Kabanata 9

2634 Words
SA DAKONG iyon ay masyadong tahimik kaya tila naabanduna ang mga bahay kung pagmamasdan nang maigi. Ang huling liko na ginawa nila ay pakaliwa papasok ng mga kabahayan na nakahanay. Sa gitna ng dalawang unang hanay sila pumasok na ang likuran ng hanay sa kaliwa ay ang baybayin at sa kanan naman ay malapad na talahiban. Hindi gaanong napantay ang lupa sa pagitan ng dalawang hanay kung kaya't tinubuan ito ng mga talahib na kumiskis sa kanilang mga paa. Ang mga kubo na tumaas lang ng tatlong dipa ay parang walang nakatira. Simple lamang ang pagkagawa ng mga bahay, pantay na pantay ang bawat sulok hanggang bubong. Ang ilan pang nadaanan nila'y ginapangan ng baging ang naninilaw na dingding. Nang marating nila ang huling bahay sa kanan, huminto sila rito. Sa pagtigil nila ay napapalingon sila sa gabundok na tambakan ng basura na ilang dipa na lang ang layo mula sa mga bahay. Sa bakuran pa nga ay nagkalat ang ilang mga basurang mga kahoy at natutuyong dahon. Namagitan sa kabahayan at tambakan ang apat na punong nalagasan ng mga dahon. Mula sa ibabaw ng gabundok na basura'y sumungaw ang isang binatang bitbit sa likod ang isang kumpol ng kahoy. Ang binata ay maingat na bumaba sa mga basura. Ito'y napapatingin sa dalawa na nakatayo sa harapan ng bahay ni Kuol. Ang binata'y dumaan sa pagitan ng unang puno at pangalawa na tuwid na naglalakad. Maglalakad na ito patungo sa kaharap na bahay ng taga-tala nang maisipan ni Malaya na tawagin ang atensiyon nito. "Sandali lang," pagtawag ni Malaya. Huminto naman ang binata't lumapit samantalang si Sibol ay mataman lang na pinagmamasdan ang kabuuan nito. "Anong kailangan niyo?" ani Kalsag na humawak sa tali ng dala-dalang kahoy. Tiningnan nito si Malaya ng tuwid para malayo ang tingin sa nakamasid na si Sibol. "Nakikita mo bang umuuwi si Kuol rito sa bahay niya?" ang tanong ni Malaya sa binata. "Hindi. Ilang araw ng walang tao diyan," pagbibigay alam ni Kalsag. "Ah ganoon ba. Sige salamat," ang huling sinabi ni Malaya. Gumalaw na si Sibol sa kinatatayuan nito para marating ang pintuan ng bahay ng taga-tala. Ang binata naman ay mabilis na humakbang papasok ng bahay nito. Tinulak ni Sibol ang pinto na yumangitngit pa kaya lumabas ang nakulong na amoy ng namatay na daga. Napatakip ng ilong si Malaya samantalang si Sibol ay tila walang naamoy na mabaho na pumanhik sa loob. Si Malaya ay hawak pa rin ang ilong sa paghakbang niya sa loob ng bahay. Binati sila ng tahimik na pasilyo na ang taas ay kinalalagyan ng mga agiw. Sa sahig na kawayan pa ay mahahalata ang makapal na alikabok kaya sa bawat pagtapak nila ay nag-iwan ng mga tanda. "Sa kusina ako," paalam ni Sibol sa paglalakad nito patungo sa hagdan na nasa dulo ng pasilyo. Si Malaya aman ay binaba ang kamay ng mabawasan ang mabahong amoy. Sumilip siya sa silid na walang sarang pinto. Tanggapan iyon ng taga-tala kaya makikita ang naiwang mga nirolyong balat ng hayop sa ibabaw ng mesa nitong itim na kahoy, mahahalatang pinutakte narin ng alikabok dahil namumuti. Nakasara ang bintana sa kanan at sa likod ng mesa kaya hindi nakakapasok ang sinag ng araw. Inalis niya ang katawan sa pagkasilip at nagpatuloy sa paghahanap ng ano mang makakatulong sa pagsisiyasat. Sa kanyang paglalakad sa pasilyo ay napako ang kanyang paningin sa isa pang pinto. Ang pinto'y mabilis na nagbukas kasabay ng pagyangitngit dahil sa pagihip ng hanging nakakapasok mula sa pinto sa harapan ng bahay. Siya'y huminto't nakatayo habang pinagmamasdan ang loob ng silid. Mayamaya'y naisipan na niyang pumasok sa silid. Sa gitna nito'y nakalagay ang nerolyong banig. Sumisilip pa ang sinag ng araw sa nakatabing na kurtina sa bintana. Ang buong dingding ng kuwarto'y napapadikitan ng mga kung anu-anong dahon at mga kahoy na magagamit na pang-ingay. Lumingon lang siya sa gawi ng pintuan nang marinig ang yabag ni Sibol paakyat ng hagdanan. Ilang sandali pa'y nakabalik kaagad si Sibol na sinamahan siya sa silid na iyon "Anong nakita mo?" tanong ni Malaya nang hawakan niya ang dahon na may nakaguhit na buwan gamit ang uling at binaba ang kamay. "Wala," simple sagot ni Sibol bago iniikot ang paningin sa mga nakadikit sa dingding. Nakuha pa nitong tingnan ang ilalim ng sahig. wala naman itong nakita sa ilalim kundi mga naipong dahon kaya tumayo na lang ulit nang tuwid. "Sa tingin mo kaya nagkaganoon ang taga-tala dahil sa pagkawala ng anak niya? Na nadagdagan pa ng pakikipaghiwalay sa kaniya ng asawa," ang naisipang sabihin ni Malaya sa pagkalkula ng posibleng naging dahilan ng pagbabago ng taga-tala. "Posible pero hindi lang iyon ang dahilan. Baka may gustong kumuha sa pagiging tao niya kaya siya nagkaganoon. Alam mo naman ang mga nilalang pinipili nila ang mga taong nababalot ng pait, galit, kasamaan at pighati," ang nasabi ni Sibol habang pinagmamasdan dahon na may guhit ng buwan. "Nais nilang maging malaya sa kinasasadlakan nilang mundo na naging kulungan na nila. Ang mga tao ang nagsisilbing pinto ng mga ito para makalabas." Napapatitig na lang si Malaya sa kasama dahil kapag nagsasalita si Sibol minsan ay hindi niya inaasahan na tila marami itong nalalaman sa kadiliman ng sansinukob. ANG MGA MATA ni Agat ay nakapako sa bunganga ng kuweba habang tinitiklop ang layag ng kinasasakyang bangka. Samantalang si Episo ay minamaniobra ang bangka sa pagdaong nito sa tubig-alat na umabot ng ilang dipa mula sa bunganga. Ang kuweba ay matatagpuan sa paanan ng bundok ng Payapao sa gawing dagat. Matatanaw mula sa labas ang mga kubong nakahanay sa kanan. Maingat na inilapit ni Episo ang bangka sa bunganga ng kuweba hanggang maitabi ng daungan sa gilid kasunod ng tatlong bangkang nakatali rito. Sa pagtama ng nguso ng bangka sa batong dingding bumaba na si Agat sa pagitan ng sinundan na bangka, ginawa niya ito matapos maisabit sa likod ang sisidlan. Gatuhod ang tubig na pumapasok dito kaya hindi naman nabasa ang suot na bahag kundi ang laylayan lang ng balabal. Kinuha niya ang lubid saka humakbang ng dalawa. Itinatali niya ang lubid sa nakausling maitim na bato nang bumaba si Episo bitbit ang sako na sinabit sa balikat. Ang matanda ay nauna sa paglalakad samantalang siya'y sumunod din naman kaagad. Kinuha nila ang dalawang dipang lapad na daan sa kaliwa sa harap ng tirahan. Ang mga kubo mula sa una hanggang sa pinakahuli ay parehas ang ayos, pawid na may ilang dangkal na nakaangat sa pinaghalong buhangin at batong pisngi ng kuweba. Umaabot ang taas ng mga ito ng pitong talampakan. Nalampasan nila ang naunang limang mga kubo bago nila nakasalubong ang apat na mga batang naghahabulan, tatlong batang lalaki ang nagpapahabol sa kalarong batang babae. Muntikan pang masagi siya ng mga bata na kaagad niyang naiwasan sa paghakbang ng patagilid. Sa hindi kalayuan ay naroon ang grupo ng pinaghalong mga ginang at ginoo na nag-uusap na may bilang na anim. Nakatayo ang mga ito sa harapan ng kubong mag-isang naitayo sa kaliwa. Napalingon pa ang mga ito sa kaniya kaya binilisan niya ang paghakbang upang makasabay kay Episo. Alam niya ang ipagkahulugan ng mga titig ng mga ito. Tumigil sila sa paghakbang nang marating ang ikapitong kubo. Lumapit si Episo sa gilid ng pinto pagkaakyat sa hagdan. Napansin ng matanda na hindi maayos ang pagkasara ng pinto. Siya'y nasa likuran lang ng matanda sa ibaba ng hagdan. "Sinigurado mo bang sinarado mo nang maayos ang pinto kanina?" tanong ni Episo na nakaguhit ang pagtataka sa mukha. Lumingon pa ito sa kaniya. "Oo naman," ang sagot niya naman rito. Balak nang pumasok ni Episo kaya pinigilan niya ito sa balikat. "Sandali lang," dagdag niya. Hindi maganda ang pakiramdam niya kaya siya ang naunang pumanhik ng kubo. Yumangitngit ang sahig sa paghakbang niya rito. Nanunuot sa kaniya ang naiwang lakas ng kung sino. Pinakatitigan niya ang bawat bagay na naroon baka may iniwan na ano mang lason, ang mahabang mesa sa gitna na walang nakapatong ay ganoon pa rin ang ayos, pati ang higaan nilang banig na magkasalungat ay hindi rin nagalaw at ang mga gamit sa kusina sa dulo ay nasa dating estado nang iwan nila. "Ano bang tinitingnan mo ha? Tutuloy na ako," ang sabi ni Episo. Hinayaan niya na lang itong pumasok. Siya ay lumabas saglit para magtanong sa mga bata. Dahil sinigurado niyang nakasarado ang pinto kaya nag-alala siyang mayroong pumasok na ibang tao roon. "Mga bata, hali nga kayo," pagtawag niya sa mga batang naghahabulan. Kaagad din namang lumingon ang mga ito't tumakbo papalapit sa kaniya habang nananatiling nakatayo sa harapan ng bahay. "Bakit po ginoo?" ang sabi ng batang babae. Ang tatlong batang lalaki ay nakatitig lang sa kaniya na tila baga mayroong kakaiba sa kaniyang mukha. Nag-iskwat siya sa harapan ng batang babae para pumantay sa tingin nito. Tumikhim muna siya para malinis ang lalamunan bago magsalita. "May nakita ba kayong pumasok dito sa amin?" ang tanong niya sa batang babae. Ang batang babae ay nilingon ang mga kalaro para humingi ng tulong. Pinagtulakan ito ng tatlong batang lalaki kaya wala ng nagawa ang batang babae. "Sabi po ng ginoo hindi namin sasabihin sa'yo kung magtanong ka," anang batang babae. Nasapo niya ang kaniyang noo nang malaman kung sino ang tinutukoy ng batang babae. May isang tao lang na alam niya na ganoon kung magiwan ng utos. Kaya pala nagiba na ang tingin sa kaniya ng mga tao roon. "Umuwi na nga kayo rito!" ang sigaw ng matabang babae sa unahan ng grupo. Kulot ang buhok nito na hindi bumagay sa malapad nitong mukha. Patuloy sa pag-uusap ang mga kasama nito. Kumaripas din naman ng takbo ang mga bata palapit sa babae na mayroong ibinulong. Ang batang babae'y napalingon sa kaniya dahil sa sinabi ng matabang babae. Humugot siya ng malalim na hininga at tumayo. Minabuti niya na lang pumasok ng kubo para malayo sa mapanuring tingin ng mga nakatira roon. "Ginulo na naman ng punong lakan ang pananahimik ko rito," paanas na sabi niya sa paglapit niya sa dingding. Isinabit niya ang sisidlan sa nakausling kahoy. "Paano mo nalaman na ang punong lakan ang nagtungo rito?" tanong ni Episo habang inaayos nito ang mga binili sa estante kasunod ng higaan nito bago ang kusina. Maingat nitong pinasunod ang mga halamang ugat. "Sabi noong mga bata. Alam ko kung paano siya magiwan ng mga salita sa sino mang tao na nakakita sa kaniya. Saka nakita ko sila kanina. Bakit kasi hindi na lang ako pabayaan ng datu." Natapos ng ayusin ni Episo ang mga pinamili kaya inalis nito ang nakabalot na balabal sa katawan at sinabit sa nakausling kahoy sa itaas ng paanan ng higaan nito. "Nag-aalala rin ang datu para sa iyo," ang sabi ng matanda sa kaniya. "Ang pamumuno niya ang inaalala niya hindi ako," ang sabi niya sa matanda. Maging siya'y lumapit sa sariling sabitan sa hulihan ng higaan. Habang inaalis niya ang pagkatali ng balabal natigil siya nang mayroong mapansin na maliit na ngipin ng buwaya. Nakapatong ito sa ibabaw ng nerolyong banig. Kinuha niya ito sabay inilagay ang balabal sa sabitan. Pinakatitigan niya ito sa paglapit niya sa mesa. "Ano iyan?" untag ng matanda sa pagtayo nito sa kabilang ibayo ng mesa. Tinapon niya sa harapan nito ang hawak saka naupo sa sahig. Natawa bigla si Episo nang pagpamasdan ang ngipin. "Mapapapunta ka a," dagdag nito. "Iniinis talaga ako ng mga iyon," ang nasabi niya sa matanda na lalong tumawa. Nang walang anu-ano'y maririnig mula sa labas ang malakas na pag-ungol ng kung anong nilalang na sinundan ng sigawan ng mga tao. Nagmadali siyang tumayo sa sahig saka nanakbo papalabas ng kubo. Sa labas ng kubo ay makikita niya ang pagaapoy ng kubo sa kaliwa. Ang ibang mga tao ay nagsilabasan sa kanilang tirahan para saksihan ang nangyari. Si Agat ay lumapit na rin kasabay ang matanda. Nakaguhit sa mga mukha ng mga tao ang pagtataka. Ang ibang mga magulang ay pinipigilan ang kanilang mga anak na lumapit. Sa pinakahulihan sila ng kumpol ng mga tao. Ikinagulat ng lahat ng mga tao ang paglabas ng isang lalaki na tinulungan ng may-ari ng kubo sa nagaapoy na bubongan. Pagapang itong umakyat. Nasusunog ang kalahati nitong kasuotan. Umatungal pa ang lalaki na umalingaw-ngaw sa kahabaan ng kuweba, dahil dito'y nagsitakbuhan ang mga tao lalo na ang mga babae sa labis na takot. Nagsitago ang mga ito sa kanilang mga bahay na para bang makakatakas sila kung sakaling sugurin sila ni Kuol. Sa kasamaang palad ang matabang babae na kapitbahay nila ay nadapa sa sahig. Walang sino mang tumulong sa kaniya kundi ang anak lang nitong batang babae na kaagad na lumapit rito. Hinawakan ng batang babae ang nanay nito sa braso na para bang kaya nitong maitayo. Nang tumayo na ang babae'y tumalon patungo sa kanila si Kuol. Wala nang inaksayang oras si Agat saka mabilis na tumakbo patungo sa mag-ina. Samantalang si Episo ay bumalik ng bahay nito. Sa pananatili ni Kuol sa ere dahil sa pagtalon nito'y humarang si Agat. Nagpakawala siya ng sipa sa mukha ni Kuol na nagpatalsik rito sa dingding. Ngumuyngoy ang taga-tala sa pagtama ng likod nito sa mabatong dingding. "Pumasok na kayo," ang sabi niya sa matandang babae na sa kaniyang likuran. Ang mga mata niya ay hindi niya inalis sa bumabangon na taga-tala. Kumaripas nga ng takbo ang matabang babae akay ang anak na babae papasok ng bahay ng mga ito. Inihanda niya ang kaniyang sarili dahil tuluyan ng nakabangon si Kuol. Bagsak ang katawan nito na isang dangkal na lang bago ang sahig. Ang mga kamay at mga paa nito'y nakabaluktot. Ginulo nito ang ulo sabay pinakatitigan siya na naglalaway pa. Balak pang sumugod ni Kuol ngunit hindi nito naituloy dahil sa panang pinakawalan ni Episo rito. Nadaplisan si Kuol sa kaliwang balikat bago tumama sa silong ng nagaapoy na kubo. Sinundan ng pangalawang pana ni Episo kaya mabilis na gumapang si Kuol sa dingding hanggang sa taas. Sinundan ito ni Episo ng pagpapakawala ng mga pana. Ngunit hindi naman natatamaan si Kuol. Sa paggapang nito sa ibabaw sinundan nilang dalawa ang tumatakas na taga-tala hanggang makalabas ito ng kuweba. Ang mga paa nila ay lumublob sa tubig-dagat na humahalik sa daungan. Naalis pa ang isang bahagi ng bato na nagapangan ni Kuol, nahulog iyon sa paibaba ng tubig. Umakyat ang taga-tala ng bangin kaya ang nagawa na lang nila ay sundan ito ng tingin. "Kailangan mong bumalik sa tirahan niyo o mas mabuting pumunta ka sa tahanan ng ama mong datu," ang nasabi ni Episo habang tinitingnan kung mayroon pang naiwang pana sa sisidlan nito sa likod. Wala ni isang natira. "Bakit? Hindi ko gusto iyang sinasabi mo," ani Agat. Hinarap siya ni Episo. "Nasaksihan ko isang beses ang pagbabago ng isang tao katulad ng nangyari kay Kuol noong kasagsagan ng digmaan sa pagitan ng tatlong pangkat. Hindi ko lang nalaman kung ano ang kaya nitong gawin dahil nakatakas. Kung gawa nga ni Kuol ang nangyari sa pahinante, hindi iyon maganda. Ang kinukuha ng katulad ni Kuol ay ang mayroong kadiliman sa kanilang sarili. Kaya umalis ka na ngayon," ang sabi ni Episo na humawak pa sa balikat niya. "Paano mo nalaman iyon?" ang sabi naman ni Agat nang alisin ng matanda ang kamay nito sa balikat niya. "Iyon ang sinabi ng isang dalaga na nakasama kong tumakas. Akala ko hindi totoo kasi nga bata pa siya. Pero sa nakita ko noon sa lalaki at ngayon kay Kuol. Totoo nga ang lahat," anang matanda. "Ang sama ng araw na ito," ang nasabi ni Agat sa paglalakad niya. Ang ibang mga tao'y nagsilabasan narin na nakatingin sa kanila. Mabuti pa ngang umalis na siya sa lugar na iyon bago pa siya makilala ng lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD