Kabanata 25

1460 Words
SA PUNTONG iminulat niya ang kaniyang mga mata sumisilip na sinag ng araw sa mga dahon ng puno ang sumalubong sa kaniya. Tumatama iyon sa kaniyang mga mata kaya nga inilagay niya ang kaniyang kamay sa harapan nang mapangalagaan. Hindi siya nakaramdam ng kung ano mang init kahit nasa labas siya dahil sa banayad na ihip ng hangin na nagmumula sa karagatan. Naririnig niya pa nga ang paghampas ng alon sa dalampasigan sa ibaba lamang gulod ng kaniyang kinalalagyan. Nasapo niya ang kaniyang balikat na nanakit dahil sa pagkagat sa kaniya ng puting tigre na nang sandaling iyon ay hindi niya matandaan dahil hindi pa malinaw ang kaniyang isipan. Nalaman niya na lamang sa kaniyang pagbangon nang paupo na naroon nga siya sa lilim ng malaking puno sa gulod na madalas niya ring puntahan kapag nais niyang mapag-isa. Iniikot niya ang kaniyang paningin sa kaniyang paghawak sa malaking ugat ng puno para maitayo ang sarili dahil hindi niya maalala kung paano siya napunta roon. Hindi niya naman kaagad nakita ang nagdala sa kaniya roon. Tumingala siya nang marinig niyang magsalita ang ahas. "Mabuti naman gising ka na," ang magiliw na sabi ng pulang ahas na puno ng galak. Nakalambitin ang reptalyang katawan nito sa sanga sa kaniyang uluhan, nakalaylay ang ulo nitong siyang nakatutok sa kaniya. "Ano ang nangyari sa akin?" nagtataka niyang tanong sa patuloy na pagkalito ng kaniyang isipan. Inalis niya ang kaniyang kamay sa ugat na siyang pinanghawak niya sa nanakit pa ring balikat. "Ano ang ginagawa ko rito?" dugtong niya pa nang tingnan niya ang kaniyang balikat na wala rin namang kung anong sugat. "Wala ka ngang maalala," ang nasabi ng ahas na lalong ibinaba ang katawan hanggang sa pumantay ang ulo nito sa kaniyang mga mata. "Subukan mong tandaan ang nangyari sa iyo kagabi." Napatitig na lamang siya sa mga mata nitong ginintuan ang kulay. Sinapo niya ang kaniyang ulo nang alalahanin nga niya ang nangyari sa nagdaang gabi. Sa ginawa niyang iyon unti-unti nang luminaw ang kaniyang isipan. Ang unang bumalik sa kaniya ay ang kausapin niya ang kaniyang ina na umalis na sila ng islang iyon na sinunndan ng pagbuntot niya rito matapos na sunduin ng mandirigma. Kapagkuwan ay lumitaw sa kaniyang isipan kung paano sakalin ng datu ang kaniyang ina kaya malakas niya itong nasipa. Ang huling natandaan niya ay ang tagpasin ng datu ang leeg ng kaniyang ina, matapos niyon blangko na ang kaniyang isipan kasabay ng lalong pananakit ng kaniyang ulo kung kaya nga itinigil niya na lamang ang pag-aalala. Muli siyang napahawak sa ugat nang makakuha ng suporta roon dahil sa lalong panunuot ng sakit sa kaniyang ulo na para bang binibiyak ng punyal. "Kailangan kong puntahan ang ina ko." Pinilit niyang maglakad ngunit napaluhod na lamang siya sa damuhan sa panghihina ng kaniyang mga tuhod. Kasabay niyon ang paninikip ng kaniyang dibdib resulta ng nawala niyang ina. Pakiramdam niya nang mga sandaling iyon ay nagtapos na ang kaniyang buhay sapagkat tuluyan nang nilisan siya ng taong kaniyang rason bakit niya kinakayang mabuhay sa kabil ng pagigi nilang alipin. Lumuwag ang pagkapulupot ng katawan ng ahas sa sanga nang ibaba pa nito ang ulo. Nagpatihulog ito kapagkuwan sa damo na pinagmamasdan siya. "Inilibing na namin siya nang maayos para sa iyo," pagbibigay alam nito. Lumingon ito patungo sa dulo ng gulod kaya napapasunod na lamanng siya rito. Tumama ang mata niya sa kumpol ng mga batong naroon na siyang naging dahilan kaya pinilit niyang maglakad. Nangatog man ang kaniyang mga tuhod nagawa pa rin niya namang makatayo nang tuwid. Napapasunod na lamang nang tingin sa kaniya ang ahas sa kaniyang mabagal na paghakbang. Hindi siya tumigil sa paglapit sa kumpol ng mga bato hanggang sa makaluhod siya sa harapan niyon. Nanikip ang kaniyang dibdib sa pagtitig niya rito kasabay ng panunuyo ng kaniyang lalamunan. Nais niyang umiyak ngunit walang lumalanbas na luha sa kaniya mga mata kahit natatamaan ng umiihip na malamig na hangin. "Patawad, Ina. Hindi kita natulungan," ang kaniyang pagtangis. Nakuha niya pang hawakan ang mga bato na para bang bahagi iyon ng katawan ng kaniyang lumisan na ina. Sa kaniyang pananatili sa harapan ng puntod naglakad patungo sa kaniya ang puting tigre na galing sa likuran ng puno matapos nitong matulog. Hindi niya natuloy pa ang iba pang sasabihin sa pagsasalita nito, tumayo ito sa kaniyang likuran kung saan kita nito lahat nang nangyayari't nararamdaman niyang pagdurusa ng kalooban nang mga sandaling iyon. "Walang magagawa iyang paghingi mo nang tawad sa kaniya. Masyado ka kasing padalos-dalos. Hindi ka man lang nag-iisip. Hindi ka man lang nag-iingat," paalala sa kaniya ng puting tigre. Naging matalim ang mga salita nito sa kaniya na tumutusok sa kaniyang dibdib. Napahawak siya nang mahigpit sa mga bato dahil sa galit niyang nararamdaman hindi para sa mga nakapaligid sa kaniya kundi sa kaniyang sarili. Hindi nga rin naman ito nagkamali sa sinabi sapagkat totoo ngang hindi siya naging maingat. Kasalanan niyang hinayaan niya ang kaniyang sarili na mabalot ng poot na nahantong sa kamatayan ng kaniyang mapagmahal na ina. Wala siyang ideya sa nangyayari sa kaniyang sarili. Nang sandaling iyon lumapit sa kinalalagyan nila ng puting tigre ang pulang ahas na mabilis ang pagkagapang. "Huwag ka ngang ganiyan," sambit ng ahas sa kasamahan nito. "Siyempre hindi niya alam na nagtataglay siya ng karma. Hindi niya rin naman ginusto ang nangyari." "Dapat kasi kinokontrol niya ang kaniyang sarili. Hindi dapat siya nagpapadala sa galit," sumunod na sabi ng puting tigre. Hindi niya naman magawang lingunin ang mga ito sa hindi pa humuhupang galit sa kaniyang dibdib. Baka maibunton niya pa sa mga ito ang sama ng loob niya na hindi rin naman tamang mangyari. Wala nga rin namang kinalaman ang mga ito sa kaniyang buhay. Napaisip siya sa sinabi ng pulang ahas dahil hindi niya alam kung ano ang tinutukoy nitong karma. Sa kaguluhan ng kaniyang isipan doon niya na pinagmasdan ang mga ito matapos niyang huminga nang malalim nang pakalmahin ang kaniyang sarili. Sinalubong niya ang mapanuring mga mata ng puting tigre na masyadong malapit sa kaniya ang kinatatayuan. Naupo siya nang maayos na magkatagpo ang mga paa. Umiwas ang puting tigre sa pagtitig niya rito sa paghakbang nito palayo. Naglakad na lamang ito patungo sa gilid ng gulod sabay upo roon na pinagmamasdan ang kalaparan ng asul na karagatan, mistulang sumasayaw ang maputi nitong balahibo sa pag-ihip ng hangin. Samantalang ang pulang ahas ay lalo pang lumapit sa kaniya, nag-iwan ito ng ilang dangkal na layo sa kaniyang mga tuhod. "Ano ba iyong karmang sinasabi niyo?" pag-usisa niya nang mabigyan ng linaw ang nangyari sa kaniya sa nagdaang gabi. Itinaas ng pulang ahas ang ulo nito nang mapagmasdan siya nang maigi sa pagsasalita nito. "Magiging katulad ka ni Sungkayaw," panimula nito. Narinig niya na ang pangalang nabanggit nito dahil madalas ikuwento ng kaniyang amang si La-in ang tungkol sa digmaan nangyari bago pa maging payapa ang sansinukob. Sa pagkakatanda niya ay ibinenta ni Sungkayaw ang kaluluwa nito sa demonyong kayamuan na si Kalunglaon nang maghari ito sa mundong ibabaw. Mabuti na lamang hindi nagtagumpay ang pananakop nito kaya nanatili ring tahimik ang sansinubkob sa paglipas ng mga taon na muli na namang magugulo sa paglabasan ng mga kampon ng kadiliman. "Ipaliwanag mo sa akin kung ano ang sinasabi mo dahil hindi ko maintindihan," aniya sa pulang ahas. Lumabas-pasok ang sumangang dila ng ahas na mayroong kasamang sagitsit sa pagtitig nito sa kaniya. "Hindi malayong maging alagad ka ng kadiliman," pagpapatuloy ng pulang ahas sa naunang nasabi nito sa kaniya. "Nabahiran ka ng dugo ni Sungkayaw kaya kung hahayaan mo ang sarili mo na madaig ng galit hindi malayong magiging katulad ka niya. Pero huwag kang mag-aala dahil narito kami para gabayan ka. Tutulungan ka namin nang magamit mo sa mabuti ang karmang nakuha mo." Napatitig siya sa kaniyang palad dahil hindi niya nagugustuhan ang narinig. Pinilit niyang sabihin sa kaniyang sarili na ordinaryo lamang siyang tao. Hindi niya nais na gumulo ang buhay niya dahil sa karma na alam nito. Inalis niya ang tingin sa kaniyang palad kapagkuwan ay binalik sa pulang ahas. "Hindi ako naniniwala na gusto niyo akong tulungan," aniya sa ahas nang isara niya ang kaniyang ibinukang na palad. Pinatong niya na lamang ang kaniyang kamao sa kaniyang hita. "Siguradong mayroon kayong dahilan kaya lumalapit kayo sa akin." "Sinabi ko na sa iyo na kailangan naming umalis sa islang ito," paalala nito sa kaniya na hindi niya rin naman nakakalimutan. "Hindi iyon ang gusto kong marinig. Mayroon pang ibang dahilan, hindi ba? Bukod sa nabanggit mo." Hindi niya magawang pagkatiwalaan ang mga naging salita nito dahil sa wala siyang kaalam-alam sa kayang gawin at kung saan galing ang mga ito. "Wala na. Iyon lang talaga."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD