Kabanata 6

2876 Words
NAKARATING sila sa lupang kinalalagyan ng mga kulungan. Sa tabi ay naroon ang matabang puno kaharap ang mga butas sa lupa na may benteng hakbang ang layo mula rito. Napapaikutan ang mga ito ng mga bakawan. Ang tatlong mga butas ay may harang na rehas ng kahoy na nakabaon sa lupa. Ang una lang ang magagamit dahil nabulok na ang rehas na kahoy ng dalawang kasunod. Sa sanga ng puno ay naroon ang isang papag. Nakahiga rito ang taga-bantay na nakalay-lay pa ang mga paa. Si Limong ay napalingon sa lalaki nang bumangon ito ng upo hawak ang maliit na banga ng alak. Pinakatitigan ng mga mata nitong naniningkit dahil sa kalasingan ang dalawa sa baba. Ang suot pa nitong kangan ay marumi't gula-gulanit. Nakuha pa nitong ngumiti kaya lumabas ang mga naninilaw na ngipin. "Ano bang ginawa niya?" ang garalgal na sabi ng lalaki sabay inom sa hawak na banga. "Huwag ka ng magtanong Dagit. Magbantay ka na lang. Sa umaga mo siya puwedeng palabasin," ang sabi naman ni Mitos na ikinatawa ng lalaki. Uminom ito sa pangalawang pagkakataon kaya natapon pa ang alak kapagkuwan ay pabagsak itong nahiga sa papag, ang nag-iisa nitong kasakasama sa tuwina. Inalis ni Mitos ang tali ng lagusan ng rehas na kahoy sabay taas rito't binitiwan. Napatitig si Limong sa ilalim ng isang dipang lapad na kulungan dahil mayroon siyang naaninag na lalaki sa loob nito. "Narito pa rin siya. Ang akala ko ay pinalaya na siya," ang nasabi Limong nang maaalala kung sino ang lalaking nasa loob ng kulungan. "Hindi ako puwedeng pumasok." "Baba na. Hindi ka niyan aanuhin. Hindi iyan marunong manakit," ang sabi pa ni Mitos. "Paano ka nakakasigurado diyan ginoo?" Sinalubong niya ang tuwid na tingin ni Mitos. Bahagyang kumunot ang noo nito sa pagtitig niya rito. Pinagtagpo pa nito ang mga kamay sa beywang sabay pinatamaan si Limong sa pamamagitan ng mga salita. "Ano ba ang kinakatakot mo?" tanong ni Mitos bago napatingin sa nakahigang si Dagit kapagkuwan ay binalik ang atensiyon kay Limong. "Ang suwayin ang kalakaran ng datu'y nagagawa mo. Pagkatapos ang makasama ang lalaki na iyan". Tinuro pa niya ang daliri paibaba ng kulungan." Hindi mo makaya. Kaya mo naman siyang saktan kapag may balak siyang gawin sa iyo. Maari mo ring tawagin si Dagit." Pinagpahinga ni Mitos ang dalawang kamay sa tabi at inantay ang sasabihin ni Limong. Nakuha pa nga niyang tumingin sa malayo. "Hindi ako makapaniwala na sinasabi mo sa akin ngayon, ginoo," ang may bahid ng inis na sabi ni Limong kaya napabuga nang mainit na hangin ang ginoo. Pinagmasdan nito ng mabuti ang binatilyo. "Sino sa ating dalawa ang gumulo sa isipan ng mga maharlika Limong?" Tinuro ni Mitos si Limong na animo'y sibat ang dulo ng hintuturo. "Alam ko ring hindi ka naniniwala," ang nasabi na lang ni Limong na hindi binigyang pansin ang pagtuturo nito sa kaniya. "Huwag mo ng ipaalala sa akin. Sa oras na makalabas ako rito ako mismo ang maghahanap sa kaniya." Napatayo ng tuwid si Mitos sa narinig dahil hindi niya gusto ang lumabas sa bibig ni Limong. Humawak siya sa batok saka ito minasahe't pinagsabihan na naman si Limong. "Para ano? Mag-alala ang magulang mo sa iyo? Tumuloy ka na." Humugot nang malalim na hininga si Limong sa mga salitang iyon. Iginalaw ni Mitos ang ulo pahilig kaya napapasok na lang si Limong sa kulungan. Bumaon ang mga paa ni Limong sa pahilis na buhangin. Tiningnan niya ang lalaking nakaupong yakap ang mga tuhod. Nangingitim na ang kasuotan nito sa tagal nito roon. Ang mukha nitong nababalot ng balbas at mahabang buhok ay sa kaniya nakapako. Malalim ang titig sa kaniya kaya naupo siya malayo rito. Narinig niya pang magsalita si Mitos. "Dadalhan na lang kita ng kamoteng kahoy para naman may makain ka. Hindi ko rin sasabihin ito kay Ilaya kaya huwag kang gumawa pa ng kung anong pagkakamali hanggang mag-umaga." Nag-iskwat si Mitos para siya ay silipin pero hindi niya ito tiningnan kundi sinalubong ang tingin ng lalaki kung sakaling may gawin nga ito. Sa hindi niya pagsagot ay binaba na lang ni Mitos ang pasukan ng kulungan bago nito tinalian ng lubid. Naglakad na rin ito papalayo kaya naiwan siya kasama ang lalaking kung makatingin ay para siyang ilulunok ng buhay kung magagawa man nito. "Anong ginawa mo't pinarusahan ka?" ang tanong ng lalaki na nagngangalang Ulay sa malalim na boses nito. Mababatid na din ang panghihina rito sa ilang araw na hindi nalalagyan ng laman ang tiyan. Nanahimik siya dahil ayaw niyang kausapin ang lalaki. Sa buhangin na lang siya tumingin kaysa sa lalaking hindi kaaya-aya ang naging itsura sa pananatili sa kulungang iyon. "Kausapin mo naman ako, mas maiging magusap tayong dalawa. Para na akong mawawala sa katinuan sa pananatili ko rito." Sa sinabi nito'y napatingin siya sa mukha nito. Sa sandaling iyon napansin niya ang pinaghalong ekspresiyon dito, pagsisi, gutom, kalungkutan at pananabik. Ang prominente ay ang kalungkutan na hindi niya gusto kasi naalala niya ang kaniyang amang hindi pa nakakauwi. Nag-aalala na rin siya para sa ama. Tumingala ito sa itaas na tila bago may sinusubukang abutin sa pamamagitan ng tingin. Ang sinag na lumusot sa rehas ay gumuhit sa marumi nitong mukha. Napabuntong hininga nang malalim si Limong. Pinabalaktot niya ang kaniyang mga paa sa pag-upo. Ramdam niya ang lamig ng buhangin sa kaniyang hita't pang-upo. "Mabuti pang huwag mo ng itanong. Ngayong itinanong mo iyan sa akin. Hindi na rin ako sigurado," aniya nang mapag-isip na baka nga kaluluwa lang ang nakita niya. Ni minsan ay wala pa naman siyang nakikitang kaluluwa, kung ganoon ang nakitang si Kari-a. Iyon ang unang beses. Napalingon ang lalaki sa kaniya na may manipis na ngiti sa labi. Nasabi niya tuloy na nawawala sa katinuan ang lalaking ito. "Kagaya ba ng nagawa ko?" pag-usisa nito. Ibang-iba ang nagawa nito sa nagawa ni Limong. "Paano ko ba malalaman gayong hindi ko naman alam ang kasalanan mo," ang makakatotohan niyang sabi. Ipinagpahinga niya ang mga kamay sa dalawang tuhod. "Nagnakaw ako ng makakain sa pagtago ko sa lagayan ng mga kalakal ng bangka," wika nito ng marahan. Ang pagnanakaw ay isang mabigat na kasalanan. "Kaya pala matagal ka na rito." Lalong lumapad ang ngiti nito sa nasabi niya. Nakakulong na nga nakuha pang ngumiti. "Ilang araw pa ba ang natitira?" dagdag niya sa pagkakaroon ng interes sa kausap. "Labinlimang araw pa." Bumuntong hininga ito kapagkuwan ay pinabukaka ang paa katulad ng pagkaupo ni Limong. "Ang tagal pa. Bakit kasi nagnakaw ka?" Tinuro niya ang daliri sa buhangin upang gumuhit ng bilog. Ngunit nang may madaanang matigas na bato pumasok sa isipan niya na marumi nga pala iyon. Pinahid niya ang daliri sa suot sa pagsasalita ng lalaki. "Wala akong naging mapagpipilian sa pagtago ko sa bangka papunta rito." "Saan ka ba galing?' pagtatanong niya rito. "Sa kabundukan ng Usbong. Tumakas ako dahil pinagbintangan akong pumatay sa isang babae. Isang hamak lang akong tagaluto. Hindi ko magagawa ang pumatay." "Ano?" bulalas niya dahil sa narinig. "Hindi pala kita dapat kinakausap." Tiningan niya ang sara ng kulungan at pinagiisipang umalis sa ilalim ng pagmamatyag ni Dagit. "Hindi ko nga ginawa ang sinasabi ng mga tao roon," ang malungkot na sabi nito. "Pasesniya na pero hindi kapanipaniwalang hindi. Tingnan mo nga't narito ka." Itinaas pa ni Limong ang kamay para ituro ang bawat sulok ng kulungan. "Bakit ganiyan ang sinasabi mo sa akin? Ganiyan din ba ang nangayri sa iyo? Di ka pinaniwalaan. Alam mong may mga tao talagang mahirap kumbinsihin lalo na kung wala kang makitang patunay," ang mahaba-haba nitong sabi. "Marahil tama ka," pag-sangayon niya na lamang dahil may katuturan naman ang sinabi nito. "Ba't di mo subukang patunayan?" tanong ni Ulay na ikiniangat niya ng tingin dito. "Paano? Gayong ang nakita kong tao ay dapat patay na," pagbibigay alam niya sa inakala ng lahat na pagkakamali. "Mahirap nga iyan. Ba't di mo subukan mag-alay ng panalangin sa mga diyos na tagabantay?" "Posible ba iyon? Nagawa mo na ba?" "Oo." "Narinig ka naman ba?" "Hindi." Iniling nito ang ulo ng dalawang beses. "Baka ikaw marinig, magkaiba naman tayo." "Sa tingin ko malabo. Ang sabi ni ama sa akin hindi na gaanong nagpaparamdam ang mga diyos sa tao dahil sa isang mortal na nanakop sa buong sansinukob." "Kaya siguro narito ako ngayon, nakakulong." "Bakit mo ba napiling magpunta sa mga isla lalo na dito?" Pinalo niya ang kaniyang hita sa pagkagat ng langgam na itim rito. "Dahil mas ligtas kung nasa isla ka lamang." "Mas maganda kayang nasa malapad na kalupaan ka na walang dagat na nakapaligid sa iyo." Pinitik niya ang patay na langgam na tumalsik sa pahilis na buhangin. "Maniwala ka mas mabuting sa ganitong isla ka tumira. Ano sa tingin mo ang dahilan ni Datu Silaynon na dito mamuno? Hiwalay sa ibang mga malalaking pangkat. Iyon ay pareho sa dahilang sinasabi ko. Idagdag pa na nakokontrol niya ang lahat na mga tao rito sa ilalim ng kaniyang pamumuno," ang seryosong sabi ni Ulay kaya sinalubong niya ulit ang tingin nito. Pagkatapos niyon ay wala na itong sinabi't piniling manahimik na lamang. "Nasubukan mo na bang tumakas?" Ang naisipan niyang sabihin nang tumayo siya upang tingnan ang tali na lubid sa sara. "Madali lang naman alisin itong harang." "Ilang ulit ngunit hindi ka makakaalis dahil kay Dagit," ang nasabi ni Ulay sa likuran niya. "Kasingtalas at tapang siya ng agila." Lumayo si Limong sa pahilis na buhangin nang mapansin ang pumapasok na tubig-alat sa bunganga ng kulungan sa pagtaas ng dagat. "Nakalimutan kong umaabot ang dagat rito," ang sabi niya sa kasama sa kulungan sa muli niyang pag-upo. "Anong ginagawa mo kapag pumapasok ang tubig?" "Wala. Hinahayaan ko lang. Ang pinakamataas ay sampung araw na ang nakakaraan," ang sabi ni Ulay sabay tusok ng daliri na dalawang dangkal ang taas mula sa baba. Nasapo niya na lang ang kaniyang ulo. "Nawawala naman, matagal nga lang," dagdag pa nito sa magiging kalagayan nila. SA PANANATILI NI LIMONG sa kulungan na iyon naisipan ni Ulay na ipagpatuloy ang kanilang usapan. Nakikita ng lalaki na may kakaiba sa binatilyo, isang katotohanang ikakatakot niya. "Gusto mo bang makarinig ng isang kuwento?" ang tanong ni Ulay kay Limong. "Ano naman iyon?" ang sabi naman ni Limong ng patanong. "Ang naging simula ng lahat ng kaguluhan," ani Ulay kaya tumango si Limong kaya nagpatuloy siya, "Sa isang tao lamang nagmula ang lahat. Iyon ay si Homobono. Isa rin siyang alipin na katulad mo. Ipinanganak siya sa maliit na baryo sa paanan ng bundok ng Pili. Isa siyang mabait na bata mula nang siya'y lumaki. Parati siyang sumusunod sa kaniyang magulang. Isa siyang masipag. Ngunit sa paglaki niya'y nabalot siya ng inggit kaya nga nagtatanong siya sa magulang niya kung bakit naging ganoon ang buhay niya. Dahil wala rin namang maisagot ang magulang niya na iba kundi alipin lamang sila. Kaya nga si Homobono imbis na makinig tumakas siya, naglakbay siya, inikot ang mga lugar para makilala't maiba ang estado ng buhay." "Nangyari naman ba ang gusto niya?" ang sabi ni Limong. "Oo naman, nagawa naman niya. Nakilala niya ang naging asawa niya na anak ng maharlika, si Marikit. Ngunit hindi naging madali ang kanilang pag-iisang dibdib dahil binigyan si Homobono ng pagsubok na buong tapang niyang tinanggap. Inakyat niya ang mga matatarik na kabundukan. Pinatay ang mga mababangis na hayop. Sa pagbalik niya kay Marikit, tinanggap siya ng ama nito. Kaya natuloy ang kasal nila. Ngunit isang araw nagbago ang lahat nang ipinganak ang kaniyang anak. Namatay ang anak ni Homobono na sinundan ng kaniyang asawa limang araw ang lumipas. Sa kagustuhan ni Homobono na buhayin ang kaniyang asawa't anak bumalik siya ng tinubuang baryo dala ang bangkay ng mga ito. Nagulat nga ang lahat nang makita ng mga kabaryo niya na naroon siya. Hindi siya nanatili ng matagal doon kasi umakyat na siya kaagad sa bundok ng Pili. Nagtungo siya sa tuktok niyon upang magdasal. Mahirap naman talagang buhayin ang patay na kaya inakala ni Homobono ay hindi siya narinig ng mga diyos. Pagbaba niya ng bundok, nagiba na si Homobono. Ang mabait na Homobono ay wala na, napalitan na iyon ng puot. Sa muli niyang pag-akyat ng Pili, sinumpa niya ang mga diyos. Sa pagbaba naman niya'y dinalaw siya ng demonyong si Kasmir. Inalok siya nito ng kapangyarihan. Nabulag si Homobono at walang pagalinlangang binenta ang kaluluwa kay Kasmir. Mula noon naging magulo na ang sansinukob. Marami siyang pinapatay upang mas lumakas pa siya. Walang nakakaalam kung bakit nagkaganoon si Homobono, ang hindi alam ng lahat galamay na siya ni Kasmir. Sa paglipas ng mga araw lalong nauhaw sa kapangyarihan si Homobono. Ininom niya ang dugo ng mga tao na hinaluan ng isang patak ng dugo ni Kasmir." "Sandali lamang," putol ni Limong, "Parang hindi maganda na isinasalaysay mo iyan sa akin." "Dapat mo itong marinig dahil lahat ng tao'y may tungkulin sa sansinukob," ani Ulay. Nagkibit-balikat si Limong kaya nagpatuloy ang lalaki. "Paulit-ulit na ginawa iyon ni Homobono kaya ang nangyari lumaki siya ng mas mataas sa mga malalaking puno, siya ay naging isang higante. Labis niya iyong ikinatuwa kasi mas madali niyang matitiris ang mga tao sa ganoong sukat. Hindi na nakatiis ang mga apo na tagapangalaga ng mga tao kaya kinausap nila si Homobono. Pinatawad nila si Homobono. Akala ng mga apo nagsisi na ito. Kaya lamang ay hindi, nilamon niya ang isa sa mga apo hanggang mapuno ang kanyang tiyan. Sa nangyari ay nagkaroon ng digmaan sa pagitan ni Homobono at ng mga apo. Nasa dilim lang si Kasmir na pinapanood ang pagaaway. Tumagal ng ilang araw ang digmaan na nagtapos lamang sa pagsamasama ng pitong apo. Pinagisa nila ang kanilang mga lakas upang mapatay nila si Homobono. Oo nga't napatay nila si Homobono ngunit nagdulot iyon ng pagbaha ng dugo na nagmula sa gahiganteng katawan nito. Hindi tumigil ang pagbaha dahil na rin sa naisamang dugo ni Kasmir. Tila naging isang bukal ang katawan ni Homobono. Ang dugo na iyon ang puno ng mga karma na nakuha ng mga tao ngayon sapagkat ang mga ninuno ng ilan ay naranasan ang baha, nahugasan sila niyon." "Nakakatakot naman ang nangyari noon," ang komento ni Limong. "Hindi pa nagtatapos roon ang lahat. Ang mga apo ay pinigilan nila ang pagbaha na nagawa naman nila kaya lamang ang katawan ni Homobono ay naging usok na kumalat sa buong sansinukob. Pinagpalagay ng lahat na iyon na ang katapusan. Pero sa tingin ko ay hindi dahil magbabalik ang kasamaan sa mundo sa katauhan man ni Homobono o hindi." "Paano mo nalaman ang mga bagay na iyan?" takang tanong ni Limong. Hindi niya malaman kung totoo nga ba ang sinabi nito. "Sapagkat mula ang ninuno ko sa baryo na parehong pinanggalingan ni Homobono," ang sabi ni Ulay na tila napakalaking balita para kay Limong. TAHIMIK ang kakahuyan nang sundan ni Mitos ang kahabaan ng aromang harang. Ni huni ng ibon at mumunting sumyap ng mga kulisap ay hindi maririnig. Kung hindi pa sa yapak niya sa mga natutuyong dahon na nakipag-isa sa lupa'y mistula na itong patay. Siya'y tumigil sa bahagi ng kakahuyan kung saan nawala si Kari-a kagaya ng sabi ni Limong. Tinangala niya pa nga ang mga kalapit na matatas na puno baka sakaling umakyat dito si Kari-a at nagpalambitin patungo sa kabila. Ngunit mahirap ding gawin iyon dahil may kalaparan ang pagkatubo ng aroma at ang distansiya ng mga sanga ng puno rito'y may kalayuan. Nag-iskwat siya ng upo kapagkuwan ay pinakatitigan ang sahig ng kakahuyan. Ang ibang maliliit na tuyong sanga'y natabunan ng mga tuyong dahon. Ang mga halaman ay pinagmasdan niya na rin, ang kalapit pa na may malapad na dahon ay nakitaan niya ng matabang berdeng uod. Katabi nito ang dalawang punong tumubong magkadikit na parang kambal. Sa gitna naman nito ay ang bahay ng gagamba, ang gagambang pinaghalong dilaw at itim ang kulay ay pahaba ang katawan pati na ang walo nitong mga paa. Binaling niya ang tingin sa mga dahon sa kaniyang harapan. Inalis niya ang may kalakihang dahon na kakahulog pa lamang. Napansin niya ang yabag ng paa. Nilinis niya ang dahon na nakapaligid dito. Ang yabag na naiwan sa paghinto ni Limong dito. Hindi ito ang nagnakaw ng kaniyang buong atensiyon kundi ang yabag ng may kalakihang paa isang dangkal ang layo sa yabag ni Limong. Hindi buo ang yabag dahil sa natapakang dahon kundi ang unahang bahagi lamang. Patungo ito sa kanan kaya doon siya lumingon. Siya ay papatayo na nang makarinig ng ingay galing sa direksiyon kung saan nagtatapos ang kakahuyan. Kaagad niyang inalagay ang kamay sa likod upang kunin ang maliit na kutsilyong nakasabit rito. Unti-unting palapit ang ingay ng pagkabali ng maliit na mga sanga. Hindi naman niya nabunot ang kutsilyo sa lagayan nito nang lumabas mula sa mga halaman ang mandirigmang si Binaol. Natigil din ito nang makita siya roon. Tumayo siya ng tuwid kapagkuwan ay inalis ang kamay sa likod. Walang lumabas sa kaniyang bibig nang titigan niya ang mukha nito. Mahahalata ang pumutok nitong labi't namumulang leeg sa ginawang pananakit ni Datu Silaynon. Sa ilalim ng tingin nito'y lumakad na siya patungo sa ibang direksiyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD