ANG APOY ay kinakain ng paunti-unti ang mga kahoy. Pansamantalang nagbibigay ito ng liwanag sa mga maharlikang nakapaikot rito. Ang buntot nito'y umaabot sa mga puno sa paligid lalong-lalo na sa balete.
Sa ilalim ng mga maharlika ay ang mga dahon ng niyog na nagsilbi nilang sapin panglaban sa malamig na lupa. Samantalang tuwid lamang na nakaupo sina Mitos at Limong sa likod ng maharlikang si Talas. Ang mga mata ni Mitos ay sa mga maharlika. Si Limong naman ay malayo ang tingin, sa tuktok ng balete kung saan naglalaro ang mapakaraming aliptap-tap. Tila mga tala ang mga insektong ito sa lupa. Sa isipan ng binatilyo ay naglalaro pa rin ang sinabi sa kanya ni Ilaya. Hanggang sa mga oras na iyon ay hindi niya lubos na mapaniwalaan ang mga lumabas sa nanghihinag bibig ng ina.
"Anong pinakabangis na hayop na napatay mo, Sinugyaw?" ani Talas habang nginunguya niya ang hawak na kamote. Sa harap niya si Sinag at Silakbo na tahimik lamang na kumakain ng parehong halamang ugat.
"Baboy-ramo," tipid namang sagot ni Sinugyaw na nasa kaliwa ni Talas. Hawak niya ang isang mahabang patpat, pinaglalaro ang dulo sa nagniningas na siga.
"Wala na bang iba liban doon?" usisa ni Talas. Kinagat niya ang hawak na kamote. Ang isang kamay niya'y nakapahinga sa nakabaluktot na mga paa.
Itinaas ni Sinugyaw ang tingin sa mandirigma kapagkuwan ay binalik sa nasusunog na dulo ng hawak na patpat. "Iyon lamang. Hindi kasi ako pinahihintulutan ni ama na mangaso ng mag-isa lang," pagbibigay alam niya. "Wala rin namang sumasama sa akin. Mabuti nga isinama niyo ako kanina kaya nakapangaso ako."
Dahil sa narinig, pinagmasdan ni Talas ang binatilyo. "Hindi ka sinasamahan nitong mga nakakatanda mong kapatid?" ang sabi pa niya. Tinaas pa niya ang kamay para ituro ang nakakatandang kapatid na si Sinag. Natigil sa pagnguya si Sinag na sinalubong ang tingin ni Talas. Ngumiti si Talas para kay Sinag na nailing naman ng ulo ang huli. Binalik na lang ni Sinag ang atensiyon sa pagkain. Ang panganay na kapatid sa kaliwa nito na si Silakbo ay wala namang pakialam sa naging usapan. Maging ang isipan ng huli ay naglalakbay sa kung saan.
"May kanya-kanya kasi silang mga gawain at parati silang wala," paliwanag ni Sinugyaw. Umayos siya ng pagkaupo mula sa magkatagpong tuhod at dibdib, binaluktot niya na lamang ang mga paa sa pagkaupo katulad ng mga kasamahan niya. Kumaluskos pa ang inuupuan niyang dahon ng niyog sa kanyang pagkilos. Pinagpatuloy niya ang paglalaro sa patpat sa apoy.
"Sayang naman ang mga dumaang araw," ang nasabi ni Talas. Binaling ulit ang tingin sa kaibigang si Sinag. "Mga kapatid, ba't hindi niyo man lang sinamahan ni minsan?" pagusisa niya na kaagaad namang sinagot ni Sinag.
"Kagaya nga ng sabi niya abala kami." Pinagpaghinga ni Sinag ang kamay sa dalawang hita sa pagkaubos ng kinakain. "Saka hindi siya pinahihintulutan ni ama na mangaso simula nang mamatay ang aming butihing ina."
"Ganoon ba? Sayang naman talaga." Inubos na rin ni Talas ang hawak na kamote kapagkuwan ay uminom ng tubig mula sa kawayang sisidlan sa kanyang tabi. Matapos nang makailang lagok, siya ay nagsabi para sa binatilyo ng, "Hayaan mo Sinugyaw, ngayon nandito na ako sasamahan kita kung gusto mong mangaso para masanay ka. Ako na ang magpapaalam sa mahal na datu."
Iniabot ni Talas ang hawak na sisidlan sa kaibigang si Sinag na uminom din naman kaagad. Nang ito ay makainom iniabot nito iyon kay Silakbo na iniling naman ang ulo upang tumanggi. Sinarado na lamang ni Sinag ang sisidlan bago binalik kay Talas.
"Sigurado po kayo?" bulalas ni Sinugyaw sa pagakyat ng kagalakan sa kanyang sarili. Hindi niya nalis ang tingin kay Talas na inabot ang sisidlan mula kay Sinag. "Pinayagan lang ako kaninang umaga dahil mayroong mga bisita na iba. Kung wala ay hindi niya ako hahayaan." Binitiwan ni Sinugyaw ang hawak na patpat, tinapon sa gitna na siga kaya kagad iyong natupok.
Tinabi ni Talas ang sisidlan ng tubig sa kanyang kaliwa katabi ng sisidlang hinabi. "Magtiwala ka sa akin," wika ni Talas ng marahan. "Mapapayag ko siya. Kailan naman nangyari iyong huling nangaso ka?"
"Bago namatay si ina," sagot naman ni Sinugyaw na tinapunan ng tingin si Limong. Ang katabi nitong si Mitos ay nakapikit ang mga mata habang nakaupo.
"Ang tagal na pala nun. Sino naman kasama mong nangangaso?" pag-usisa ni Talas. Naputol ang pagtitig ni Limong sa balete dahil sa narinig. Binaling ang atensiyon sa dating kaibigan na binalik ang tingin sa kausap.
"Wala," pagsisinungaling ni Sinugyaw. Kaya si Sinag ay napatingin sa bunsong kapatid. "Kasi kahit mga maharlika na mas mababa sa amin ay walang nais na lumapit sa akin," dagdag pa niya. Si Limong ay napabuntong-hininga na lamang.
Napatango-tango ng ulo si Talas. Bahagyang siyang nag-isip bago magsalita. "Nasubukan mo na bang pumaslang ng tao?" Itinayo niya ang isang paa. Hindi naman nagkaroon ng reaksiyon sina Sinag at Silakbo sa naging katanungan niya.
"Ano ba naman iyang tanong niyo?" Sinalubong ni Sinugyaw ang tingin ni Talas. "Ako ay labis na nabibigla. Masyado pa po akong bata para sa ganiyang bagay."
"Bakit kami ni Sinag?" Hinawak ni Talas ang kamay sa dibdib sa kanyang pagsasalita "Kaedad ka lang namin ng ipadala kami sa Haraya sa pagaaklas ng mga negrito. Wala kang mapagpipilian kundi ang pumatay dahil kung hindi ikaw ang mamamatay."
"Hindi po maganda ang ganoong bagay," ani Sinugyaw. Alam naman niya ang mga ganoong bagay pero para sa kanya'y taliwas iyon sa pangaral na pumanaw na ina.
"Wala kang magagawa. At kaaway naman papatayin mo. Sa una lang naman ang takot. Ni hindi nga ako nakatulog ng maraming gabi. Kalauna'y nasanay din," pagkuwento ni Talas nang alisin ang sarili sa pag-kaupo't nahiga sa dahon ng niyog. Ang ulo niya ay kasunod lamang ng kinauupuan ni Sinugyaw.
"Pero sa ngayon po. Bihira na po ang pag-aaway ng mga pangkat," saad ni Sinugyaw. "Mukhang nagkasundo na rin po lahat. Iyon po ang parating sinasabi ni ama."
"May ilang hindi," ani Talas nang ipikit na niya ang mga mata. Matapos niyon ay namagitan sa kanila ang katahimikan. Dahil dito'y maririnig ang mumunting pagsiyap ng kulisap kahit maging ang ugong ng hangin sa ibabaw ng mga puno.
Nanatiling walang kibo sina Sinag at Silakbo samantalang si Sinugyaw ay tinatapunan ng huling tingin si Limong. Balak na sana niyang mahiga sa sariling dahon ng niyog nang marinig ang kaluskos sa gawing likuran nina Mitos at Limong. Kapwa gumalaw ang dalawa sa kinauupuan, hinarap kung saan nagmula ang ingay. Hindi na tinuloy ni Sinugyaw ang pagkahiga't naestatwa. Ang dalawang nakakatandang kapatid na maharlika ay humawak sa sariling kampilan na sa kanilang tabi. Si Talas ay iminulat lamang ang mga mata.
Ang mga mata ng lahat ay nakapako sa pinagmulan ng ingay, sa likuran ng mga dilim ng halaman. Ilang sandali pa'y lumabas mula rito ang mandirigmang si Mitos na walang ibang dala kundi ang tulos na kahoy na hindi na umaapoy. Nakahinga nang mabuti ang lahat kaya pati si Limong ay napaupo ulit ng maayos kasabay si Mitos.
"Anong dala mo Binaol sa pagbalik mo?" ang naitanong ni Sinag nang bitiwan niya ang kampilan. Si Silakbo sa tabi niya ay nahiga na rin na nakatagilid, patalikod sa mga kasama.
Nagpatuloy sa paglalakad si Binaol, nilampasan sina Mitos at Limong, dumaan sa paanan ni Talas hanggang makarating sa siga."Wala po ginoo," ang sabi niya sabay tapon ng tulos sa siga.
"Nasabi mo ba kung anong nangyari?" dagdag na tanong ni Sinag na tinugon ni Binaol ng isang tango. "Magpahinga ka na rin kasi maaga tayong aalis bukas."
"Maraming salamat, ginoo," ang sabi Binaol kapagkuwan ay lumakad siya palapit sa maliit na puno. Doon ay naupo siyang nakasandig at pinikit ang mga mata ilang hakbang mula kina Limong.
Si Sinugyaw ay pinagpatuloy naman ang pagkahiga kasunod si Sinag. Ang katawan niya ay patindig kay Talas kung kaya ang paa niya nakatutok sa paa ng nakakatandang kapatid.
Sa paghiga niya ay naisip niyang magtanong kay Talas. "Ano ba ang klase ang buhay na mayroon sa malapad na kalupaan?" usisa niya dahil ni isang beses ay hindi siya nakakalis sa isla. Mula nang pinanganak siya'y umikot lang mga araw niya sa loob nito na mas naging walang kulay nang mamatay ang ina.
"Mas nakapupukaw at mapanganib. Iba't ibang pangkat, tribu, at lahi ang makakasalamuha mo," ang pagkuwento naman ni Talas. Inilagay niya ang kamay sa likuran ng ulo bilang unan. Tumitig siya sa talang sumisilip sa mga dahon.
"Pero ibang nilalang nakakita ka na ba?" patuloy ni Sinugyaw. Natutuwa siya sa pakikipagusap kasi ang mga nakakatanda niyang kapatid bihira siyang kausapin ng ganoon. At hindi na rin sila naguusap ni Limong kaya mas nadagdagan lang ang pagkabagot niya.
"Hindi. Pero ang sabi lumalabas minsan ang mga engkanto para balaan ang mga tao sa mangyayaring hindi kaaya-aya," ang sabi naman ni Talas.
"Naniniwala kayo na baka magbalik si Homobono? Narinig ko ang usap-usapan na nagkalat na naman ang mga kadiliman," dagdag ni Sinugyaw na tumitig na rin sa talang sumisilip.
"Walang nakakaalam. Malalaman natin kung totoo kapag narating natin ang babaylan," ang huling nasabi ni Talas bago narinig nila ang pagsasalita ni Sinag.
"Matulog ka na Sinugyaw. Ikaw rin Talas," ang sabi ni Sinag sa paghiga niya. Nakasarado ang mga mata niya sa pagsasalita.
"Minsan talaga kaibigan hindi kita maunawaan," ang nasabi pa ni Talas. Sinundan pa niya ng mahinang tawa kung kaya'y tumama sa kanyang mukha ang maliit na patpat na binato ni Sinag. Kinuha na lang ni Talas ang patpat at muling nanahimik sa pagsara niya ng kanyang mga mata.
Sa naging usapan ng mga ito ay tahimik lamang na nakinig si Limong. Kung kaya't sa pagpahinga ng mga katawan ng mga maharlika'y bumulong siya sa katabing si Mitos na pikit ang mga mata kahit nakaupo.
"Ikaw ba ginoo? Nakakita ka ng engkanto?" ang sabi ni Limong nang mahina.
"Oo, noong bata pa lamang ako," anang mandirigma.
"Gusto ko ring makakita man lang ng engkanto," ang nasabi pa ni Limong.
"Huwag mo ng pangarapin kasi kapag nasa harap mo na hindi ka rin makapagsasalita sa labis na nakakapangliit nilang katauhan," ani Mitos sa binatilyo. "Matulog ka na rin. Gusto mo bang kunan kita ng pangsapin?"
"Huwag na po ginoo. Doon na lamang ako kay ama," ang sabi ni Limong sabay tayo. Ang mga mata niya ay nakatutok sa mga nakahigang maharlika. Ginalaw ni Mitos ang kanyang ulo bilang pag-angayon.
Marahang lumakad si Limong patungo sa bangkay ni La-in na nasa kaliwa ni Mitos. Isang hakbang na lang ang pagitan ang kinalalagyan nito bago ang kakahuyan. Naupo si Limong na nakatalikod sa maharlika. Kinuha niya pa ang nakabalot na banig sa mukha nito. Pinakarimdaman niya ulit ang noo nitong wala ng init, lamig na lang ang naramdaman niya. Siya'y natigil lamang sa ginagawa ng mapuna ang lumilipad na mga alitaptap sa kanyang uluhan mula sa punong balete.
Nagtataka man kung bakit naroon ang mga alitap-tap, tinaas niya pa rin ang kamay kung kaya't dumapo sa palad niya ang limang alitap-tap. Ang nagliliwanag na mga likuran ng mga ito'y sumasalamin ng kaunti sa kanyang palad.
Nagsiliparan lamang ang mga alitaptap nang bumasag ang malakas na ingay sa katahimikan ng gabi. Binalik ni Limong ang pagkatabon ng banig sa mukha ni La-in sa isipin na may kinalaman ang ginawa niya sa paglabas ng ingay. Ngunit, iba ang naging dahilan ng ingay. Ang ingay na bumulabog sa lahat, napaupo ang mga maharlika, ay malakas na pinagsamang iyak ng mga paniki. Napatingin ang lahat sa pinagmulan ng iyak na sa likuran ng balete. Mula nga rito'y nagsilabasan ang pulutong ng mga itim na paniki mula sa lupa. Umikot ang mga ito sa paligid ng balete na nagiiwan ng mga nakakapunit-taingang iyak. Napapatingin na lang lahat sa mga ito. Si Talas pa ay napakuha ng kahoy upang pangtaboy sa paniki pero hindi naman sila inataki. Nagsiliparan lang ang mga ito patungo sa kaliwa hanggang sa wala nang naiwa na isa. Ibinaba na lamang ni Talas ang hawak na kahoy na umaapoy ang dulo. At ang lahat ay nakahinga nang malalim sa pagkawala ng mga paniki.
"Pinagbabawal ba ang pagtungo rito?" ang naitanong ni Talas. Ang tanong niya'y direktang tumama kay Sinag na nakatingin sa kanya.
"Hindi. Tingnan natin. May kuweba diyan sa likod ng balete," ang sabi ni Sinag sa pagtayo niya. Naiwan si Sinugyaw na muling nahiga na walang interes na alamin ang dahilan. "Unang beses ko ring nasaksihan ang ganoon rito."
"Mabuti pa nga," ang sabi ni Talas na pinutol ang dulo ng tuyong dahon ng niyog. Tinali niya upang maging tulos sabay sinindihan sa siga. Hindi na niya niyaya si Sinugyaw kasi tumayo na rin ito't sumunod sa palakad ng nakakatandang kapatid na si Sinag. Kaagad ding sumunod si Talas.
Si Limong ay napatayo na rin saka bumuntot dahil gusto niya ring makita ang kuweba. Hindi naman siya sinita ng tatlo dahil may ilang hakbang na distansiya mula sa kanya. Ang tatlong mandirigma ay tahimik lamang na naiwan. Napatingin lang saglit si Sinugyaw kay Limong at wala rin itong sinabi. Kinain nila ang distansiya sa pagitan ng puwesto nila at ng punong balete. Pagkarating nila rito'y umikot sila sa katawan ng malaking puno hanggang makarating sa likod.
Sa likod nga ng balete ay naroon ang maliit na lagusan ng kuweba na may dalawang hakbang lang ang lapad. Sa gitna ito ng dalawang ugat ng balete.
Lumapit dito si Talas saka tinutok ang hawak na tulos. Ang nasusunog na dahon ay nahuhulog sa bunganga lagusan. "Nasubukan mo na bang pumasok sa loob?" ang naitanong ni Talas sa kanyang kuryosidad.
"Hindi. Masyadong masikip saka malalim iyan kaya walang nagsusubok na pasukin," ani Sinag. Napapatingin na rin si Sinugyaw nang malapitan. Samantalang si Limong ay nagkasya sa pagtanaw.
"Tingnan natin kung malalim nga," suhestiyon ni Talas. Tinutok niya ang tulos sa bibig ng lagusan sabay bitiw dito. Bumulusok nga paibaba ang tulos, bumangga ito sa mga nakausling bato pero patuloy pa rin ito sa pagkahulog. Inantay nilang mawala ang liwanag na tumagal din ng ilang sandali. Nang hindi na nila makita ang liwanag ng tulos lumayo na sila sa kuweba.
"Malalim nga," ang nasabi pa ni Sinugyaw.
"Marahil nabulabog ang paniki sa pagkahulog ng mga bato," ani Talas sa pagsisimula ng hakbang pabalik sa puwesto.
"Marahil," sangayon namin ni Sinag.
Nagpatiuna na lang si Limong na bumalik bago pa maisipan ng maharlika na may sabihin sa kanyang di maganda. Tumabi siya kay Mitos na nakapikit ulit ang mga mata. Sa pagbalik ng mga maharlika'y inihiga nila ang kanilang mga sarili sa sapin na dahon ng niyog.
Matapos niyon ay naging tahimik ang lahat. Ang naiwang gising ay si Mitos at Limong na nilalagyan ng kahoy ang siga nang manatili itong nag-aapoy. Pinagmasdan ni Limong ang mga nakahigang maharlika habang sa isipan ay naglalaro ang isang isipin na kung bakit ang buhay ng mga tao ay nahahati sa kanilang mga antas. Hindi nga dapat pantay-pantay ang lahat. Ngunit, malabong mangyari ang bagay na iyon. Kahit saan man siya tumingin ay ganoon pa rin ang sinasabi sa kanya --- mananatili siyang nakatali sa tahanan ni Datu Silaynon sa islang iyon. Mahihirapan pa siya lalo ngayong iniwan na sila ni La-in. Magiging malaya lamang siya kung magtatapos ang kanyang buhay katulad ng kanyang ama. Pinagmasdan niya ang nababalot na bangkay ni La-in ng ilang minuto't nakatulog siyang nakaupo. Naisandig niya ang kanyang ulo sa mandirgmang si Mitos na hinila rin ng panaginip sa labis na pagod.
Lumipas ang ilang mga sandali sa mga natutulog. Maririnig ang marahang ungol ng hangin na pumapasok sa kakahuyan, sinasabayan ng mga kulisap na nanatiling gising sa gabi.
Sa kalagitnaan ng gabi nang bumangon si Silakbo mula sa kinahihigaan nito. Lumakad ito patungo sa kanan ng nakaupong tulog na si Limong. Nagising ang binatilyo't nasundan pa niya ng tingin ang pagpasok ni Silakbo sa kakahuyan. Pinikit na lang din niya ang kanyang mga mata.
Tumagal ng kaunti si Silakbo si kakahuyan bago ito bumalik. Sa paghiga niya'y napalingon pa siya sa natutulog na si Limong na nakapatong sa balikat ni Mitos. Ang ulo naman ni Mitos ay bahagyang nakasandig sa ulo ng binatilyo. Sumama ang mukha ni Silakbo katulad na lang sa tuwing titingnan niya ang binatilyo. Mas pinili na lang niyang matulog ulit na nakatagilid bago pa siya mapuno ng inis.
Ang sunod na bumangon ay si Talas. Hindi siya gumawa ng ingay sa kanyang pagtayo. Pinagmasdan pa niya nang maigi ang mga natutulog. Nang masiguradong mahimbing ang lahat, tahimik siyang humakbang at pumasok sa kakahuyan. Sa pagkawala niya ay siya ring paggising ni Limong dahil sa kumagat na kung ano sa kanyang hita. Napamulat siya ng mata't nakita ang likod ni Talas. Nagtataka siyang kinakamot ang hita na kinagatan. Inalis niya ang ulo ni Mitos at nakayungyong itong nakatulog.
Si Limong naman ay napatayo sa kanyang kinauupuan. Mayroong nagsasabi sa kanya na sundan si Talas kung saan parehong pinasukan ni Silakbo. Walang ingay siyang tinahak ang daang kinuha ni Talas. Sa paglapit niya ay maririnig ang pag-uusap ng pabulong. Kung sino ang kausap ni Talas ay hindi niya alam. Inanag niya ang nakatalikod na si Talas sa likuran ng maliit na puno. Pati na rin ang kausap nito. Hindi naman niya marinig kung ano ang sinasabi ni Talas. Hindi niya rin makita kung may kausap nga ito sa likuran ng halaman.
Napalingon si Talas kay Limong kaya napahakbang ng patalikod ang binatilyo. Natapakan niya ang isang tuyong sanga na malinaw na maririnig sa katahimikan ng paligid. Hindi niya alam kung anong gagawin niya kaya nagsalita na lamang siya.
"Ginoo, anong ginagawa niyo po? Balak ko ho sanang magbawas kaso nandito po kayo," ani Limong na lumabas na lang din sa pinagtataguan.
"Ganoon din ang ginawa ko. Tapos na ako. Ikaw naman," sabi pa ni Talas na tila ba walang nangyari na nasaksihan ni Limong. Lumakad na ito kaagad sabay tapik sa balikat ni Limong. "Huwag kang masyadong lumayo baka mamaya mayroong kumuha sa iyo," ang makahulugang sabi pa ng mandirigma.
"Maraming salamat po," ang sabi na lamang ni Limong nang sundan niya ang tingin ni Talas.
Binalikan niya ng tingin ang tinayuan ni Talas ngunit wala naman siyang maaninag kahit anong pagtitig niya rito. Bumalik na lang din siya baka imahinasyon niya lang ang narinig. Marahil kausap lang ni Talas ang sarili nito. Pagkabalik niya sa may balete'y nakahiga na si Talas. Hindi na lang siya muling natulog at naupo na lamang sa tabi ng kanyang ama.