Kabanata 15

2530 Words
ANG BULWAGAN ay napuno ng ingay ng paguusap ng mga atubang habang sa nakaupo sa upuan nito ang datu. Si Silakbo naman ay nakapuwesto sa gilid sa pagitan ng mga atubang at ng kaniyang ama. Sa harap niya ay nakalatag ang tela na hinainan ng mga prutas, halamang ugat at mainit na sabaw na nakasilid sa malalim na platito na gawa sa putik. Sa likuran niya ay ang aliping babae na nag-aantay sa susunod na pagsalin. "Sinasabi ko nga sa inyo na totoo ngang nagsisimula namang lumabas ang kasamaan sa mundo. Posible din na kagagawan ito ni Homobono," ang walang takot na sabi ni Morso. "Wala namang nakakaalam kung tunay kang siya'y naglaho sa pagkalat ng usok niya nang siya ay paslangin. Marahil pinapaglagay lang ng mga apo na wala na nga siya. Hindi rin tayo sigurado na tunay ngang nagpaalam na ito katulad ng sabi ng ating mga ninuno." Sa unahan ito ng unang hanay ng atubang katabi sina Kiras, sa kaliwa at si Gasang, sa kanan naman nito. Ang mga atubang naman sa tatlong hanay pa sa likuran ng mga ito ay napapatango sa mga narinig. Nakipagbulungan sa mga katabi sa paglabas ng kanilang opinyon na hindi naisatinig sa datu. Inayos ni Kiras ang kaniyang pagkaupo, pinakatitigan ang katabi. "Tinatakot mo ang mga taong narito Morso," ang matapang niyang sabi. Samantalang ang datung nakaupo ay mataman lang na nakatingin sa mga ito, ang dalawang tainga ay bukas sa pakikinig ng mga opinyon. Habang sa isipan din ay naglalakbay ang mga katanungan at haka-haka patungkol sa nangyari kay La-in. Kung ipapagpalagay kung sino ang mas marami ang nalalaman sa ganoong bagay, higit siyang nakakaalam. Sapagkat isa siya sa naging saksi sa paglaganap ng kasamaan nang mangyari ang digmaan bago siya maging isang datu kasama na ang iba pang mga namumuno sa kalupaan. Mas pinili niya lamang na mamalagi sa Isla Malayo dahil dito'y ligtas din siya sa inasahang pagbangon ng kadiliman. "Hindi ako nananakot," paanas na sabi ni Moros kaya sumama ang tingin ni Kiras. Samantalang si Gasang ay malalim ang pagiisip na malayo ang tingin. "Dahil iyon ang totoo. Tingnan mo ang nangyari kay La-in." Itinaas pa ni Moros ang kamay upang mabigyang diin ang mga sinabi. "Sadyang nalunod lamang siya Morso," saad ni Kiras. "Hindi rin tayo sigurado diyan," pagsingit ni Gasang kaya lalong sumama ang mukha ni Kiras. Naputol ang kanilang palitan ng opinyon sa pagsasalita ni Datu Silaynon. "Iyon na ba talaga ang nangyari Silakbo?" wika ni Datu Silaynon na ang tingin ay sa panganay na anak. Natigil sa pagkain si Silakbo, ibinaba ang hawak na kamoteng kahoy kapagkuwan ay humigop ng sabaw at siya ay nagsalita, "Opo ama. Nang malagay kami sa bagyo patungo sa Sibuyan pumailalim na lamang bigla ang alipin na iyon." Hindi itinaas ng mandirigma ang kaniyang tingin kay Datu Silaynon, pinanatili sa mga pagkain sa kaniyang harap. "Hinabol ko pa nga siya sa paghawak ko sa lubid niya kaya lamang ay naputol na ito." Ang mga atubang naman ay dito ang atensiyon, ninamnam ang mga pahayag ni Silakbo. "Narinig niyo!?" bulalas ni Morso na pinaglipat-lipat ang tingin kay Kiras at Gasang. "Sinasabi ko pa nga sa inyo na mayroong humila sa kaniya na kung ano sa ilalim ng tubig. Hindi lang tayo sigurado kung ano." Pumilantik ang kaniyang suot na balabal ng alisin niya sa natabunang tuhod na kaniyang ibinaba upang pumantay sa sahig. Pinagpahinga pa niya ang dalawang kamay sa mga tuhod sabay tuwid ng likod --- inalis ang lamig na nabuo roon dulot ng matagal na pagupo. "Huwag kang magpatawa," mariin namang sabi ni Kiras. Ang mga kasama nilang atubang sa likod ay lalong nagbulungan. "Mapaglaro ang isipan mo. Sa tingin ko ay sumabit lamang ang lubid niya sa matulis na bato kaya ang buong akala ng kasama niya mayroong humila sa kaniya." Hinarap ni Kiras ang mas batang atubang. Nagkasubukan pa ng tingin ang dalawa "Iyon nga rin po ang naiisip ko dahil mabato ang tubig sa harapan ng Sibuyan," ang sabi nama ni Silakbo. Si Datu Silaynon ay pinatong niya ang siko sa hawakan ng upuan sabay pinatong ang mukha sa mga daliri na dumikit sa kaniyang kilay. "Hindi pa rin tayo sigurado diyan. Paano kung totoo nga ang sinasabi ko? Anong magagawa natin?" pagpupumilit ni Morso. "Kung totoo man iyang sinasabi mo Morso? Ano namang dahilan kaya nagbabalik ang kadiliman sa sansinukob?" ang naitanong naman ni Gasang na kanina pa nakikinig. "Ang naiisip ko lang ay may nagtatago rito na may karma sa kanilang sarili. Hindi ba't may kinalaman din ang karma kay Homobono sa ilalim ng kapangyarihan ni Kasmir," wika ni Morso sa katabi sabay baling ng tingin sa datu na malalim ang iniisip. "Alam niyo naman po iyon mahal na datu hindi ba? Dahil kung may karma masusundan ka ng kadiliman saan ka man pumunta." Si Gasang ay napahawak sa kaniyang dibdib sa pagsasalita ng datu. "Alam mo rin siguro Morso na hindi makakagalaw ang masasamang espiritu sa sansinukob kung walang katawan ng tao," pahayag ni Datu Silaynon kapagkuwan ay inalis ang kamay sa mukha. "Iyon nga po mahal na datu kaya nga namatay si La-in. Sa tingin ko ay sinubukan ng demonyo na kunin ang katawan niya upang malaya siyang makagalaw dito. At mukhang hindi siya nagtagumpay," dagdag na saad ni Morso sa datu. Ang lahat ng mga taong naroon ay napako ang atensiyon sa pinuno. "Ibig mong sabihin ay may karma na nakuha si La-in? Ganoon ba?" tanong ni Datu Silaynon. "Marahil," sabi na lamang ni Morso. "Marahil ganoon din ang anak niyang si Limong," ang nasabi ni Gasang sa naging usapan."Tingnan mo't nasabi niyang nakita niya si Kari-a. Sa tingin niyo nakakakita siya ng kaluluwa dahil sa karma? Hindi iyon mangyayari kung walang mali sa sarili mo." Tumahimik saglit ang bulwagan nang mabanggit ang ganoong bagay. Ang lahat ay nalunod sa lalim ng pag-iisip na naputol lang sa pagsasalita ni Datu Silaynon. "Ano bang naisipan mo Silakbo't sa Sibuyan pa kayo dumaong?" usisa ni Datu Silaynon dahil maging siya ay naguguluhan sa naging rota ng paglalayag nina Silakbo. "Ang alipin po ang nagdala sa amin doon ama.Saka malayo po ang isla sa sinasabi ng karamihan. May tao na po roon na hindi na namin nakausap kinaumagahan dahil umalis na rin kami kaagad," pahayag ni Silakbo na nagtulak sa mga naroon na magbulungan muli. "Sinasabi ko sa inyo may mali sa alipin na iyon," ang komento ni Morso na hindi gaanong binigyang pansin ni Datu Silaynon. Pinagpatuloy ng datu ang pakikipagusap sa anak. "Matagal nang nakatira rito ang pamilya ni La-in walang mali sa kanila," ang nasabi ni Datu Silaynon kahit hindi rin sigurado. Ang alam niya lang ay naging maayos naman ang pamumuhay ng mga ito roon kasama ng pangkat nila. Nagulo lang iyon dahil sa sinabi ni Limong na nakita nito si Kari-a na nadagdagan pa ng pagkamatay ni La-in. Ang alam niya'y may kung sino na pinaglalaruan ang kaniyang nasasakupan. Kahit sa pagkamatay ni Kari-a ay hindi na rin siya nakumbinsi na namatay nga ito sa kamay ni Talas. "Pasalamat ka Silakbo sa kaniya't nabubuhay ka pa dahil sa kaniya," dagdag niya kapagkuwan ay binaling ang atensiyon kay Kiras nang ito ay magsalita. "Mahal na datu pero hindi sila kasali sa pamilyang kasama mo na magtungo rito." Hindi na pinilit ni Kiras ang sariling opinyon. "Kilalang-kilala ko si La-in kaya alam kong wala siyang tinatago sa akin," pinaleng sabi ni Datu Silaynon. "Gayon ay hindi ka naniniwala sa mga sinabi namin mahal datu?" tanong naman ni Morso. Nagkatinginan ang mga atubang sa ilalim ng tingin ni Datu Silaynon. "Hindi ako nakakasigurado sa mga sinabi niyo. Mabuti pang ipadala sa babaylan ang katawan ni La-in para siya ang makapagsabi sa tunay na nangyari rito," paliwanag ni Datu Silaynon na ikinabuntong hininga ng mga atubang. Wala ng sinabi ang mga atubang, hindi na nilabanan ang desisyon ng datu. "Tama po kayo mahal na datu," ang nasabi na lang ni Kiras. "Silakbo, ikaw na lang ang manguna sa pagtungo roon. Isama mo ang mga kapatid mo pati na rin si Talas. Ikaw na ang bahala kung magdadala ka pa ng ilang mandirigma," utos ni Datu Silaynon sa panganay na anak. Ang dalawang atubang na sina Morso at Gasang ay hindi na rin kumibo kasama ng iba pang kasamang atubang. "Opo ama. Masusunod," pagsangayon na lamang ni Silakbo. Hindi mababali ang desisyon ng kanyang ama. Tumayo ang datu mula sa kaniyang kinauupuan. "Umalis kayo kaagad bago pa may mangyari na iba. Daanan niyo na rin ang dalawang tagamanman, isama niyo sa pagtungo niyo sa babaylan," ang sabi nito kapagkuwan ay lumakad na patungo sa daan papasok ng tulugan. Si Silakbo naman ay tumayo na rin pagkaalis ng kaniyang ama. Iniwan ang mga pagkain na niligpit kaagad ng nagaantay na alipin. Sa paglalakad niya ay nagbulungan na naman ang mga atubang. Tumuloy siya ng lakad hanggang makalabas, sa paglalakad niya'y nakasalubong niya si Limong. Makikita sa mukha ni Limong ang galit. "Ginoo bakit ginawa mo iyon sa aking ama? Nakinig ka na lang sana buhay pa sana siya ngayon," ang kaagad na sinabi ni Limong pagkalapit niya sa mandirigma. "Tumahimik ka alipin," mariin na sabi ni Silakbo sabay sakal kay Limong. "Isa kang hangal para sabihin mo sa akin ang ganiyan." Tinulak ni Silakbo si Limong matapos ng binitiwang mga salita kung kaya'y bumagsak ang binatilyo sa lupa. Ang ibang nakasaksi ay napatingin na naman sa nakahigang si Limong. Sa mga mata nila ay nakaguhit ang pagkasuklam. ANG DALAWANG tagamanman na inatasang magikot sa kagubatan ng Malayo ay lumabas ng kakahuyan at namahinga sa tabi kung saan matatanaw ang look na may maikling puting buhangin. Ang magkabilang dulo ng katapusan ay ang mabatong tabi ng isla. Sa pagitan ng buhangin at ng dalawa ay ang pababang lupang natatakpan ng mga maliit na puno, mga masasamang damo at mga batong umusli sa buhangin. Naupo ang dalawa sa batong nasa tabi ng may kaliitang puwang ng lupa, naliliman sila ng dalawang malalaking puno. Ang mga mata nila ay sa humahampas na alon sa buhangin sa ibaba. "Narinig mo ba iyong tungkol kay Kari-a?" tanong ni Tiki. Inalis niya sa likod ang dalang bahagi ng kawayan na may lamang tubig. Uminom siya sa pagsasalita ng kasama. "Anong tungkol roon?" patanong na sabi ni Takdo nang iabot ni Tiki ang hawak na lagayan ng tubig. Siya naman ang uminom ng tubig na tumagas sa bibig niya. Binalik niya ang takip na kahoy sa butas niyon kapagkuwan ay inaabot kay Tiki na muli nitong sinabit sa likod ng balikat. "Nababaliw ka ba? Nagpunta ka lang rito na hindi mo alam," ang nasabi naman ni Tiki na hindi makapaniwala sa narinig mula sa kasama. "Hindi ko na tinanong dahil alam mo na rin naman. Ano nga bang tungkol sa kaniya?" pagpapatuloy ni Takdo. Kumuha siya ng makinis na bato sa lupa at inabala ang sarili sa pagpapatalas ng kampilan. "Nabuhay daw si Kari-a." Nakatingin lang naman si Tiki sa ginagawa ng kasama. Sa pagkiskis ng bato sa talim ng kampilan napapangiwi ito. "Nakita ng batang si Limong," dagdag na sabi ni niya. "Limong?" Natigil sa pagpapatalas si Takdo. Sinalubong ang tingin ng kasama." Iyong anak ni La-in?" tanong ni Takdo nang itapon niya sa lupa ang bato. "Oo, ang batang iyon. Kaya nga tayo narito na naman sa kagubatan dahil sa pagiging iba niya sa lahat ng mga bata. Wala naman tayong magagawa kailangan nating sumunod. Nakakatulong naman ito sa ating pamilya," ang mahabang sabi ni Tiki. Inalis niya ang gumapang na mga langgam sa paa sabay taas sa bato na kinauupuan. "Sino naman ang may nais na magikot sa kagubatan para makasigurado kung nabuhay nga si Kari-a? Masyadong delikado dito," ani Takdo na may nakakalokong ngiti. "Tayong dalawa. Kaya nga tayo ang napili," sabi pa ni Tiki na napangiti na rin. "Basta dating gawi, babalik tayo matapos ang limang araw. Huwag na tayong umalis rito baka mamaya niyan hindi talaga tayo makabalik." Itinaas ni Takdo ang kaniyang kamay na nakaturo ang daliri kay Tiki. Tumango-tango si Tiki sa sinabi ng kasama."Ang taong nais magpakamatay ang maaring umikot sa kagubatan," ang sabi pa nga niya sa pagbaba ng kamay ni Takdo. "Tama ka diyan. Mabuti na lang talaga inakala nila na nagmamanman talaga----" Ang kanilang pag-uusap ay naputol nang makarinig ng kaluskos sa likod ng mga halaman. Kapwa lumingon ang mga ito roon kaya nakita nila ang kulay itim na kung ano na sumilip sa likod ng makakapal na dahon na mabilis din namang nawala. Hindi nila masabi kung anong nilalang ang nahagip ng kanilang mga mata o kung tao ba iyon. Hawak ang kanilang kampilan, sila ay tumayo ng tuwid kapagkuwan ay humakbang patungo sa pinagmulan ng kaluskos. "Huwag na nating lapitan," ang sabi ni Tiki sa kaniyang kasama na tumango-tango naman. "Sino ka? Kung tao ka man magpakita ka sa amin!" sigaw ni Takdo. Inantay nilang mayroong sumagot ngunit wala naman hanggang sa nanumbalik ang katahimikan. Nagkatinginan sila't binaba ang kanilang hawak na kampilan. "Mabangis na hayop lang siguro iyon," ang nasabi ni Tiki na lumakad na pabalik sa batong inupuan. "Sana nga na hayop lang. Ang mahirap kung hindi. Baka pinasundan tayo. Malalagot tayo kapag nakauwi na tayo," ang nasabi ni Takdo na ikinalingon ng kasama. "Buti pa'y magiba tayo ng puwesto para akalain ---- kung tao man iyon ---- niya'y namamahinga lang tayo." "Mabuti pa nga," pangsangayon naman ni Tiki. Isinabit niyang muli sa balikat ang sisidlan. Nauna lang nang kaunti si Takdo sa paglakad nito sa mga halaman. Sa pagsuot nila sa mababang puno'y nakarinig na naman sila ng kaluskos. Binilisan nila ang pagsuot hanggang makatayo nang tuwid. Kinuha nila ang daan na nagawa dahil sa tinabas nilang mga halaman. "Narinig mo iyon? Naalala ko iyong kuwento dati nang naunang tagamanman na may tigre raw rito. Pero wala naman tayong nakikita pa na ganoon," ang sabi ni Tiki. "Mas maigi ngang umalis na tayo. Baka ayaw nitong umaaligid tayo sa kanyang paboritong lugar. Ano sa tingin mo?' "Paano kung hindi iyon tigre? Kung naliligaw na kaluluwa iyon? O lamang lupa?" ang nasabi ni Takdo sa mabilis na pagtakbo ng isipan niya. "Huwag namang ganoon. Mas mabuting pang maging mabangis na hayop iyon kaysa iyang mga sinasabi mo," sabi ni Tiki. Inunahan ni Tiki sa paglalakad si Takdo sa daan. Sa paghakbang niya'y narinig niya na lamang ang mabilis na sigaw ni Takdo na kaagad na naputol nang mayroong kumuha rito mula sa halaman sa kaliwa nito patungo sa kanan na mga halaman. Nanlaki ang mata ni Tiki sa pagkawala ng kasama kaya sa takot niya'y inihanda niya naman ang kampilan. Iniikot niya ang kaniyang mga mata sa nakapaikot na mga halaman at puno, inaabangan na lumabas ang kumaha kay Takdo. Nang marinig niya ang pagkabali ng sanga'y napatakbo na lamang siya ng walang direksiyon. Kaya lamang ay hindi siya nakalayo nang lumabas mula sa halaman ang kumuha kay Takdo. Siya'y napasigaw na lamang nang makita ang mukha ni Kari-a. Ang kamay nito'y kaagad siyang sinakal kapagkuwan ay itinaas. Nabitiwan na lamang niya ang hawak na kampilan na bumagsak sa lupa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD