Kabanata 8

2333 Words
ANG PAGHINTO ng apat na katao sa harapan ng bulwagan ay siyang nagtulak sa mga ilang mga nakikiisyoso na lisanin ang lugar. Sa kanilang paglayo'y ang mga titig ng mga ito'y napako sa babae at lalaki na nasa unahan ng mga bagong dating. Ang dalawang kasama ng mga ito sa likuran ay may dalang telang langkayan. Ang tabas ng buhok ng babae ay umabot sa balikat. Ang suot niyang itim na tsaketang gawa sa balat ng hayop ay natatabunan ang blusa niyang puti na tinernohan ng sayang may mga burda. Tangan niya sa kaliwang kamay ang isang pergamino na isang dangkal ang haba. Makalipas ng ilang saglit ay lumakad na siya paikot sa mga naiwang tao hanggang makapasok sa bulwagan. Ang naiwan ditong nakikiisyoso na mahigit sampu ang bilang, ang karamihan ay mga matatandang babae na makakati ang mga dila. Sa likuran ni Malaya ay nakasunod na rin ang kasama niyang lalaki. Matipuno ang pangangatawan nito na malinaw na lumitaw sa suot na abuhing tsaketang tumatabon sa pang-itaas na kasuotan. Kapansin-pansin ang pilat sa kaliwang bahagi ng mukha nito, sa ilalim ng suot nitong putong na pula tumakbo iyon mula sa kaliwang makapal na kilay paibaba ng pisngi. Hindi naman napano ang mata nito na malaya nitong naipipikit-bukas sa pag-ikot ng tingin sa paligid. Tumuloy ang babae kung saan nag-aantay ang tatlong may katandaang lalaki. Nakatayo lang ang mga ito kalapit ng bangkay ng pahinante, si Apugay ay patuloy sa paghithit ng tabako sa sandaling iyon samantalang ang dalawang kasamahan nito ay tahimik na naguusap. Kaagad na napako ang tingin ni Apugay kay Malaya, makikita sa mga mata nito ang pagtataka. Samantalang ang lalaking kasama ni Malaya ay pinagtabuyan ang naiwang nakikiisyoso sa pamamagitan ng tingin. Umalis din naman ang iba palayo sa iba't ibang direksiyon sa takot sa lalaking mukhang tulisan dahil sa pilat sa mukha. Ang tanging naiwan na lamang ay ang dalawang matandang babae na lumilitaw ang naninilaw na ngipin sa pagbulungan ng mga ito. Nakatayo ang mga ito kadikit ng haligi ng bahay. Marungis ang mahabang damit ng mga ito. "Alis na," ang malakas na sabi ng lalaki na nagngangalang Sibol sa dalawang matanda. Malalim at malamig ang boses nito kasing lamig ng dagat tuwing gabi. Napaangat ang dalawang matanda ng tingin sa lalaki sa labis na pagkagulat saka mabilis na humakbang palayo. Si Malaya ay napalingon sa kasama niya bago binalik ang atensiyon sa tatlong matandang lalaki. Ang dalawang kasama naman nila dala ang langkayan ay lumapit na rin sa bulwagan. "Sino ang nagbigay alam sa inyo ng nangyari?" tanong ng babae nang alisin nito sa maliit na kawayan ng pergamino ang balahibo ng agila. Ang dulo niyon ay maitim dahil sa tenta. Sa sinabi niya ay tumigil sa pag-uusap ang dalawang nakakatandang lalaki. Itinaas ni Apugay ang kanang kamay nito para malaman niya ang pakay. "Ako binibini. Sino naman kayo?" tanong naman ng mangingisda. Sinusuri nito ang kabuuan ng kausap na masyadong bata pa para sa nangyaring hindi kaaya-aya sa datu. "Mga alalay kami ginoo sa Dahilig," ang sabi ni Malaya. Mabilis ang pagbukas ng mga bibig nito. Ang lalaki namang kasama niya ay nilatag ang dalang tela buhat sa likod nito sa loob ng tsaketa katabi ng bangkay. Sa kaliwa ito ni Malaya at kanan naman ng mangingisda. Ang dalawang naiwang nakakatandang lalaki ay napapatingin sa ginagawa ng lalaking bagong dating. "Talaga? Sigurado ba kayo? Hindi ba kayo naliligaw lang?" komento ni Apugay. Umapoy ng mabilis ang dulo ng tabakong nakaipit sa bibig sa paghithit nito. "Ano pa ba ang dahilan ginoo ng pagtungo namin rito? May iba ka pang naiisip?" Binaba ni Malaya sa tabi ang hawak matapos ng kaniyang sinabi. Inalis ng kapitan ang tabako sa bibig sabay ipit sa pagitan ng hintuturo at gitnang daliri. "Kayo niyo bang hawakan? Hindi lang basta simpleng insidente itong nangyari," pagbibigay alam nito. Napabuga si Malaya ng mainit na hangin sa pakikipagusap sa matanda, ang pinakaayaw niya sa lahat ay minamaliit ang kaya niyang gawin. Tiyak naman alam niya iyon kaya nga sila ang pumunta. Liban pa roon kaya nga siya napunta sa Dahilig sapagkat may kakayahan siya. Kaya lamang tinatago niya iyon sa mga babaylan sabi na rin ng kumupkop sa kaniya na si Raon. Nakakapanginsulto ang sinabi ng matanda. "Huwag kang mag-alala ginoo makakaya namin. Mag-aaral kami ng mga Lakan. Alalay ng Dahilig. Saka ano naman iyong kukunin lang namin ang bangkay ng pahinante. Madali lang naman iyon, diba ginoo?" ang nasabi niya na lang sa pagpipigl ng sarili na uminit ang ulo. Tinulungan niyang buhatin ang bangkay matapos na maalis ng lalaking kasama niya ang tabon dito. Sa mga paa siya humawak samantalang ang lalaki ay sa balikat. Inilipat nila ang bangkay sa dala nilang tela na ibinalot nila ng maigi rito. Pagkuwa'y lumapit sa kanila ang dalawang lalaking kasama. Nilipat nila sa dalang langkayan ang bangkay. Sumunod naman ay nag-antay ang mga ito sa tabi na walang lumalabas sa bibig. Samantala ang dalawang kasama ni Apugay ay tinapik ito sa balikat. "Mauna na kami," ani Daghoy. Tumango ang mangingisda bago ito naglakad kasabay ng kasama nitong si Tunghaw palabas, patungo sa daan. Si Malaya ay napasunod na lamang ng tingin sa dalawang nakakatanda. Mayroon pa sana siyang itatanong sa dalawa pero binalewala niya na lang ang ideyang iyon. Ibinalik niya ang kaniyang atensiyon sa kasama nang ibuhol nito ang mga dulo ng tela sa bandang balikat ng bangkay. Makikita na lang ang hugis ng katawan makalipas ng ginawa nito. "Hindi ba kayo masyadong bata para sa ganitong bagay?" ang naitanong ni Apugay. Si Malaya ay tumayo ng tuwid habang naiwan ang mga kasamang nakitingin lang sa kanilang pag-uusap ng matanda. Siya naman ay nagsalita ng muli. "Iba na ang takbo ng buhay ngayon. Kahit pitong taong gulang na bata ay nagtratrabaho na. Kaya hindi mo na dapat pagtakhan pa ginoo ang pagtungo namin dito," ang sabi niya. "Maari mo bang sabihin ang nangyari?" pagsisimula ng babae patungkol sa insidenteng naganap. Wala ng nagawa pa si Apugay. "Nag-iba ang katauhan ng taga-tala na si Kuol. Tila may kumukuha sa pagiging tao niya. Siya'y nahulog sa tubig mula sa bangka matapos kunin ang kaluluwa ng pahinante ko," pagkuwento ng kapitan na inilalagay naman ni Malaya sa hawak na pergamino matapos niyang buksan sa ibabaw ng kamay. Mabilis ang paggalaw ng kamay ni Malaya sa pagsulat sa balat ng hayop. Siya ay nag-antay sa susunod na sasabihin ng mangingisda pero hindi iyon dumating. Inihulog nito ang hindi pa nauupos na tabako sa sahig at dinikdik ng mariin ng makalyong talampakan. "Iyon na lahat?" takang tanong ni Malaya. Ang mga daliri niya ay natigil sa pagsulat. "Oo," simpleng sabi ng mangingisda. "Nagbibiro ka ba ginoo? Hindi malulutas ang problemang ito kung ganiyan lang ang sasabihin mo," aniya na mahihimigan ng kaunting inis ang pananalita. Ang mangingisda naman ay ngumiti bago ito muling binuka ang bibig. "Maari mong kausapin iyong binata na nakausap namin. Mukhang alam niya ang nangyari sa taga-tala. Bigla na lang umalis kaya hindi na namin natanong," pagbibigay alam nito. "Hindi namin alam kung ano ang pangalan niya. Siya na lang dapat hanapin niyo kaysa ang taga-tala." Ibang-iba ang sinabi nito sa nangyari sa kanila sa laot. Niligpit na lang ni Malaya ang hawak. "Ano bang mapagkikilanlan sa kaniya liban sa hindi niyo nalamang pangalan?" "Itim ang buhok niya at maitim ang kompleksiyon niya," ang sabi nito ukol sa hindi naman nabubuhay na binata. Kabaliktaran ng kaniyang inaanak na si Kalsag. "Marami ang katulad niyang sinasabi mo rito." "Alam ko pero hindi naman siya taga-rito kaya makikilala niyo siya," paliwanag ng mangingisda na dumagdag lang sa paghihinala ni Malaya. Ibinalik niya na lang ang balahibong panulat sa lagayan nito't muling nirolyo ang pergamino. Bumuntong hininga nang malalim si Malaya. "Maraming salamat ginoo. May isang pagkakamali ka lang na nagawa ngayong araw," anang babae sa seryosong tinig. "Hindi mo dapat pinakita sa mga karaniwang tao ang nangyari sa pahinante mo." "Sa tingin mo mali binibini? May karapatan ang lahat na malaman kung anong nangyayari sa sansinukob." Ibinaba ng mangingisda ang kaniyang tingin kay Malaya, nanunubok. "May patakaran na dapat sundin ginoo. Dahil sa ginawa mo kailangang mong magsulat ng liham paumanhin sa datu," saad ng babae. "Ilakip mo na rin ang paliwanag kung bakit mo tinanggap ang pahinante na namatay kahit wala siyang sapat na pilak na naibigay." Pinakatitigan niya ang mukha ng mangingisda kaya hindi niya nagugustuhan ang pinapakita nito. "Kung wala ka ng sasabihin, tutuloy na kami ginoo." Lumakad na nga paalis si Malaya palabas ng bulwagan kasabay ng kaniyang mga kasama. Samantalang ang mangingisda ay naiwang nakamasid sa kanila. "Ano bang nagpabago sa lagay ng loob mo?" tanong ni Sibol na kasama niya sa pagtayo nila sa unahan ng may dala sa bangkay. "Iyong mangingisda na iyon may binabalak na hindi maganda," ang sabi ni Malaya. "Sigurado ka ba?" ani Sibol na lumingon sa paglalakad ng mangingisda palabas ng bulwagan sa parehong daan na tinahak ng dalawa nitong kasama. "Akala ko ba'y hindi mo nakikita ang nilalaman ng isipan ng isang tao dahil wala kang kakayahan na dapat ay mayroon ka bilang taga-basa." "Kahit hindi ko nakikita nararamdaman ko naman," ani Malaya na ang tingin ay nasa labasan ng daungan. Binalik ng lalaki ang atensiyon sa harapan matapos ng sinabi niya. "Alamin na lang din natin ang tungkol sa kaniya para maging kampante ka," suhestiyon ng lalaki. "Mabuti pa nga," pagsangayon naman ni Malaya. "Sandali lang," ang nasabi ni Sibol nang mayroong mapansin sa unahan sa gitna ng mga taong naglalakad. Itinaas pa nga nito ang kamay sabay baba rito. Hindi sila nakaalis kaagad dahil sa mga kalalakihang lumabas galing ng daungan buhat ang palankwin. Huminto ang mga ito sa harapan nila ilang hakbang ang layo. Umalis mula sa likuran ang isang matandang namumuti ang buhok. Sumasabay sa kulay ng buhok nito ang suot nitong balabal na mahabang puti. Mabagal itong lumakad patungo sa kinalalagyan nila. "Magandang umaga guro," ang kaagad na bungad ni Malaya sa pagtayo ng matanda sa tabi ng dalawang may dala sa langkayan. Ginantihan siya ng isang tango ng bagong dating. "Ano hong ginagawa ng mahal na datu rito?" dagdag niya na nakatingin sa palankwin, maging si Sibol ay dito rin ang atensiyon. "Nais niyang mag-ikot," ang nasabi ni Lakan Ibano na napapatitig sa nakabalot na bangkay. Binaling ni Malaya ang atensiyon sa matanda. "Hindi po ba delikado iyon? Sa pagkakaalam ko ay maraming may galit sa kaniyang maharlika dahil siya ang napiling puno ng pangkat," aniya sa mahinang tinig, kinakabahan na baka marinig ng datu kahit nakatago sa palankwin. "Kasama naman ako," anang matanda. "Maayos naman pakikitungo sa inyo ng mga taga-rito?" "Oo, guro. Sa katunayan nga ay kami pa ang inutusan para kunin ang bangkay ng isang pahinante." Tinuro pa ni Malaya ang bangkay sa likod gamit ang hinlalaki kaya hindi niya kailangang lumingon. Sa sinabi niya'y nilapitan ng matanda ang bangkay. Binuksan nito ang tela sa mukha ng bangkay sa pagkatihaya nito. Kumunot ang noo nito nang makita ang kalunos-lunos na itsura ng pahinante. "Anong nangyari rito? Hindi ito maganda," ang nasabi ni Lakan Ibano bago nito binalik sa dating ayos ang bangkay. Nanatiling tahimik si Sibol sa kinatatayuan. Ang dalawang lalaking may dala sa langkayan ay nakayuko lamang ang ulo. "Ipapadala namin sa iyo guro ang impormasyon matapos naming madala ang bangkay sa Dahilig," aniya sa matanda. "Mabuti, o siya umalis na kayo. Kami'y didiretso na rin. Mag-ingat kayo," ang sabi ni Lakan Ibano bago ito bumalik sa kalalakihan. Kumaway pa ito sa kanila sa pagbalik nito ng puwesto sa likuran. Inantay nina Malaya na makaalis ang mga kalalakihan bago nila pinauna ang dalawang lalaki dala ang bangkay pabalik ng Dahilig. "Mauna na kayo. May pupuntahan pa kami," ang sabi ni Malaya sa dalawang lalaki na niyuko ang mga ulo't binilisan ang paglalakad na mahigpit ang kapit sa langkayan. Napasunod silang dalawa ni Sibol ng tingin sa paghalo ng dalawang lalaki sa mga tao. Si Malaya ay tinago ang pergamino sa likuran ng tsaketa sa nilagay na bulsa roon. Matapos niyon ay naglakad na sila, si Sibol ang nasa kaliwa. Katamtaman lang ang bilis ng kanilang paghakbang dahil sa mga nakakasalubong na mga tao. Tinahak nila ang maikling tulay na malapad na bato. Pagkalampas ng tulay ay doon na mayroong sinabi si Malaya. "Subukan kaya nating lutasin ang problemang ito," ang sabi ni Malaya. Ang tingin niya ay hindi sa kausap kundi sa nadadaanang mga kabahayang nangingitim. Ang iba pang bahay ay nawalan ng tuktok sa pagkabulok ng bubongan at pagkawasak ng adobe. "Para saan naman?" ang nasabi naman ni Sibol.Ang isang kamay nito'y hinaplos nito sa pilat sa mukha habang pinagmamasdan ang mga ulap sa kalangitan sa itaas ng karagatan. Ang malamig na hangin ay dumadampi sa kaniya, kasabay ng pagsayaw sa mga dahon ng punong niyog na magkasunod na tumubo sa baybayin. "Alam mo kapag nalutas natin ang kaso na ito mabibigyan tayo ng mungkahi para makuha natin ang isa sa mga upuan ng mga Lakan," paliwanag naman niya na hindi inaalis ang tingin sa daan. Lumalampas lang sa paningin niya ang mga nakakasalubong na mga taong naglalakad sa gilid ng daan. Nakaguhit sa mukha ng mga tao ang gutom. "Ikaw lang," ang simpleng sabi ni Sibol "Bakit naman?" Doon na siya napatingin sa kasama. "Lahat ay gustong mapabilang sa upuan ng mga Lakan pagkatapos ikaw, hindi?" "May rason ako kaya ayaw ko," ang sabi naman nito. "Ang sabihin mo wala ka talagang gustong gawin sa buhay mo," aniya na ginantihan lang ng lalaki ng isang kibit-balikat. Siya ay napabuntong hininga na lamang saka binalik ang tingin sa daan. Nagpatuloy sila hanggang kumurba ang daan at tumuwid na dikit mismo sa baybayin, kaunti lang ang mga taong naglalakad rito. Ang mga kabahayan naman ay unti-unting bumababa, nagiging simpleng kubo na lamang. Ilang bahay pa ang nadaanan nila bago marating ang dulo ng daan, lumiko sila sa kanan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD