Kabanata 29

1465 Words
NAKARATING sila ni Ulay sa maikling maputing buhangin sa ibaba ng gulod na walang nakasunod sa kanila. Naiwan nga naman si Sinugyaw sa loob ng nga bakhawan na walang malay tao kaya magigising na lamang ito sa labas ng bakhawan malayo sa direksiyong kanilang pinuntahan. Hindi nabago ang banayad na ihip na hangin sa dakong iyon ng isla kaya hindi niya maramdaman ang init ng katanghalian. Nagtataka man sa kaniya si Ulay sumasabay pa rin naman ito sa kaniyang paglalakad, bumabaon ang kanilang mga paa sa maputing buhangin na nagtataglay nang katamtamang init na nakuha sa araw. Tumigil lamang siya para tingalain ang puntod ng kaniyang ina na natatanaw niya mula sa ibaba. Hindi na siya umakyat pa sa itaas ng gulod dahil hindi niya gustong magpaalam sa kaniyang ina. Mananatiling buhay sa kaniyang puso't isip ang kaniyang mga magulang kahit saan man siya magpunta kaya walang halaga sa kaniya ang magpaalam sa puntod. Maging ang lalaki ay napapatingala na rin na sinusundan ang kaniyang mga mata kung saan tumatama iyon. "Puntod ng ina mo?" ang naisatinig ng lalaking si Ulay. Ibinaling niya ang tingin dito. "Oo," tipid niyang sagot sa pagpapatuloy niya sa paglalakad. Binaybay nila ang buhangin patungo sa kinalalagyan ng kaniyang itinagong bangka na naging mabato sa unti-unti nilang paglapit sa bunganga ng kuweba. Maingat silang naglakad sa mga bato na nababasa sa paghampas ng maliliit na mga alon. Nagawa rin naman nilang makarating sa bunganga ng kuweba na umaabot ang tubig-alat sa kanilang mga paang walang sapin, hindi naman kalakihan ang kuweba ngunit sapat na iyon para maitago ang isang maliit na bangka. Naglalaro sa hangin sa loob niyon ang naipong amoy ng alat na nahaluan ng damong-dagat. Hindi siya nakatuloy nang mapagtantong wala pa roon ang dalawang hayop na nagpapatulong sa kaniya. Nagsalubong ang dalawa niyang kilay sa pagtitig niya sa bangkang lumulutang sa pumapasok na tubig roon, makalipas ng ilang taon na pagagawa niya sa sasakyang tubig magagamit niya na rin iyon. Mayroong kalaparan ang katawan ng bangka na pinatibay ng dalawang katig, nilagyan niya rin ng layag na gawa sa pinagdikit niyang mga piraso ng tela para nagamit ang hangin habang nasa laot. "Akala ko ba mayroon tayong makakasama. Nasaan na sila?" sumunod na tanong sa kaniya ni Ulay. Inalis niya ang tingin sa bangka kapagkuwan ay ibinaling dito. "Hindi ko alam. Naisip kong naghihintay sila rito pero wala," aniya nang pagmasdan niya ito. "Dito ka lang muna. Hahanapin ko lang. Baka nasa kakahuyan naghahanap ng makakain," dugtong niya nang maalala niyang nagpaalam ang puting tigre para maghanap ng makakain. Hindi malayong sumunod dito ang ahas para kausapin na rin ito. Tumango sa kaniya ang lalaking si Ulay kaya iniwan niya ito sa kuweba. Tinalikuran niya ito kapagkuwan na nakatutok ang mga mata niya sa mga batong tinatapakan, pagkaraa'y nilakad niya muli ang gilid ng gulod nang makarating siya pabalik sa buhangin. Hindi siya huminto sa paglalakad na ang tinutumbok ay ang dahilig. Hiindi pa man siya nakakaakyat makipot na daan paitaas ng gulod narinig niya ang pagsigaw ni Ulay sa kaniya na malinaw niyang narinig sa kabila ng ugong ng hangin. "Maraming salamat sa pagtulong!" sigaw ng lalaking si Ulay na sinundan nito nang malakas na pagtawa na kapansin-pansin kahit nasa malayo. Pagkalingon niya rito'y sumama na lamang ang kaniyang mukha sapagkat sinakyan nito ang kaniyang bangka. Binuksan nito ang layag kaya naging mabilis ang pag-andar ng kinasasakyan nitong bangka't hindi nito kailangang magsagwan, mistulang dumadampi lamang ang tubig sa ilalim ng sasakyang pangtubig na iyon. Naikumyos na lamang niya ang kaniyang kamao sa paglayo nito na nakuha pang kumaway. Hindi na niya lamang ito hinabol dahil kahit gawin niya hindi pa rin naman niya maabutan. Hinatid niya na lamang ng tingin ang paglayo nito sa patuloy na pag-ihip ng hangin. Pakiramdam niya ay ginamit nga lang siya nito kaya hindi niya maiwasang makaramdam ng galit hindi lamang para rito kundi higit para sa kaniyang sarili. Naging isa siyang mangmang na naloko nito. Sa paglalayag nito sa dagat lumiit nang lumiit ito sa kaniyang paningin. Hindi niya naiwasang makaramdam ng panghihinayang dahil pinaghirapan niya nga rin namang gawin ang bangka. Inalis niya lamang ang tingin sa lumalayong bangka nang maisip niyang hindi siya puwedeng tumagal doon dahil baka maabutan na naman siya ng ibang naghahanap sa kaniya.Kailangan niyang mag-isip ng ibang paraan nang makaalis sa isla. Isang bagay lang naman ang naisip niya na maari niyang gawin, iyon ay ang magnakaw ng bangka sa daungan ng pamayanan. Kapag ginawa niya iyon kailangang maingat nang hindi siya makita ng ibang mga tao. Nabaling niya ang kaniyang tingin sa kuweba sa paglabas doon ng puting tigre na hindi niya alam na nagtatago lang ang mga ito sa dilim. Sa likuran nito nakasakay ang pulang ahas na hindi na naalis ang tingin sa kaniya sa paglapit ng mga ito sa kaniyang kinatatayuan. "Hindi mo na dapat tinulungan ang taong iyon," ang naisatinig ng pulang ahas pagkatigil ng puting tigre sa paglalakad sa harapan niya. "Kung sanang sinabi mo sa akin na siya ang pupuntahan mo nabalaan sana kita na hindi siya gagawa ng maganda." Sa ginawa ni Ulay hindi nga nagkakamali ang tagapagbantay na si Dagit patungkol dito. Inaksaya niya lamang ang kaniyang panahon sa pagtulong dito, nawala pa ang pinaghirapan niyang bangka na hindi na nga niya magagamit kahit siya pa ang gumawa. "Inakala ko kasing isa siyang mabuting tao," aniya na puno ng pagkadismaya. Pinagmasdan siya nang maigi ng pulang ahas samantalang blangko lang siyang tiningnan ng puting tigre. "Wala namang masama sa pagtulong pero kailangan mo munang kilalanin ang tutulungan mo kung nararapat ba silang tulungan," wika ng pulang ahas na naging malinaw sa kaniya ang kahulugan. "Kung ganoon kailangan ko muna kayong kilalanin bago ko talaga kayo tulungan. Pero dahil wala akong panahon para kilalanin pa kayo nang lubusan kakalimutan ko na lang na humihingi kayo ng tulong." "Iba naman kami sa taong iyon," pagtatanggol ng pulang ahas sa kanilang mga sarili. Sinalubong niya ang mga reptalyang mata nito. "Hindi kayo naiiba sa kaniya," pagtama niya naman dito. "Hayaan mo na siya," mariing sabi ng puting tigre kahit sa kaniya ito nakatingin imbis na sa pulang ahas. "Maghahanap na lang tayo ng ibang taong makatutulong sa atin." Kapansin-pansin ang lungkot na nararamdaman ng pulang ahas sa pagbagsak ng katawan nitio sa likod ng puting tigre. Inilayo na ng dalawa ang tingin ng mga ito sa kaniya sa paglalakad ng puting tigre pabalik sa dahilig paakyat ng gulod. Hindi pa man nakakalayo ang mga ito nagsalita na rin naman siya. Mahirap din naman sa kaniya na baliwalain ang paghingi ng tulong ng mga ito, pinagpalagay niya na lang na mabubuti nga ang mga ito dahil inilibing nga rin ng mga ito nang maayos ang bangkay ng kaniyang lumisang ina. Hindi gagawin ng mga ito ang bagay na iyon kung hindi nakakaramdam ang mga ito ng awa. "Tutulungan ko na kayo," pagtawag niya sa dalawa na ikinatigil ng puting tigre sa paglalakad. Naunang lumingon sa kaniya ang ahas kasunod ang puting tigre. "Pero kailangan niyo ako tulungang mag-isip kung paano makakaalis dito dahil wala na tayong magagamit na bangka." Mataman siyang pinagmasdan ng pulang ahas, kumikinang nang kaunti ang kaliskis nito sa sinag ng araw. "Mayroon na akong maisip tungkol diyan," pagbibigay alam nito sa kaniya. "Puwede tayong pumuslit ng sakay sa balangay ng mga bisita ng isla. Aalis na ang mga iyon ngayong araw." "Paano ka naman nakakasigurado diyan?" ang tanong niya rito. Lumabas-masok ang sumangang dila nito sa pagsagitsit niyon. "Narinig ko sa pagpunta namin sa iyo kagabi," sambit nito na iginagalaw ang buntot. "Magiging mahirap sa akin ang sinasabi mo," paalala niya rito. "Mas mahirap kung gagamit tayo nang maliit na bangka. Dapat sa malalaking bangka tayo sumakay katulad na lang ng balangay. Sumasama ang panahon kapag nasa laot. Hindi mo mahuhulaan kung kailan lalabas. Lalo na ngayon kumakalat ang kadiliman. Mabuti nga hindi mo nagamit iyong ginawa mo dahil hindi iyon tatagal sa laot." Hindi rin naman ito nagkakamali sa bagay na iyon dahil alam niya rin iyon kaya nga hindi rin siya makaalis ng isla dahil nga sa panahong sinasabi nito. Inihawak niya ang kaniyang kamay sa baba't ibinaba niya rin naman iyon kaagad. "Kung ngayon nga talaga ang alis ng mga balangay kailangan na nating pumunta," sabi naman siya dalawa. Hindi siya kaagad nakahakbang nang sa sumunod na sinabi ng pulang ahas. "Bago iyon kakapit muna kami sa katawan mo. Hindi magiging maganda kung makita kami ng ibang tao na kasama ka," paliwanag ng pulang ahas sa kaniya. "Kaya nga hindi kami nagpagkita sa iyon pagpunta mo sa kuweba." "Naiintindihan ko. Iyon nga lang paano niyo magagawa iyon?" "Kami na ang bahala. Manatili ka lang na nakatayo," sabi ng pulang ahas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD