SA PAGSAPIT ng gabi'y nagtapon ang bilugang buwan ng liwanag mula sa kalangitan. Ito ay nagmamatyag sa buong sansinukob. Kasama nito sa madilim na kalawakan ang mga talang nagnining-ning.
Ang sinag ng buwan ay dumampi sa ibabaw ng kulungan at lumusot sa rehas na kahoy, panghuli'y sumalamin sa tubig-alat na naipon sa loob.
Si Limong ay nakatayong nakabaluktot ang likod dahil hind nais na mabasa ng tubig. Samantalang ang kasama nitong nakakulong ay wala namang pakialam na nakalublob sa pagkaupo nito. Nag-iba siya ng posisyon kaya sumayaw ang tubig na rumagasa pa.
"Ako'y napapagod mula pa kanina," ang reklamo ni Limong sa paghawak niya sa rehas na kahoy sa uluhan.
"Minamalas ka ngayon," sabi pa ni Ulay sa kaniya. Napatingin siya rito ng tuwid. Inalis niya na lang ang kamay buhat sa rehas. Siya'y naupo na lang sa pahilis na buhangin na ang mga paa'y nakalublob sa tubig. Nakuha pa niyang sipain ang tubig na tumalsik sa mukha ng lalaki.
"Kahit anong gawin mo mananatili iyang ganiyan. Hayaan mo na," sabi ni Ulay.
"Kaya nasanay ka na rin?" tanong niya na rito na ikinatango nito.
"Naisip ko rin dahil sa buwan kaya matagal na pumailalim ang tubig-dagat sa lupa," dagdag na sabi ni Ulay na ikinaliit niya ng tingin sa lalaki. Sa dilim na bumalot sa ilalim ng kaunting liwanag ng buwan hindi na niya ito makita, naghalo na nga ito sa dilim. "Iyon dahil ay ganti ng buwan ang pagpigil sa tubig-dagat na bumalik sa pinanggalingan nito, ang naging tahanan ng bakunawang kumain sa anim pang buwan."
"Kung totoo man iyang sinasabi mo, masasabi mo pa bang likas na mabuti ang mga diyos kung kahit sa ganitong bagay ay pinapahirapan ang taong tulad ko?"
"Alam mong hindi magandang ganiyan ang sinasabi mo. Baka may mangyari sa iyong hindi maganda. Kasalanan din naman ng mga tao kung bakit hindi na mapayapa sa sansinukob. Dahil sa tuwing may pagbabagong nagaganap sa paligid, sinisi nila ang mga diyos. Mapabuti man o mapasama. Kaya siguro napagod na din sila, hinayaan ang mga taong mamuhay sa gusto ng mga ito. Katulad na lamang ng naganap na digmaan sa pagitan ng mga pangkat," wika ni Ulay na ang pinakamahabang nasabi nito mula pa kanina liban sa pagsalaysay nito sa buhay ni Homobono.
"Ang sinabi ko lang naman ay totoo," ang sabi niya sa lalaki.
Walang lumabas sa bibig nito na tila pinag-aaralan ang kaniyang mga sinabi. Lumipas ang ilang sandali bago muli itong nagsalita, sinasabi ang nakaraan na hindi na nito mababalikan.
"Habang kausap kita naalala ko noong mga bata pa kami ng nakakatanda kong kapatid. Wala rin siyang takot masabi lang ang tumatakbo sa kaniyang isipan," ang mahinang sabi ni Ulay. Mababatid talaga ang kalungkutan sa boses nito.
"Nasaan naman siya ngayon?" ang naisipan ni Limong rin namang itanong. Hindi siya nagkaroon ng kapatid kaya ganoon na lamang na nagkainteres siya sa sinabi nito. Parati siyang mag-isa na mga halaman lang ang kausap, mistulang nawawala sa katinuan kung minsan.
"Naroon sa amin. Siya ang huling taong inasahan kong maniwala sa akin. Ngunit ang nangyari ay kabaliktaran ng naisip ko. Siya pa ang nagtulak sa akin na sumuko at aminin ang aking kasalan," ang sabi nito kapagkuwan ay namagitan sa kanila ang katahimikan.
Tumingin siya sa kalangitan kung nasaan naroon ang buwan. "Hindi ko alam kung dapat kong bigyang atensiyon ang sinabi mo at nagbabaitan ka lang sa harap ko. Isa ka rin siguro sa nagbabalat-kayo, ginoo," aniya sabay alis ng tingin mula sa buwan.
"Marahil nga," ang wala sa sariling sabi ng lalaki.
Ang usapan nila ay hindi na nasundan nang makarinig ng kaluskos sa ibabaw kalapit ng kulungan. Si Limong ay nanahimik sa pagaakalang si Dagit lamang iyon na nag-iikot.
Makikita ang isang lalaking nababalot ng balabal ang katawan na lumabas mula sa kakahuyan sa kanan ng matabang puno. Ang mukha naman nito ay natatakpan ng maskarang bungo ng usa. Tumigil ito sa kulungan kapagkuwan ay umikot rito.
Likas na kay Limong na makaramdam ng panganib kaya napatingala siya sa lalaking nakatayo. Mula sa loob ng balabal naglabas ang lalaki ng isang palaso na walang ukit ang katawang kahoy. Sinundan nito ng isang pana mula naman sa sisidlan na hinabing balat ng hayop na nakasabit sa kaniyang likuran. Hindi nabigyang pansin ni Limong dahil sa kaniyang kinalalagyan ang paglagay nito ng pana sa tali na hinila nito matapos niyon.
Itinutok ng lalaki ang pana kung saan nakaupo si Limong. Doon pa lang napuna ng binatilyo ang pana sa bahagyang pagkinang ng matalim na dulo nito sa liwanag ng buwan.
Sa paghinga ng lalaki'y pinakawalan nito ang pana kaya kaagad ding umilag si Limong. Ang pana'y mabilis na lumusot sa rehas na kahoy at nadaplisan si Limong sa leeg sa paggalaw niya patabi. Nagulat na lang ang kasama niyang lalaki na siya ring pagbaon ng pana sa pahilis na buhangin.
"Ano bang nangyayari sa iyo ginoo? Hindi magandang biro itong ginagawa mo!" ang sigaw ni Limong sa lalaki sa ibabaw sa pag-aakalang si Dagit iyon.
Sa sandaling iyon ay siya ring paggising ni Dagit mula sa pagkatulog sa papag dahil sa sigaw ni Limong. Hinawakan nito kaagad ang sariling palaso, naglagay ng pana at sinipat para sa lalaking estranghero.
"Sino ka?" ang malakas na sabi ni Dagit.
Ngunit imbis na sumagot ang lalaking nakamaskara kumaripas ito ng takbo papalayo ng kulungan patungo sa direksiyon kung saan ang dagat. Nagtago ito sa likuran ng mga bakawan. Hindi naman pinakawalan ni Dagit ang pana, tumalon na lamang mula sa hinihigaan. Pagkalapag ng mga paa nito sa lupa'y sinundan kaagad nito ang lalaki.
Si Limong ay naiwan sa kulungan hawak ang kaniyang leeg na nasugatan. Naramdaman niya ang namuong dugo roon.
"Ayos ka lang?" ang tanong ng lalaking kasama niya.
"Alam mo ba ginoo na hindi mo ako dapat tinatanong ng ganiyan?" Inalis niya ang kamay sa leeg kapagkuwan ay binunot ang bumaon na pana sa buhangin.
"Sino ba ang gustong manakit sa iyo? Iyon bang tao na naging dahilan kaya ka naparusahan?"
"Hindi ko alam," ang sabi ng kaniyang bibig ngunit ang sinisigaw ng kaniyang isipan ay si Kari-a ang lalaking nakamaskara.
Pinagmasdan niya ang pana kaya nalaman niyang gawa iyon sa Malayo dahil sa dulong bato nitong matulis na mayroong pinong diyamante.
Hawak niya iyon nang alisin niya ang tali ng sara ng kulungan at tinaas iyon. Sa pagtayo niya ay mayroong nasabi si Ulay.
"Kung balak mong umalis. Huwag mo ng ituloy."
"Bigyan mong pansin ang kalagayan mo ginoo. Dapat nga tumakas ka na habang wala pa rito si Dagit." Iniikot niya ang paningin sa paligid. Ang sara ay lampas tuhod niya lang.
"Para ano? Madagdagan ang parusa sa akin? Alam kong hindi ako makakaalis ng isla ng ako lang. Mahuhulit-mahuhuli nila ako kahit subukan ko pa," paliwanag ng lalaki.
"Ikaw ginoo kung iyan ang kagustuhan mo. Nagmamalasakit lang naman ako," aniya't inalis ang sarili sa kulungan. Binaba niya na lamang ang sara na hindi na itinali ang lubid. Tinapon niya na rin ang pana sa tabi dahil wala naman iyong halaga.
Balak na sana niyang umalis sa pagkatayo sa lupa, sa kasamaang palad mayroong nangyari na hindi niya inasahan.
Ang lalaking nakamaskara ay nagpakawala na naman ng pana patungo kay Limong na nalingonan niya. Ang lalaki'y nakatayo sa bukana ng bakawan. Nahuli ng kaniyang mga mata ang pinakawalan nitong pana kung kaya't yumuko siya. Lumampas ang pana sa kaniya bago ito tumusok sa katawan ng kalapit na niyog.
Kumuha ulit ang lalaki ng pana't inihanda sa palaso. Samantalang si Limong ay tumakbo patungo sa matabang puno. Kamuntikan na naman siyang tamaan ng panang pinakawalan ng lalaki sa pagbagsak niya ng katawan, ang mga kamay ay nasa lupa kasama ng kaniyang paa na parang tigreng manglalapa. Tumusok ang pana sa ibaba ng matabang puno.
Sa pangatlong pana ang lalaki'y tinakbo niya ito, tinutok nito ang pana sa kaniya nang may namagitang ilang hakbang na lang sa kanilang dalawa.
Nang pakawalan ng lalaki ang pana'y tumalon si Limong mula sa lupa sabay pumaikot sa ere na ang katawan ay pahalang sa lalaki kasabay ng kaniyang paang nakahanda. Sa pagbaon ng huling panang pinakawalan nito sa lupa'y tatama na rin ang sipa niya rito. Ngunit hindi naman niya nasaktan ang lalaki dahil mabilis nitong sinangga ng dalawang kamay na may hawak na palaso ang kaniyang paang pinangsipa niya.
Sa pagkabaliktad ni Limong inilagay niya ang mga kamay sa lupa't kasunod ng pagsipa sa dibdib ng lalaki at sumirko-sikro ng dalawang beses. Samantalang ang lalaki ay napaatras na napahawak sa nasaktang dibdib. Siya namang pagtigil niya sa lupa na ang isang tuhod ay nakatukod.
Mabilis niyang kinuha ang palasong nakabaon sa lupa sa kanan niya. Hinarap niya ang lalaki na ihahampas sa kaniya ang hawak nitong palaso mula sa ilalim.
Sa pagtagpo ng dalawa isinangga ni Limong ang braso sa pagtama ng palaso sa kaniya, nagtulak iyon sa kaniya na umungol nang kaunti dulot ng sakit. Kasabay niyon ay ang pagtusok niya ng hawak na palaso sa tagiliran ng lalaki para mabuhay pa ito kung masaksak man niya. Sa kasamaang palad hindi natamaan ang lalaki sa pagsabit nito ng palaso sa pana at winasiwas palayo kaya nabitiwan niya iyon. Saka ito umatras nang dalawang ulit kasabay niya.
"Wala talagang kasing itim ang budhi mo Kari-a! Maging ako'y balak mong paslangin!" ang sigaw niya sa lalaki na hindi naman siya sinagot.
Inilipat nito ang palaso sa kabilang kamay kapagkuwan ay naglabas ng kutsilyo mula sa likuran sa ilalim ng suot na balabal. Sinugod siya nito na nakahanda ang talim na hawak. Sinaksak siya nito sa dibdib na nailagan niya naman sa pagbaba ng katawan niya sa ilalim ng kamay nitong hawak ang patalim. Sinundan niya iyon ng pagsiko sa dibdib ng lalaki. Ngunit katulad ng nauna niyang atake nasangga nito iyon ng palad matapos na bitiwan ang palaso.
Natitigan niya pa ang suot nitong maskara bago maririnig ang ingay mula sa bakawan na pinanggalingan nito kanina lamang.
Ang lalaki ay kaagad na lumayo sa kaniya at pinulot ang palaso sa lupa.
Sa pagtakbo nito sa kakahuyan sa kanan ng matabang puno hindi na siya sumunod dahil narin sa taga-bantay na lumabas ng bakawan.
"Limong?' ang tanong ni Dagit habol ang hininga.
"Ano iyon ginoo?' ang tanong niya sa paglalakad nito papalapit sa kaniya.
"Bumalik ba ang lalaki? Naisahan niya ako roon a," pahayag nito.
"Oo, nakaalis na siya. Diyan siya dumaan." Tinuro niya ang tinakbuhan ng lalaki.
"Kung sino man ang lalaking iyon. Sisiguraduhin kong mananagot siya sa ginawa niyang kalokohan," ang sabi ni Dagit na halatang may tama pa rin ng alak. "Ano bang kasalan mo roon?"
"Hindi ko nga alam," ang makatotohanan niyang sabi.
Sa pananatili nilang nakatayo'y makikita ang paparating na liwanag mula sa daan. Naglalakad ang ina ni Limong dito hawak ang isang tulos.
"Ano bang ginawa mo Limong kaya dinala ka rito?" ang sabi ni Ilaya pagkalapit nito sa dalawa.
"Wala ina," pagsisinungaling niya. "Papauwi na rin ako." Binaling niya ang tingin sa tagapagbantay. "Hindi ba ginoo?"
"Umalis ka na. Magpadala ka na rin dito ng tao," pagtataboy ni Dagit na napapatingin ng tuwid kay Limong. Si Ilaya naman ay pinaglipat-lipat ang tingin sa dalawa.
"Maraming salamat ginoo," aniya't kinuha ang tulos sa kaniyang ina. "Tara na ina. Lumalamig na ang gabi."
Ang ginang ay wala na ring sinabi sinabayan na lamang si Limong sa paglalakad. Hindi na siya nakapagpaalam sa lalaking nasa kulungan na hindi nalaman kung ano ang pangalan. Ang hindi niya alam ang lalaki ay may koneksiyon sa kaniyang buhay mula sa nakaraan.
Si Dagit naman ay naiwang napapatingin sa mga panang nakakalat. Siya'y napasunod ng tingin sa likod ni Limong bago niya pinagpupulot ang mga pana.
"Nalaman mo ba kung ano ang nangyari?" ang tanong ni Dagit sa lalaki nang bunutin niya ang pana sa puno ng niyog. Wala naman siyang nakuhang sagot sa lalaki mula sa ilalim ng kulungan.