Kabanata 14

1890 Words
ANG BALITANG patay na si La-in ay mabilis na kumalat sa buong Malayo kasing bilis ng apoy na tumutupok sa mga talahib. Nangyari ito matapos na mayroong mapadaan na magsasaka mula sa palayan sa lagakan kung saan nakatayo pa rin ang binatilyo. Hindi inalis ni Limong ang tingin sa limang mandirigma. Siya ay nagbabakasakaling umalis ang mga ito at iiwan ang lagakan kaya magkakaroon siya ng pagkakataon na lumapit sa bangkay ni La-in. Mayamaya pa'y nagsidatingan ang iba pang mga mamayan ng isla upang makiisyoso lamang. Nagkatipon ang mga ito sa daan at doon nagbulungan patungkol sa tunay na nangyari kay La-in. Ang titig ng mga ito'y hindi mababanaagan ng pagkaawa o alin mang simpatya sa namatayan. Kung kaya nga malayo ang mga ito sa puwesto ni Limong na mahigit sampung hakbang. Sa pananatili ni Limong na nakatayo'y pinabayaan niya lang ang mga taong magbulongan. Ano pa nga ba ang halaga niyon gayong hindi naman nila alam ang tunay na nangyari. Nabuo lang ang haka-hakang ang pamilya nila ay isang kamalasan ---- isang bagay na matagal ng tumatak sa mga ito. Ang mga tao ay biglang nagsitabi nang isang ginang ay dumaan sa gitna ng mga ito. Nagbigay sila ng daan para sa ina ni Limong na animo'y nakadikit sa ginang ang isang sumpa. Kung kaya nakapagpatuloy sa paglalakad ang ginang na walang nabangga na alin man sa mga nakikiisyoso. Sa mukha ni Ilaya ay nakaguhit ang takot sa paglapit nito kay Limong. Ang katawang nanghihina ay binalot ng balabal na itaas lamang ang naabot, sinuot nito iyon upang maikubli sa paningin ng kaniyang anak. "Halika ka na Limong. Mabuti pang doon ka muna sa tirahan namin," ang malumanay na sabi ni Ilaya. Ang tinig nito ay hindi nagbibigay ng kalungkutan na ikinabahala ng binatilyo. Ngunit hindi pa rin naman si Limong nagtanong patungkol doon. "Pero ina baka saan nila dalhin si ama. Paano kung basta lang nilang ilibing na hindi man lang tayo nakakabigay ng panalangin?" saad niya. Pinagmasdan niya ang mukha ng ina na nasa lagakan ang tingin kapagkuwan ay binalik niya na rin ang tingin doon. Mahahalata sa pagtaas-baba ng balikat ng ginang ang paghugot nito nang malalim na hininga. "Huwag kang magalala anak hindi hahayaan ng mahal na datu iyon," paniniguro ng ginang. Hinawakan nito ang anak sa balikat at pinisil iyon. "Isa sa pinakagusto niyang alipin ang ama mo kaya alam kong bibigyan niya tayo ng panahon para makapagbigay ng panalangin." Hindi na nakatakas kay Limong na iba ang paraan ng pananalita ni Ilaya kaya doon na niya ito kinuwestiyon. "Sabihin mo nga sa akin ina bakit pakiramdam ko ay alam mo na mangyayari ang ganito?" saad ni Limong na may diin nang kaunti upang masabi ng ginang ang nais niyang malaman. Binaling ng ginang ang tingin sa anak. Hinawakan nito sa dalawang balikat kapagkuwan ay hinarap. "Sapagkat," wika nito nang pabulong, "mula pa ng isilang ka'y alam na naming hindi hahaba pa ang aming buhay. Pareho naming alam kung gaano kadelikado sa labas ng Malayo." "Kung gayon bakit niyo pa hinahayaang maglayag si ama?" tanong niya rito sa hindi inasahang sinabi nito. Hinaplos ng ginang ang buhok ng anak sa patuloy nitong pagsasalita. "Dahil iyon ang hilig ng iyong ama noon pa man." Binaba nito ang kamay sabay hawak sa braso ng anak upang igiya itong maglakad. "Halika ka na. Sa tirahan namin ng iyong ama ipagptuloy ang ating pag-uusap. May makarinig pa sa ating ibang tao," dagdag nitong pabulong. "Hindi na ina," pagtanggi niya rito. "Mananatili ako ----" "Sumama ka sa akin Limong," putol nito, "dahil importante ang sasabihin ko sa iyo." Sa sinabi ng ina'y napatingin na lang nang tuwid si Limong sa mukha nito. Nang humakbang ito'y napasunod na lang din siya na hawak siya sa braso. Dumaan sila sa daan na ginawa ng tao para sa kanila. Tuwid silang naglakad at taas ang mga noo sapagkat wala naman talaga silang ginawang hindi maganda sa islang iyon na malayo sa tingin ng mga tao. Sadyang ang takbo ng buhay ni Limong na nakalaan para sa kaniya'y iba sa normal. Walang namutawi na mga salita sa mag-ina sa kanilang paglalakad palayo ng lagakan, paikot ng harang na mga puno't halaman ng torogan, hanggang makarating sa pasukan ng tirahan. Ang tingin ng mga tao ay ganoon pa rin na hindi man lang nagbago nang kaunti. Kahit nang makapasok sila ng tirahan ng datu naroon pa rin ang tinging mapanghusga ng mga taong nakakasalubong nila. Nagpatuloy lamang sila hanggang makarating sa kubo nina Ilaya. Si Limong ay napalingon pa sa torogan sa ingay ng paguusap roon. Nakapaikot ang mga mandirigma rito upang mapigilan ang nais na makinig sa malapitan. Ang ginang ay naunang umakyat ng hagdan na may tatlong baitang na bilugang kahoy. Sa pagbukas nito sa sara ay doon na sumunod si Limong sa ilalim ng tingin ng ina na doon lamang nabahiran ang mga mata ng lungkot. Umakyat si Limong ng hagdan sa pagtabi ng ginang. Pagkaupo niya sa sahig ay sinara ng ginang ang pinto kapagkuwan ay lumapit ito sa malayong tabi ng kubo sa nilalagyan ng mga damit at banig ng mga ito. Sa likuran ng kumpol ay mayroon itong inilabas na sisidlan na gawa sa matigas na gumagapang na halaman, may dalawa itong tali na isinasabit sa dalawang balikat. "Ano iyan ina?" ang naitanong ni Limong na ang mata ay sa dalawang dangkal na sisidlan. "Para saan iyan?" dagdag niya nang mahiwagaan. Huminga ang ginang kapagkuwan ay binuksan ang sisidlan sa bibig nito, inalis ang nakasabit na tali sa bilugang pangsara. "Laman nito ang mga pilak na inipon namin para sa iyo." Tiningnan pa nito ang loob. "May punyal na rin dito kung kailanganin mo." "Hindi kita maintindihan ina." Sa narinig ay napagisip-isip ni Limong ang isang bagay. "Para bang nais mo akong paalisin ----" "Kailangan mo talagang umalis anak," sabi nito ng marahan na ikinaputol ng sasabihin ni Limong, " ngayon pang wala na ang iyong ama at lalo na kapag wala na rin ako." "Ina naman," bulalas niya dahil sa narinig. "Huwag kang magsalita ng ganiyan. Kakamatay pa nga lang ni ama. Iba ang inilalabas ng bibig mo. Pakirawi ko, ako ay iyong iiwan din." "Anak, alam namin pareho ng ama mo na ganoon ang kahahantungan namin." Sinara nito ang hawak na sisidlan. Inilagay nito ang mukha ni Limong sa kaniyang mga palad at nagsalita ng halos malapit sa bulong, "Dahil taglay mo ang isang karma na nakuha mo noong ika'y isilang." "Anong karma ang pinagsasabi mo ina?" Hinawakan ni Limong ang kamay ng ina. Nilagay sa isipan ang kung gaano kalambot iyon. Kung tama nga ang sinasabi nito'y baka magkahiwalay sila nang matagal. Pinaglaro ng ginang ang hinlalaki sa pisngi ni Limong. "Iyan ang kadiliman na nakuha mo dahil napaliguan ka ng dugo ng demonyong kayamuan na pumaslang sa iyong tunay na ina," pahayag ni Ilaya na ikinagulat ni Limong. Inalis niya ang kamay ng ina kapagkuwan ay sa malayong sulok ng kubo binaling ang mata. "Tama na ina," ang kaniyang sabi. "Hindi ko nagugustuhan ang mga narinig ko mula sa iyo." "Anak kailangan mong makinig sa akin. Baka ito na ang huling pagkakataon na magkausap tayo," pagpupumilit ng ina. Kailangan talagang sabihin nito ang lahat. "Nag-iisa lang ang magulang ko ina. Huwag kang magsalita na mayroon pa akong magulang liban sa inyo." Matapos ng sinabi'y tumayo siya mula sa pagkaupo. Tumabi sa bintana kung saan masisilip ang torogan, ang mga mandirigmang nakapaikot, at ilang maharlika na masayang naguusap kalapit ng puwang na lupa. "Iyon ang totoo Limong. Hindi ka namin anak ng mahal kong si La-in," pagsisimula nito. "Makinig ka naman sa akin para naman masabi namin ng iyong ama na ginawa na namin ang lahat para maging ligtas ka. Alam mo Limong dahil nga sa napaliguan ka ng dugo ng demonyong kayamuan parati ng nakabuntot sa iyo ang kapahamakan. Kaya nga pinili namin ng iyong ama na manatili dito sa isla upang kahit papaano'y mabawasan iyon. Nang ipanganak ka ng iyong ina'y dinalaw siya ni Kasmir upang maging katawan niya ang batang ikaw para magkaroon siya ng pagkakataon na matagal na manatili dito sa mundong ibabaw. Ngunit hindi niya iyon nagawa dahil inalay ng iyong ina ang kaniyang buhay para maligtas ka lang. Sa amin ka hinabilin ng iyong ina dahil matalik kaming magkaibigan. Kaya Limong kung mawawala na rin ako dalhin mo ito." Hinawakan pa nito ang sisidlan. "Magpakalayo-layo ka. O mas mabuting tumungo ka sa iyong amang nasa malapad na kalupaan. Naintindihan mo ako?" Binalik niya ang tingin sa ina. Sa dami ng sinabi nito'y natahimik siya sa pagsiksik ng mga nalaman sa isipan. "Gawin mo ang sinasabi ko sa iyo, maari ba?" pagmamakaawa nito. "Para hindi masayang ang pagpapalaki namin sa iyo ng iyong ama." Inilihis niya ang mata sa ina sa nakitang kalungkutan sa mata ng ginang. "Lalabas lang ako ina," paalam niya rito at bumaba ng hagdanan upang mag-isip. "Huwag kang lalayo Limong," narinig niya pang sabi ng ina sa kaniyang likuran. "Babalikan ko lang si ama, ina. Huwag kang mag-alala," saad niya sa paglayo sa kubo. Hindi siya lumingon sa kaniyang paglalakad lalo pa nang marinig ang pagsisimula ng paghagulhol ng ina. Hindi niya maalis ang tingin sa torogan. Naglalaro sa kaniyang isipan kung ano ang pinaguusapan ng mga tao sa loob niyon. Tumuwid lang siya sa paglalakad nang mayroong tumawag sa kaniya. Ang dalawang timawa na sina Aliguygoy at Muong, nakapagpalit na ang mga ito sa luntiang kangan. Ang mga ito ay nakatayo sa likod ng punong niyog. "Limong, halika. Mayroong kaming sasabihin sa iyo," pagtawag ni Aliguygoy kay Limong kaya napapatingin siya ng tuwid dito. "Hindi na kaya ng aming konsensiya kaya sasabihin na namin sa iyo ang tunay na nangyari." Sa huling narinig ay hinayaan na nga niya ang sarili na pakinggan ang ibabalita nito. Humakbang siya nang makailang ulit papalapit sa mga ito. "Ano naman iyan?" usisa niya sa kaniyang pagtigil. "Buhay pa sana ang iyong ama pagkahanggang ngayon kung hindi dahil lang kay Silakbo," ang mahinang sabi ni Aliguygoy upang si Limong lamang ang makarinig. Nakuha pang tumingin nito sa mga taong nagkalat sa paligid bago ibanalik ang tingin kay Limong. Ang dalawang kilay ni Limong ay nagkasalubong sa nalaman. "Sabihin niyo sa akin kung bakit iyan ang lumalabas sa bibig niyo mga ginoo?" aniya na pinipigilan ang namuong pagputok ng damdamin. Nagkatinginan ang dalawang timawa kapagkuwan si Aliguyoy ang nagpanimula. "Si Silakbo kasi," panguna nito, "hindi nakinig sa iyong ama kaya tumaob ang aming bangka. Alam siguro ng iyong ama na iba ang naging panahon nang madatnan kami ng bagyo. Ngunit itong si Silakbo nga ay nagmagaling kaya nalunod ang iyong ama sa tubig nang mayroong tila humila sa kaniya." "Ligtas sana siya kung hindi kami bumagsak sa tubig sa tingin ko," segunda pa nitong si Muong sabay baling sa kasama. "Hindi ba Aliguygoy?" "Tama nga iyang sinasabi mo Muong," pagsangayon ni Aliguygoy na inilipat ang tingin kay Limong. "Kaya talaga kasalanan ni Silakbo kaya namatay ang iyong ama. Paano aalis na kami." Naglakad na nga ang mga ito palabas ng tirahan ni Datu Silaynon. Para sa mga ito ay tama lang na sinabi nila kay Limong ang nangyari. Samantalang si Limong ay naiwan na naikumyos ang kamao. Pinihit niya ang katawan patungo sa torogan, mapapansin ang matalim na tingin niya para rito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD