Kabanata 12

3446 Words
"HINDI magiging maganda kung ang mata ng datu ay mabaling sa atin," ang sabi ni Daghoy kay Apugay nang ibaba niya ang hawak na basong kahoy na may lamang alak. "Kung alam mo naman pala na ganoon ang mangyayari bakit kasi ibinaba pa natin ang pahinante? Mas mabuting sa bangka na lang sana natin inantay na may kumuha sa kaniya." Sa kanilang uluhan ay sumayaw ang tulos na nakasabit sa kawayan ng poste ng inuman sa paglalaro ng gamu-gamo rito. Bukas na bukas sa kawalan ng dingding kaya makikita ang nakapaligid sa kanilang abandunadong mga bahay. Ang mangingisdang si Apugay ay ininom din niya ang hawak na alak, sumimsim niyon ng ilang lagok bago magsalita. Ang bilugang bunganga ng baso'y halos lamunin ng buo ang kaniyang bibig. "Luwagan mo ang loob mo kung mangyari man, ako lang ang mabibigyan ng parusa," ani Apugay kapagkuwan ay binaba ang baso sa bilugang mesa na kahoy. Magkaharap silang nakaupo ni Daghoy sa mesang kinaugalian nilang puwestuhan na nasa pinakasulok ng inuman. Sa ibang parte niyon ay nagtatawanan ang ibang mga lalaki na galing sa kanilang mga gawain, sinasabayan ng ingay ng pagtama ng mga kahoy na baso. Nababalot ang iba ng mga balabal na gawa sa balat ng hayop na hindi hinabi kaya naiwan ang kulot na laylayan. Naglalakihan ang katawan ng iba katulad ng nasa kasunod na mesa ng mga mangingisda na may bilang na apat. Nakatalikod si Apugay sa mga ito kaya hindi niya makita ang mga umaasim na mukha ng mga ito. Pahaba ang inuman kaya nakahanay lang ang mesa kasalungat ng mahabang mesa kung saan nag-iinom ang iba pang nagpunta na walang kasama, nakaupo sa bilugang upuan. Abala naman ang lalaking simpleng itim na pang-itaas ang suot sa pagsasalin ng alak sa mga baso sa loob niyon. Pabalik-balik rito ang apat na serbedora na parehas ang mga suot na saya at blusa, sumeserbisyo sa mga parokyano tangan sa mga kamay ang bandeha laman ang mga alak. Lumapit ang isang serbedora sa mesa ng mangingisda na may malapad na ngiti. Sa hapit nitong blusa na puti inilalabas ang hugis ng naglalakihang dibdib, umaabot ang haba ng saya sa tuhod na natatabunan ng nakataling dalandang tapis sa beywang. "Nagsasaya ba kayo mga ginoo?" ang sabi ng babae nang maingat nitong inilapag ang huling pares ng baso ng alak, katabi ng mga wala ng laman na baso. Naalis ang tali ng buhok nito kaya lumaylay iyon sa balikat. Si Daghoy ay titig na titig sa babae sa ibaba ng leeg nito. "Ayos naman, Napan," ani Daghoy sabay inom ng hawak na alak. Samantalang ang mangingisda ay malayo ang tingin sa lalim ng pag-iisip. Saglit na binaba ng babae ang wala ng lamang bandeha sa mesa para ayusin ang nakalugay ng mahabang itim na buhok. "Mabuti naman nagsasaya kayo rito sa inuman ko," ani ng babae na itinali ang buhok ng pirasong tela na dinukot nito sa bulsa ng tapis. Inihilig nito ang katawan papalapit kay Daghoy kaya lalong nanlaki ang mga mata ng huli. Ilang dangkal na lang ang mata ng lalaki sa pinagmamalaki ng babae. Walang tigil si Daghoy sa pag-inom ng alak. "Totoo ba iyong narinig ko tungkol kay Kuol? Kaya pala hindi na ito napapadpad rito," ang bulong nito na nakatakip pa ang kamay sa bibig. Umayos din naman ng tayo ang babae matapos ng sinabi. Si Daghoy naman ay naibagsak ang wala ng laman na baso sa mesa. Nag-alangan itong sagutin ang babae kaya ang sumagot ay ang mangingisda "Totoo iyong mga narinig mo. May alam ka ba sa ganoong pagbabago?" sabi pa ni Apugay sa pagpahid ni Daghoy sa bola na naiwan sa bibig. Mahina lang ang pag-uusap ng mga ito para hindi marinig ng kasunod na mesa. "Hindi ko alam. Depende sa kung anong pagbabago ang sinasabi mo ginoo," anang babae na binaling ang tingin sa nagsalita. Tinaas ni Apugay ang kamay niya para pigilan ang babae sa pagsasalita na bumingisngis pa. "Alam mo kung anong ibig kong sabihin Napan," anang mangingisda. Si Daghoy ay nanatiling nakikinig na tinutungga ang huling alak para rito. "Ano bang gusto mong mangyari ginoo? Ano bang makukuha mo kung sakaling malaman ang naging dahilan ng pagbabago ni Kuol? Alam mo namang hindi mo na maibabalik ang nakaraan kaya hayaan mo na ang namumunong datu. Kung gagamitin mo si Kuol para maghigante sa kaniya hindi maganda iyon." Kinuha nito ang bandeha mula sa mesa. "Pumili ang datu para sa ikabubuti ng lahat. Kalimutan mo---" Pinutol muli ng mangingisda ang pagsasalita ng babae sa pamamagitan ng tingin. "Nagiging madaldal ka Napan. Isa lang ang gusto kong malaman mula sa iyo. Sabihin mo lang kung matutulungan mo ako o hindi," ang seryosong sabi ni Apugay. Ang babae ay napahugot ng malalim na hininga. "Ginoo, mahirap ng gawin ang iyong nais," ang nasabi na lamang ng babae. "Oo at hindi lang Napan. Mamili ka na," lalong lumalim ang tinig ng mangingisda kaya napainom ng alak si Daghoy. "Pinagbawalan ako ng mga lakan sa utos ng datu kaya hindi ko maibibigay sa iyo ang gusto mong malaman. Liban na lang kung makita ko ngayon mismo si Kuol. Sigurado ba kayong nahulog talaga siya sa dagat?" Si Daghoy ang tumango bilang sagot sa katanungan ng babae "Malabo ngang makakuha kayo sa akin ng impormasyon. Pero susubukan kong tanungin ang mga dati kong kasama sa Dahilig." "Salamat kung pagkagayon," ang nasabi ng mangingisda saka inubos ang hawak na alak. Hindi napansin ni Napan na alam ni Apugay ang nangyayari kay Kuol. Sinubukan niya lang ang dating babaylan kung may nakakaalam na iba pa maliban sa kaniya at ng mga sa Dahilig. Lumakad na ang babae pabalik sa mahabang mesa pero muli itong lumingon sa kinauupuan ng mangingisda. "Ginoo huwag mong mamasamain ang sasabihin ko, pero mas maiging kausapin mo siya para mawala iyang galit sa dibdib mo," ang makahulugang sabi ng babae kapagkuwan ay nagpatuloy ito sa paghakbang. "Sino ang sinasabi ni Napan?" ang naisipang itanong ni Daghoy. "Isang taong nakilala ko sa nakaraan noong hindi pa maayos dito sa kalupaan. Hindi naging maganda ang huling pagkikita namin kaya ganoon ang nasabi ni Napan," ang matapat na sabi ni Apugay habang binabalikan sa isipan ang mga nangyari. Maraming nangyari sa nabanggit niyang nakaraan. Ang mga araw na nagkaroon ng digmaan sa pagitan ng mga pangkat. Nagkahiwalay ang mga magkakaibigan at namatay ang maraming tao, magkakapamilya man o hindi. "Kung alam ni Napan ang tungkol diyan, ibig sabihin may kakayahan talaga siya base narin sa paguusap niyo kanina lang. Akala ko'y simpleng pagkakalap ng impormasyon ang alam niyang gawin," ani Daghoy dahil wala siyang naikuwento na ganoong bagay mula nang makilala siya nito. "Ako ang nagligtas sa kaniya sa kapahamakan nang dumanak ng dugo sa katapusan ng digmaan ng mga pangkat," pagkwento ng mangingisda sa nakaraang hindi makakalimutan nino naman. Maging siya'y hindi niya mababaon sa limot ang mga naganap. "Iyong dati kong katipan minsan nagkukuwento siya ng mga nangyari. Nasaksihan kasi ng magulang niya. Pero wala siyang nasabing ganoong bagay," ang nasabi ni Daghoy nang mayroon din itong maalala. "Alam mo naman kung bakit at saka mas mabuti ngang kalimutan na lang ang lahat. Saan na ba ang babaeng sinasabi mo?" Inubos ng mangingisda ang hawak na alak. "Hindi ko alam. 'Di ko na siya nakita nang magising ako isang araw. Iyon batang babae kanina kahawig nito ang katipan ko. Kaya nga umalis na lang ako kasi naalala ko rito ang mukha niya. Tama nga sigurong kalimutan na ang lahat ng mapapait na alaala," ani Daghoy na tinungga ang alak kaya nalaman nitong wala ng laman ang baso. "Parati nga niyang sinasabi sa akin na hindi magandang tumira dito. Aling man tao'y hindi magtatagumpay. Akala ko nga dati sadyang iba lang siya mag-isip pero sa paglipas ng mga araw naintinidihan ko na. Kaya niya siguro ako iniwan dahil hindi siya normal na katulad ko." "Tama naman ang naging desisyon ng dating katipan mo," ang huling sinabi ni Apugay. "Umuwi na tayo baka magdagdagan pa ang nainom natin at ano pa ang mapagusapan." "Oo nga," pagsangayon ni Daghoy. Nauna na itong tumayo kasunod siya nang magiwan ng pilak mula sa supot na dala sa gilid ng beywang. Inilagay niya ang tatlong piraso ng pilak sa mesa sa tabi ng wala ng lamang baso. Ang mangingisda ay nauna sa paglalakad na nilalampasan ang mga lasing sa kanilang mesa. Sa paghakbang nila ay kumaway si Daghoy kay Napan na nakatayo sa loob ng mahabang mesa katabi ang lalakeng taga-bigay ng alak. Nginitian naman ito ng babae bilang ganti. Ang titig ng mga lalaki sa panghuling mesa sa kanila ay iba. Hindi nila ito pinansin hanggang makarating sa hagdanan na may limang baitang. Pagkalapit nila dito'y bumaba na sila, ang mga yabag nilang mabibigat sa baitang ay gumagawa ng hindi nagbabagong tunog. Inihawak pa ni Daghoy ang kamay nito sa dalawang harang na kawayan ng makaramdam ng kaunting pagkahilo. Ilang hakbang pa'y nakababa na sila ng hagdanan, nilakad ang naiwang mabatong lupa kapagkuwan ay tuluyang nakarating sa pagitan ng dalawang bahay. Sa sulok pa nito'y naipon ang nga basurang nadala ng hangin papasok rito mula sa daan. Mula rito'y ilang hakbang na lang ang dalampasig ng ilog. Tumabi si Daghoy ng bahay saka napasuka ng kaunti, nailing na lang si Apugay dahil parati naman iyong nangyayari. Binalik ni Apugay ang paningin niya sa kanto ng bahay kung saan tanaw ang inuman sa pagtawag ni Napan. "Ginoo sandali!" ang sigaw nito habang tinatakbo ang mabatong lupa. Si Daghoy ay pinahid ang bibig sa pagtayo nito, naiwan sa daan ang sinukang kinain na naninilaw. "Anong problema Napan?" anang mangingisda nang makarating ang babae sa pagitan ng dalawang bahay. "Nasaan na ba si Kalsag? Hindi na nagagawi ang batang iyon rito," ang humahangos na banggit ng babae. "Sa kanila," ang nasabi ng mangingisda. "Puntahan mo nga baka may mangyari sa kaniya. Alam mo naman kung bakit. Hindi na maganda ang pakiramdam ko ngayon-ngayon lang," anang babae na pinagtagpo ang dalawang kamay sa dibdib na tila sinusuksukan ng lamig ang katawan. "Sige, gagawin ko," anang mangingisda na itinaas ang kamay bilang pagpaalam. Nagpatiuna siya sa paglalakad kasunod ang hilong kasama, kinuha nila ang kahabaan ng daan sa tabi ng ilog. Nang malapit na silang makalampas ng bahay na poste na lang ang naiwan walang lumalabas sa kanilang bibig, nakasalubong nila ang isang lalaki na nababalot ng itim na balabal. Ang ulo nito'y natatakpan pa ng bilugang sombrero. Sa paglampas ng mangingisda rito ay binangga siya nito sa balikat. Mayroon itong pinasa sa kaniyang kamay na isang may kaliitang pergamino na kaagad niyang inilipat sa kabilang kamay. Hindi siya lumingon sa tuluyang paglampas ng lalaki. Si Daghoy naman ay humakbang sa kanan ng isa para makaiwas na makabangga na hindi napansin ang pinasang pergamino sa mangingisda. MAGDADALING ARAW nang dalhin ni Kalsag ang inipong panggatong sa nalumpong mandirigma. Pagkagaling sa bahay nito ay umuwi na rin siya kaagad upang walang makapansin sa kaniya na nagtungo ng bahay nito. Umuulan pa kaya mabilis ang kaniyang paglalakad. Ang nais lang ni Kalsag ay isang tahimik na buhay. Kaya lamang malabong mangyari ang gusto niya sapagkat kahit saan siya magpunta masusundan pa rin siya ng kadiliman. Ang kinakatakutan nila ay matuklasan na may tinatago siya sa kaniyang sarili. Naging isang kulungan ng mga demonyo ang kaniyang katawan. Hanggang hindi nakikita ng kaniyang ama ang kaniyang ina hindi sila makapunta sa ibang lugar upang doon na manirahan. Alam niya rin mula nang siya'y maliit na bata pa lang na siya'y naiiba sa lahat kaya nga hindi niya rin sinusubukang makipaglapit sa ibang tao. Sa paglaki niya'y nakakakita siya ng ibang mga nilalang katulad na lamang ng mga demonyo. Parati siyang sinusundan ng mga ito kahit saan man siya magpunta kaya nga nagulat siya nang pauwi na siya ng Habigan sakay ng bangka ni Apugay. Binalot siya ng takot nang makitang nagbabagong anyo si Kuol. Ang buong akala niya ay wala ng susunod sa kaniya. Ibang-iba ito sa mga demonyong naikukulong niya sa turo ng babaylan na si Hamibis. Mistula siyang naging sisidlan ng mga demonyo. Walang ibang paraan kundi kulungin ang mga ito dahil babalik-balikan siya ng mga ito kahit paulit-ulit niyang patayin ang mga ito. Kaya nga dahil sa kalagayan niya na mas masahol pa sa pagkakaroon ng karma, ang katahimikan ang natatanging naging kaibigan niya. Sapagkat hindi ito nagsasalita ng kung ano mang masasakit na salita para sa kaniya. Siya ang parating nagsasalita sa hangin kahit alam niyang wala namang sasagot. Kung iisipin siya'y isang baliw ngunit malayo siya sa pagiging ganoon. Nangyari lamang ito dahil wala namang ibang taong kumakausap sa kaniya. Pagkarating niya sa harapan ng bahay nila napatigil siya sa paghakbang nang mapansin ang nakabukas na bintana kung saan naroon ang silid ng kaniyang magulang. Ang kurtinang puti dito'y nagsasayaw sa nakakapasok na hangin. Napalunok siya ng laway nang maramdamang tila may nakatingin sa kanya sa kadiliman ng silid. Sa lupa nalang siya tumingin kaya napansin niya ang yapak ng paa. Kitang-kita niya ang mga yapak dahil sa putik. Sinundan niya ang yapak hanggang sa tumigil ito sa hagdanan ng bahay. Dali-dali siyang pumasok sa isiping pumasok ang taga-tala sa kanilang tahanan dahil alam nitong magkapitbahay sila. Pagkatapos baka hindi ito napano sa dagat at natunton siya. Sa dulo ng pasilyo'y tila mayroon siyang naaninag sa pagsara niya sa pinto. Pinakatitigan niya ang dulo ng pasilyo ngunit wala naman siyang nakita kundi ang dingding lamang na natutuklap na pawid. Sa pagsara niya sa pinto'y doon niya napansin ang mga basa sa sahig na kawayan na hugis ng paa. Umiwas siyang matapakan ang mga bakas sa sahig na nabahiran ng kaunting dugo. Paakyat ang mga bakas ng paa sa papag na kaniyang hinihigaan sa itaas ng silid ng kaniyang magulang. Sa ibaba palang siya ng hagdanan ay nanayo na ang balahibo niya sa buo niyang katawan. Napatitig siya sa itaas ng hagdanan sa malakas na pag-ihip ng hangin. Tila tinatawag siya nitong umakyat. Buong tapang nga siyang humakbang pataas na pigil ang hininga. Inakyat niya nga ito ngunit natigil. Dahan-dahan niyang sinilip ang silid ng kanyang magulang na nakabukas ang pinto. Bumaba siya't mabilisan siyang pumasok rito saka sinara ang bintana gamit ang dalawa niyang kamay. Muli siyang lumabas ng silid na walang tinitingnan saka siniguradong nakasarado ang pinto bago umakyat ng higaan. Tutungo na sana siya sa kanyang hinihagaan nang mapalingon sa gawi ng pintuan. Nakatitig lamang siya sa sara nang tila may maramdamang nakatayo sa labas. Hindi siya nakatiis kaya binuksan niya ang pinto. Wala naman siyang nakitang tanakatayo rito. Ang balahibo niya sa katawan ay nagsitayuan sa pag-ihip ng hangin. Sa likuran ng kaniyang isipan ay naglalaro ang mga katanungan. Pinagmasdan niya ang porselas na pagmamay-ari ng kaniyang ina. Pinamana sa kaniya nang siya'y ipinanganak. Itim ang kulay ng mga bilugang mumunting kahoy nito. Ang sabi sa kaniya ay malalayo siya sa kapahamakan kapag sinuot niya iyon. Pero ibang-iba ang nangyayari sa sinabi ng kaniyang ama. Hindi nga naging maganda ang gabi na iyon para sa kaniya na nadagdagan pa ng isara niya ang pinto. Sa dulo ng pasilyo'y nakakarinig na naman siya nang malakas na pag-ungol kasabay ng ingay ng pagbali ng buto. Pinakatitigan niya ang pasilyo na kanina lamang ay sinuri niya rin. Dahan-dahan nagbukas ang pinto na paibaba ng kusina. Panandalian siyang hindi nakagalaw. Lumabas mula sa dilim ng kusina ang dalawang kamay na kumapit sa pintuan. Sinundan ng paglabas ng ulo ng taga-tala na balak siyang patayin mula pa sa laot. Nakapihit ang ulo ng lalaki patalikod. Pati ang mga kamay nito'y nakapulupot. Gumagalaw-galaw ang ulo nito sa paggapang nito palabas ng kusina. Kahit ang mga paa nito'y nakabaliktad. Sa paggapang nito sa pasilyo'y binayo nito ang dalawang kamay sa dingding saka umikot ang katawan pabalik sa dating ayos. Ang nakapihit nitong ulo'y mabilis na umikot paharap sa kinatatayuan niya. Sa pagtayo nito'y tumuwid na din ang mga paa nito hanggang sa bumalik sa dating ayos ang buong katawan. Lumabas ang matalim na ngisi sa labi nito sa pagsisimula nitong paghakbang. Nalalantad ang mga paa na may maiitim na kuko. Sa pagsisimula nitong paghakbang kinakalmot nito ang kuko sa dingding. "Akala mo siguro makakalaya ka na," sabi ng lalaki sa kaniya sa paglapit nito. Ang boses nito'y mas lumalim. "Nagkakamali ka. Kahit saan ka magpunta masusundan kita." Tumawa pa ito ng malakas. Bumalik siya sa pintuan para lumabas ng bahay kaso naabutan siya ng lalaki kaya tumakbo siya sa isang silid sa pagabot ng lalaki na pasugod sa kaniya. Ang tanging tanglaw niya sa loob ay ang patuloy na pagkidlat. Sinara niya ang pinto ng silid sa pagatake ng lalaki sa kanya. Eksaktong pagsara niya ng pinto'y bumaon ang kamay nito sa sara. Hindi niya binitiwan ang sara sa pagwawala ng lalaki sa kabila. Pilit siya nitong inaabot ng nakabaon nitong mga kamay sa pinto. Nanginig ang buo niyang katawan nang mahawakan siya nito sa pulsuhan. Hinila niya ang kaniyang kamay sa paghigpit ng kapit nito. Ang lamig ng palad nito kasinglamig ng bangkay. Naghilahan silang dalawa habang siya'y napapangiwi sa sakit. Binuhos niya ang buong lakas niya sa pagbawi ng kamay na naalis niya naman. Ngunit nag-iwan iyon ng marka sa kaniyang pulsuhan. Pati ang porselas ng kanyang ina na binigay sa kaniya ay nadamay. Naputol ang tali ng porselas na ikinakalat ng mga bilugang maliit na kahoy nito at gumulong sa sahig, bago lumusot pailalim. Inalis ng lalaki ang kamay sa butas sa pinto saka dinagdagan pa ang butas dito. Pinagsisira nito ang sara hanggang nagkaroon ng malaking wasak kaya kita niya muli ang mukha nito. Hindi na natigil ang paglalaway nito ng kulay itim. Aakmang aabutin siya nito sa malaking butas kaya lumayo na siya sa pinto sabay takbo sa kabilang silid. Sa paglingon niya sa lalaki'y sinipa nito ang pinto na ikibinagsak nito. Kahit may kadiliman pinilit niyang tumakbo. Pagkapasok niya sa kasunod na silid lumabas siya ng pinto pabalik sa pasilyo. Mabilis na nakasunod sa kaniya ang lalaki kaya binilisan niya pa na muntikan niya pang ikinadapa. Tumakbo siya patungo ng pinto sa harap ng bahay ngunit naisip niyang maabot siya ng lalaki roon. Umakyat na lang siya sa hagdan ng papag. Dinig na dinig niya ang malakas na pag-ungol ng lalaki sa ibaba. Habang nasa baitang pa'y nilingon niya ang lalaki na habol ang hininga. Nakatayo ito sa ibaba, pinagmamasdan siya sa gitna ng dilim. Mabilis itong umakyat ng hagdanan sa mga kamay nito't paa. Gumapang pa ito sa dingding. Siya naman ay kumaripas ng takbo sa papag na nakayuko. Napaaray siya ng lumusot ang paa niya sa nabaling sahig ng papag. Inalis niya kaagad ang paa sa pagsugod ng taga-tala sa kaniya. Bago pa siya nito mahawakan binutas niya ang bubong na pawid at dayami. Lumusot siya rito't nahawakan pa ni Kuol ang paa niya kaya sinipa niya ito sa mukha sa pagalis ng butas. Binuhat niya ang sarili palabas ng bubong. Tumalon siya rito na siya ring paghabol sa kaniya ng lalaki. Pagkabagsak sa buhangin ay nagpagulong siya rito. Tumakas ang malakas na ungol sa kanyang bibig nang tumama ang braso niya sa bato roon. Tumayo siya kaagad sa paglapag ng lalaki na inilalabas pa ang mahabang dila. Hinanap niya ang kaniyang daan sa gilid ng bahay habang habol parin ng lalaki. Tinakbo niya ang daan sa harapan ng bahay na nababalot ng talahib. Sa dulo ng daan ay nakatayo ang isang lalaki na kaagad niyang nakilala. Ito ay ang lalaking kasama ng babaeng nagtanong sa kaniya na pumasok sa bahay ni Kuol. Itinaas ni Sibol ang hawak na palaso na may nakahandang pana. Kaagad siyang dumapa nang magpakawala ito ng sunod-sunod na pana na tatlo ang bilang. Tinamaan ang taga-tala sa balikat, dibdib, at braso. Umatungal ang taga-tala saka umatras ng gapang kapagkuwan ay nagtago sa dilim, maririnig na lang ang ingay ng paglayo nito sa talahiban. Si Kalsag naman ay tumayo na at naglakad. "Ipagbigay alam mo sa akin kung ano ang nalalaman mo sa nangyayari kay Kuol," ang sabi ni Sibol sa naglalakad na si Kalsag nang ibaba nito ang hawak na palaso. Nilampasan lang ni Kalsag ang lalaki na walang sinasabi. Ngunit si Sibol ay pinigilan siya sa braso. Siya ay lumingon dito na nakaguhit ang takot sa mukha dahil sa nakikita niya kay Sibol na nakatago sa likuran ng pagiging tao nito, napansin na niya iyon mula pa kaninang hapon nang magkita sila. Sa pananatiling nakasara ang bibig ni Sibol binawi na niya ang braso rito. Napasunod na lang ng tingin ang lalaki sa paglalakad niya sa gitna ng ulan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD