Kabanata 24

2597 Words
HINDI niya sinunod ang kagustuhan ng kaniyang ina na umalis na siya ng isla na hindi ito kasama. Ito ang naging dahilan kaya nahantong siya sa isang sitwasyong bumubuntot siya rito. Naglagay lamang siya ng ilang dipang layo sa kaniyang ina na kasabay ang mandirigma nang hindi siya mapansin ng mga ito, nakatulong ang hindi niya pagdala ng tulos para makasunod ng tahimik. Kahit na nakalayo ang mga ito sa kaniya nakikita pa rin naman niya dahil sa liwanag ng tulos na dala ng mandirigma na kapansin-pansin sa dilim. Sa hindi niya pagtigil sa paglalakad binuhusan siya ng pagtataka dahil sa ibang direksiyon ang kinuha ng mandirigma malayo sa daang patungo sa tirahan ng datu. Dumaan ang mga ito sa masukal na bahagi ng pamayanan kung saan malinaw na maririnig ang pagsagitsit ng mga kulisap at kurukutok ng kuwago. Nag-iisa lang naman ang bahay na batong itinayo sa likuran niyon na matagal na ring hindi ginagamit, dumagdag lang ang bagay na ito sa katanungan niya kung bakit doon pa dinala ng mandirigma ang kaniyang ina. Gayunman nagpatuloy pa rin siya sa pagbuntot na umiiwas sa mga nadadaanang masangang mga halaman habang kumikiskis sa kaniyang mga binti ang matutulis na damo. Nagpatuloy lang ang mga ito hanggang nakarating na ang mga ito sa bahay na naisip niya. Hindi pansin sa kadiliman ng paligid kung gaano kaluma ang bahay na iyon. Nakakapit sa pader nito ang mga gumagapang na halaman, sinabayan pa ng namumuong lumot sa paanan ng dingding. Sa pagkakatanda niya naman ay walang kung ano sa loob na iyon kahit ni isang kagamitan kaya nakapagtataka kung ano ang gagawin ng kaniyang ina roon. Hindi siya dumiretso sa bahay nang malapit na siya sa katapusan ng kakahuyan, nanatili siyang nakasilip sa likuran ng puno. Lumapit ang mandirigma sa pinto sabay katok doon na nasa likuran ang kaniyang ina. Naghintay lamang ang mga ito ng ilang sandali bago bumukas iyon. Nakatayo ang datu na bahag lamang ang suot nang sandaling iyon na hawak ang parihabang busol ng pinto. Gumuhit kaagad ang isang ngiti sa labi nito matapos tumama ang tingin sa kaniyang ina na ikinasalubong ng kaniyang dalawang kilay. Mayroong kung anong sinabi ang datu sa mandirigma na hindi niya naman marinig sa layo niya sa mga ito. Hindi rin naman nagtagal pa roon ang mandirigma. Iniyuko nito ang ulo upang magpaalam sa pinuno ng pamayanan na iyon. Sa pagtaas ng datu sa kamay lumakad na nga ang mandirigma pabalik sa kakahuyan kaya lalo siyang yumuko sa kaniyang pinagtataguan. Nakasunod ng tingin dito ang kaniyang ina at ang datu na walang lumalabas sa bibig ng mga ito. Hindi niya naiwasang kabahan nang palapit na sa kaniya ang mandirigma. Nakuha pa nga nitong huminto kapagkuwan ay pinagmasdan ang mga puno habang itinataas ang tulos. Nalampasan siya ng tulos na hindi nito napagtanto na nagtatago siya na kaniyang ikinahinga nang maluwag. Nang makuntento pinagpatuloy nito ang paglalakad na mabagal lamang ang paghakbang. Sa pag-alis ng mandirigma ibinalik niya ang atensiyon sa bahay kung saan kapapasok lamang ng kaniyang ina matapos tumabi ang datu. Hindi na naalis ang ngiti sa labi ng pinuno kahit nang isara na nito ang pinto na yumangitgit nang bahagya sa pagkaluma niyon. Balak niya lang sanang maghintay ngunit hindi pa rin naman siya nakatitiis nang huli. Marahan na lamang siyang naglakad patungo sa bahay na iniiwasang makatapak ng tuyong mga sanga sa bakuran. Nagawa niya rin namang makalapit sa bahay na walang nagagawang ingay. Idinikit niya ang kaniyang tainga sa pinto na nagbabakasaling mayroong siyang marinig na tunog. Ngunit kahit anong dikit niya ng tainga walala siyang marinig kahit na kaluskos. Dulot ng pagkadismaya inalis niya na lamang ang kaniyang tainga sa pinto't naisipang maglakad paikot ng bahay nang makahanap nang maaari niyang pagsilipan. Matapos niyang lumiko patungo sa kanluran nakakita naman siya ng bintana na buo pa rin ang sara. Sumilip siya sa awang niyon ngunit wala naman siyang nakitang tao sa loob nito kundi purong sahig lamang. Naguguluhan siyang umalis sa bintana't binalikan ang pinto para lamang magdalawang-isip. Hindi niya magawang kumatok dahil sa pagtakbo ng kaniyang isipan. Sa huli din naman ay marahan niyang binuksan ang pinto na hindi kumakatok. Kaunti pa lang ang kaniyang pagkabukas nang matigagalan siya sapagkat wala tagala roon ang kaniya ina kasama ang datu. Tuluyan na lamang niyang binuksan ang pinto dahil sa pagkadismaya. Nababalot ng alikabok ang sahig ng bahay na sinasabayan ng mga agiw sa kisame, naaaninag niya ang mga ito kahit na madilim. Muli naman siyang nagtanong sa sarili sa pananatili niya sa pintuan kung saan dinala ng datu ang kaniyang ina. Wala namang puwedeng lusutan ang mga ito na bintana. Liban pa roon wala naman siyang narinig na ingay. Nakuha niya pa nganng ikutin ang buong sahig para maghanap nang maaring lusutan ngunit wala siyang makita na kaniyang hinahanap. Sa paghakbang niya sa ginta ng sahig nag-iba ng tunog ang sahig na kaniyanng natapakan. Dahil dito napatigil siya't tumitig sa sahig kaya nakita niya ang sara ng lagusan paibaba ng lupa sa bahay na iyon. Hindi siya nag-aksaya nang mga sandali nang marahan siyang kumatok sa piligid ng lagusan nang malaman kung ano ang misteryong nagtatago roon na kahit nanay niya ay nadadamay. Walang ano mang hawakan ang sara kaya kinailangan niya pang ipilit na ikawit ang kaniyang mga kuko sa labi nang maingat niya iyon nang kahit bahagya lamang. Nagawa niya namang maiangat kaya inilagay niya kaagad ang isang kamay sa ilalim ng sara nang hindi iyon magsara ulit na hindi malayong gagawa ng ingay. Nakahinga siya nang maluwag pagkahawak niya ng dalawang kamay sa sara, sa ilalim niyon ay ang hagdanan paibaba ng lihim na silid. Sa dulo niyon nagmumula ang liwanag ng tulos. Matapos niyang bumuntong hininga nang malalim pumasok na siya sa lagusan na marahang isinasara ang pinto nang hindi iyon gumawa ng kahit kaluskos. Naititikom niya ang kaniyang bibig habang ginagawa niya iyon sa pagpigil niya sa kaniyang hininga. Muli lamang siya nakahinga nang maluwag sa paglapat ng sara sa sahig. Pumaibaba siya kapagkuwan ng mga hagdan na magagaan ang paghakbang. Hindi pa man siya nakararating sa ibaba naririnig na niya ang pakikipag-usap ng datu sa kaniyang ina. "Ngayong mag-isa ka na lang. Ano na ang desisyun mo?" ang naitanong datu sa kaniyang. Sa paghihintay niya ng magiging sagot ng kaniyang ina bumalik ang katahimikan sa lihim na silid na iyon. Narinig niya na lamang ang naging sagot nito nang nasa huling baitang na siya ng mga hagdan. "Hindi pa rin magbabago ang isip ko," sabi naman ng kaniyang ina. "Si La-in pa rin ang pinipili ko." Nanlaki na lamang ang kaniyang mata sa lakas ng tunog ng sampal na tumama sa mukha ng kaniyang ina. Napasigaw pa nga ito dahil sa sakit na naramdaman. "Namatay na't lahat ang alipin na iyon! Siya pa rin ang pinipili mo! Binigay ko naman sa iyo ang lahat!" ang malakas na sigaw ng datu sa kaniyang ina na dumagundong patungo sa kaniyang tainga. Sumiklab ang galit sa loob niya sa sumunod niyang narinig mula sa kaniyang ina. "Pakawalan mo ako. Hindi ako makahinga," impit na daing ng kaniyang ina. Dahil dito nagmadali siyang tumakbo patungo sa kinalalagyang silid ng dalawa na walang pinto. Pagkatayo niya sa pintuan nadatnan niyang sinasakal ng datu ang kaniyang ina sa ibabaw ng higaan. Nanglaki ang mga mata niya sa galit kaya hindi siya nag-iisip na sumugod sa datu. "Bitiwan mo ang ina ko!" malakas niyang sigaw kasabay ng pagsipa sa tagiliran ng datu. Sa ginawa niyang iyon napaupo ang datu sa sahig sa sulok ng silid. Pinagmasdan niya pa ito nang masama sa paglapit ng kaniyang ina na wala na sa ayos ang suot na damit. Hinawakan siya nito sa kaniyang braso nang mahigpit. "Hindi mo dapat ginawa iyon sa kaniya," saad ng kaniyang ina. Ngunit mistulang naging bingi siya sa mga sinabi nito. Nang mga sandaling iyon nararamdaman niya ang kung anong enerhiyang bumabalot sa kaniya kasabay ng paglabasan ng itim na apoy sa kaniyang likuran. Sa nasaksihan nanlaki ang mga mata ng kaniyang ina. "Mukhang mayroon kang hindi sinasabi sa akin Ilaya," anang datu sa pagtayo nito sa dalawang paa. Pinagmasdan lamang ng ginang ang datu sabay balik ng tingin sa kaniya. "Kumalma ka Limong. Huwag mong hayaang lamunin ka ng galit mo. Pakiusap," anang kaniyang ina ngunit hindi pa rin niya marinig ang sinasabi nito. Sa puntong iyon nagsimula nang umitim ang kaniyang mga mata na siya ring pagkuha ng datu sa dalawang kampilang nakasukbit sa dingding. Nararamdaman niyang tila gumagaan ang kaniyang pakiramdam na siyang naging dahilan kaya hindi niya maigalaw ang kaniyang mga daliri. Mistula siyang naging estatwa sa paglabas ng mga apoy sa kaniyang katawan. "Tama nga lang ang ginawa ng mga anak na hindi nila pagtulong sa kaniya. Kaso hindi naman siya namatay sa pagkahulog sa bangin," anang datu na nakahanda na ang dalawang kampilan. "Alam mo rin naman sigurong hindi ko siya puwedeng hayaang mabuhay lalo na't ngayong alam kong nagtataglay siya ng karma. Dito mo pa talaga siya dinala sa Malayo. Akala niyo siguro'y mananatiling lihim ang lahat." Sa sinabi ng datu gumuhit ang takot sa mukha ng ginang. Nakuha pa nitong lumuhod sa harapan ng hari. "Hayaan mo na siyang mabuhay. Balak ko na rin siyang paalisin. Pakiusap," pagmamakaawa ng kaniyang ina na lalong nagpakulo sa kaniyang dugo. Nais niyang sabihin dito na hindi dapat nito ginagawa ang bagay na iyon ngunit pati bibig niya ay hindi niya maibuka. Nagsisigaw na siya sa kaniyang isipin kaya lang hindi nakikinig ang kaniyang katawan. "Hindi kita mapagbibigyan," matigas na sabi ng datu. "Alam mo rin kung ano ang pinakaayaw ko. Hindi ka dapat nagsinungaling sa akin." Bago pa man mayroong masabi ang kaniyang ina tinagpas ng datu ang kampilang nasa kanan nito sa leeg ng kaniyang ina. Bumagsak na lamang ang kaniyang ina sa sahig na bumubulwak ang dugo sa leeg. Sa nasaksihan ng kaniyang mga mata tuluyan na ngang sumabog ang enerhiya sa kaniyang katawan kasabay nang malakas niyang pagsigaw. Dahil dito napaatras na lamang ang datu habang isinasangga ang dalawang kampilan sa mukha. Nagsimula na ring yumanig ang lupa kasabay ng pagbagsakan ng mga bato't lupa nang sunod-sunod. Natabunan pa nga niyon ang walang buhay niyang ina. Bago pa man mayroong magawa sa kaniya ang datu mabilis siyang tumakbo patungo rito na nakahanda ang mga kamay niyang tumalim ang mga kuko. Kusang gumalaw ang kaniyang katawan na para bang mayroong sariling isip. Nang makalapit siya sa datu tinusok niya ang kaniyang kamay dito ngunit nakailag naman ito sa paggulong nito patungo sa pintuan. Sa nangyari sa pader lamang bumaon ang kaniyang kamay na ikinawasak niyon. Pagkabunot niya sa kaniyang kamay nakatakbo ang datu paitaas ng hagdanan. Sumunod din naman siya kaagad dito sa lalo pang pagbagsakan ng mga bato't lupa. Kung hindi siya aalis sa silid na iyon matatabunan din siya katulad ng kaniyang ina. Hindi siya tumigil sa pagtakbo kahit pagdating niya sa hagdanan. Naroong isasara pa lang ng datu ang lagusan. Pagpaitaas niya'y siya ring pagbaba ng sara kaya binangga niya na lamang na ikinawasak niyon. Napaatras na lamang siya nang talon pagkalabas niya nang lagusan dahil sa pagwasiwas ng datu sa kampilan patungo sa kaniya. Mabuti na lamang hangin lamang ang natamaan nito. Hindi rin siya tinigilan ng datu dahil sinugod pa rin siya nito. Hinawakan niya ang talim ng kampilan nito kahit nasugatan ang kaniyang palad kapagkuwan ay kinuha niya iyon sa kamay nito. Nang iwawasiwas nito ang isa pang kampilan inihampas niya ang nakuhang kampilan na ikinaputol ng kamay nitong may hawak sa isa pang kampilan. Sa nangyari nanakbo papalabas ang datu kahit na labis na nagdurugo ang naputol na kamay. Hindi na nito nagawang buksan ang pinto dahil sinipa na lamang nito iyon. Sa paglayo nito sa bahay mabagal lamang siyang naglakad palabas dala ang kampilan. Nang papasok na ang datu sa kakahuyan initsa niya ang kampilan dito. Sa bilis ng kampilan umikot iyon sa hangin hanggang sa tumarak sa likod ng datu na ikinabagsak ng pinuno sa lupa. Napaubo na lamang ang datu sa naging kalagayan nito, gayunman nakuha pa rin naman nitong gumapang. Naglakad siya patungo rito na mabagal pa rin ang paghakbang. Hindi naman nakalayo ang datu sa paggapang nito kaya nahawakan niya ang paa nito. Hindi nagkaroon ng pagkakataon ang datu na magsalita nang ibalibag niya ito nang makailang ulit na siyang naging dahilan kaya lalong bumaon ang kampilan sa likod nito. Nang bitiwan niya ang datu napatitig na lamang ito sa kaniya habang nakadapa. "Tama nga ang babaylan. Sa kamay ng taong nagtataglay ng karma matatapos ang aking buhay," ang nasabi pa ng datu sa pagtitig niya rito. Dahil nga wala naman siya sa katinuang pag-iisip walang naging kahulugan ang mga naging salita nito. Binunot niya na lamang ang kampilan sa likod nito sabay hawak sa mahaba nitong buhok. Pinugotan niya ito ng ulo na walang ano mang takot na nararamdaman. Matapos niya itong mapugotan pinagmasdan niya pa ang mukha nito habang saksi ang buwan sa kalangitan. Nang magsawa siya'y tinapon niya ang ulo ng datu't nanatiling nakatayo habang nakatingala sa kalangitan. Hindi niya pa rin binibitiwan ang kampilan kung saan tumutulo ang dugo ng datu. Matagal siyang nakatitig sa buwan na para bang nakikipag-usap siya rito't naiintindihan nito ang nararamdaman niya nang sandaling iyon. Naalis niya lamang ang tingin sa buwan matapos makarinig ng pagkabali ng tuyong mga sanga. Paglingon niya sa bukana ng kakahuyan naroong kalalabas lamang ng puting tigre at ng ahas. "Anong ginawa mo?" ang naitanong ng ahas sa kaniya. Nakasakay pa rin ito sa likuran ng puting tigre. Hindi niya naman ito nasagot dahil nga sa wala siya sa kaniyang sarili. "Nakuha mo pa siyang tanungin," ang nasabi naman ng puting tigre. "Nakikita mo na ngang pinapangunahan siya ng karma niyang taglay." "Hindi ba dapat natin siyang tulungan?" sumunod na saad ng ahas. Tumawa nang pagak ang puting tigre. "Sa tingin mo makikinig siya sa iyo sa kalagayan niya ngayon." "Mabuti na iyong susubukan natin kaysa naman hindi. Mawawalan tayo ng pagkakataon na makaalis dito." "Ikaw kung gusto mo. Gawin mo. Wala akong gagawin," ang huling nasabi ng puting tigre. Hindi na nasundan pa ang sinabi nito sa pagsugod niya sa mga ito kaya tumalon ang ahas paalis sa likuran ng tigre na siya ring pagbago ng anyo nito. Lumaki ang sukat ng ahas na pumulupot sa kaniyang buong katawan nang mahigpit. Hindi siya nakakilos dahil doon kung kaya nagsusumigaw siya na sa sobrang lakas umaalingawngaw iyon sa buong paligid. Lalo namang nagsilabasan ang maitim na apoy sa kaniyang katawan na siyang sumusunog sa balat ng ahas. "Gumawa ka nang paraan diyan. Hindi ko na makakaya ito," ang sigaw ng ahas sa puting tigre na pilit nilalabanan ang init ng apoy. Nailing na lang ng ulo ang puting tigre kapagkuwan ay tumalon ito patungo sa kaniya. Kinagat siya nito sa kaniyang balikat na nagpawala sa kaniyang ulirat kasabay ng paglaho ng pinapakawalan niyang apoy. Nang makitang wala na siyang malay tao lumuwag na ang pagkapulupot ng ahas sa kaniya't inalalayan pa siya ng mismong katawan nito na maihiga sa lupang nababalot ng mga tuyong dahon. "Dapat pala ay sinabi na natin sa kaniya na nagtataglay siya ng karma," ang naisatinig ng puting tigre habang nakatingin sa kaniyang mukha. "Hindi naman siya maniniwala. Hindi nga naniniwala sa atin na kailangan nating ng tulong niya," sambit naman ng ahas sa pagliit ng katawan nito. "Ano kayang nangyari sa kaniya kaya nagkaganito siya ngayon? Mabuti pa siguro'y tingnan ko ang loob ng bahay," dugtong nito sa paglingon nito sa abandunadong bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD