SA KAKAHUYAN, ang mga makakapal na dahong tumabon sa kalangitan ay marahang gumalaw sa ihip ng hangin sa ibabaw. Ang mga ito ay sumayaw sa musikang dulot ng mga maliliit na huni ng ibon, isang ritmong ang kalikasan lamang ang nakakagawa.
Dahil sa sitwasyong ito ang sinag ng araw ay lumusot lamang sa awang na tumatama sa mga lagas na dahon na sa lupa ay nakipag-isa.
Idagdag pa rito ang mga nakisabay na mumunting kulisap, lumipad ang mga ito mula sa mababang halaman at hinuhuli ang sinag sa himapapawid. Ngunit kahit ano pang gawin ng mga ito ay nanatili silang naghahabol, mistulang mga hangal na umaasang mabibigyan ang kahilingang maging katipan ng araw.
Sa kabila nito'y nakatulong ang mapangahas na gawi, sapagkat inilabas niyon ang taglay na ningning ng kanilang mga katawan. Patungo sa isang kahulugan lamang na ang lahat ng nilalang kahit na maliit ay nararapat na bigyan ng kahalagahan.
Ang isa sa mga kulisap ay napagod na't dumapo sa dahon sa ibabang katawan ng mataas na puno. Tumiklop ang makulay na pakpak nito kasabay ng paglalaro ng nguso, ang walong mga maninipis na mga paa ay humalik lamang sa pisngi ng dahon sa taglay na kagaanan.
Nabulabog ang senaryong ito nang magkaroon ng paggalaw sa mayabong na halaman sa kanan ng punong dinapuan ng kulisap. Sa paghawi ng mga dahon lumipad ang kulisap at humalo sa iba.
Mula rito ay lumabas si Limong na tanging bahag lang ang suot. Ang mga kamay niya ay dumulas sa berdeng dahon sa paglabas niya mula sa halaman. Inayos niya ang tumabinging laylayan ng bahag habang nakatingala sa mga kulisap. Kapagkuwan ay inalis ang dumikit na dahon sa kaniyang tagiliran.
Ang kaniyang mga paang walang suot na sapin ay maingat na humakbang. Pumailalim siya sa mga nagsilipad na kulisap. Itinaas niya ang kaniyang kanang kamay sa paglapit ng isang kulisap sa kaniya. Dumapo iyon sa dulo ng kaniyang hintuturo habang ang iba ay pumaikot sa kaniya. Ang kayumanggi niyang mga mata ay pinakatitigan ang mumunting kulisap.
Walang anu-ano'y mula sa kaliwa ay nagmula ang isang iyak ng isang mabangis na hayop. Pumunit iyon sa katahimikan ng kakahuyan na sinundan ng mga sigaw ng ilang mga tao. Dahil dito ay nagsiliparan ang mga ibon sa iba't ibang direksiyon. Maging ang mga kulisap ay nagsitago sa mga lungga ng mga ito.
Si Limong ay kaagad na kumilos mula sa kaniyang kinatatayuan. Nanakbo siya sa punong pinakamalaki sa dakong iyon na maraming baging, kinuha niya ang isang baging na nakakalay-lay ng isang dangkal ang layo sa lupa. Kinapit niya ang kanyang kamay mula rito't binuhat ang sarili paakyat.
Ang mga kamay niya ay mahigpit na nakakapit habang ang mga daliri sa paa ang pumipigil sa baging. Binilisan niya ang pag-akyat sa paglapit ng ingay. Pagkarating sa itaas, nangunyapit siya agad sa malaking sanga nang nanakbo sa dakong iyon ang baboy ramo na itim ang katawan, matutulis ang pangil ng hayop na umusli sa namumulang nguso nito. Nanakbo ang hayop sa direksiyong patungo sa dulo ng isla.
Nagtago siya sa likuran ng dahon na nasa sanga nang marinig ang pagsasalita ng isang lalaki.
"Dito tayo. Bilisan niyo," ang sabi ng mandirigmang si Talas na ang kangan na suot ay asul.
Lumabas ito mula sa mga halaman na nilabasan ng baboy ramo na nanakbo hawak ang isang sibat. Sa sinabi naman nito ay sumunod naman rito kaagad ang dalawang katao pa na sina Sinag at Binaol.
Mabilis na nagsitakbo ang mga ito upang masundan ang hayop. Ngunit ang nag-iisang binatilyo sa grupo na nagngangalang Sinugyaw ay natigil sa pagtakbo. Pinihit nito ang katawan patungo sa malaking kakahuyan na pinakakataguan ni Limong habang ang mga kasama ay nagpatuloy.
Tumingala ang binatilyo sa sanga kung saan naroon si Limong. Ang mga mata nito ay nakatitig habang inihahanda ang pana. Kumuha ito ng palasong isa na ang dulo ay matulis na bato. Inilagay sa pana't hinila kasama ang tali. Inihakbang nito ang paa nang marahan. Hindi ito nakatuloy nang tawagin ito ng mga kasama.
"Sinugyaw, ano pa bang ginagawa mo diyan!" ang malakas na sigaw ni Sinag. Dahil sa narinig, pinakawalan ni Sinugyaw ang palaso't binitbit na lamang iyon sa kaliwang kamay. Bago ito pumasok sa mga halaman ay tinapunan nito ng tingin ang sanga.
Sa pagkawala ni Sinugyaw ay doon na nakahinga nang maayos si Limong. Ngunit panandalian lang ang pagiging panatag ng kaniyang kalooban.
Hindi pa nakakatagal si Sinugyaw nang bumalik ang baboy-ramo sa pagtakbo sa pinanggalingan nito, ang apat ay nakabuntot pa rin sa habol ang hayop. Pati si Sinugyaw ay nanakbo na rin na nakatingin sa ibabaw ng sanga. Hindi na natigil ang mga halaman sa paggalaw na nadaanan ng mga ito.
Muling napahugot nang malalim na hininga si Limong sa paglayo ng ingay sa likuran ng punong pinagtaguan.
"Dapat talaga hindi na lang ako nagtungo rito," ang nasabi ni Limong sa kaniyang sarili.
Nagpalambitin siya sa sanga upang makababa. Ngunit nakarinig na naman siya ng ingay mula sa halamang pinasukan ni Sinugyaw. Binalak pa niyang ibalik ang sarili sa ibabaw ng sanga upang muling magtago kaya lamang ay hindi na niya nagawa pa.
Sa kasamaang-palad ang parti ng sanga na kinapitan niya ay madulas dulot na hindi pa natutuyo ang basa rito. Kung kaya nga't imbis na makaalis siya sa pagkalambitin tuluyan siyang nahulog. Sinubukan niya pang pigilan ang pagkahulog niya sa pamamagitan ng pagkapit sa isang baging na kalapit. Kaya lamang ay marupok ang baging na kaniyang nahawakan. Ang sanga ay lumayo sa kaniyang paningin sa pagbatak ng sansinukob sa kaniya.
Pahiga siyang bumagsak sa lupa sabay nagpakawala nang malakas na ungol dahil sa sakit ng likod.
Sa sandaling iyon ay bumalik si Sinugyaw na nakahanda na naman ang pana. Tinutok nito kaagad kay Limong na papatayo pa lamang hawak ang likod.
"Alam mong hindi ka dapat narito," ang mariin na sabi ni Sinugyaw. Ang mga kamay nito'y nakakapit talaga sa pana. Hindi man lang ito natatakot na magkamali ang kaniyang daliri na magtutulak sa kaniya upang masaktan si Limong. "Ang pag-alis mo sa tahanan ay isang pagtakas sa iyong responsibilidad. Sabihin mo kung ano anong ginagawa ng katulad mo rito?" Lalo pa nitong hinila ang dulo ng pana sa pagkilos ni Limong na inalis lang naman ang dahong kumapit sa kaniyang braso.
Binitiwan ni Limong ang dahon bago niya sinalubong ang masamang tingin ni Sinugyaw kasama na ang pana nito. "Sinasaksihan ko lang ang pangangaso niyo," ang kaniya lamang sabi. Hindi naman talaga siya nagsisinungaling sapagkat nais niyang gawin ang pangangaso kung hindi lang pinagbabawalan.
Nagiba ang kahulugan ng salitang nasabi niya sa anak ni Datu Silaynon. Ang kamay nitong hawak sa pana'y bahagyang umabante patungo kay Limong.
"Magdahan-dahan ka sa pananalita mo baka ano pang magawa ko sa iyo. Akala mo ba sa pagbago ng desisyon ni ama'y mababago rin ang tingin ko sa iyo," ang malamang sabi ni Sinugyaw. Naggitgitan pa ang ngipin nito sa paghahanda sa susunod na sasabihin. "Nagkakamali ka roon. Isa kang malaking sinungaling. Ang nararapat sa'yo bigyan pa ng ibang tungkulin upang hindi na makapaglakad-lakad."
"Iyon na nga't bakit mo pa ako kinakausap?" ang hindi niya maiwasang sabihin sa kausap. Kung magsalita ito ay tila wala silang pinagsamahan bago mamatay ang ina nito.
"Binibigyang pansin ko lang ang sitwasyon mo," pahayag ni Sinugyaw. Binaba nito ang pana nang makaramdam ng pangangalay. Sa lupa na lang nito tinutok.
"Hindi ko kailangan iyang sinasabi mo, kaibigan," sabi niya rito. Inikot niya ang kaniyang braso upang maalis ang kirot doon.
"Wala kang karapatang tawagin akong muli sa salitang iyan. Sa ginawa mong pag-agaw ng atensiyon ni ina na para sa akin, kinalimutan kong magkaibigan tayo," bulyaw nito sa muli nitong pagtaas ng pana.
Ang kakahuyan na nakapaikot sa kanila ay hindi man lang nakakatulong sa pag-silab ng kanilang mga damdamin. Malayo sa dati noong nagtatawanan pa sila habang hinahabol ang maliit na baboy ramo sa lugar na iyon.
"Nakakatawa, hindi ba Sinugyaw? Hindi ko ginawa ang iyang sinasabi mo. Sadyang mabait ang ina mo. Hindi ko kasalanan kung sa tingin mo'y hindi siya natuwa sa iyo. Palibhasa ang tanging alam mo lang ay pangsariling kasiyahan," saad niya na nagtulak kay Sinugyaw na pakawalan ang pana.
"Tumahimik ka!" sigaw pa nito sa pagsibad ng pana sa hangin, dumaan sa ibabaw ng balikat ni Limong kapagkuwan ay tumama sa katawan ng puno sa likuran. "Hindi mo kailanman maaring banggitin si ina," dagdag nito na balak pang dumagdag ng pana.
Natigil ang kamay nito sa itaas ng lagayan sa paglabas ni Oputon sa makapal na halaman sa bandang likuran ni Limong.
Pinutol ni Oputon ang halaman gamit ang pangtabas na may tatlong dangkal ang haba. Ang panang bumaon sa puno na nanginginig pa ang kaagad nitong napansin bago nito binaling ang tingin sa dalawa. Ginawa nito ang isang hakbang na pinaniwalaan ni Sinugyaw.
"Ipagpaumanhin mo ginoo kung nagulo ni Limong ang pangangaso niyo," ang sinabi kaagad ni Oputon nang ibaba ni Sinugyaw ang kamay nito. "Kanina ko pa nga siya hinahanap kasi ay nagkahiwalay kami."
Lumakad si Oputon papalapit sa kinatatayuan ni Limong. Sa likod nito ay nakasabit ang kumpol ng panggatong na hindi iba-iba ang haba. Natatalian ng tela ang mga kahoy na ang dulo'y sa dalawang balikat ng nito.
Pinagmasdan ni Sinugyaw ang lalaki at nilipat kay Limong. Dinala nito sa kaliwang kamay ang palaso. "Sa susunod bantayan mo nang maigi para makaiwas na magsuot siya sa kung saan-saan," ang huling sinabi nito.
"Masusunod po, ginoo," ang sinabi ni Oputon sa paghabol ni Sinugyaw sa mga kasama. Nilamon ito ng mga halaman na pinasukan nito. Ang mga dahon pa nga ay naiwang nagsasayaw. Sa pagkawala ni Sinugyaw doon na muling nagsalita ang matanda. "Ano bang pinag-awayan niyo? Mabuti na lamang napadaan ako rito." Pinagmasdan nito nang maigi si Limong upang makakuha ng matinong sagot.
Humugot nang malalim na hininga si Limong bago niya ibinuka ang bibig para sa matanda "Wala naman po. Hindi na ako nagtataka kung isang araw makikita ko na lang siyang sinusubukan pa ring iaangat ang sarili sa inakalang lupang binagsakan niya," ang sabi niya rito. Napatingin siya sa lupa't iniangat ang paa nang mayroong gumapang na maliit na alupihan na kulay puti patungo sa kanyang paa. Lumayo siya rito sa pananatiling nakatayo ng lalaki.
"Umiwas kang galitin ang katulad niyang maharlika. Mahirap na," ang sabi na lamang ni Oputon. Tinapik nito sa balikat si Limong. "Sumabay ka na sa akin baka may makakita pa sa iyo na ibang maharlika," dagdag nito na tinugon ni Limong ng tango.
Naunang humakbang si Oputon na tinutumbok ang daang tinahak nito patungo roon. Sa likod lamang si Limong na lumilipad ang isipan na malapit sa mga halaman ang paglalakad.
Sa paghakbang ni Limong ay narinig niya ang sagitsit ng isang ahas. Paglingon niya nga sa kanan ay bumulagta sa kaniya ang patuklaw na ahas na walang kasing itim ang kulay mula sa sanga sa likuran ng malalaking dahon. Lumayo kaagad si Limong upang hindi makagat ng ahas sa leeg. Maging si Oputon ay mabilis ding napalingon sa kaniya kasabay ng pagwasiwas nito ng hawak na pangtabas.
Nakabuka talaga ang bibig ng ahas, mapula ang loob niyon na tila napaliguan ng dugo, pinapakita ang matalim na pangil. Isang dangkal na lang ang layo nito kay Limong nang tumama ang talim ng hawak na pangtabas ni Oputon sa makaliskis nitong bahagi ng katawan kasunod lang ng ulo. Sa talas ng pangtabas lumantay lang iyon sa ahas na nagpahiwalay sa ulo nito na tumama pa sa dibdib ni Limong kapagkuwan ay nahulog sa lupa sa ibabaw ng natutuyong dahon. Ang naiwan namang katawan ng ahas ay dumulas sa sangang pinuluputan nito't nakisama rin sa lupa dalawang hakbang ang layo mula sa ulo.
"Mabuti na lamang at nahabol ko. Dahil kung hindi nanginginig ka na sana ngayon," ang nasabi ni Oputon nang linisin nito ang talim ng pangtabas gamit ang pinitas na dahon upang maalis ang kaunting dugong kumapit roon.
Si Limong naman ay pinagpag ang dibdib na tinamaan ng ahas na tila may dalang sumpa iyon. "Maraming salamat po, ginoo," ang nasabi ni Limong sa pagtitig niya sa ulo ng ahas. Ang mga mata nito'y dilat na nakatutok sa kaniya. Sumunod siya kaagad sa naglalakad muling si Oputon.
"Ano bang ginawa mo rito?" ang tanong ni Oputon nang putulin nito ang nakaharang na sanga ng isang halaman.
"Naisipan ko lang po na magtungo rito dahil may panahon. Dito po kasi'y nagiging malaya po ako," ang sabi niya na lamang. Dahil hindi naman niya masabi rito na may kung anong damdamin na nagsasabi sa kaniya na magtungo roon.
"Naintindihan ko," sang-ayon ng lalaki.
Sa paglayo ng dalawa ay hindi nila nasaksihan ang paggalaw ng dugo mula sa naputol na ulo ng ahas, lumusot sa mga tuyong dahon, umagos sa lupa hanggang marating ang naputol na katawan. Matapos na makipagtagpo ang dugo sa kalahating katawan ng ahas unti-unti namang gumalaw ito patungo sa ulo't nabuong muli.
Gumapang muli ang nabuhay na ahas na pinukulan ng huling tingin ang likod ni Limong kapagkuwan ay gumapang sa ilalim ng mga dahong tuyo sa lupa upang muling magtago.
Samantalang si Limong ay patuloy na nakabuntot sa matanda sa daang nagawa nito kanina. "Ginoo, may itatanong ako sa iyo," ang naisipan niyang itanong.
"Ano iyon?" usisa naman nito sa paglapit nila sa katapusan ng kakahuyan.
"Anong koneksiyon niyo sa isa't isa ni ginoong Mitos? Ilang beses ko na kayong nakikitang nag-uusap nang malayo," ang mabilis niyang sabi nang marating nila ang daan paibaba na natatanaw ang mahabang buhangin. Nakikita na rin dito ang dagat kung saan naroon nag-aantay ang balangay na may ilang dipa ang layo sa baybayin.
Huminto ang matanda sa paglalakad na ikinatigil din ni Limong. Lumingon ito sa kaniya na ang daliri ay nakalagay sa harapan ng bibig upang siya'y patahimikin. Ang mga mata pa nito'y malalim ang tingin sa kaniya. Pinagmasdan ni Limong ang hawak nitong pangtabas baka bigla siyang saktan katulad ng ginawa nito sa ahas.
Sa pagbalik nito ng atensiyon sa harapan wala na lang sinabi si Limong. Bumaba na lang din siya ng daan na kinuha ni Oputon upang makarating sa buhangin. Ang daan ay sa pagitan ng dalawang nagtagpong lupa na kinatutubuan ng mga kahoy patungo sa hilaga at ang lupang pababa sa mga kabahayan.
Hinanap nila ang daan nang maingat hanggang makarating sa buhangin kung saan nagpatuloy sila sa paghakbang. Naiwan ang kanilang mga yabag sa mapinong buhangin.
Si Limong ay napapatingin sa hindi kalayuan kahanay ng pasukan ng kabahayan. Si Lilim ay nakatayo rito habang ang ilang kasama ay naroon na sa balangay. Ang ibang kasamahan nito'y tinulak pa lang ang dalawang bangkang maliliit. Naiwan ang isang bangka kung saan nakatayo ang isang mandirigma. Ang ilang mga tao'y palakad-lakad din sa buhangin kalapit ng atubang na animo'y may inaantay.
Pagkarating nina Limong at Oputon rito'y naghiwalay na sila. Si Limong ay papasok ng mga kabahayan habang nakasunod ng tingin sa kaniya si Lilim. Samantalang si Oputon ay diretso lang sa paglalakad pauwi matapos na yumuko sa unahan ng balangay ni Datu Silaynon.
Si Limong ay natigil sa paglalakad nang tawagin ni Lilim ang kaniyang pansin. "Bata, halika ka rito't lumapit ka sa akin saglit," ang malakas na sabi nito.
Nilingon niya nga ito't pinagmasdan ang nakangiti nitong mukha. Ang katawan nito ay nakatago na naman sa balabal na kayumanggi. Nag-alangan siyang lumapit sa atubang ngunit nang mapansing may ilang taong napapatingin sa kanila, napilitan siyang lumapit dito.
"Ano ho ba iyon, ginoo?" ang walang siglang sabi ni Limong sa pagtayo niya sa harap ng atubang.
Si Lilim ay biglang natawa sa kaniyang nasabi na para rito ay isang nakakatawang bagay. "Ano ba iyang paraan ng pagtanong mo sa akin? Pakiramdam ko tuloy mayroon akong nagawang hindi maganda sa iyo, Limong," ang magiliw na sabi ni Lilim.
"Wala nga ba, ginoo?" patanong niyang sabi rito na lalo nitong ikinatawa. Napapatingin tuloy sa kanila ang mga kalapit na tao na akala'y kinakawawa si Limong na labis ding kinatuwa ng ilan na makikita sa mga ngiti nilang may bahid ng pangmamaliit.
"Labis akong natutuwa sa pakikipagusap mo sa akin ng ganiyan," ang sabi ni Lilim sabay tapik sa balikat ni Limong.
May kung anong naramdaman si Limong na mabigat na pakiramdam mula sa atubang hindi sa puwersa ng kamay nito kundi sa ibang bagay. Hindi niya lamang matukoy kung ano katulad na lamang ng ibang nararamdaman niya sa loob ng isla na iyon. Nasanay na rin siya na hindi gaanong binigyang pansin sapagkat wala namang siyang nakukuhang maganda kaya pinalampas niya lang ang naramdaman na parang hangin na napadaan.
Inalis ng atubang ang kamay nito sa balikat niya matapos ng tapik nito. "Magingat po kayo sa pag-uwi niyo," ang sabi naman niya na hindi bukal sa loob. Kinausap niya nang mabuti baka sa pagbisita nitong muli ilaglag siya kay Datu Silaynon.
"Maraming salamat bata. Pakitingnan na rin si Talas para sa akin," ang sabi ni Lilim. Tiningnan niya ito nang tuwid sa mga mata kung may iba pa ba itong ipinapahiwatig. Ang mga mata nitong kulay mais ay wala namang ibang pinapakita.
"Makakaasa po kayo ginoo," ang sabi naman niya rito.
Tinaas nito ang kamay sa labi sabay bumulong. "Huwag ka namang masyadong magalang. Mas gusto kong hindi ganoon ang pakikipag-usap mo sa akin. Mas makikilala kita kapag ganoon," ang nasabi nito nang mahina kapagkuwan ay binaba ang kamay.
"Ipagpaumanhin mo ginoo ngunit hindi ko masusunod ang sinasabi mo," aniya kay Lilim na muli nitong ikinatawa.
"Ikaw ang bahala, Limong. Paano aalis na kami. Inantay lang talaga kita. Tandaan mo ang sinabi ko ha. Kapag kailangan mo ng tulong hanapin mo lang ako," ang sabi nito sabay lumakad sa nagaantay na bangka.
Napapasunod na lang ng tingin si Limong sa atubang sa pagsakay nito sa gitna ng bangka na nakahawak sa lagayan ng layag. Tinulak ng mandirigma ang bangka hanggang lumutang sa tubig bago ito nagsagwan.
Hindi inalis ni Limong ang tingin sa papalayong bangka hanggang makarating ito ng balangay. Umakyat si Lilim sa katig patungo sa itaas ng malaking sasakyang pandagat. Nakuha pang kunaway nito kay Limong sa pagatras ng balangay dulot ng mga nagsasagwan.
Humugot nang malalim na hininga si Limong kapagkuwan ay umalis ng baybayin. Hindi na niya nilingon ang balangay sakay ang atubang kasama na ang tatlong maliit na bangka sa tubig. Minabuti niyang umuwi na lamang ngunit napatigil siya nang mapansin ang likuran ng dalawang timawa na kasama ng kaniyang ama pauwi ng mga tahanan nito sa gawing kanan niya.
"Mga ginoo! Sandali lamang!" pagtawag niya sa dalawa dahil hindi niya napansin ang mga itong dumating. Nanakbo siya papalapit sa mga ito para mahabol. Naisip na lang niya na hindi sa mahabang buhangin dumaong ang mga ito.
Nilingon naman siya ng dalawang timawa na basa nang kaunti ang mga kasuotan nang marating ang bahay na may bakod na kawayan. Namumutla din ang mga ito dahil sa paglalayag. Ang dalawang timawa'y nagkatinginan, nagusap sa pamamagitan ng tingin na kalimitang ginagawa ng mga ito.
"Ano ba iyon Limong?' ang sabi ng timawang si Aliguygoy. Nakatayo lang si Muong sa kanan nito.
"Nasaan na po si ama?" kaagad niyang tanong.
"B-baka nasa tirahan na nila," ang alanganing sabi ni Aliguygoy. Tumingin pa nga ito sa kasamang si Muong para humingi ng tulong kaso ang pangalawang timawa ay tila wala namang pinansin. Binalik na lang ni Aliguygoy ang atensiyon sa binatilyo.
Hindi nagugustuhan ni Limong ang pinapakita ng dalawa sa kaniya, pakiramdam niya ay mayroong mali. "Saan po ba kayo dumaong? Parati ko po kayong inaantay," ang nasabi niya sa dalawang timawa.
"Sa lapus-lapus kami dumaong," ang sabi ni Aliguygoy. Alam niya ang sinasabi nito na lugar na nasa likuran ng mataas na bangin. Lalo lang siyang nagtaka kasi kung doon ang mga ito, malayo pa ang lalakarin makarating lang sa mga kabahayan. "Alis na kami. Magpapahinga pa kami."
"Pasensiya na po. Maraming salamat mga ginoo," ang panghuli niyang sinabi sa dalawang timawa na lumayo na rin kaagad. Nagbulungan pa ang mga ito na malinaw niyang narinig.
"Dapat sinabi talaga natin," ang sabi ni Muong.
"Bahala na si Silakbo. Problema na niya iyon. Tapos na ang responsibilidad natin kaya mas maiging magpahinga na lang tayo," ang sabi ni Aliguygoy sa tuluyan nilang paglayo.
Sa nalaman ay kaagad siyang nanakbo patungo sa tirahan ni Datu Silaynon. Napapatingin sa kaniya ang mga nadaanang ibang tao kahit ang mga tagahabi sa bilis ng pagtakbo niya sa paghahabol ng kung ano. Tumigil lang siya sa pagtakbo nang makita ang grupo ni Sinugyaw kasama ang nakakatandang kapatid na si Sinag, ang mandirigmang si Binaol at si Talas. Sa unahan ang magkapatid bitbit ang kaniya-kaniyang sibat at palaso samantalang nasa hulihan si Binaol buhat ang walang buhay na baboy ramo sa likod na sinundan naman ni Talas.
Masama ang tingin na pinukol ni Sinugyaw kay Limong na nabaling sa naglalakad na si Silakbo mula sa tirahan ng mga alipin kung saan banda din nilalagak ang mga namamatay.
"Nakakatandang kapatid. Kumusta ang paglalayag?" ang kaagad na bati ni Sinugyaw. Sinalubong pa nito si Silakbo na hindi naman nagsalita't ginulo lang ang ulo ng nakakabata.
Sumabay ng lakad papasok ng tirahan si Silakbo sa apat na hindi pinagkaabalahang bigyan pansin ang nakatayong si Limong.
Nais niya sanang sundan ang mga ito ngunit mayroong nagsasabi sa kaniya na magtungo muna ng lagakan. Siya nga ay tumakbo patungo rito sa pagpasok nang tuluyan ng grupo sa tirahan ng datu.
Ang daan ni Limong ay nahanap niya sa paglampas sa mga punong niyog at kahoy, pati ang mga patatsulok na tirahan ng mga alipin sa gigilid na tulad niya'y nadaanan niya rin. Hindi siya namahinga nang makarating sa lagakan ng mga namamatay.
Tumaas ang kutob niya nang makita ang mga anim na mandirigmang nagbabantay na walang kalasag at sibat na hawak. Nakatayo lang ang mga ito na nakaharang sa daan papasok ng lagakan sa pagitan ng dalawang punong kahoy, matapos ng dalawang puno'y mayabong na mga halaman na nakapaikot sa puwang na lupa na kinalalagyan ng lagakan.
Masama ang tingin ng mandirigmang nasa gitna nang makalapit siya rito.
"Mga ginoo paraanin niyo ako," ang sabi niya na pinilit silipin ang kubong walang sara. Bubong lang nitong pawid ang nakikita niya katabi ng punong maliit na bilugan ang dahon. Nililiman ng puno ang kubo.
"Hindi maari iyang sinasabi mo bata. Mas mabuti pang bumalik ka na roon at samahan mo ang iyong ina," ang sabi ng mandirigma sa gitna.
Sa narinig niya mula rito'y lalo siyang naghinala. "Paraanin niyo sabi ako mga ginoo," pagpupumilit niya't pilit na lumusot sa pagitan ng dalawang mandirigma. Napigilan siya ng mga ito sa balikat.
Sa paghila ng mga ito sa kaniya nasilip niya ang paa ng nakahigang wala ng buhay na si La-in. Natatabunan ang katawan nito ng tuyong dahon ng niyog. Hindi man siya sigurado na ang ama niya iyon ngunit nanghina pa rin siya kaya natulak siya ng dalawang mandirgma na ikinabagsak niya sa lupa.
Napaupo siya sa lupa sa panghihina ng kaniyang katawan na tinakasan ng sigla.