ANG LIWANAG na pumuno sa kabuuan ng bulwagan ay mula sa apat na tulos na nakasabit sa magkabilang dakong dingding. Ang maninilaw na hibla ng apoy ay marahang umiindayog sa musikang ang tulos lamang ang nakakarinig. Binibigyang sigla ng mga ito ang mga naguusap na nakaupo sa sahig sa gitna. Sa ilalim ng mga nag-uusap ay ang sapin na telang inilatag.
Sa unahan kalapit ng mataas na upuan ay ang datu, ang paraan ng pagupo niya ay nakataas ang isang paa na kinapapatungan ng kamay niyang hawak ang peras. Kinagatan niya ng malaki ang peras habang malayo ang tingin. Ang mga kasama niyang lima ang bilang ay patuloy lamang sa pagkain.
Sa kaniyang kaliwa ay naroon sina Sinag at Sinugyaw, sa kabila naman kaharap ng mga ito ay ang tatlong atubang na mas piniling sumabay sa hapunan na sina Kiras, Morso, at Gasang. Sa pagitan ng mga ito ay ang mga pagkaing pinaghalong prutas at halamang ugat na nakahain sa dahon ng saging. Naroon din ang dalawang mandirigma na sina Mitos at Binaol ngunit hindi kumakain ang mga ito. Nakaupo lang ang mga ito na malayo sa isa't isa sa magkabilang dako ng pinto. Sa labas ay patuloy pa rin ang kasiyahan na tila baga walang nangayri kay Limong (isa nga lamang siyang alipin).
Ang datu ay mabilis na dinurog ang nangasab na peras sa loob ng kaniyang bibig. Ang mga mata niya'y ibinaling niya kay Mitos na nakaupo ng baluktot ang mga paa, at mga kamay ay nakapatong sa dalawang tuhod. Nakatingin ang ginoo sa sahig na marmol sa pag-iisip nito.
Matapos na lunukin ng datu ang nginuyang pera siya ay nagsalita na. "Nasaan na ba ang alipin?" ang katanungan ni Datu Silaynon na hindi mahihimigan ng kung anong emosyon. Pantay lamang na timbre ang inilalabas niyon na malimit niyang paraan kapag ganoong maraming tumaktabo sa isipan.
Sa narinig mula sa pinuno'y inalis ni Mitos ang kaniyang mga mata sa sahig. Sinubukan niyang salubungin ang tingin ng datu ngunit sa mga anak na nito ang paningin. Napabuntong hininga nabg malalim si Mitos bago ito tumugon.
"Pinauwi ko na po mahal na datu," pagbibigay alam niya sa pinuno sabay pinagmasdan si Sinag na malayo ng tingin. Ang hawak ni Sinag na peras sa hita ay hindi man nakakagatan sa pananatili nitong walang kibo. Samantalang ang katabi nitong si Sinugyaw ay marahan sa pagkain ng kamoteng kahoy.
Inalis ng pinuno ang tingin niya sa pangatlong anak at binaling sa mga atubang na walang humpay na kumakain. Labis na nasisiyahan ang mga ito sa dami ng makakain sa kanilang mga harapan.
"Iyon lang ba ang sinabi niya?" usisa ng datu sa ginop kapagkuwan ay iniikot sa palad ang hawak na peras.
"Opo, ganoon din po ang sinabi ni Dagit sa pagtungo ko roon. Isang lalaki po ang nakamaskara ang nagtungo upang saktan siya," ani Mitos na pinisil ang dalawag tuhod.
"Sa tingin niya ay si Kari-a iyon?" dagdag na katanungan ng pinuno. Kinagat niya ang peras na lumabisbis ang katas sa kaniyang bibig.
"Iyon nga po. Kung mararapatin niyo po ay hayaan niyo akong sumangayon sa kaniya," ani Mitos na sinubukan ulit na ipagtagpo ang mga mata sa pinuno. Nangyari naman sapagkat pinagmamasdan siya ng pinuno.
Idagdag pa ang atubang na si Kiras na hindi maipinta ang kunot sa noo niya na lalong nagpapatanda dito. Ang mga katabi niyang atubang ay kumuha ng kamoteng kahoy ng sabay at iyon naman ang pinagaksayahan ng oras.
"Anong nagtulak sa iyo para sabihin iyan Mitos?" ang matalim na sabi ni Datu Silaynon. Inubos niya ang hawak na peras saka nilagay ang tira niyon sa tabi ng dahon ng saging. Inabot din niya ang basong kawayan, ininom ang alak na laman niyon sa isang lagukan lamang.
"Nagtungo po ako sa kakahuyan kaya marahil tama po si Limong," pagkuwento ni Mitos sa pagbaba niya ng tingin sa sahig. "Hindi nga lang po ako sigurado kung si Kari-a nga. Alam niyo naman si Kari-a lang ang bukod tanging sumusuway sa inyo. Kaya alam kong siya ang gustong manakit kay Limong dahil nakita niya ito."
Ibinaba ng pinuno ang hawak na baso ng maubos ang laman niyon kapagkuwan ay inilapag sa sahig. "Ipagpalagay ko na lamang na hindi ko narinig ang bagay na iyan mula sa iyo," wika ng pinuno. Nilinis ng dila niya ang sumabit na hibla sa ngipin.
Hindi na lamang sumagot si Mitos sa nasabi ng datu. Mas maiging ganoon ang gawin nito bago pa lumaki ang problema. Sa pananahimik ng datu'y nagsalita ang atubang na kasunod ni Kiras. "Mahal na datu posible naman ang sinasabi niya," ang sabi ni Moros na nakatalaga sa edukasyon ng mga taga-roon. Hindi na bago na sumabat siya kapag may usapin sapagkat ang sinasabi niya ay mas binibigyan ng pansin ng pinuno katulad na lamang ng mga sandaling iyon.
"Ibig mong sabihin Moros nagsisinungaling sa akin sina Binaol at Talas kasama na anak kong si Sinag?" ang naisatinig ni Datu Silaynon sa naging pahayag ng atubang na mas maraming kaalaman sa mga bagay-bagay. Pinakatitigan pa niya ng tuwid ang matanda.
Si Moros ay umayos ng upo. Pinangtabon niya ang balabal sa nakabaluktot na mga paa sa panlalamig ng kaniyang hita. Pinagisipan niyang mabuti ang sasabihin bago ito inilabas.
"Hindi po mahal na datu. Ang sa akin lang ay posibleng nabuhay si Kari-a lalo pa at sa dagat ito nalagutan ng buhay. Alam niyo naman po kung anong mayroon sa tubig. Dito nagsimula ang lahat ng pagbabago sa sansinukob. Katulad na lamang ng bakunawa," anang atubang. Sa pagkagat niya sa kamoteng kahoy ay nahulog ang piraso nito na hinayaan lang niyang gumulong sa nakalatag na tela.
"Morso, huwag mong dalhin dito ang itinuturo mo," ang hindi maiwasang sabat ni Kiras. Inabot niya ang maliit na alimasag na diretso sa bibig. Pumalatak ang alimasag sa pagkalutong niyon nang kagatan niya iyon.
Si Moros ay tiningan niya ang katabi na ngumunguya, lumalabis pa sa bibig nito ang paa ng alimasag. "Atubang na Kiras. Alam ko na mas matanda ka sa akin ngunit sa ganitong usapin ako ay nakakalamang sa iyo," paratang niya sa katabi na nagpalingon rito na kulubot ang noo.
Ngunit imbis na kay Moros ito maglabas ng inis sa huling atubang ito nakapagsalita. Sapagkat nakangiti itong kumakain. "Anong nagpapasaya sa iyo Gasang?" ang matalim na sabi ni Kiras.
"Wala naman puno," tugon naman ni Gasang. Hinayaan lang ni Datu Silaynon ang tatlo na magbangayan. Nasanay na rin siya sa mga ito. Wala ng nagawa si Kiras kaya mas piniling ipagpatuloy ang paglaman sa kaniyang tiyan na hindi pa rin napupuno.
Binalik naman ni Moros ang atensiyon niya sa pinuno. "Gaya ng sabi ko'y marahil mayroong bumuhay kay Kari-a," ang nasabi ni Moros kaya nabaling sa kaniya ang atensiyon ng lahat maliban kay Sinag na malalim ang tingin. Nanahimik ang lahat at natigil sa paggalaw. Kasunod nito ay ang pagihip ng hangin na nakapasok sa awang ng pinto sa ibaba.
Binasag ng atubang na si Kiras ang katahimikan. "Isang nakakatawang bagay ang sinabi mo Moros," ang panunuya ni Kiras sa pangalawa niyang alimasag. Durog na durog ang pagkaing dagat sa talim ng mga ngipin niyang parang pating. Kinakabahan din naman siya na makikita sa panginginig ng mga daliri.
"Makatotohanan ang sinasabi ko. Marahil nagsisimula na namang gumalaw ang mga demonyo," dagdag ni Moros kaya nagbago ang mukha ng pinunong si Datu Silaynon.
Gumuhit ang kaseryosohan sa mga mata ng pinuno at lumalayo ang pag-iisip.
"Paano mangyayari iyan dito? Kaya nga tayo narito sa loob ng tatsulok ng tatlong diyos na natutulog dahil sa bagay na iyan," ani Kiras na taliwas sa itinatakbo ng kalooban. Hindi man niya man maamin ngunit marahil tama ang nasabi ni Moros.
"Iyon nga ang dapat nating alamin kung bakit nangyari," suhestiyon ni Moros na kaagad sinangayunan ng pinuno ng walang pagdadalawang isip.
"Magpapadala ako ng sulat bukas kay Hamibis," pahayag ng datu sa mga narinig. Kung tama nga si Moros dapat ngang kumilos na siya dahil kung hindi maging siya ay malalagay sa sitwasyong hindi niya hinahangad na mangyari sa kaniyang pamumuno. Mabunyag pa ang tinatago niyang lihim na nakuha niya sa katapusan ng digmaan ng mga pangkat ilang taon na ang nakakaraan.
"Mahal na datu. Sumasangayon ka kay Moros?!" bulalas ni Kiras. Sa pagkabigla niya'y tumalsik pa ang paa ng kinakain na alimasag buhat sa malaki niyang bibig.
"Dapat ko pa bang hingin ang opinyon mo Kiras kung kaligtasan ng nasasakupan ko ang nakasalalay?" panunubok ni Datu Silaynon na matalim ang tingin kay Kiras.
Napayuko ng ulo ang atubang na si Kiras sa naging reaksiyon ng datu. "Ipagpaumanhin mo mahal na datu. Kung iyon ang kagustuhan mo," ang mahinang sabi ni Kiras at uminom na lang ng alak sa basong kawayan sa harapan niya. Ang kasama niyang si Gasang ay napangiti na naman sa kalaspatanganan ng matanda. Mabuti na lamang hindi ito napansin ni Kiras nang ito ay magsalita.
"Mahal na datu. Mas maigi din na magpadala tayo ng tao sa kagubatan para magmanman para makasigurado at magpakalat tayo ng mga mandirigma sa buong kabahayan," ang magandang sinabi ni Gasang kaya napabuga ng mainit na hangin si Kiras dahil sa inggit. Kung inisip nga nito ang kapanganan ng lahat may nasabi pa sana itong kaaya-aya.
"Mas maigi nga iyan Gasang," pagsangayon ni Datu Silaynon na ikinalapad ng ngiti ni Gasang para patamaan si Kiras. Matapos nito'y binaling ng pinuno ang tingin sa tahimik na nakaupong si Binaol bago tiningnan ang bunsong anak. "Sinugyaw, bigyan mo ng makakin ang dalawa. Ikaw, Sinag. Kanina ka pa walang kibo."
Kaagad na napunta ang atensiyon ni Sinugyaw sa pinuno sa pagkuha niya ng dalawang peras upang masunod ang utos nito. Tiningan niya ang nakakatandang kapatid kapagkuwan ay siniko sa tagiliran nang walang maging reaksiyon ang katabi.
"Tinatanong ka ni ama," ang bulong ni Sinugyaw sa nakakatandang kapatid. Tumayo siya dala ang dalawang peras na binigay niya sa dalawang mandirigma.
Natauhan si Sinag sa pagpukaw ni Sinugyaw. "Wala pa ito ama," ani Sinag na hindi na lang tiningnan ang pinuno. Kinagat na lang niya ang hawak na peras. Samantalang si Sinugyaw ay inabot ang isang peras na alanganing tinanggap ni Binaol, sinunod nitong binigay ang kay Mitos na walang pagaalinlangang tinanggap.
"Hindi ka ba natutuwa sa kasal ni Silay?" ang naisipang itanong ni Datu Silaynon sa pagbalik ni Sinugyaw sa puwesto nito.
"Nasisiyahan po ako. Ako po ay napagod lang sa paghahanda," tugon ni Sinag nang maupo si Sinugyaw sa kaniyang tabi. Buong maghapon silang magkasama ng kapatid kaya ganoon na lamang ang tingin nito, nagtatanong din.
"Ikaw nga naman ang naging punong abala. Magpahinga na kayo matapos nating kumain," ang nasabi na lamang ni Datu Silaynon. Hindi na inusisa pa ang pangatlong anak.
"Salamat ama," ang sabi ni Sinag sa pagyuko niya ng ulo't pinagpatuloy ang pagkain sa prutas kasabay ng kapatid.
"Nasaan na ba sina Silay at Talas?" sabi ni Datu Silaynon sapagkat mula kaninang natapos ang seremonyas ng kasal ay hindi na niya nakita pa ang anak kasama ng kabiyak nito.
"Sa kasiyahan po sila ama. Nakikipagsayaw po sa mga karaniwang tao," pagbibigay alam ni Sinugyaw sa muling pananahimik ni Sinag.
"Isang magandang pag-uugali," ani Moros na ikinatingin ng lahat dito. Sa tingin nila ay nakaguhit ang pagkadismaya sa sinabi ng atubang.
Ang dalawang mandirigma naman sa pintuan ay nagkasamaan ng tingin. Kinagat ni Mitos ang hawak niyang peras samantalang si Binaol ay hawak lang ang peras nito.
ANG KAMAY NI ILAYA ay mabilis na gumagalaw hawak ang bilugang marmol na pinupukpok niya sa tabletang bato sa lupa,dinidikdik ang berdeng maliliit na dahon nang lumabas ang duga niyon. Sa tabi niya ay ang ilawan na kabibe, ang telang sa bibig nito'y nagninigas na nagbibigay ng liwanag sa dalawang sulok ng patatsulok na tirahan. Sa likuran niya ay si Limong na nakaupo sa papag na kinalalatagan ng banig.
Pinagmamasdan ng binatilyo ang pagiging abala ng ginang sa remedyang itatapal sa sugat na pahaba sa kaniyang leeg.
"Ano bang pinaggagawa mo Limong habang wala ang mata ko sa iyo?" wika ng ina, "Hindi ba ang bilin ko sa iyo ay huwag kang sumali sa ano mang gulo." Nilingon ng ginang ang anak. Mababatid sa mga mata niya ang pag-alala lalo pa't kitang-kita niya ang sugat sa leeg ng anak. Panandalian siyang tumigil sa pagdikdik. "Tingnan mo nga iyang sarili mo nasugatan ka tuloy. Kung narito lang ang ama mo hindi lang pangaral ang aabutin mo."
Sa huling sinabi ng ginang pinagpatuloy niya ang pagdikdik. Ang kaninang kumpol na berdeng dahon ay unti-unting nadudurog, lumiliit kasinglaki na lang ng kuko ng ginang.
Ang mata ni Limong ay inilapat niya sa butas ng dingding sa tuktok sa kaliwa kung saan nagtagpo ang bubong. Sumisilip ang buwan na napapaikutan ng mga tala. Hindi niya maiwasang isipin ang lalaki sa kulungan. "Wala naman akong ginawang hindi maganda ina. Sila lang talaga ang hindi naniwala sa akin. Nag-aantay nga lang ako kay ama sa pagdating nila, pagkatapos pagbalik ko sa iyo, nakita ko si Kari-a," pagkuwento niya sa ina sa ginawa niya buong maghapon.
"Hindi ko nagugustuhan ang ganiyang bagay." Tumigil ito sa pagdikdik sabay pinulot ang dinikdik na dahon. Nilagay nito sa kaliwang palad kapagkuwan ay nilapitan si Limong. "Pumunta kami rito ng ama mo para mabigyan ka ng magandang buhay," dagdag ng ginang sa pagpahid nito ng remedya sa sugat ni Limong. Napalingon siya sa pagtapal ng ina na mabilis nitong ginawa palibahasa ay sanay. Ang sugat ay kaagad na natabunan.
"Wala naman kayong nakukuha sa paninilbihan sa kanila," ang nasabi niya sa ina kaya sinamaan siya nito ng tingin. Itinabi nito ang pangdikdik at pinagpag ang dalawang kamay sa isa't isa.
"Mayroon anak," ang sabi nito sa pagkawala ng inis sa mukha. "Hindi mo lang nakikita."
Naupo ito sa buhangin na walang sapin-sapin.
"Ang sabihin mo ina mayroon kayong tinatago sa akin," aniya sa ina nang hawakan niya ang leeg na may sugat. Napalo siya ng ina sa braso dahil doon.
"Matulog ka na," utos nito, "Dito muna ako hanggang mag-umaga para may kasama ka."
Pinagmasdan niya ang ina na ang mukha ay nabahiran ng kalungkutan. "Huwag na ina. Tumungo ka na sa kubo niyo ni ama," pagtataboy niya rito.
"Paano kung balikan ka nung lalaki kung si Kari-a man iyon?"
"Kaya kong proteksiyunan ang sarili ko ina. May mga kalapit naman akong ibang alipin." Inihiga niya ang kaniyang sarili sa papag ng patagilid na ang unan ay ang braso.
Ang ginang ay pinagmasdan siya ng maigi bago ito tumayo. Inalis nito ang mga kumapit na buhangin sa kasuotan. Pinatay pa nito ang ilawan kaya pumuno ang kadiliman sa loob.
"Huwag kang lalabas. Naintindihan mo?" ang sabi na lang ng ginang sa paglalakad nito palabas ng tirahan. "Akala mo hindi namin alam na lumalabas ka kapag gabi at nagtutungo sa kakahuyan." Inayos nito ang pagkatayo ng pawid na sara ng tirahan.
"Matagal na ang huli ina," ang sabi niya sa kaniyang pagkahiga. Hindi na niya tiningan ang ginang.
"Sinungaling kang bata ka. Matulog ka na. Ako ay aalis na rin," ang nasabi ni Ilaya kapagkuwan ay sinara nito ang pinto ng tirahan. Sa paglalakad nito papalayo'y pumuno ang katahimikan sa tirahan ni Limong. Naririnig niya ang ingay ng kuliglig kasabay ng mumunting sumyap ng insekto.
Nang makasiguradong nakalayo na ang kaniyang ina'y lumabas na siya ng kaniyang tirahan. Pinagmasdan niya ang ibang tirahan ng mga aliping katulad niya na natutulog na rin. Siya'y naglakad pailalim ng kakahuyan na parati niyang ginagawa.
Sa ilalim ng liwanag ng buwan nakikita niya ang kaniyang dinadaanan. Maingat siyang humahakbang upang hindi mabuo ang malakas na ingay.
Sumuksok siya sa mga halaman, nilampasan ang mga puno hanggang makarating sa malaking puno na nababalot ng gumagapang na halaman. Ang mga baging ay nakalambitin sa mga sanga nito na nagsilbing palamuti ng puno. Hindi na siya tumagal pa sa pagtayo't tinungo ang katawan nito't maingat na umakyat hanggang maabot ang malaking sanga.
Pagkatayo niya rito'y inabot niya pa ang isang sanga, ilang ulit niya itong ginawa hanggang marating ang pinakatuktok kung saan siya naupo sa sangang malapad na nakalaylay ang paa. Dito ay malinaw niyang nakikita ang buwan na tila pumantay sa taas ng punong inakyatan. Natatanaw din dito ang mahabang buhangin na kumikinang sa liwanag ng buwan at ang malapad na karagatan na hindi niya alam kung saan abot.
Pinagmasdan niya ang kasiyahan kung saan nagmumula ang liwanag ng mga apoy. Napahinga siya nang malalim para sa mga karaniwang taong nagkakasiyahan pa rin sa mga oras na iyon.
Hindi niya nais ang ganoon sapagkat kahit magsinungaling siya sa kaniyang sarili ang nais ng puso niya'y ang umalis sa Malayo. Kung hindi lang sa magulang niya'y matagal na siyang dumayo sa ibang isla ng mag-isa.
Sa kaniyang pag-iisip hindi niya namalayan ang lalaking nakamaskara ng bungo ng usa na umakyat ng puno. Tumayo ito sa ibabang sanga na kinauupuan niya.
"Sabi ko pa ikaw ang nakita ko," ang sabi ng lalaki na kilala niya sa tinig nito. Gumalaw siya sa kinauupuan na sanga. Alertong bumaba ng sanga na kinatatayuan ng lalaki.
Pinagmasdan niya ito nang alisin nito ang suot na maskara, nalantad ang mukha ni Lilim sa ilalim ng buwan.
"Anong hinahangad mo? Bakit gusto mo akong patayin ginoo?" ang mariin niyang sabi rito.
"Sinong may sabi ng ganiyan. Sinubukan lang kita," dagdag nito.
"Sa tingin mo maniniwala ako sa iyo ginoo?" Naikumyos niya ang kaniyang kamao sa pag-alis nito ng balabal.
"Nasa sa iyo iyan. Saka tinulungan lang kita para mabaling ang buong atensiyon nila sa tulisan na si Kari-a," ang sabi pa ni Limong na hindi niya lubos na pinaniniwalaan.
"Ibig mong sabihin ginoo? May kinalaman ka sa pagbabalik ni Kari-a?" Balak niya sanang lumapit rito kaso tinaas nito ang kamay kaya natigilan siya.
Binaba nito ang kamay. "Wala, Limong. Sa iyo nanggaling na nabuhay si Kari-a." Tama nga naman ito kaya ano pa bang pinag-aalala niya. Hindi niya lang maintindihan kung bakit kailangan siya pa ang saktan nito.
"Muntikan mo na akong mapatay, ginoo. Alam mo ba iyon?" ang sabi niya sa lalaki.
"Alam ko ang ginawa ko Limong. Narito ka nga ngayon," ang nakangising sabi ni Lilim.
"Ngunit hindi ko pa rin lubos maisip kung bakit mo ako tinutulungan," ang sabi niya sa lalaki.
"Magpasalamat ka na lang Limong." Matapos ng sinabi nito ay nagpatihulog ito mula sa sanga't nang sundan ni Limong ito ng tingin naglalakad na ito sa ibaba.