Napapahawak siya sa kaniyang ilong dahil naiisip niyang tingin ng mga ito sa kaniya ay isang mangmang na madaling lokohin. "Wala ba talaga? Hindi malayong kayo ang kampon ng kadiliman. Gusto niyong umalis dito sa isla para makapaghasik kayo ng lagim," ang naisip niyang sabihin sa pagbaba niya ng kaniyang kamay mula sa kaniyang ilong.
"Mabuti kami. Wala kaming intensiyon na sirain ang mundo. Kung mayroon man hindi sana kami sumali sa digmaang nangyri noon. Kaya nga kami nabuhay ulit dahil sa nagawa naming maganda noong unang panahon," pagtatanggol ng ahas sa sarili nito. "Nanatili kami sa katawang ito para makatulong sa ibang tao."
Muling naputol ang kanilang usapan ng ahas dahil sa paglapit ng puting tigre na kanina pa nakikinig sa kanila. Pinakatitigan siya nito bago nito binaling sa kasamahan kapagkuwan ay nagsalita na rin ito.
"Dapat hinayaan na lang natin siyang makita ng mga anak ng datu nang maparusahan siya sa pagpatay sa pinuno," mariing sabi ng puting tigre sa kaniya. Hindi niya naman matandaan na pinatay niya ang datu kaya hindi niya alm kung dapat siyang maniwala sa lumabas sa bibig nito. "Hindi na dapat natin siya dinala rito. Hindi na dapat natin siya inalis sa ibaba ng bangin. Wala siyang utang na loob. Hindi na nga marunong magpasalamat. Pinag-iisipan pa tayo nang masama."
Matapos nitong magsalita iniwan na sila ng puting tigre kaya naihahatid niya ng tingin ang paglayo nito. Maging ang pulang ahas ay ganoon din ang ginagawa. Hindi gumagawa ng kung anong ingay ang mga paa ng puting tigre sa berdeng damuhan, maririnig mula rito ang malalim na hininga.
"Saan ka ba pupunta?" ang pahabol na tanong ng ahas sa puting tigre.
Hindi tumigil sa paglalakad ang puting tigre. "Kukuha ng makakain," sabi ng puting tigre sa hindi nito paglingon sa kanila ng ahas.
Inalis niya lamang ang tingin sa puting tigre nang makalampas na ito ng puno. Naibaling niya ang mga mata sa ahas sa muli nitong pagpapatuloy sa pakikipag-usap sa kaniya.
"Pagpasensiyahan mo na iyong kasama ko. Gusto lang talaga niyon na magawa namin ang misyon namin nang maayos para maipanganak kami ulit. Kaya nadidismaya siya kapag mayroon siyang hindi nagugustuhan," wika ng ahas sa kaniya. "Pag-isipan mo nang mabuti ang sinabi ko. Nais lang din namin talaga na makatulong sa iyo."
Tumayo siya mula sa pagkaupo kapagkuwan ay naglakad patungo sa dulo na dinadaanan ang puntod kaya napapasunod sa kaniya ang ahas. Pinagmasdan niya ang paghampas ng alon sa ibaba pati na rin ang maikling maputing buhangin. Nagbibigay ng ginhawa ang pagtama ng sariwang hangin sa kaniyang mukha. Hindi niya malaman kung dapat niya bang pakinggan ang sinabi ng ahas sa kaniya. Kung susundin niya ang mga ito wala rin namang mawawala sa kaniya dahil nawala na ang lahat sa kaniya, buhay niya na lang ang mayroon siya na wala na rin namang gaanong halaga nang sandaling iyon.
"Hindi ko ginusto ang ganitong buhay," ang naisatinig niya sa hindi niya pag-alis ng tingin sa asul na tubig. Naroong mayroong lumipad pa na puting mga ibon na mahahaba ang nguso mula sa dalampasigan. "Nais ko lang maging malayang tao na magagawa ang kahit anong gustuhin kong mangyari sa sarili ko. Iyong hindi ako natatalian ng responsibilidad na hindi naman dapat para sa akin."
Nanatili ang ahas sa kaniyang kanan na nakamasid din sa ibaba ng gulod, sa humahampas na alon sa mga bato. "Alam ko ang sinasabi mo. Naiintindihan kita. Nanggaling na ako sa ganiyan," pagbibigay alam ng ahas sa kaniya. Mababatid ang pagsisi sa mga naging salita nito.
Iba talaga ang dulot ng kalmadong dagat sa kaniya dahil pinapakalma rin niyon ang kaniyang kalooban. Sa pag-iisip niya ay tumimo ang isang bagay na kaniya rin naman nasabi sa ahas.
"Mayroon ba kayong alam para mabago ko ang sarili ko?" sabi niya rito nang sulyapan ito.
Sinalubong nito ang kaniyang tinginn. "Sa ngayon wala pero sa pagtulong mo sa amin makakahanap kami ng paraan na makatutulong sa iyo," saad nito.
Hindi naman siya natuwa sa sinabi nito. Inasahan niyang mayroon ang magiging sagot nito kaya nadismaya siyang iba ang naging sagot nito sa kaniya.
"Hindi ka sigurado. Wala pa rin naman pala kayong matutulong sa akin. Paano mo nasasabing mayroon?" Bumuntonghininga siya nang malalim sa pagbalik niya ng tingin sa tubig. Sumagi pa sa isip niya na dapat siguro ay tumalon na lamang siya sa ibaba nang sumunod na siya sa kaniyang mga magulang.
Itinaas ng ahas ang ulo nito nang maayos. "Hindi naman sa ganoon," pagtatanggol nito sa sarili.
"Kung gusto niyong umalis gamitin niyo na lang iyong bangkang itinago ko sa kuweba diyan sa ibaba," aniya sa ahas sa kuwebang hindi naman kita sa kanilang kinatatayuan. "Wala na rin namang saysay na umalis ako ng isla. Mag-isa na lang ako. Wala na akong maaring gawin."
"Sana nga'y ganiyan lang kasimple ang umalis dito kaso hindi. Kailangan namin ng katawan mo para magawa naming makaalis dito."
Sumama ang mukha niya sa narinig mula sa kausap na ahas. Muli niya itong pinagmasdan. "Balak niyo ba akong lamunin?" aniya nang maisip ang bagay na iyon. Sa pagbabago ng laki nito magagawa nga nitong lamunin siya nang buong-buo.
"Huwag kang mag-isip nang ganiyan," pagtama nito sa itinatakbo ng kaniyang isipan. "Hindi ganoon kaya kailangan namin ng katawan mo."
"Kung hindi ay ano?"
Sinabi na nga nito ang gusto niyang marinig. "Hindi kami makakaalis ng kami lang sa isla na ito. Kailangan namin ng katawan na magsisilbing sisidlan namin nang makalampas kami sa proteksiyong nakapaikot sa isla. Katawan mo mismo dapat dahil sa masyadong maraming enerhiya ang naipon namin sa katawang ito. Makakayanan mong tanggapin ang lahat ng enerhiya namin sa pagdikit namin sa iyo," paliwanag nito na naunawaan niya rin naman.
"Paano naman ako nakakasigurado na wala talaga kayong gagawing masama sa katawan ko?"
"Sa oras na dumikit kami sa katawan mo wala na kaming magagawa," dugtong nito sa mga naunang nasabi. "Makakalabas lang kami kung tatawagin mo ang aming mga pangalan."
"Ibig mong sabihin kung hindi ko kayo tatawagin mananatili lang kayo sa katawan ko kahit na habang buhay?" pag-usisa niya rito.
"Tama ka," pagpapatunay nito sa kaniyang nasabi. "Mamatay kami kung mamatay kang nasa katawan mo pa rin kami."
Matapos nga ng naging pag-uusap nilang dalawa ng ahas kapwa nila ibinalik niya ang tingin sa paghampas ng alon. Ninamnam niya na lamang ang kapayapaang ibinibigay sa kaniya ng paligid dahil kapag umalis siya ng gulod muli na namang babagsak ang kaniyang kalooban. Sinusulit niya na ang pagkakataon habang puwede niya pang mapagmasdan. Sa katapusan ng katahimikang namagitan sa kanila ng ahas kumilos na siya sa kaniyang kinatatayuan kaya napapasunod ng tingin sa kaniya ang makamandag na hayop. Mabilis na napuno ang kaniyang isipan kaya sa huli ay napagdesisyunan niya na lamang sumangayon sa kagustuhan ng ahas kahit na malaki ang posibilidad na itataya niya ang kaniyang sariling buhay.
"Mayroon lamang akong pupuntahan. Maghintay na lamang kayo rito," aniya sa pagtitig sa puntod ng kaniyang ina. Dapat pala ay nakinig na lamang siya sa kaniyang ina dahil kung nangyari iyon nabubuhay pa ito pagkahanggang sa sandaling iyon.
Inalis niya ang tingin sa puntod sa paglalakad niya palayo rito.
"Ibig mong sabihin pumapayag ka na?" ang nasabi ng ahas sa kaniyang paglayo.
Itinaas niya ang kaniyang kamay para rito. "Ano sa tingin mo?" sabi niya pa sa malakas na bugso ng hangin.