Kabanata 16

3733 Words
MAGDADAPIT hapon nang magsikilos ang grupo ni Silakbo papasok ng kakahuyan. Ang kasama nito ay sina Talas, Sinag, Sinugyaw, ang dalawang mandirigmang sina Binaol at Mitosna dala ang langkayan na kinalalagyan ng bangkay ni La-in at isa pang mandirigma na sa dulo ng hanay. Kapwa may dalang mga kampilan na nakatali sa kanilang beywang ang lahat, maliban na lang ang pinakabatang si Sinugyaw. Sa kanilang mga balat ay tumatama ang may kainitan na sikat ng papalubog na araw nang mahanap nila ang makipot na daan kalapit ng baybayin. Sa likuran nila ay naroon ang mga taong hinatid sila ng tingin. Ang simula ng kakahuyan sa dakong iyon ay matapos ang punong hindi na umuusbong ang mga dahon. Dahil ito sa natamaan ng kidlat ang ibabaw kaya nga nahati ang katawan nito kung saan may pugad ng ibon. Si Sinugyaw ay napapatingin rito sa paglampas nila rito, siya ay kasunod ng dalawang nakakatandang kapatid, sinundan naman siya ni Talas. Ang pinakahuli ay ang tatlong mandirigma. Sa kanilang paglalakad, naglaro sa paligid ang sigaw ng alipin na si Limong. Tumatakbo ito sa makipot na daan sa likuran ng mga tao na kinakaway ang kamay. Sumasayaw ang laylayan ng suot niyang bahag sa hita dulot ng pagtakbo. Ang grupo ay napalingon kaagad sa binatilyo. Hindi na nagsumiksik si Limong sa mga taong nakaharang dahil nagbigay ng daan ang mga ito. Humahangos na nakalapit si Limong sa pagtigil ng grupo. Sa mukha ni Silakbo ay kaagad nagumuhit rito ang inis at maging kay Sinugyaw at Binaol ay ganoon din. Samantalang si Sinag ay mataman lang na nakatingin sa binatilyo, hindi mababasa sa mukha nito ang kung anong pagbabago ng damdamin. Si Mitos naman ay nagaalala sa klase ng tingin nito. Ang naiwang dalawang mandirigma'y naiwang tahimik lamang. Ngunit, si Talas ay hindi nagkasya sa pagmasid kay Limong na nasa dulo ng hanay ng mga maharlika. Umalis si Talas sa hanay dahil nakikita niya namang walang balak na may lumapit sa alipin. Siya na lamang ang gumawa niyon na nilampasan si Binaol at Mitos pati na rin ang huling mandirigma. "Ano iyon bata? Mayroon bang pinahabol ang mahal na datu sa iyo?" ang tanong ni Talas kay Limong. Humugot nang malalim si Limong bago sumagot. "Hindi po ginoo," sabi ni Limong na habol pa rin ang hininga. Sa paguusap nila'y nagbigay ng pahiwatig si Silakbo. "Bayaan mo na ang alipin na iyan Talas. Maantala pa ang pag-alis natin sa kalokohan niya," mariing sabi ni Silakbo. Hindi na naalis ang pagiba ng mukha nito. Sa narinig ni Talas nilingon nito pabalik si Silakbo na sa pagkakataon na iyon ay nakatanggap ng isang marahang tapik sa balikat mula sa nakababatang kapatid na si Sinag. "Sandali lamang kapatid baka may mahalaga siyang sasabihin. Pagbigyan natin dahil anak naman siya ni La-in," anang mandirigma sa nakakatandang mandirigma sa unahan ng hanay. Binaba ni Sinag ang kanyang kamay nang ibaling ni Silakbo ang tingin sa natatanaw na dagat na nagtatago sa likod ng mababang halaman. Nagsabi iyon kay Talas na sumangayon na ito kaya nga binalik nito ang atensiyon sa binatilyo. "Sabihin mo na bata para kami'y makaalis na," anang mandirigma. "Maari po bang isama niyo ako?" ang nasabi ni Limong sa kaharap. Nais niya sanang idagdag na baka anong gawin nila sa bangkay ng kanyang ama. Hindi niya lang tinuloy na ilabas ang naisip sa pagaaakalang maging dahilan iyon upang hindi siya makasama. Naningkit ang mata ni Talas sa pagtitig niya sa binatilyo. "Alam mo bang delikado sa kagubatan. Baka mapano ka kung isasama ka namin?" ani Talas. "Nariyan naman po kayo ginoo," ani Limong. Tiningnan ni Talas ang kasamahan, sa mukha nito ay nagtatanong kung ano ang dapat gawin. Si Sinag ang nakaunawa niyon na hindi na nakapagtataka. "Payagan niyo na para makaalis na tayo," ang sabi pa ni Sinag. Sa sinabi nito ay lumakad si Silakbo na mabibigat ang hakbang. Nagpatiuna na rin ang mga mandirigma kasama si Binaol, nilampasan ang nakatayong dalawang magkapatid. Si Sinugyaw ay lalong tumabingi ang kilay. Tiningnang muli ni Talas ang binatilyo at nagsabi, "Huwag kang lalayo sa amin kung nasa loob na tayo ng kagubatan. Naitindihan mo?" Tumango si Limong bilang tugon sa mandirigma. Ngumiti si Talas ng manipis kapagkuwan ay lumakad na't sumunod sa mga naunang kasama. Ang naiwang magkapatid ay nagkatinginan. "Sabayan mo na si Limong sa paglalakad," suhestiyon ni Sinag sa nakakabatang kapatid. Ang kilay ni Sinugyaw ay kaagad na nagsalubong. "Bakit ko naman gagawin iyon kapatid?" reklamo pa nitong si Sinugyaw na pinukulan ng masamang tingin si Limong. "Dahil magkaibigan kayo," tugon naman ni Sinag. "Hindi kami magkaibigan," pagtanggi naman ng nakakabata. Napabuntong hininga ng malalim si Limong sa naging reaksiyon nito. "Sundin mo na lang ako Sinugyaw. Wala namang mawawala sa iyo," ani Sinag kapagkuwan ay tinulak pa nito si Sinugyaw sa likod upang sumunod sa utos. Napabuntong hining nang malalim si Sinugyaw bago binaling ang tingin kay Limong. "Ano pang tinatayo mo diyan? Akala ko ba ay sasama ka?" ang sabi ni Sinugyaw na ikinangiti ni Sinag kapagkuwan ay lumakad na rin ito. Sa narinig ay lumapit na nga si Limong. Pagkalapit niya kay Sinugyaw, inalis nito ang sisidlan na hinabing anahaw at binigay nito sa binatilyo. Muntikan pang mabitiwan ni Limong ang sisidlan dahil sa bigat niyon. "Aanhin ko ba ito?" sabi niya kay Sinugyaw. "Dalhin mo. Ako ba talaga ay iniinis mo ano?" ang sabi pa ni Sinugyaw nang mahina upang si Limong lamang ang makarinig. "Kung akala mong magiging mabait ako sa iyo katulad ng mga nakakatanda kong kapatid, nagkakamali ka." "Alam ko na iyon. Matagal na. Huwag mong ipaalala. Akala mo ba ay sasama ako dahil sa iyo," sabi naman niya pabalik dito. Tumayo ito nang tuwid. "Si ama ang dahilan ko kaya ako sasama." Matapos ng kanyang sinabi ay inilagay niya na sa likod ang sisidlan habang nakatingin lang sa kanya ang dating kaibigan. Lumakad siya't nilampasan ito. "Anong binabalak mo ha? Sa tingin mo ba sa pagsama mo'y magbabago ang tingin sa iyo ng mga tao rito? Mananatili kang alipin habang buhay," ang sabi ni Sinugyaw na sumunod na rin sa paglalakad. "Kung iyan ang iniisip mo ay wala akong magagawa na diyan. Alam ko ring mananatili akong alipin," ang sabi niya na lamang. Kaya itong si Sinugyaw ay binangga siya sa balikat at tinulak patabi. Mabuti na lamang ay hindi siya natumba. Napasunod na lang siya ng tingin kay Sinugyaw sa likod nito na humabol sa hanay na papasok ng kakahuyan. Binilisan na rin niya ang paghakbang bago pa mapagalitan. Siya ang nasa pinakahuli kasunod ng dalawang mandirigmang dala ang langkayan. "Limong, dapat hindi ka na sumama. Alam mo namang mapapahamak kapag pumasok ka ng gubat. Alam mo naman kung gaano kadelikado hindi ba gaya ng sabi ni Talas," ang nasabi ni Mitos. Saglit nitong nilingon si Limong. Sa mga mata nito'y nakaguhit ang hindi maitagong pagaalala. Sinalubong ni Limong ang tingin ng mandirigma bago nito binalik ang tingin sa paglalakad. "Oo, ginoo," wika niya sa pagpapasok nila ng kakahuyan. "Pero mas gusto ko pong bantayan si ama. Baka hindi na po siya ibalik. Hindi po iyon maganda." Ang mga puno sa dakong iyon ay tuwid na umaabot ng mahigit sampung dipa ang taas. Tinahak nila ang nagawang daan dito na mistulang uod. "Sangayon naman ako sa iyo," ang nasabi na lang ni Mitos na pinukulan ng tingin ang mga maharlika. "Kailangan mo lang dumikit sa akin para makasigurado tayo sa kaligtasan mo." "Masusunod ginoo. Kung iyan po ang gusto niyo," tugon ni Limong nang lingonin niya ang mga puno. Tila may tumatawag sa kanya mula sa ibabaw ng mga puno. Ang kanyang pagtitig rito'y naputol nang magsalita si Silakbo. Napatigil sa paglalakad ang mga nakasunod sa kanya maging si Limong. "Anong pinaguusapan niyo?!" ang malakas na sigaw ni Siklabo. Ang mga kasamahan nitong maharlika'y nagtatakang lumingon kina Mitos. Si Limong ay napayuko na lang ng ulo upang umiwas sa tingin ng panganay na anak ng datu. "Tumigil kayong dalawa. Hindi kayo dapat naguusap. Hindi kayo dapat maguusap sa paglalakad natin. Walang dapat na lumabas sa bibig niyo. Naintindihan niyo?" "Ipagpaumanhin niyo ginoo. Hindi na po mauulit," paghingi ng paumanhin ni Mitos. Hindi na naalis ang masamang tingin ni Silakbo kaya si Sinag ay tinapik sa balikat ang nakakatandang kapatid. Dahil dito't nagsilakad silang muli. Napabuntong hininga nang malalim si Limong sa pagaakalang iiwan siya ng mandirigma. Sa kanilang pagpapatuloy sa paglalakad maririnig ang pagragasa ng tubig sa bandang unahan na sinasabayan ng mahamog na hangin. Hindi nga nagtagal narating nila ang ilog na walang kasing linaw ang tubig. Naunang humakbang si Silakbo sa mga bilugang itim na bato na sinundan ng mga kapatid at asawa ng kapatid na babae. Napapatingin sa kanila ang mga kababaehan na naroong naglalaba ng mga kasuotan, ang tubig ay umaabot lamang sa ibaba ng kanikang tuhod. Ang patadyong na suot ng mga ito'y tinali hanggang sa tuhod upang hindi mabasa. Nabibilang rito si Mada na napatigil sa paghampas ng hawak na tela sa may kalakihang bato sa harap nito. Samantalang ang mga ginang ay patuloy lamang sa ginagawa. Si Limong ay napatingin kay Mada sa pagtawid ng dalawang mandirigma sa unahan niya. Samantalang ang mga maharlika ay walang lingon na nagpatuloy. Ang tingin ni Mada ay nagtatanong kaya napakunot ang noo ni Limong. Nang tawagin ng isang ginang ang pansin ng dalagita nagpatuloy ito sa paghampas ng hawak sa bato. Siya naman ay maingat na tumawid sa ilog, humakbang sa mga bato. Ang mga maharlika't mandirigma'y nakarating na sa kabila kaya binilisan niya ang pagkilos. Matapos ng ilog ay wala ng nagawang daan papasok ng kagubatan dahil bihirang magtungo sa dakong iyon ang mga tao. Ngunit, nagpatuloy ang grupo ni Silakbo papasok nito. Nasa huli pa rin si Limong na hinigpitan ang kapit sa tali ng sisidlan. Matapos nang malalim na hininga pumasok na rin siya upang makahabol sa lumalayong mga kasama. Sa paghakbang niya sa lupang nababalot ng mga tuyong dahon at sanga, narinig niyang sumigaw si Mada kung kaya'y napalingon siya dito. "Mag-iingat ka!" ang makahulugang sabi ni Mada sa kanya. Iyon ang unang beses na sinabi ng dalagita iyon sa kanya. Nagtataka siyang binalik ang atensiyon sa kagubatan. Pagtitig niya sa puno'y umihip ang hangin ng malakas kaya nagsiliparan ang ilang mga dahon sa kanya na tila ba may pinapahiwatig. Nang mapansin ang likod ni Mitos sa likuran ng mga mayayabong ng halamang ligaw, mabilis siyang lumapit dito. Umiwas siya sa mga halamang nadadanan. Napalingon pa sa kanya si Mitos sa paglampas nito sa may kakapalang halaman na binalik din naman ang tingin sa harap. Muntikan pang mataamaan si Limong ng sanga na pumitik sa paglampas ng mandirigma mabuti na lamang nasangga niya ito ng kamay. Paglampas niya rito't binati siya ng mas nagtatayugang mga puno, makakapal na ligaw na halaman at mga maliliit na puno. Ang lupa pang tinatakapan nila'y natatabunan ng makapal na tuyong dahon. Nagpatuloy sila sa paghakbang, nilampasan ang mga malalaking puno. Habang ang isang mandirigma na lumipat ng puwesto na nasa unahan ay tinatagpas ang mga halaman gamit ang matalas na kampilan upang magkaroon ng daan. Sa labis na kakapalan ng mga dahon sa sanga hindi gaanong umaabot ang sinag ng araw sa kanila. Si Silakbo ay hawak ang puluhan ng kanyang kampilan. Si Sinag ay pinitik ang itim na maliit na uod na kumapit sa kanyang braso. Si Talas ay patuloy sa pagukit sa hawak na kahoy gamit ang kutsilyo. Si Sinugyaw naman ay pinunit ang dahong napitas. Ang dalawang mandirigma na sina Binaol at Mitos ay mataman lang nakatingin sa unahan. Samantalang si Limong ay patingin-tingin sa unahan. Sa pagtagpas ng mandirigma sa halaman may natamaan itong iba at may nangyaring hindi nila inasaahan. Nang malaglag ang naputol na halaman nalantad ang tirahan ng bubuyog na biluhaba. Nagsilabasan ang mga bubuyog rito dahil sa nahiwang bahagi. Kasabay ng malakas na ugong ng mga bubuyog, nagsilipad ang mga ito sa mandirigma. Sa pagsigaw ng mandirigma'y nagsitkabuhan ang lahat papalayo. Sapagkat ang ibang bubuyog ay patungo rin sa kanila. Magkasamang tumakbo sa kaliwa ang magkakapatid kasama na si Talas. Sumunod dito si Binaol na biglang bitiwan ang langkayan na ikinabagsak niyon sa lupa. Nagsitago ang mga ito sa halaman. Ang naiwang mandirigmang si Mitos ay binitiwan na rin ang langkayan kaya tuluyang bumaliktad ang bangkay ni La-in sa lupa. Binaling ni Mitos ang kanyang atensiyon kay Limong na hinila nito sa braso para tumakbo at magtago. Ang mga bubuyog ay nakasunod na sa kanila. Pumasok sila sa mga halaman. Mabilis na tumakbo si Mitos samantalang si Limong ay lumingon pabalik sa bangkay ni La-in. Sa paghakbang niya'y hindi niya napansin ang nakausling sanga ng katabing puno kaya ang nangyari'y nadapa siya. Si Mitos ay tuluyang nakatago sa mga halaman. Samantalang si Limong ay nakisama sa lupa. Ang mga bubuyog ay nasa likod niya lang. Tinakpan niya ang kanyang tainga't pinikit ang mga mata sabay baon ng mukha sa lupa. Sa kanyang isipan ay kaagad niyang inusal ang panalangin hindi siya sana atakihin ng mga bubuyog. Ganoon nga ang nangyari, nagsilaparan lang ang mga ito sa ibabaw niya na may isang dangkal ang taas. Ang ilan ay sumunod sa nagtagong si Mitos. Hindi siya gumalaw sa kinadadaapaan kahit na umalis na rin ang mga bubuyog na tila ba kilala siya ng mga ito. Ilang minuto rin siya sa ganoong posisyon. Hanggang marinig niyang magsalita si Mitos. "Limong!" sigaw ni Mitos sa paglabas nito sa mga halaman. Napabangon si Limong sa narinig kapagkuwan ay inalis ang lupang dumikit sa katawan niya. "Akala ko na napano ka na. Kaya kaagad akong bumalik. Mabuti hindi ka nasaktan ng mga bubuyog. Anong ginawa mo?" Inayos ni Limong ang pagbitbit sa sisidlan. "Hindi ko alam basta na lang umalis ang mga bubuyog sa pagdapa ko," pagbibigay alam ni Limong sa mandirigma. Hinawakan siya nito sa balikat. "Masuwerte ka't nilampasan ka." Tinapik ni Mitos si Limong sa balikat bago sila lumakad pabalik kung saan naroon ang bangkay ni La-in. "Oo nga po," sabi ni Limong kahit na nagtataka. Hindi sila kaagad na lumapit sa bangkay ni La-in. Sinilip muna nila ang mga bubuyog na nagkatipon sa bahay ng mga ito. Nang mga sandaling iyon ay hindi pa nakakabalik ang apat na kasamahan. Ang mandirigmang nakagat ng mga bubuyog ay nakahiga sa lupa, ang buong katawan nito'y napuno ng lumubong namumulang sugat. Pumitik-pitik pa nga ang kamay nito sa labis na sakit. "Lumabas na tayo. Tingnan mo nang maigi ang bubuyog baka sugurin na naman tayo," ani Mitos at tahimik silang lumabas ng pinagtataguan. Ang mandirigma'y nilapitan ang kawawang mandirigma na nakayuko. Samantalang si Limong ay sa bangkay ni La-in dumikit. Inayos ni Limong ang langkayan bago niya itinahaya rito ang katawan ng ama, habang si Mitos ay hinawakan ang mandirigma sa suot na kangan sabay dahan-dahan na hinila patungo kay Limong. Pinagmasdan ni Limong mukha ng kanyang ama. Ang kalooban niya'y naninikip. Hinawakan niya ito sa noo katulad ng ginagawa nito sa kanya parati. Isa lang ang kanyang ama, wala ng iba. Sa paglapit ni Mitos ay inayos niya ang pagkabalot ng banig sa katawan ni La-in. Nang mga sandaling iyon ay nakabalik na rin ang apat. Si Limong ay tumayo lamang sa tabi ng katawan ni La-in na walang sinasabi. Ang tatlong nakakatandang maharlika ay pinagmasdan ang kawawang katawan ng mandirigma. Binaluktot ni Sinag ang kanyang mga tuhod sabay pinagmasdan ang mukha ng mandirigma na hindi na makilala sa labis na bukol. "Humihinga pa siya. Mabuti pang iuwi mo na siya," ang sabi ni Sinag. Pingmasdan nito ang nakakatandang kapatid. "Ako na ang magdadala sa kanya," dagdag nito. "Hindi maari. Si Binaol na lamang ang pabalikin natin," ang sabi naman ni Silakbo. Nanatiling nakatingin sa kanila sina Talas at Sinugyaw. Si Binaol naman ay kaagad na kumilos na walang sinasabi. Nilapitan nito ang kawawang mandirigma. "Sumunod ka na lang din kaagad Binaol," ang sabi ni Silakbo sa mandirigma. Kaya binaba nito ang mandirigma, tinulungan ito ni Mitos para maayos na mabuhat. "Aantayin ka na lang namin sa balete." "Aalis na po ako mga ginoo," paalam ni Binaol. Umungol pa ang buhat nitong mandirigma sa paglalakad nito. Nilampasan nito si Mitos at ang panghuli ay si Limong. Nakasunod ang lahat ng tingin dito. "Kapahamakan talaga ang nag-aantay dito sa atin a," ang nasabi ni Talas sa pagalis nito sa mga kumapit na bilugang bulaklak na maliliit sa suot na kangan. "Kung hindi ka mag-iingat iyon talaga ang mangyayari sa iyo," wika ni Silakbo na hindi naman maganda ang guhit sa mukha. Mula nang umalis siya ng isla'y kamalasan na lang nangyayari sa kanya. Sinamaan niya ng tingin si Limong dahil doon. "Ikaw na alipin ang kasamang magdala ng ama mo." "Ako na lamang kapatid," pagsingit ni Sinag na ikinalingon ni Silakbo rito. "Kung iyan ang gusto mo. Hindi kita pipigilan. Umalis na tayo, kailangan nating makarating sa balete bago kumagat ang dilim," anang mandirigma bago nagpatiuna sa paglalakad. Lumihis ito sa direksiyon na tinatahak nila para makaiwas sa mga bubuyog. Sumunod naman rito si Talas na nakabuntot rito si Sinugyaw. "Dito na ako sa unahan," ang sabi ni Sinag na pumuwesto sa uluhan ng katawan ni La-in. Kung kaya't kumilos si Mitos patungo sa paanan kapagkuwan ay sabay nilang binuhat ang langkayan. "Lakad na, Limong," ang sabi pa ni Mitos sa binatilyo. Napapatingin dito si Sinag. "Mauna na po kayo, ginoo," ang sabi ni Limong. Nagpatiuna nga ang dalawa sa paglalakad dala ang langkayan. Hindi maiwasan ni Limong na tumingin sa mga bubuyog bago siya sumunod lahat. Pagkasunod-sunod ulit silang pinapasok ang kagubatan. Si Silakbo ang nangunguna na hinahampas ang mga halamang nadaanan. Nagpatuloy sila na walang ibang nangyayari. Naglalaro sa paligid ang ingay ng mga ibon na sinasabayan ng mga kulisap sa unti-unting pagdilim ng paligid. Sa paglalim ng kanilang pagpasok sa kagubatan ay lumalamig din ang hangin dumadampi sa kanilang mga balat. "Kanina ka pa tahimik Limong?" ang nasabi ni Mitos sa binatilyo na malayo ang tingin sa labis na pagiisip. "Wala ho ito ginoo," ang sagot niya rito. "Alam mo namang maari mong sabihin sa akin kung anong gumugulo sa isipan mo," ang sabi ni Mitos. Hinayaan lang sila ni Sinag na pagusap hindi katulad ng nakakatanda nitong kapatid. "Alam ko ho iyon, ginoo. Pero wala po ito," ang sabi niya na lang dahil hindi niya nais na malaman nito na hindi siya tunay na anak ng kanyang magulang. Napabuntong hininga na lang ng malalim si Mitos. Hindi na nito inusisa pa ang binatilyo. Inikilotan nila ang punong naglalakihan ang ugat. Ang tatlong maharlika sa unahan ay marahang humahakbang sa ibabaw ng mga ugat. Nang makalampas sila sa malaking puno't napatingin ang lahat sa ibabaw sa ingay ng mga nagsilaparang ibon. Makikita ang paggalaw ng mga sanga roon. "Ano iyon?' ang naitanong ni Sinugyaw na hindi na naalis ang tingin sa mga sanga kahit naglalakad. "Marahil isang unggoy lamang," sabi Talas dahil tahimik lang si Silakbo sa unahan. Sa narinig ni Sinugyaw binalik nito ang tingin sa tinatahak na ginawang daan. Narating nila ang mga mababang punong may maninipis na katawan na magkasunod-sunod na may bilugang mga dahon. Kasingtaas lang ni Silakabo ang mga mababang puno samantalang si Sinugyaw ay napapatingala sa mga dahon. Maging si Limong ay pinakatitigan ang mga puno sapagkat nakahanay talaga na may kalaparan din naman. Ang lupa na kinatutubuan ng mga ito'y tumigas na putik. Nang mapansin ni Silakbo ang pulang telang nakatali sa puno'y dumiretso lamang sila. Pagkalampas nila sa mga maninipis na puno'y balik na naman sila sa makakapal na halaman. Ilang mababa't matataas na puno ang kanilang nalampasan. Walang tumigil sa paglalakad hanggang sa natanaw na nila ang tuktok ng balete sa likuran ng mga mas mababang punong kahoy. Nang mga sandaling iyon ay tuluyan na ring nagtago ang araw sa pahingaan nito. Ang balete'y may mayabong na mga dahon at ang mga sangay dumipa. Idagdag pa ang mga malapiyestang mahahabang baging. Napapatitig dito si Limong sa pagpahinga ng mga kasama sa puwang na lupa na pumapikot sa balete. Tumabi ang dalawa na may dala sa langkayan samantalang ang tatlo pa ay naupo sa lupang nababalot ng dahon. "Ano pang ginagawa mo diyan alipin? Maghanap ka roon ng mga tuyong kahoy!" ang sigaw ni Sinugyaw na nasa gita ni Talas at Silakbo. Walang mga tuyong kahoy sa paligid ng balete kaya kailangang maghanap. Inalis na lamang ni Limong ang kanyang tingin sa balete sabay lapit sa tatlo. Naupo na rin sa harap ng mga ito si Sinag. Binaba niya ang sisidlan kalapit ni Talas. "Sasamahan ko na siya ginoo bago mapano siya," paalam ni Mitos. Sa pagsenyas ni Silakbo ng kamay upang hayaan sila'y lumakad na nga si Mitos akay sa balikat sa Limong. Iniwan nila ang apat na naguusap. Pumasok sila sa mga halaman palayo ng balita malayo sa tinahak nilang daan. Hindi na sila nagpakalayo-layo upang makahanap ng tuyong kahoy. "Sabihin mo na sa akin Limong kung anong gumugulo sa iyo. Hindi ka na nila maririnig," ang sabi ni Mitos nang kuhain nito ang tuyong kahoy na pinutol nito ng pare-pareho ang haba. Nakatayo lang si Limong na pinagmamasdan ang mandirigma sa ginagawa nito. Humugot ng malalim hininga si Limong. Nilingon kung saan naroon ang balete, maririnig ng hindi malinaw ang paguusap ng apat. Pinagmasdan niya ang punong maitim ang katawa sa kanan niya bago magsalita. "Hindi ako tunay na anak nina ama," ang sabi ni Limong na ikinatigil ni Mitos sa ginagawa nito. Pinutol nito ang sumangang kahoy. "Sino ba ang may sabi sa iyo niyan?" usisa nito. "Si ina mismo," sagot naman niya. "Baka binibiro ka lang ng iyong ina," ang nasabi ni Mitos. Kinuha niya pa ang ilang mga tuyong kahoy na pinagpuputol niya rin. "Hindi po marunong magbiro iyon," sabi ni Limong nang iponin niya ang mga pinutol na kahoy. "Naniniwala ka ba?" Pinagpatuloy ni Mitos ang pagputol. "Hindi ko alam." "Kahit hindi mo naman sila tunay na magulang mahal mo rin naman sila hindi ba?" Inipon din nito ang mga kahoy na naputol. "Oo, ginoo," sagot ni Limong nang buhatin niya sa dalawang kamay ang panggatong. "Iyon ang importante. Kaya huwag mo nang pakaisipin." Binalik nito ang kampilan sa lagayan nito't binuhat narin ang mga kahoy gamit ang isang kamay lang. "Tara na bumalik na tayo." Sa paglalakad nila pabalik sa balete'y nagsiliparan na naman ang mga ibon sa kanilang likuran, sa hindi kalayuan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD