HINDI gaanong tumatama ang sinag ng papalubog na araw sa kabuuang pamayanan ng Habigan dahil sa may kakapalang ulap na tumatabing sa kalangitan. Ang mga ulap na ito ay naging bunga ng buntot ng napadaang bagyo.
Naging buhay ang lugar dahil lamang sa mga hindi magkamayaw na mga tao sa daanan at sa mga bahay na pinagpatong-patong lamang na mga adobe na ang bubong ay pawid.
Ang Habigan ay isa sa pamayanan na matatagpuan kalapit ng dagat. Ito ang malaking bahagi ng kinasasakupan ng datung si Maynor. Sa timog nito ay matatanaw ang bundok ng Payapao na umabot ang kahabaan sa kabundukan ng Usbong na nasa bandang silangan naman nito. Kinatutubuan ang mga kabundukan na ito ng mga punong kahoy na pinaghalong luntian at mamula-mulang kulay ang mga dahon.
Sa gawing hilaga sa dulo naman ng pamayanan ay ang gabundok na tambakan. Kung saan nagmumula rito ang makapal na itim na usok na dulot ng nasusunog na mga kahoy. Tinangay pa iyon ng bugso ng hangin patungo sa kakahuyan.
Sa dulo ng pamayanan kalapit ng Payapao naroon ang abalang mahabang liwasan kung saan nagkatipon ang mga tao mula sa iba't ibang kalapit na lugar. Ang magkabilang dako nito'y napuno ng mga kubol ng tindahan na napayungan lamang ng tela kung saan nagsisigaw ang mga magtitinda upang sa kanila ay mayroong mamili. Ang mga mamimili naman ay tila wala namang narinig at patuloy lamang sa paglalakad.
Ang isa sa mga naglalakad dito ay si Agat, ang bastardong anak ni Datu Maynor. Kasabay niya ang matandang naging lolo na niya dahil ito ang kaniyang laging kasa-kasama.
"Ano ang kadalasang araw na bumibisita ang ama mo sa inyo?" tanong ng matandang si Episo habang inaayos ang pagkatali ng sakong gawa sa makapal na tela sa kaniyang balikat. Ang suot niyang robang kayumanggi ay bahagya niyang hinawi kaya lumitaw ang naninilaw na kamisang may mahabang manggas na pinatungan ng luntiang kangan.
Napapasalubong ang kilay ni Agat na nakikitang nahihirapan ang matanda. Nilapitan niya na lang ito't tinulungang isabit ng maayos ang tali sa balikat nito. Kung bakit kasi marami pa nitong pinamali gayong parati naman itong nagpupunta ng liwasan. "Sa tuwing ika-apat na linggo matapos ang kabilugan ng buwan," sagot niya sa matanda sabay layo rito nang maayos na nitong nadala ang sako.
"'Di ka ba uuwi? Para narin manahimik sa tirahan ko," biro ng matanda. Parati naman niyang sinasabi ang ganoon kaya hindi na nagulat si Agat.
Inalis ni Agat ang kumapit na dumi sa suot na kamisang kayumanggi sa dibdib at hinigpitan ang tali ng dalang sisidlang mapusyaw na puting tela dahil sa bigat ng laman niyon.
"Anong gagawin ko roon?" tanong ni Agat rito. Sa pagkulo ng kaniyang tiyan ay naghanap siya ng makakainan. Kaagad naman siyang nakakita ng kainan sa kaliwa na nadaanan nila. "Kumain muna tayo para 'di na tayo magluto pagdating sa bahay."
Naunag lumakad si Agat at tanging nagawa na lang ng matanda'y sumunod. Umiwas sila sa ilang mga tao bago nakalapit sa kainan na bahay na walang naging pinto at dingding sa harapan. Ang kalaparan nito'y kinalalagyan ng mga bilugang mesang kahoy. Naghanap sila ng magandang puwesto kalapit ng mahabang mesa. Bilang sa daliri ang parokyano ng kainan nang hapon na iyon.
Kasunod nila ang isang binatang tahimik na kumakain na nakatitig sa pagkain sa harapan nito. Ang binatang ito ay si Kalsag na galing pa ng Sibuyan matapos maghiwalay sila ng amang si Kusog.
Napapalingon ang si Episo sa binata sa pagupo niya sa bilugang upuan na katawan ng puno.
"Para makita mo ang ama mong datu. Patunayan mo ang sarili mo sa kaniya na nararapat ka rin bilang anak," anang matanda sa una niyang sinabi patungkol sa pagbisita ng ama ni Agat. Nagkasabay pa silang inalis ang mga dala buhat sa balikat. Ang sako na bitbit ng matanda'y sa lupa niya nilagay. Samantalang ang sisidlan ni Agat ay sa bilugang mesang kahoy inilapag.
Itinaas ni Agat ang kaniyang kanang kamay upang lumapit ang serbedora na abala sa pagbibilang ng piraso ng pilak na pinipi sa likuran ng mahabang mesa. "Hindi ko kailangang gawin iyon. Aayos ang buhay ko kahit 'di niya ako ituring na tunay na anak," sabi ni Agat sa matanda. Napapatingin siya sa serbedora na mukhang 'di napansin ang kaniyang senyas. Tumayo siya't nadaanan pa ang binatang kumakain na bahagyang inangat ang paningin upang siya'y tingnan.
Sinamaan niya ito ng tingin nang magkasalubong ang kanilang mga mata. Nangingitim ang gilid ng mga mata nitong abuhin. Dumiretso siya sa mahabang mesa na hindi gaanong binigyang pansin ang binata kahit ba kakaiba ang kulay ng mata nito. Humarap siya sa serbedora na kakaangat lang ng tingin.
"Ano sa inyo?" sabi pa ng babaeng serbedora. Sa laki ng hinaharap nito na lumilitaw lalo dahil sa suot na hapit na damit mapapatingin talaga ang sino mang lalaking nanabik sa biyaya nitong natanggap. Pero iba si Agat dahil naiirita siya sa mga ganitong babae mula nang siya'y sinilang.
"Dalawang isitan," aniya sa babae't bumalik sa mesang kinauupuan ng matanda kung saan abala sa pagbibilang ng natitirang pilak sa kamay. Tiningnan siya nito pagkaupo niya ulit at binalik nito ang mga pilak sa supot na may tali. Binalik nito sa pagkasabit sa beywang.
Pinagpatuloy nito ang paguusap nilang dalawa. "Wala bang pagbabago ang Maynor na iyon kahit na nakilala niya ang ina mong si Kelta. Alam mo magkaibigan kami dati kaso dahil sa pinagkanulo niya ako nang mandirigma pa ako, nag-iba ang lahat. Galit na lang naramdaman ko para sa kaniya. Kaya nga mag-ingat ka kasi papatayin kita." Pinaglaro ni Episo ang daliri sa ibabaw ng mesa, bawat daliri'y tumatambol sa matigas sa kahoy.
"Noong paslit pa sana ako ginawa mo iyan. Pareho sana tayong walang suliranin ngayon," aniya sa matanda na ikinangiti nito. Napalingon siya sa daan nang may mapadaang grupo ng mga mangangaso. Sa likuran ng mga ito'y nakasabit ang mga nahuling baboy ramo. Bumubuntot ang ilang mga batang nagtatawanan sa mga ito.
Ibinalik niya ang kaniyang tingin sa matanda sa sumunod nitong sinabi. "Mahusay ang pagkasabi mo. Ibang-iba ka talaga sa kaniya," ang magiliw na wika ng matanda. Lumapad pa lalo ang ngiti nito sa labi.
"Oo naman, Episo. Ako ito. Siya iyon," dagdag niya't itinikom ang bibig sa paglapit ng serbedora dala ang dalawang isitan sa dalawang kamay, nakasilid sa malapad na bilao. Sanay na sanay nitong inilapag ang pagkain sa harapan nila ng matanda bago umalis.
Itinabi ni Agat ang inuming nakalagay sa mataas na kahoy na baso at pinakatitigan ang malapad na tinapay na kasinglapad na pinggang kahoy na kinapapatungan nito. Napapalamutian ang ibabaw nito ng lutong karne na maitim ang kulay.
"Ibig sabihin niyan wala kang balak na pumunta sa kaarawan niya. Pihado maraming dadalo sa araw na iyon. Mas magiging malakas ang pangkat ng mga Malay matapos niyon. Balita ko'y inimbitahan niya ang iba pang mga datu at puno ng mga tribu. Dapat nasa tabi ka nila sa paglago ng pangkat ni Maynor." Hinawakan ng matanda ang tinapay saka hinati sa dalawa.
"Kung may darating na imbitasyon baka makapunta." Hinati ni Agat ang tinapay at hinalo rito ang karne gamit lamang ang daliri.
Sumubo na ang matanda bago nagsalita. "Walang imbitasyon. Walang Agat. 'Di magiging madali sa'yo kung pagkagayon."
"Hindi rin naman nila gusto na ako'y makita," ang makatotohanan niyang tugon. Nagsimula na rin siyang kumain para mawala ang gutom na nararamdaman.
"Pumunta ka lang. Para makapasyal ka rin." Kinuha ni Episo ang sariling inumin at uminom. Nakailang lagok ito bago binitiwan ang baso. "Noong mandirigma pa ako'y parati akong naisasama sa paglalakbay kaya marami akong narating na lugar na bihirang napupuntahan ng mga karaniwang tao."
"Wala sa plano ko ang pamamasyal hangga't 'di ko nahahanap ang layunin ko sa buhay. Kala ko kasi nang una iyon ay pasayahin ang ina ko pero nagkamali ako. Hindi pala kasi pati siya nalason na ang isipan ng datu." Nagpalabas si Agat ng hangin na nais lumabas sa kaniyang bibig at tinakpan ang bibig nang mapagtanto ang nangyari. Tuwid na nakatingin sa kaniya ang matanda. Uminom na lang siya ng inumin, nanuot sa kaniyang dila ang matamis at maasim na lasa niyon.
"Malay mo naman sa pamamasyal mo'y mahanap ang sinasabi mong layunin." Tinapos ni Episo ang pagkain kahit 'di pa nauubos ang isitan sa pagsaid sa inumin at pagpahid ng bibig gamit ang likuran ng kamay.
"Tumigil ka Episo. Huwag mong ipasa sa akin ang ibig mo," ang may bahid na inis niyang saad sa matanda.
"Hindi pala kayo magkaiba. Parehong-pareho kayo. Anak ka nga talaga ng datu." Pumanting ang tainga niya sa narinig. Lumakas pa ang pagsasalita nito.
Naikuyom niya ang kaniyang kamao sa ibabaw ng mesa. "Mapuputol ko ang dila mo. Hinaan mo ang pagsasalita mo bago pa may makarinig sa iyo."
Ang matanda ay muli namang nakangiti na natural na rito. "Wala namang ibang nakarinig. Isa lang."
"Sino?" taka naman niyang tanong.
"Siya o." Itinaas ng matanda ang kamay nito't tinuro ang nakaupo sa kaniyang likuran. Pinihit niya ang kaniyang katawan para masundan ang direksiyon ng daliri ng matanda.
Tumama ang paningin niya sa binatang mag-isang kumakain. Pinapantayan din nito ang tuwid niyang pagtitig. Doon niya higit na napansin ang maputla nitong kompleksiyon na tila hindi ito nasisikatan ng araw. Kung anong kinadungis ng mukha nito'y ganoon din ang kasuotan nito. Naisip niya tuloy kung saan nagsusuot ang binata kaya naging ganoon ang itsura.
"Anong tinitingin-tingin mo?" asik niya sa binata para kabahan ito. Upang hindi nito ipagkalat ang mga narinig. Kaso walang naging epekto ang timbre ng boses niya. Naglabas lang ito ng mga baryang pilak sa dalang supot sa beywang na inilagay nito sa mesa katabi ng walang lamang dahon ng saging.
Tumayo ito na hindi inaalis ang tingin sa kaniya. "Bantayan mo nang maigi ang paligid baka hindi mo mamalayan sa ilalim ka na ng lupa," makahulugang sabi ni Kalsag bago lumakad. Ang sinabi nito'y humalo sa ingay na naglalaro sa ere. Nasundan na lang ni Agat ng tingin ang binata hanggang makaalis ng kainan at humalo sa mga tao sa lansangan.
"Hindi normal ang lalaking iyon," ang nasabi ni Agat sa pagdukot niya ng pilak na pinanipis sa sariling supot. Nagbilang lang siya ng eksaktong bayad sa kinain nila ng matanda bago iniwan sa mesa.
"Kahit ikaw rin naman 'di normal. Tinatago mo nga ang karma sa iyo para hindi ka maitala ng mga Lakan." Inabot ng matanda ang sako't sinabit sa balikat.
"Iba ang lalaking iyon kaysa sa akin." Binitbit niya na rin ang sisidlan. Bahagya siya napaungol nang maramdaman ulit ang bigat niyon.
"Parang hindi naman. Makahulugan nga ang sinabi niya sa iyo. Baka isa siyang taga-basa. Iyong angkan na kahit isang tingin lang sa iyo alam na buong katauhan mo." Umalis na sila ng mesa.
"Mga babae lang ang mula sa babaylan," pagpapaalala niya sa matanda. Tinapik niya ang matanda sa balikat upang lumakad na ito papalayo sa kainan. Napansin niya ang kakaibang titig sa kaniya ng mga ibang kumakain roon.
"Tama ka nga naman," ang nasabi ng matanda sa paghalo nila sa mga tao.
"Nababaliw ka na Episo." Tinawanan lang siya ng matanda sa nasabi sa patuloy nilang paglalakad.
Patuloy sa paglalakad ang mga tao, may ilan pang mamimiling nakipagbangayan sa magtitinda na nilampasan lang nila.
Hindi rin nagtagal at narating nila ang dulo ng daan kung saan naroon ang ilog. Papunta't paparito rito ang mga tao't tila 'di magtatapos.
Napapatingin silang dalawa ni Episo sa matandang naglilinis sa maruming ilog na 'di na nadadaluyan ng tubig dahil sa mga nakatambak ng basura. May bilugang mukha ang matanda at manipis na katawan. Ang malalaking kamay nito'y marahang inaalis ang malalaking kumpol ng basurang tela na inalalagay nito sa malaking sisidlan na basket sa likuran.
Tinulak siya ni Episo upang magpatuloy kaya nabalik ang atensiyon sa harapan.
Sa bandang dulo ng ilog ay matatanaw ang abalang daungan kung saan matatanaw ang papadaong ng mga bangka na galing sa paglalayag. Ang bundok ng Payapao sa matulis na hugis nito'y tila nakangiti sa kaniyang kaliwa sa likuran ng iba pang mga kabahayan.
Umalis sila sa daan sabay sumampa sa dalawang malalaking kawayan na naging tulay. Nilakad nila ito na bahagya pang umuga. Dito na sila dumaan kaysa umikot pa sila upang makalipat sa kabilang dako ng ilog.
Binilisan niya ang kaniyang paglalakad nang maramdamang matatanggal na ang isa sa mga kawayan. Hindi nga siya nagkamali dahil pagkatapak ng kaniyang paa sa kabilang daan ay siya ring tuluyang natanggal ang kawayan dahil sa pagkabulok. Mabilis din namang nakasunod ang matanda, hinawakan pa niya ito sa suot nang gumuho ang tinapakan nitong dalampasig na kung 'di niya ginawa tiyak sa ibaba na ito pupulutin.
"Maraming salamat, ginoo," ang nasabi pa ng matanda kaya sinamaan niya ito ng tingin.
Napapatingin siya sa kaliwa sa mga multong sinampay na nakasabit ng paekis-ekis sa pagitan ng mga bahay, nagsasayaw ang mga ito sa bugso ng hangin sa kanilang paglalakad patungo sa daungan.
Ilang sandali pa'y narating nila ang sulok na kinatatayuan ng abandunadong bahay, nangingitim ang kalahating bahagi nito dulot ng pagkasunog nitong nagdaang araw. Sa ilalim ng bubongang pawid kung saan ang maliit na bulwagan ay nakapaikot ang mga tao habang ang daan ay abala pa rin dahil sa lumalabas at pumapasok na mga tao sa daungan.
"Ano kayang mayroon?" anang matanda sa pagliwanag ng mukha nito. "Tingnan nga natin."
Hindi na napigilan ni Agat ang matanda. Napasunod na lang siya rito na naiiling. Kapag may ganoon talaga hindi mapigilan ng matanda na makiisyoso. Silang dalawa'y nagsumiksik sa mga tao para makarating sa loob ng bulwagan. Ilang pagpigil ng hininga upang 'di masinghot ang amoy ng mga tao, nakapasok din sila ng mantanda. Inayos niya ang kaniyang suot nang makatayo nang tuwid.
Sa gitna ng maliit na bulwagan sa sahig ay naroon ang bangkay ng isang pahinante na natatabunan ng malapad na tela. Lumapit ang matanda sa bangkay saka inaangat ang nakatabon dito upang masilip ang kalagayan ng katawan ng pahinante. Nanlaki ang mata ng matanda nang makita ang buto't balat na katawan.
"Anong nangyari?" tanong matanda sa kahit sino. Binitawan nito ang tela at iniikot ang paningin sa paligid habang nag-aantay sa sasagot. Nakasunod lang ng tingin si Agat sa matanda.
Mayroong nagsalita, ito ang lalaking makasandig sa posteng kahoy. "Hindi niyo po ba nakikita?" anang lalaki na si Daghoy. Sa itsura nitong magulo ang buhok, tabinging putong at suot na kamisang walang manggas, malalamang wala pa itong pahinga mula nang dumating sa paglalayag.
"Nakikita ko. Ang gusto ko lang malaman bakit naging ganito siya?" Tumayo si Episo saka lumapit sa lalaki. Napapatingin si Agat sa nakaluwang kamay ng pahinante sa nakatabong tela rito. Walang kasing-putla ang naging balat nito matapos nang nangyari.
"Hindi rin namin alam. Ang sigurado lang ay ang naging katauhan ng taga-tala na nakatira sa dulo ng Habigan," dagdag ng lalaki kaya napapahawak ang matanda sa baba nito sa lalim ng pag-iisip.
"Taga-tala? Si Kuol ba sinasabi mo?' bulalas ng matanda nang malaman kung sino ang tinutukoy ni Daghoy.
"Oo," tugon ng lalaki kaya binalik ng matanda ang atensiyon sa walang buhay na pahinante.
"Ito ang unang beses na nakakita ako ng ganitong bangkay," anang matanda sa pag-alis nito sa nakatabong tela sa mukha ng pahinante. Lumuhod ito't nilapit ang mukha sa mukha ng pahinante. Pinakatitigan nito ang dilat na mga mata.
"Anong ginagawa mo Episo?" pigil ni Agat sa matanda sa binabalak nito.
Nilingon siya ng matanda. "Tinitingnan ko lang ng mas malapitan. Ipanalangin na lang natin na sa puting ilog siya sa makakarating," anang matanda na kinusot ang ilong dahil sa naamoy na masangsang mula sa pahinante. Sa puntong iyon ay siya ring pagpasok ng may-ari ng bangkang sinamahan ng pahinante na si Apugay mula sa daan. Niluwa ito ng mga taong nagbigay ng daan.
"Wala siyang mapupuntahang ilog. Hindi sa pulang ilog, at mas lalong hindi sa puting ilog," wika ni Apugay. Sa bibig nito'y naiipit ang tabako. Ang makahulugang tingin nito ay nakapako sa nakatayong si Agat. Inilayo ni Agat ang tingin niya sa lalaki bago siya makilala nito.
"Bakit mo nasabi ang ganyan? Alam naman natin ang mga namamatay ay sa dalawang ilog ng Mangaway napupunta," saad ng matanda sa pagtayo nito. Hinarap nito ang mangingisda.
Inalis ng magingisda ang tabako sa bibig na inipit sa pagitan ng daliri. "Dahil kinuha sa kaniya ang kaluluwa ng taga-tala, ginoo," pagbibigay alam ng mangingisda sa matanda. Pinitik nito ang katawan ng tabako para maalis ang naupos na dulo nito. Sa nasabi nito'y nagdulot ito upang ang mga tao sa bulwagan na iyon ay magbulungan dahil sa takot na ginustong mangayari ng mangingisda. Kaya nga nito roon nila sa bulwagan na iyon dinala ang pahinante.
"Hinigop talaga? 'Di magandang balita iyan kung pagkagayon," ang 'di makapaniwalang bigkas ng matanda. "Naibalita mo na ba ito sa Dahilig?"
"Oo, papunta na sila rito. Hahayaan namin silang lumutas sa pangyayaring ito," ani ng mangingisda. Sa naririnig ni Agat mula sa lalaki'y tila hindi siya kumbinsido.
"May kaunting alam ka ba sa nagyari kay Kuol?" ang dagdag na tanong ng matanda.
"Wala," unang sambit ni Apugay bilang kasagutan bago ito may dinagdag. "Pero may isang tao na naisakay namin na mukhang alam ang pagbabago ng taga-tala." Mahahalata sa boses nito ang pagsisinungaling dahil ang sinasabi nito ay kaniyang inaanak na si Kalsag.
"Nasaan na siya?" ang 'di maiwasang sambit ni Agat sapagkat ramdam niyang nagsisinungaling ang mangingisda. Kanina niya pa gustong magsalita nawalan lang ng pagkakataon. Pero nang sandaling iyon naibuka narin niya ang kaniyang bibig kaya napalingon sa kaniya ang mangingisda.
Ibinalik ni Apugay ang tabako sa bibig. "Iyan nga ang problema namin. Umalis na lang ng walang pasabi. Pinapahanap ko pa sa kanang kamay ko."
"Maganda iyan. Umasa lang tayo na 'di masyadong lumaki para 'di makasama sa atin," pagsangayon ng matanda sa hakbang ng mangingisda.
"Sana," ang wala sa sariling sambit ni Apugay. Hindi na nakatiis si Agat kaya nilapitan niya na ang matanda.
"Tara na Episo. Hindi ako puwede makita rito," bulong niya rito na ikinanlaki ng mata nito. Hinila niya ito sa bitbit na sako papaalis ng bulwagan.
"Alis na kami mga ginoo," paalam ng matanda sa mangingisda. Tumango naman ang huli. Nakipagbuno sila sa mga tao para makalabas hanggang sa daan. Muntikan pa siyang masiko ng isang lalaki na naiwasan niya kaagad. Nakahinga siya ng malalim nang makalaya sa mga tao.
Naglakad siya papasok ng daungan na nakabuntot ang matanda. Tinakpan niya ang kaniyang ilong upang hindi malanghap ang umikot na amoy ng natuyong mga isda sa buhangin sa bukana ng daungan. Ramdam niya ang pagtama ng papalubog na araw sa kaniyang mukha sa kawalan ng mga punong niyog sa dakong iyon.
Kibit-balikat siyang nagpatuloy patungo sa loob ng daungan, nakipagsiksikan sa mga tao makarating lamang sa mahabang pantalan na gawa sa kahoy. Napapabuga siya ng mainit na hininga sa pinaghalong amoy ng mga taong nagsiksikan sa kalaparan ng pantalan.
Kaunting pakipagsiksikan pa't nakaalis din sila sa dagat ng tao. Malakas ang sigaw ng mga tao na galing sa labasan ng pinakamalaking bangkang nakadaong sa bandang hulihan nito. Ang mga naglalaparang layag nito'y nakatiklop na. Ang mga taong sumakay rito'y lumalabas sa nakabukas na gilid na parte nito.
Tumabi siya upang hindi masagasaan ng napadaang grupo ng mga anim na kalalakihan. Ang apat na lalaki ay hawak ang bawat dulo ng kahoy ng palankwin sakay ang isang maharlika. Alam niya kung sino ang mga iyon. Hindi niya alam kung napansin siya ng ama na nasa loob niyon, nagtatago sa kurtinang kawayan. Niyuko niya ang kaniyang ulo nang mapalingon ang matanda sa kaniya sa hulihan nito na isang lakan.
Napasunod na lamang siya sa matandang kasama nang lampasan siya nito sa paglalakad upang makaiwas sa tingin ng lakan na kakampi ng kaniyang ama.
"Sino sa tingin mo ang gumawa noon? Di basta mangyayari sa taga-tala na nasabi iyong pagbabagong anyo niya kung walang may sala sa likuran nito," tanong niya sa matanda sa pagtungo nila sa sinakyang bangka.
"Tama naman ang naisip mo. Ang totoo niyan nakakita ako dati ng katulad ng nangyari sa pahinante." Umurong ang noo niya sa narinig.
"Ba't 'di mo sinabi sa kanila kaagad? Nakatulong ka sana kahit papaano." Tumigil sila sa paghakbang nang marating ang nakataling bangka kahanay ng iba pang maliit na bangka.
Tinapon ng matanda ang sako sa gitna ng malapad na bangka. "Hindi ako sigurado noong una. At saka hinila mo na ako. Wala akong mapagpipilian at sumunod na lang sa iyo. Yung nakita naming katulad nang pahinante nung kasama ako sa paglalakbay, 'di rin naman alam kung sino ang may gawa. Wala ring sumubok na alamin ang puno dahil sa malayong isla na napag-iwanan ng panahon namin nakita iyon," pagkuwento nito na ikinataas ng interes ni Agat.
"Pero pihado may naiisip ka kung sino ang may gawa ng lahat niyon," aniya sa matanda nang alisin niya ang pagkatali ng lubid sa nakausling bato. Umalis ito ng pantalan sabay sampa ng isang paa sa bangka. Sa ilalim ng bangka ay makikita ang paglalaro ng mga isda sa tubig.
"May naiisip ako. Pero matagal na silang wala. Malay natin buhay pa ang mga ito." Inalis nito ang naiwang paa sa pantalan saka tuluyang sumakay ng bangka.
"Nag-bibiro ka ba? Sino ang susubok na kalabanin ang mga apo na sa tingin palang babahag na buntot mo." Hawak ang naalis na tali tumalon siya mula sa pantalan. Napahawak ang matanda sa nakatayong kahoy ng layag sa biglaang paggalaw ng bangka dahil sa kaniyang pagtalon. Muntikan na siyang matawa sa naging itsura ng matanda, nanglaki kasi ang mga mata nito.
"Hindi natin masabi na wala na talaga ang mga tagasunod ni Homobono. Saka wala naman dapat katakutan sa mga lakan. Banal man sila sa paningin ng lahat, pero ang katotohanan ay hindi maitatago. Nagmamalinis lang sila." Binuksan nito ang layag na bumuka kaagad sa pag-ihip ng hangin.
Naupo siya sa unahan ng bangka habang minamaniobra ng matanda ang bangka paalis ng pantalan. "Diyan sa sinabi mong iyan ako sumasangayon," ang huli niyang sinabi sa matanda bago binitiwan ang hawak na lubid.
Umatras ang bangka hanggang mawala sa hanay ng mga nakadaong na mga bangka. Sa pagpihit ng matanda sa hawak na kahoy ng timon sumibad na ito ng andar sa bugso ng hangin.