HINDI naging tahimik ang piitan pagkarating niya roon dahil sa pag-awit ng nagbabantay na si Dagit. Wala naman sa tono ang boses nito hindi lang dahil sa nakainom ito kundi dahil na rin sa hindi talaga ito marunong kumanta nang maayos. Nagiging ingay lang ang pagkanta nito na hindi kaaya-ayang pakinggan, mananakit lamang ang tainga ng sinong makaririnig, masasabi na lang na dapat isara na lang nito ang bibig. Nasanay na siya sa boses nito kaya pinapalusot niya na lamang iyon sa isang niyang tainga kapagkuwan ay pinapalabas sa kabila. Pinagmasdan niya ito sa paglabas niya sa mga bakhawan. Hindi siya kaagad nito napansin dahil nakatingin ito sa kalangitan na animo'y mayroon itong nakikita roon habang patuloy pa rin sa pag-awit ng kantang gawa-gawa lang nito. Dahil dito nagkaroon siya ng pagkakataon upang pagmasdan ang lalaking si Ulay sa kulungang nasa ilalim ng lupa. Nakapikit ang mga mata ng lalaki sa pagkasandig nito sa dingding na lupa ng kulungan. Magkatagpo ang mga paa nito kung saan nakapatong ang mga kamay nito.
Inalis niya lang ang atensiyon dito sa pagtawag ng tagapagbantay sa kaniya. "Ano ang ginagawa mo rito Limong?!" malakas nitong tanong sa kaniya.
Hindi naman nito kailangang sumigaw para marinig niya ngunit nagawa pa rin nito dahil sa nainom na alak. Hindi tumimo rito na napapalakas ang boses nito, lumilipad ang isipan nito sa pag-akyat ng alak sa ulo nito.
Nakuha niya rin namang itong lingunin sa pag-upo nito sa gilid ng papag sa ibabaw ng puno na nakalaylay ang mga paa.
Sinalubong niya ang pumupungay nitong mga mata. "Bumibsita lang," sagot niya naman dito sa pagtingala niya rito.
Sa palagay niya ay wala itong ideya sa nangyari sa kaniya sa pagpunta niya sa babaylan dahil sa paraan nang naging tanong nito.
Kaagad na sumama ang mukha nito dulot ng pagtataka. Uminom muna ito ng alak sa hawak na sisidlan bago muling magsalita, nagpalabas pa ito nang mahabang hininga sa pagdaloy ng matapang na alak sa lalamunan nito.
"Bakit mo naman siya bibisitahin? Gayong hindi naman kayo magkakilala?" Tinuro nito sa kaniya ang hawak na sisidlan.
"Nagkakilala kami nang mapunta ako rito nang isang araw," pagbibigay alam niya sa tunay nga rin namang nangyari.
Nagpatihulog ito mula sa kinauupuang papag na hindi niya na rin ikinagulat. Lumapag naman ito ng lupa sa dalawang paa nito. "Alam mo bang maling makipagkaibigan sa katulad niya? Hindi mo dapat ginagawa iyon," ang naisatinig nito na para bang mayroon talaga itong pakialam sa kaniya.
Humakbang ito patungo sa kaniyang kinatatayuan na hindi gaanong sumusuray. "Kailangan niya ng kausap sa tagal niya ritong nakakulong," aniya na dapat paniwalaan ng tagapagbantay.
Ilang hakbang pa ay nakarating na ito sa kulungan kaya lumuhod ito sa lupa't hinawakan ang harang nang mahigpit na kung hindi ito titigl masisira iyon.
"Sinasabi ko sa iyo. Huwag kang makipagkaibigan sa kaniya," sabi nito nang silipin nito si Ulay.
Nang sandaling iyon iminulat ni Ulay ang mga mata nito, nagising ito sa lakas ng boses ng tagapagbantay.
"Bakit naman?" saad niya kahit wala naman siyang interes sa mga opinyon nito sa buhay.
"Mamamatay ka sa huli dahil sa kaniya." Bumitiw ito sa haranang dahil pinagmasdan ito ni Ulay nang masama.
"Hindi naman. Sabi nga niya ay hindi niya magagawang pumatay nang magkausap kami." Kinain ng kaniyang mga paa ang layong namagitan sa kanila ng tagapagbantay sa paglapit niya sa likuran nito.
"Naniwala ka naman," maktol ng tagapagbantay siya.
"Oo. Wala namang masamang maniwala sa kaniya."
"Anong wala? Mayroon."
"Ganoon ba?" ang walang buhay niyang sabi. "Pero maling husgahan mo rin siya dahil lang sa mga narinig mo tungkol sa kaniya nang mahuli siya."
Hindi niya na hinintay na lumingon ito sa kaniya sa pagsakal niya rito mula sa likuran. Humigpit ang kaniyang kamay na umiipit sa leeg nito na pinilit nitong alisin. Hindi niya ito pinagbigyan sa lalo niyang pagsakal dito kaya lumalabas na ang mga ugat sa leeg nito kasabay ng pangingilid ng luha nito.
"Pakawalan mo ako," ang nakuha nitong sabihin nang bitiwan nito ang sisidlan ng alak na nahulog sa lupa. "Ano ba itong ginagawa mo?" Sinubukan pa rin nitong luwagan ang kaniyang nakaipit na mga kamay sa leeg nito. Nakakalmot pa nga nito ang kaniyang mga kamay na tiniis niya lang kahit nagalusan na siya sa talim ng mga kuko nitong puno ng dumi.
Binalewala niya lamang ang mga naging salita nito kaya kumawag-kuwag ito para kumawala sa kaniya na hindi naman nangyari. Sinundan iyon ng pagsiko nito sa kaniyang tagiliran. Tinanggap niya ang pagtama ng siko nito sa kaniyang tagiliran na hindi dumadaing katulad sa pagkalmot nito sa kaniya. Sa hindi pagluwag ng kaniyang pagkasakal unti-unti ngang naubos ang hangin sa baga nito hanggang sa tuluyan na itong nawalan ng malay tao. Lumupaypay na lamang ang mga kamay nito sa pagkawala ng kontrol nito roon. Sa puntong iyon nakahinga na rin siya nang maluwag kung kaya nga itinigil niya ang pagkasakal sa tagapagbantay. Tumumba nga ito na parang natibag na pader na sumubsob ang mukha sa lupa't nakaangat ang pang-upo nito na hindi kaaya-ayang pagmasdan. Mayroong namumuong kadiliman sa pang-upo nito dahil hindi nasisikatan ng araw.
Tumayo ang lalaking si Ulay mula sa pagkaupo dahil sa nagsaksihan nito. "Anong ginawa mo? Gusto mo bang makapatay?" ang nasabi nito sa kaniya.
"Huwag kang mag-aalala," aniya nang hawakan niya ang harang ng kulungan. "Wala lang siya malay tao."
"Hindi ko naman sinabi sa iyo na gawin mo ito. Bakit?" tanong nito sa kaniya.
Iniangat niya ang sara kapagkuwan ay binitiwan niya iyon. "Gusto ko lang makatulong. Isasama na kita sa pag-alis ko."
Pinagmasdan niya ito nang tuwid sa pagtitig nito sa kaniya.
"Mayroon bang nangyari sa iyo kaya aalis ka na ngayon?" Inilagay nito ang kamay sa bunganga ng kulungan para makaakyat.
Inilahad niya na lamang ang kamay niya na tinanggap naman nito kaya naramdaman niya ang gaspang ng palad nito. "Parang ganoon na nga. Hindi rin naman tamang nakakulong ka rito kahit wala ka namang ginawang masama." Hinila niya ito paitaas na siya ring pag-akyat nito. Natibag pa ang bibig ng kulungan sa pagtapak nito, hindi naman ito nahulog kahit nanghihina ang katawan dahil nga sa tulong niya.
"Tatanawin kong malaking utang na loob itong pagtulong mo sa akin." Bumitiw ito sa kaniyang mga kamay.
"Huwag mo na lang isipin itong ginawa ko." Pinulot niya ang sisidlan ng alak na nabitiwan ni Dagit. "Hindi kailangan." Itinapon niya ang sisidlan sa lalaki na nasalo naman nito sa pagtama niyon sa dibdib bago pa muling mahulog sa lupa. "Inumin mo baka nauuhaw ka. Pantawid uhaw na rin iyan kahit papaano."
"Ano ang sasakyan natin sa pag-alis dito?" sabi nito sa kaniya.
Humakbang siya patungo sa mga bakhawan kaya napapasunod na lang sa kaniya ang lalaki. "Mayroon akong itinagong bangka. Pero sana lang huwag kuhanin ng dalawa na sinabihan ko," pagbibigay alam niya rito.
Uminom ito ng alak na ikinangiwi nito sa tapang niyon. Ibinaba na lamang nito ang alak na isinasara ang takip ng sisidlan.
"Ibig mong sabihin mayroon pa tayong makakasama?" taka nitong tanong.
"Ganoon na nga. Makatutulong sa atin ang mga iyon sa pagtakas natin kung sakaling pasundan tayo."
"Ano ba talagang nangyari? Nakarinig ako nang malakas na tambuli kaninang umaga. Hindi maganda ang ibig sabihin niyon," ang nakuhang sabihin sa kaniya ng lalaki. Nagtatanong ang mga mata nito sa paghihintay ng magiging sagot niya.
Tiningan niya ito sa pagpasok nila sa bakhawan. "Namatay ang datu," pagbibigay alam niya rito na ikinanlaki ng mata nito.
"Kaya naman balak mo nang umalis kasi wala na ang pinunong pumipigil sa iyo."