Kabanata 33

1190 Words
MATAPOS ng kanilang naging pag-uusap ng dalagang si Mada namagitan sa kanilang dalawa ang katahimikan. Naititikom niya ang kaniyang bibig dahil wala naman siyang naisip na sabihin dito, naubusan siya ng mga salita, naibuhos siya sa una nilang mahabang pag-uusap. Maging ang dalaga ay nanatiling walang kibo na nakatitig sa kawalan. Hindi niya talaga mahanap ang sarili na mayroong masabi dito kaya nga inilayo niya lamang ang tingin dito't pinako sa mga produktong panandaliang iniwan sa kargahan na iyon. Hindi rin nagsasalita sina Soraka at Morasu sa pagtatago ng mga ito sa kaniyang katawan, mas mainam nga rin naman na hindi malaman ng ibang tao na buhay ang tatu sa kaniyang katawan. Habang nasa sitwasyon sila na ganoon patuloy sa pag-andar ang balangay sa ibabaw ng tubig na hindi na gaanong nagsisigaw ang mga tagasagwan. Nadagdagan lamang ang sumisilip na liwanag mula sa maliliit na butas sa kisame nang bumukas ang pinto ng kargahan. Dahil dito nagmadali siyang lalong yumuko sa likuran ng mga sako na nakatutok ang mga mata sa hagdanan. Samantalang ang dalaganng si Mada ay nanatili namang nakaupo lamang na hindi kumikilos na para bang hindi ito natatakot na makita ng kung sino man pumasok. Hindi rin nagtagal nakita na niya ang paa ng pumasok na marahang bumababa. Kumunot ang kaniyang noo na makilala niya kung sino iyon na nang sandaling iyon ay maingat na ibinababa ang sara upang hindi gaanong gumawa ng ingay. Kilalang-kilala niya ang mandirigmang si Mitos sa suot nitong bughaw na kamisang pangloob at kangan na kaniyang pinagtaka. Ilang sandali pa nga ay nakababa na rin ito hanggang sa huling baitang ng hagdanan. Sa isang kamay nito'y hawak nito ang isang pinggan na naglalaman ng mga prutas. Kinabahan siya nang mapatitig ito sa kinaroroonan nila ng dalagang si Mada't lalong nadagdagan ng humakbang na ito patungo sa kanila. Mabait man ang mandirigma sa kaniya ngunit hindi makakabuting malaman nitong naroon siya lalo na't naninilbihan din ito sa datu. Nabawasan lang ang kaba niyang nararamdaman sa pagsasalita ng dalagang si Mada. "Huwag kang matakot," sabi nito sa kaniya. "Magugulat man siya na makita ka rito hindi naman siya magsusumbong sa mga tao sa itaas." Nilingon niya ito dahil sa narinig. "Alam niyang narito ka?" ang bulong niya rito. "Oo naman. Siya ang tumulong sa akin para makapuslit nang sakay," pagbibigay alam nito na kaniyang ikinabuntonghininga nang malalim. Kaunting saglit pa nga'y nakarating sa pinagtataguan nila ang mandirigmang si Mitos. Napapatitig kaagad ito sa kaniyang mukha pagkatayo nito sa gilid ng mga sako na salubong ang dalawang kilay. "Ano ang ginagawa mo rito Limong?" ang kaagad na tanong nito sa kaniya. Humawak siya sa kaniyang batok dahil hindi niya malaman kung ano ba ang dapat niyang sabihin dito. "Nangyari na lang," aniya na lamang dito. Naalis ang pagkunot ng noo nito dahil sa nasabi niyang iyon. "Alam ba ng ina mo na narito ka?" pag-usisa nito sa paghakbang nito sa harapan nila ng dalagang si Mada. Iniling niya ang ulot rito para maging sagot. Naupo rin ito sa sahig na magkatagpo ang dalawang tuhod. "Ito lang ang dala ko kasi hindi ko alam na narito ka kaya hatiin niyo na lang," dugtong nito sa paglapag nito sa dalang pinggan. "Saan ka ba pupunta? Bakit ka umalis ng Malayo?" ang naisipan niyang itanong dito dahil sa naging salita nito hindi nga nito alam ang nangyari sa datu. Kumuha ang dalagang si Mada ng lansones na tahimik nitong binalat habang patulo siyang kinausap ng mandirigmang si Mitos. "Natapos na ang paninilbihan ko sa datu kaya babalik na ako sa dati kong tirahan. Ikaw, ano bang dahil at narito ka?" sabi nito na hindi na inaalis ang tingin sa kaniya. Tinulak pa nito ang pinggan patungo sa kaniya sa hindi niya pagkuha ng lansones. Nakatingin lang sa kaniya ang dalaga sa pagbalat nito sa lansones. Nag-aalangang sinalubong niya ang mga nagtatanong na mata ni Mitos. "Gusto ko lang mabago ang aking buhay. Ito na ang simula niyon," pagbibigay alam niya sa mandirigma. "Sa kagustuhan mong iyan iniwan mo ang ina mo. Dapat sa tabi ka lang niya lalo na ngayong nawala na ang ama mo." "Wala na rin ang ina ko kaya nga ako aalis. Nagpaalam na siya kagabi," ang marahan niyang sabi dahil nahihirapan siyang pag-usapan ang kaniyang ina. "Hindi na mahalagang manatili pa sa isla. Wala na akong magiging buhay doon." "Huwag ka ngang ganiyan na gumagawa pa ng kuwento kung gusto mong manatili rito sa balangay," anang mandirigma dahil hindi nito nagugustuhan ang narinig mula sa kaniya. "Totoo ang sinabi ko. Sa tono ng pananalita mo parang ayaw mo akong tulungan. Samantalang hindi lang naman ako ang narito," sambit niya na mayroong kasamang pagturo sa kaniyang dibdib. Pinagmasdan nitong mataman ang kaniyang mukha na para bang mahahanap nito ang lahat ng kasagutan doon. Bumagsak ang balikat nito sa malalim na paghugot nito ng buntonghininga na malalim. "Mayroong dahilan kaya ko siya tinutulungan," sabi nito sa kaniya nang sulyapan nito saglit ang dalagang si Mada na abala pa rin sa kinakaing lansones. Ibinalik din naman nito ang atensiyon sa kaniya. "Ano naman?"pag-usisa niya rito. "Huwag mo na lamang itanong kung ano dahil mas magandang hindi mo alam," wika nito na kaniya ikinakibit-balikat. "Paanong nawala ang ina mo?" "Nangyari na lang. Kung puwede ginoo huwag mo akong tanungin kung ano ang nangyari Hindi ko gustong maalala." Itinayo niya ang kaniyang dalawang tuhod kapagkuwan ay niyakap. Pinatong niya ang kaniyang baba sa kamay. "Wala ka bang narinig na balita bago umalis?" Muling nagsalubong ang kilay nito sa pagtataka habang nag-iisip. "Ano namang balita?" "Wala naman. Sinisigurado ko lang," sabi niya na lamang sa mandirigma. Pinatong nito ang mga kamay sa dalawang hita sa pagtitig nito sa kaniyang mukha. Inilihis niya ang tingin dito nang makaiwas na siya sa ibang magiging tanong nito. "Ano ba ang balak mong gawin?" sumunod nitong tanong sa kaniya. "Hindi ko alam. Hindi ko nga alam kung saan ako pupunta," ang makatotohanan niyang sabi. Hindi siya makapagdesisyun dahil sa puting tigre at pulang ahas. "Gusto ko lang umalis ng Malayo. Saka ko na lamang iisipin kung ano ang gagawin ko kapag nakarating na ng Habigan itong balangay." Naipatong ni Mitos ang noo sa kamay nito matapos marinig ang sinabi niya. "Dapat pinag-isipan mo ang gagawin mo," paalala nito sa kaniya nang alisin nito ang ulo sa pagkapatong sa kamay. "Matagal ko nang pinag-isipan na umalis." "Hindi rin naman kita masisisi kung nahihirapan ka talaga," sabi nito't kumuha ng lansones. Kinuha nito ang kamay niya't pinatong doon ang prutas. "Kainin mo. Kumain ka hanggang mayroong pagkakataon. Sasama ka sa akin." Binitiwan nito ang kamay niya kaya pinakiramdaman niya ang kinis ng lansones. "Hindi puwede," pagtanggi niya sa suhestiyon nito. "Bakit naman hindi?" nagtataka naman nitong tanong. "Mayroong ibang plano sa akin ang tadhana. Hindi kasama roon ang sumama sa iyo." Binalatan niya ang lansones sa pagkakataong iyon kaya napatitig na lamang sa kaniya ang mandirigma. Hindi pa man siya natatapos sa pagbabalat tumayo na ito mula sa pagkaupo. "Maiwan ko muna kayo baka hinahanap na ako sa taas," paalam nito sa kanila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD