paibaba ng kaniyang hita, mistulang naging tatu ang mga ito sa kaniyang katawan kaya nahihimas niya ang mukha ng tigre sa kaniyang dibdib.
"Huwag kang mag-isip nang hindi maganda dahil makikita rin namin," sabi ng puting tigre na narinig niya sa kaniyang isipan.
Bahagya siyang nagulat sa pagsasalita nito kaya napahawak siya sa kaniyang ulo na para bang mahahanap niya ang sagot doon kaya naririnig niya ito.
"Para namang nang bata ka hindi mo gawain," sabi naman ng pulang ahas. "Sa pagkakatanda ko madalas mong tingnan ang kapitbahay niyo na nakangiti."
"Tumahimik ka na riyan," banat naman ng puting tigere.
Tumingin na lamang siya sa kalmadong dagat sa pag-uusap ng mga ito. "Bakit ko kayo naririnig?" ang naisipan niyang itanong.
"Simple lang ang dahilan. Konektado ang kamalayan namin sa iyo kaya ganoon," paliwanag ng pulang ahas na kaniyang ikinatango.
Hindi na siya nagtagal pa sa maputing buhangin, sinimulan niya na ang paglalakad patungo sa dahilig nang makaakyat na siya sa gulod. Hindi siya maaring dumaan sa dalampasigan patungo sa daungan ng pamayamanan dahil nasa kabila pa iyon ng bundok.
"Hindi ba't sabi mo ay matatawag ko lang kayo sa pangalan niyo. Ngunit hindi ko naman alam ang pangalan niyong dalawa." Nakatingin lang siya sa kawalan sa pakikipag-usap niya sa mga ito sa pamamagitan ng isipan.
"Iyon ba. Madali lang naman tandaan ang pangalan namin," anang pulang ahas sa kaniya nang makarating na siya sa daan. "Soraka ang pangalan ko. Tawagin mo na lang ang kasama ko na Morasu."
Kumunot ang noo niya matapos marinig ang mga pangalang binanggit ng pulang ahas sa kaniyang pag-akyat sa daan. "Parang narinig ko na ang pangalan niyong dalawa," aniya sa paghawak niya sa bato upang kapag nadulas ang kaniyang paa hindi siya mahuhulog paibaba.
"Hindi na nakapagtatakang narinig mo na. Nakasulat ang pangalan namin sa kasaysayan. Kapag lubos na kaming nagtitiwala sa iyo sasabihin na namin sa iyo ang tungkol sa buhay namin."
"Kayo pa talaga ang nagsasabi niyan. Hindi ba't dapat ako. Sasabihin niyo sa akin kung buo na ang tiwala ko sa inyo," wika niya sa mabilisan niyang pag-akyat. Naging impit ang kaniyang ungol sa pag-angat niya sa daan na iyon na sobrang pahilig tila humahalik na siya sa lupa ng gulod.
Nakarating din naman siya sa ibabaw ng gulod na habol ang hininga nang bahagya para lamang matigalgalan dahil sa lumabas mula sa kakahuyan si Silakbo kasama ang dalawa pang mandirigma. Kaagad na sumiklab ang galit sa mukha ni Silakbo pagtama ng mga mata nito sa kaniya, kapansin-pansin ang mga tatu nito sa kanang braso sa kainitan ng araw.
"Huwag niyo siyang hayaang makatakas," matigas nitong sabi sa dalawang kasama nitong mandirigma.
Sumunod din naman kaagad ang mga mandirigma na tumakbo patungo sa kaliwa't kanan niya nang humarang ang mga ito sa kaniyang tatakbukhan. Inihanda ng mga ito ang hawak na palaso na nilagyan ng panang nakatutok sa kaniya. Samantalang si Silakbo ay inalis ang kampilan sa kaluban nito't humakbang patungo sa kaniyang kinatatayuan, nagbibigay ng babala ang bawat paghakbang nito sa lupa.
Narinig niya na lamang na nagsalita ang puting tigre sa kaniyang isipin. "Puwede ka naman tumakbo kung gusto mo," sabi nito sa kaniya.
"Iyon talaga ang gagawin ko. Wala akong balak makipaglaban sa kaniya," aniya sa puting tigre. "Siya ang pinakamahuy na mandirigma sa isla. Malabo akong manalo sa kaniya kahit subukan ko pa siyang harapin."
Kumunot na lamang ang noo ni Silakbo dahil sa pag-aakala nitong kausap niya ang kaniyang sarili. Nang mapagtanto niyang siya lamang ang nakaririnig sa dalawaang itinikom na lang niya ang kaniyang bibig sa pananahimik na rin ng puting tigre.
"Nasisiraan ka nga talaga ng bait," komento ni Silakbo sa paghinto nito isang dipa ang layo sa kaniya. "Bakit mo pinatay ang aking ama? Gusto mo na talagang makalaya ano? Dahil ba sinisisi mo siya sa pagkamatay ng ama mo."
"Kahit sabihin ko sa iyo hindi ka rin naman maniniwala," aniya sa mandirigma.
Humigpit ang kapit nito sa hawak na kampilan. "Mabuti't alam mo," ang huling sabi nito sabay mabilis siya nitong sinugod.
Sa bilis ng paggalaw nito nasa harapan na niya ito kaagad na kung hindi niya maiiwasan ang mga kamay nitong hawak ang kampilan siguradong masusugatan siya nito sa kaniyang leeg. Hindi siya nagdalawang-isip na yumuko kasabay ng paggulong sa ilalim ng mga kamay nito na nadaragdagan ng bilis. Nagulat na lamang siya nang nasa likuran na siya nito na maraming hakbang na ang layo. Maging si Silakbo ay nagulat din sa nangyari. Mahahalata ang pagtataka sa pagsama ng mukha nito nang lingunin siya nito.
Nagtataka man kung paanong nangyari iyon tumayo na siya't tumalon paatras nang magpakawala ng pana ang dalawang mandirigma nang sabay. Nailagan pa nga niya ang pana habang nasa ere siya na tatama sa kaniyang ulo. Dumaplis naman ang isang pana sa kanyang paa. Hindi niya alam kung bakit nasusundan niya nang tingin ang mga pana sa oras na pakawalan iyon ng dalawang mandirigma. Kahit sa paglapag niya sa lupa ay naiwasan niya pa rin ang mga panang sinunod-sunod na pinakawalan ng mga mandirigma sa kaniyang pagtagilid at pagyuko ng kaniyang mga ulo. Sa muling pagsugod ni Silakbo tinalikuran niya na ang mga ito kapagkuwan ay tumakbo patungo sa kakahuyan, sa kaniyang paglayo'y nakasunod pa rin ang mga panang pinapakawalan ng mga mandirigma, tumatama lamang ang mga iyon sa lupa't puno. Hindi rin naman natigil si Silakbo dahil binilisan din naman nito ang pagsunod sa kaniya. Ngunit paglampas niya sa ilang mga puno bigla na lamang lalong bumilis ang kaniyang mga paa, nagiging malabo na lamang sa kaniyang paningin ang mga punong nadaraanan sa tulin ng kaniyang pagtakbo. Lumilipad na lamang mga nadadaanan niyang dahon. Huminto lamang siya nang makalayo na siya sa nakabuntot na si Silakbo. Napakapit siya sa malaking bato sa paghabol niya ng kaniyang hininga.
"Huwag kang magtaka kung masyado kang naging maliksi," ang naisatinig ni Soraka. "Likas nang mangyayari iyon dahil naibahagi namin sa iyo ang mga kaya naming gawin sa pananatili namin sa iyong katawan."