SUMAMA ang tingin ni Kari-a kay Limong kapagkuwan ay humalo ito sa mga taong naglalakad.
Napaisip si Limong kung saan niya nakita ang lalaki. Nang maalala niya kung sino ito'y nakalayo-layo na ito. Tumakbo siya't sinundan nga ang lalaki, naabutan niya itong papasok ng kakahuyan sa likod ng mga kubo ng aliping namamahay na nakapaikot sa torogan.
"Kari-a!" sigaw niya sa lalaki kaya napalingon ito sa kaniya. Iyon ang natatandaan niyang pangalan nito kahit bata pa siya nang malaman ang pangalan na iyon.
Ang lalaki ay nabigla na mababakas sa paglaki ng kaniyang mga bilugang mata. Ngunit nawala rin naman ang hindi inasahang pagbabago ng emosyon nito kasing bilis nang paglabas niyon. Ang atensiyon nito'y ibinalik sa kakahuyan at walang inaksayang sandaling nanakbo paloob nang makatakas sa paningin ni Limong.
Nilakbay ni Limong ang kaniyang mata sa kinalalagyang lugar kung may mga kalapit na tao para makatulong. Sa kasamaang palad wala naman siyang nakita ni isang presensiya ninuman. Siya'y pumasok na lamang sa kakahuyan, tumakbo upang maabutan si Kari-a.
Sa nangyari, ang mga paa niya'y tumapak sa mga tuyong sanga na sumuksok ang tunog sa kaniyang tainga.
Malamig ang paligid sa dakong iyon dahil sa nagtatayugan at naglalakihang puno, isama pa ang mga makakapal na halaman. Siya ay tinamaan pa sa mukha ng bilugang dahon ng mababang halaman sa pagtakbo niya sa daan na naisip niyang tinahak ni Kari-a.
Nang makalampas sa mga halaman hindi umayon ang pagkakataon sa kaniya. Sapagkat mayroong pumigil sa kaniyang paghabol. Bago pa siya bumangga sa mga itim na aromang naging harang, tumigil na siya sa pagtakbo.
Pinagkasya na lamang ang sarili na sumilip sa awang ng mga matitinik na aroma para mahuli ang lalaki ngunit hindi niya naman ito nakita pa. Tanging kagubatan ang naroon sa kabila.
Inikot niya ang kaniyang paningin sa paligid ngunit mga halaman lamang ang bumati sa kaniya. Wala siyang napansing senyales na magsasabi sa kaniya na si Kari-a ay nagtatago lamang doon.
Idagdag pa na wala siyang ibang naririnig na ingay kundi ang huni ng kulisap at ang umaabot doon na tunog ng mga tambol. Hindi niya malaman kung saan sumuksok si Kari-a.
Sa labis na pagkadismaya, siya'y lumakad na lang papalabas ng kakahuyan na iniisip kung bakit nabubuhay pa ang taong patay na. Isa lang ang tanging tumimo sa likuran ng kaniyang isipan, hindi talaga ito namatay. Hindi rin ito dapat nabubuhay sapagkat isa itong salot sa islang iyon, isang tulisan na dapat parusahan.
Wala na siyang inaksayang pagkakataon pa't nanakbo papalabas ng kakahuyan, sumunod dito'y nagtungo siya sa kasiyahan. Ang mga paa niya'y dumikit lang saglit sa lupa sa tila paguunahan ng mga hita.
Nakarating siya sa likuran ng kasiyahan kung saan naroon ang dalawang baitang na entablado.
Nang mga sandaling iyon, sa unang baitang ay naroon ang magkabiyak na sina Silay at Talas.
Ang anak na babae ni Datu Silaynon ay nakatingin lang sa mga sumasayaw, kumikinang ang palamuting mga diyamante na itinali sa ulo niya, kawangis ng kislap ng kuwentas na perlas na nakasabit sa leeg niyang manipis.
Nababalot ang katawan ni Silay ng makulay na telang may burda. Hinabi para lamang sa kasalang iyon, ibinagay sa suot ng katipang si Talas na kamisang walang manggas at kangan na marami ring burda. Sa mukha ng dalawa ay nakaguhit ang hindi matatanging ngiti. Ang hindi alam ng lahat sa likuran ng mga ngiting iyon ay nakatago ang isang lihim. Ang lihim na pananatilihin hanggang makamit ang kaniya-kaniyang inaasam na bagay.
Nakahanay sa magkabilang tabi ng unang baitang ang walong atubang ng datu na nababalot ang mga katawan ng balabal na gawa sa balat ng buwaya. Sa mataas na baitang naman ay naroong mag-isang nakaupo si Datu Silaynon, pinagmamasdan niya ang mga sumasayaw na limang magkaparehang babae't lalaki sa gitna ng malawak na puwang na lupa sa saliw ng tambol.
Sa likuran ng datu sa ibaba, nilapitan ni Limong ang isa sa mandirigmang nakakalat sa likod ng entablado. Ang mandirigma ay may hawak na kalasag sa kanang kamay at sibat sa kabilang kamay. Pinagmasdan lang nito si Limong na hinihingal.
"Sabihin mo sa mahal na datu. Si Kari-a ay nagbalik," pagbibigay alam ni Limong sa mandirigma na ikinasama ng pagmumukha nito. Habol hininga niyang pinakawalan ang mga salita.
"Isang kalapastanganan ang sinasabi mo bata. Anong binabalak mo? Sirain ang kasiyahan?" ang matatalim na bitiw ng mandirigmang nagngangalang Binaol. Gayon na lamang ang naging reaksiyon niya dahil dating kasamahan niya si Kari-a. Kung hindi lang naging masama si Kari-a dahil sa inggit marahil magkasama pa sila nito sa paninilbihan kay Datu Silaynon.
"Totoo ang sinasabi ko. Nakita mismo ng dalawa kong mga mata," pagpupumilit ni Limong rito. "Kung ayaw mo'y ako na lang ang magsasabi," aniya't balak sanang sumigaw na nakatingala sa nakatalikod na datu.
Ngunit ang mandirigma ay tinakpan na kaagad ang kaniyang bibig kaya nabitiwan nito ang sibat at kalasag na hawak, bago tumumba sa lupa.
Dinala siya ng mandirigma na tinutumbok ang gilid ng turugan. Ang mga kasamahan nito ay napapasunod na lamang ng tingin sa kanila.
Nang nasa gilid na sila ng turugan malayo sa tingin ng datu, pinakawalan na siya ng lalaki. "Huwag kang babalik roon. Naintindihan mo?" ang matalim na sabi ng mandirigma. Ang mga mata niya'y nanglilisik na parang isang makamandag na ahas.
"Totoo ang sinasabi ko," ang matigas na sabi ni Limong. Hindi niya inasahan ang sumunod nitong ginawa.
Hinampas siya nito sa mukha ng likod ng kamay nito. Sa lakas ng pagtama'y gumawa pa iyon ng ingay. Dahil dito'y napayuko siya ng ulo sa labis na pananakit ng kaliwang pisngi kasabay ng pagkirot ng taingang nabingi.
Papangalahawan pa sana ng mandirigma ang pananakit nito kay Limong kung hindi lang sa isang tinig na nagmula sa likuran nito.
"Binaol! Itigil mo iyang ginagawa mo!" ang mabibigat na sabi Mitos na galing mula sa kasiyahan. Ang kamay ng mandirigma'y natigil sa ere't binaba na lang nito. Nilingon nito si Mitos na nakalapit na't iniwan na lamang si Limong.
"Ipaalam mo nga sa akin kung bakit ka sinaktan ng mandirigmang iyon?" ang tanong ni Mitos na hindi na binigyang pansin ang papalayong si Binaol.
Hinapo ni Limong ang kaniyang pumipintig na mukha bago sumagot. "Si Kari-a, ginoo. Buhay siya," aniya sa lalaki.
Sa narinig ni Mitos mula sa kaniya'y kumunot ang noo nito.
"Sa susunod huwag mong banggitin ang pangalan na iyan lalo na kay Binaol," anang lalaki bago siya nito tinapik sa balikat. "Sabihin mo sa akin kung saan mo siya nakita."
"Sa puno, kanina lamang matapos nating maghiwalay. Sinundan ko siya sa kakahuyan ngunit hindi ko na siya nakita pa," pagbibigay alam niya na naintindihan naman nito.
"Ako na ang magsasabi sa datu. Dito ka lang muna," ang sabi ni Mitos bago ito lumakad patungo sa entablado sa tabi niyon. Ngunit si Limong ay hindi nanatili sa gilid ng torogan, siya ay lumipat ng puwesto.
SI MITOS AY UMAKYAT ng entablado na mahigit tatlumpung talampakan ang layo kay Limong na tumayo sa harapan ng pintong tabla ng torogan. Walang pumigil kay Mitos na ibang mandirigma sapagkat kilala naman siya ng lahat. Dumaan siya sa likuran ng mga atubang sa kaliwa.
Naglalaro pa rin sa ere ang ingay ng tambol na buhat sa mga sumasayaw. Nahahaluan pa iyon ng mga taong sumisigaw, ang iba pa ay humalo sa nagtatanghal. Itinataas ang mga kamay kasabay ng kanang paa sa pagtalbog ng tunog sa tambol, pumapaikot sa nagtatanghal upang gumawa ng bilog ng taong uod.
Kung kaya nga pabulong na sinabi ni Mitos ang masamang balita sa atubang ng datu sa buntot ng linya ng mga atubang. Hawak ng matanda ang isang tungkod na ang duloy baluktot na kawit. Nagbago kaagad ang guhit sa mukha nito pagkarinig sa binulong ng mandirigma.
Sa kalagayang ito'y napuna iyon ng bagong kasal na lalaki. Lumingon si Talas sa gawi nina Mitos na malapit pa rin ang bibig sa tainga ng matandang atubang. Habang ang kabiyak niyang si Silay ay patuloy pa rin sa panonood.
Matapos na mailabas ni Mitos ang masamang balita sa atubang umakyat ito ng ikalawang entablado, lumapit sa tabi ni Datu Silaynon na naiinip na sa kinauupuan. Ang mandirigma ay niyukod na lamang ang ulo para kay Talas. Nagsalubong ang tingin ni Talas na hindi na nakakapagtaka para kay Mitos, sapagkat noon pa man ay iba na ang tingin nito sa kaniya.
Tumuwid ng tayo ang mandirigma bago niya binaling ang atensiyon sa dalawang nakakaangat ang estado ng katayuan sa pamumuhay.
Inihilig ng atubang ang katawan palapit sa taenga ng datu. Lalong tumabon ang balabal niya sa nangangayat na katawan dulot ng paggalaw. Pinangtakip ang kaliwang kamay sa bibig na tila makakatakas ang mga salitang papakawalan niya. Ang kanang kamay niya ay nanatiling nakakapit sa tungkod.
"Gaano ka nakakasigurado diyan, Kiras?" anang datu sa malalim na boses niya na tila hinugot sa kailaliman ng lupa, mabigat at malamig. Binaba niya ang kamay na nakatukod sa ulo sa pagtindig nang maayos ng atubang.
"Hindi nga po. Pinapaalam ko pa lang sa inyo," alanganing sabi ng atubang na si Kiras.
Humakbang si Kiras ng patagilid ng isa patungo sa kaliwa nang mapansin ang pagtaas ng balikat ng datu sa paghugot nito nang malalim na hininga. Liban pa dito'y humigpit ang kapit nito sa hawakan ng upuan. Nanginginig ang kalooban nito sa tuwing maririnig ang pangalan ni Kari-a.
"Sino na ba ang nakakaalam?" ang sabi ni Datu Silaynon.
"Si Mitos mahal na datu sa tingin ko." Sa sinabi ng atubang tiningnan ng datu ang nakatayong mandirigma sa bandang likuran ng hanay ng mga atubang. Ito namang si Mitos ay niyukod ang kaniyang ulo para sa pinuno.
"Sige, ayusin mo. Siguraduhin mong walang makakaalam na iba pa," utos ng datu kung kaya nga't bumaba na ang atubang sa baitang ng datu.
Nilapitan ni Kiras ang nag-aantay na si Mitos. Sa paglalakad nila'y ang mga mata ng mga taong nasa unang baitang ng entablado ay nagtatanong.
Nauna ng baba si Kiras sa tatlong baitang ng hagdanan na nakasunod si Mitos. Sa sandaling iyon ay siya ring paglapit ng sampung alipin na may mga dala-dalang bilao laman ang nga pagkain --- pinaghalong prutas at pagkaing ugat. Sa pag-alis ni Mitos ng paa sa huling baitang sabay na umakyat ang dalawang hanay ng alipin sa magkabilaang hagdan.
Napalingon si Mitos sa aliping nasa huli nang tawagin siya nito.
"Ginoo, nakita mo ang anak ko?" ang tanong ng babaeng alipin. Ang mga kamay niya'y maingat na nakahawak sa bilao. Sa mga mata niya ay nakaguhit ang pag-alala sa paggala ng anak. Ang kulay ng balat niya ay hindi nalalayo sa kulay ng suot ng kayumangging saya at pang-itaas.
"Oo, Ilaya," ang pagbibigay alam ni Mitos sa ginang. Hindi niya sinabi ang tungkol kay Kari-a.
"Salamat naman kung pagkagayon," anang ginang na nakuha pang ngumiti. Umakyat na siya ng entablado bago pa mapagalitan, inantay niyang siya naman ang maglalahad ng dalang bilao na ibinaba niya kapantay ng beywang.
Si Mitos naman ay sumunod na rin kay Kiras na binigyan ng daan ng mga mandirigma. Ang ibang maharlika kasama na si Sinag at ang bunsong kapatid na lalaki na si Sinugyaw na hindi nalalayo ang edad kay Limong ay napasunod ng tingin sa dalawa. Nakaupo ang mga ito sa pahabang upuan sa gilid ng entablado.
Sa paglabas nila ng kasiyahan ay sumunod sa kanila ang mandirigmang si Binaol. Magkasabay pa nga sila ni Mitos na naglakad na nasa unahan ay ang atubang patungo sa torogan.
"Pumasok ka," ang utos ni Kiras sa paglapit niya kay Limong na humakbang ng isa patabi.
Naunang pumanhik ang atubang, sa mukha niya ay nakaguhit ang blangkong ekspresiyon.
Hindi mahulaan ni Limong kung ano ang nasa isip nito, kung natutuwa ba ito o hindi. Siya'y sumunod naman na pumanhik bago ang dalawang mandirigma.
Bumungad sa kanila ang bulwagan na walang kalaman-laman liban sa mataas na upuan sa malayong sulok. Sa magkabilang dako nito ay makikita ang dalawang daanan. Ang mga iyon ay magdadala kanino man patungo sa ikalawang bahagi ng torogan kung saan naroon ang tulugan ng datu at ng pamilya nito.
Ni isang palamuti ay walang makikita sa kabuuang dingding kung kaya't litaw ang nangingitim na magaspang na kahoy. Hindi pa gaanong pumapasok ang liwanag sa loob dahil sa mga nakasarang bintanang kahoy. Ang tanging liwanag na tumatama sa marmol na sahig ay buhat sa pintuan. Nakatayo na rito ang dalawang mandirigma, ang mga anino ng mga ito'y hinabol ang humahakbang na si Limong.
Si Kiras ay nagpatuloy sa paghakbang na tinutumbok ang gitna ng bulwagan. Si Limong naman ay napapatingin sa bubongan kung saan emekis-ekis ang kahoy na balangkas ng bubong. May napansin pa siyang pugad ng ibong dilaw ang ilalim ng katawan at itim ang itaas, ang mga tuyong damong pabilog ay nakabitin sa sulok. Sumisilip pa ang ibon sa bilugang pasukan ng pugad na nagsilbing isa sa mga saksi.
Ang atubang ay huminto sa paglalakad kaya't maging si Limong ay tumigil sa paghakbang. Ang lamig ng pinagtagpong mga tabletang marmol ay nanunuot sa kaniyang talampakan. Iniikot ng matanda ang katawan paharap sa kaniya hudyat ng pagsisimula nito.
"Isang malaking pagkakamali ang naisip mong gawin, alipin. Ano ba ang hinahangad mo? Ang mabigyan ng pansin ng datu?" ang unang sinabi ni Kiras. Ang mga kamay niya ay mahigpit ang kapit sa tungkod na kahoy. "Anong nagtulak sa iyo na bumuo ng kuwento?" dagdag niya sa mga naunang sinabi.
Tumigil ang atubang sa pagsasalita na nagsasabing pagkakataon na iyon ni Limong na ipagtanggol ang sariling panig. Hindi niya nagustuhan ang sinabi nito kaya nilabas niya ang isinigaw ng kaniyang isipan.
"Ang sinabi niyo po ang pagkakamali. Hindi ko hina---" Naputol ang sasabihin ni Limong nang pinatama ng atubang ang puno ng tungkod nito sa matigas na marmol.
Umalingaw-ngaw ang tunog niyon sa loob ng bulwagan, tumakas sa pinto na nililiitan ni Binaol ng sara at nalusaw ng ingay ng kasiyahan. Si Mitos ay sumandig na lamang sa pader ng pintuan.
"Hindi ko hinihingi ang opinyon mo sa lumabas sa bibig ko. Lapastangan talaga ang mga katulad mo," ang mariing sabi ni Kiras. Tiim-baga itong tumitig kay Limong na niyuko na lamang ang ulo upang makaiwas sa mapanuring tingin na binibigay ng kausap. "Sabihin mo ang katotohanan!"
Kinagat ni Limong ang kaniyang labi sa pagtitimpi. "Alam niyo na po ang katotohanang sinabi ko. Kung gusto niyo po tingnan niyo ang kakahuyan dahil doon tumakbo si Kari-a. Nagtago sa pagsunod ko," ang sabi niya sa atubang.
"Nakita mo ba siya nang sundan mo?" usisa ng matanda.
"H-hindi," alanganing sabi ni Limong. "Ito nga ang kinakatakot ko kung bakit siya'y nawala dahil wala naman siyang malulusutan sa mga harang na aroma."
"Iyon ay dahil gawa-gawa mo lang. Imahinasyon mo lang na nabuhay si Kari-a," paratang ng atubang.
"Paniwalaan niyo ako. Gaano ba kahirap iyon para sa inyo?" Pinanatili ni Limong ang pagkayuko ng kaniyang ulo.
Hindi niya nais na masilayan ang nakaguhit ng pagkadisgusto sa matanda sa patuloy nilang pag-uusap.
"Tama na alipin. Masuwerte ka't ako ang kumausap sa iyo, hindi ang datu. Dahil kung ang datu ang kaharap mo hindi mo magugustuhan kung saan ka pupulutin ng magulang mo," ang mahaba-habang sabi ng atubang. "Sa anong paraan mabububay si Kari-a samantalang kitang-kita ni Binaol ang pagkahulog niya sa bangin."
"Paano kayo nakakasigurado roon samantalang hindi niyo naman nakita ang bangkay niya," ang sabi ni Limong na ikinalingon ni Binaol sa kaniya mula sa pagkatitig sa labas ng pinto. Si Mitos naman ay umalis sa pagkasandig.
"Sinong may sabi sa iyo na hindi? Wala kang nalalaman alipin. Kuwento lang ng mga tao rito ang narinig mo. Si Talas na mismo ang nanigurado na patay na si Kari-a nang gilitan niya ang leeg nito," ang huling nasabi ng atubang bago ito napalingon sa pintong maliit ang awang.
Ito ay dahil sa pumasok ang datu sa pagtabi ni Binaol sa harapan ni Mitos. Maging si Mitos ay tumuwid ng tayo sa presensiya ng namumuno.
"Kailan ka ba makukuntento Limong?" matalim na sabi ni Datu Silaynon pagpanhik niya ng bulwagan. Dumagundong ang boses niya sa loob hanggang sa kasuluksulakan. Si Limong ay napalunok ng laway na hindi sinubukang iangat ang paningin sa datu sa paglalakad patungo sa upuan.
"Mahal na datu. Hindi ka na po sana nagtungo rito," ang sabi ni Kiras nang makarating si Datu Silaynon sa harapan ng upuan. Pinihit niya ang katawan sa datu.
"Tumahimik ka rin, Kiras," sabi ng datu na may galit sa kaniyang tinig kapagkuwan ay pasalampak na naupo sa kaniyang trono.
Napayuko ng kaniyang ulo si Kiras nang makita ang tapang sa mga titig ng pinuno. "Patawad mahal na datu," ang nasabi ng atubang sa takot na mabaling ang galit ng datu rito.
Inihawak ni Datu Silaynon ang kaniyang mga kamay sa hawakan ng upuan at ibinuka ang mga paa upang sa ayos pa lang ng pag-upo'y matatakot na ang mga nakatingin. Bumuntong hininga siya nang malalim kapagkuwan ay pinakattigan si Limong na pinagpapawisan na ng malagkit sa kaniyang kinatatayuan.
"Alam mo ba kung bakit hindi mo dapat binabanggit ang pangalan ni Kari-a?" ang nasabi ni Datu Silaynon. Walang nakakaalam kung ano ang tumatakbo sa isipan niya. Kung kaya'y hindi rin alam ng mga naroon sa bulwagan kung saan patungo ang katanungan niya, lalo na si Limong na hindi parating nakakausap ang datu. Umurong ang dila ni Limong nang oras na lumabas ang katagang iyon sa bibig ng datu. "Sagutin mo ako bago pa magbago ang isipan ko."
Muling kinagat ni Limong ang pangibaba niyang labi bago siya nagsalita. "Pinatay po niya ang iyong mahal na asawa," ang mahinang sabi ni Limong na narinig naman ng apat.
Sa nilabas niyang mga salita'y namagitan ang katahimikan sa lahat sa loob ng ilang segundo. Walang nangahas na magsalita.
Nabasag lang katahimikan nang si Datu Silaynon na mismo ang nagsalita.
"Mitos, dalhin mo siya sa kulungan. Siguraduhin na mananatili siya roon hanggang mag-umaga para tumanda," utos ng datu. Sinapo niya ang kaniyang sintido sabay malayo ang naging tingin sa pagbabalik ng isipan sa nakaraan, sa mga araw na nabubuhay pa ang asawang si Malangyaw.
Lumapit nga si Mitos kay Limong na magsasalita pa sana kung hindi sa binulong ng mandirigma. "Huwag mo ng ipagpilitan Limong bago pa madagdagan ang parusa sa iyo," ang bulong niya't hinawakan si Limong sa braso.
Wala nang nagawa ang binatilyo't nagparaya na lang na ilabas ng mandirigma. Masama ang tingin na pinukol ni Binaol sa dalawa nang mapadaan sa harapan nito.
"Lumapit ka rito Binaol," ang maririnig sa likuran nina Limong. "Ikaw Kiras lumabas ka. Iiwan mo na kami," dagdag ng datu na sinunod naman ng dalawa.
Nagkasalubong ang mandirigma at ang atubang sa pagpalitan nila ng puwesto. Iba ang tingin ni Kiras kay Binaol na hindi binigyang pansin ng huli.
Napalingon si Mitos at Limong nang sumunod na lumabas sa kanila si Kiras na isinasara ang pinto. Pagkalapat nang sara sa hamba nito nagpatuloy ang dalawa.
Si Kiras naman ay bumalik nalang ng kasiyahan. May sinabi siya sa dalawang mandirigmang nakatayo sa likuran ng entablado kapagkuwan ay nagpalit ang mga ito ng puwesto. Tumayo sa harapan ng nakasaradong pinto.
Inalis ni Mitos ang kaniyang kamay sa braso ni Limong nang baybayin nila ang daan palabas ng lugar na iyon. Sa kanilang mga bibig ay walang lumalabas kahit nang makalampas sa daan patungo sa liwasan. Pagkatapos dito'y hinanap nila ang makipot na daan patungo sa mga kulungan sa tabi ng nakapaikot na kakahuyan sa tahanan ng datu.
Nalampasan nila ang mga kabahayan na kalapit. Ilang puno pa'y nakalayo na sila ng kabahayan na napalitan ng mga mababang puno na ang dahon ay pabilog. Maririnig na ng mahina ang ugong ng mga tambol sa dakong ito. Umusli ang mga punong niyog sa mababang puno.
Ang lupa dito'y pinaghalong putik at buhangin kaya bahagyang dumidikit sa kanilang talampakan.
Dito naisipan ni Limong na tanungin ang mandirigma.
"Pati ba ikaw ginoo ay hindi naniniwala sa akin?" ang mahina niyang tanong.
"Hindi ko na alam, Limong," ang sabi ng mandirigma na ikinaangat ni Limong ng tingin dito. Ang mukha ng ginoo'y seryosong nakatutok sa unahan sa kanilang paglalakad.
Si Limong ay napabuntong hininga na lamang na binalik na lang din ang tingin sa daan sa paglampas nila sa mga mababang puno.