Kabanata 18

2658 Words
SA PAGSIKAT ng araw nagsilakad na silang muli. Iniwan ang pinatay na siga. Sa unahan pa rin si Silakbo kasama ang mga maharlika. Kasunod ang dalawang mandirigma bitbit ang langkayan na kinalalagyan ng bangkay ni La-in. Dala ni Limong ang hinabing sisidlan habang naglalakad sa pinakahuli. Nagpatuloy sila sa pagpasok sa kakahuyan na si Silakbo ang gumagawa ng daan. Maingat niyang tinatagpas ang mga halaman at mababang puno nang hindi na maulit ang nangyari sa kanila sa dumaang araw. "Matatagalan pa ba tayo bago makarating sa babaylan?" ang tanong ni Talas sa kaibigan niyang si Sinag. May distansiya ito sa nakakatandang kapatid upang makaiwas sa paghampas nito ng hawak na kampilan. "Kung hindi tayo magpapahinga, naroon na tayo pagsapit ng katanghalian," sagot naman ni Sinag. "Anong paguugali ang mayroon sa babaylan dito?" dagdag na tanong ni Talas. "Malalaman mo kapag nakarating na tayo sa tirahan niya," ani Sinag. Sumunod nito'y napaangat siya ng tingin sa paglalaro ng mga ibon sa sanga ng mga puno nalampasan nila. Ang lahat ay napatingala rin maliban kay Silakbo na abala sa pagtatagpas. Kulay itim ang mga ibon na may bahid ng puti ang ilalim na bahagi ng katawan at ang buntot, ang huni ng mga ito ay umalingawngaw sa kakahuyan. Nagpatuloy ang lahat sa paglalakad at napahinto nang may dumaang isang baboy ramo sa harapan ni Silakbo. Napasunod ng tingin sina Talas dito hanggang ito ay mawala. Hindi nila gaanong binigyan pansin at nagpatuloy. Ilang paghampas pa ni Silakbo ay narating na nila ang tulay na katawan ng malaking puno. Ibinalik ni Silakbo ang kampilan sa lagayan nito sa beywang at naunang humakbang sa punong nagsilbing tulay. Sa ilalim nito ay malaking bangin, hindi makikita ang ibaba sa sobrang lalam. Ni hindi iyon nadadaluyan ng tubig sadyang bangin lamang. Sa pagtapak ni Talas sa puno'y napapalingon siya sa kahabaan ng bangin pero hindi niya maabot ang dulo dahil sa mga punong nakaharang sa hindi kalayuan. "Bakit kailangan pa na nating dito dumaan? Mayroon naman sigurong madaraanan sa dulo," ang sabi ni Talas sa pagbalik niya ng atensiyon sa likod ni Sinag. "Wala kang madadaanan. Ang dulo ng bangin ay mabatong burol. Mahihirapan tayong umakyat roon dahil sa matutulis na bato. Ito lang ang tanging daan patungo sa babaylan," pahayag naman ni Sinag na hindi na sinagot ni Talas. Pinagmasdan nito ang kadiliman ng bangin sa ilalim. "Kung mahulog ka rito, hindi ka bubuhayin," ang sabi pa ni Talas. "Posible," tipid na sagot naman ni Sinag. Maging si Sinugyaw ay napapatingin din sa ibaba sa paglalakad niya sa tulay. Maingat na naglakad ang dalawang mandirigma bitbit ang langkayan. Ang pinakahuli ay si Limong na nakatutok ang mata sa ibaba. Natigil siya sa bandang gitna ng umugong ang malakas na hangin rito. Naglaro iyon sa ibaba ng puno sabay pumaibabaw kaya naramdaman niya ang lamig. BUMAGAL ang paglalakad nila ng marating nila ang bahagi ng kakahuyan na puno ng mga bahay ng gagamba na may mahahabang katawan at mga paa. Halos kasinglaki ng daliri katawan ng gagamba. Nahirapan ng kaunti si Silakbo sa pagtagpas sa mga halaman at punong madaraan kaya kumuha siya ng patpat upang maalis ang mga sapot. "Huwag niyong hayaang kayo ay makagat. Kahit ba hindi nakakamatay kung makagat ka ay aabutin ng buong araw," ang babala ni Sinag na may hawak ding patpat. Kahi saan tumingin ay mayroong mga gagamba. Ang iba ay gumagapang sa mga sa sanga ng mababang puno sa pagkasira ng kanilang bahay. "Kapatid, ba't ngayon mo lang sinabi?" bulalas ni Sinugyaw sabay kuha ng patpat sa lupa. Pinatalsik pa niya ang gumagapang na gagamba sa lupa papalayo sa kanyang paa. Sa sinabi ni Sinugyaw ay natawa bigla si Talas. "Huwag mo namang takutin ang kapatid mo, kaibigan," ang sabi pa niya na nilingon si Sinugyaw. Iba ang guhit sa mukha ni Sinugyaw kaya ginulo ni Talas ang buhok nito. Samantalang si Limong ay sa dulo ay tahimik lang na naglalakad. Hindi nito pinapansin ang gagamba kahit ang ilan ay nakalambitin kalapit ng kanyang mukha. "Tingnan mo ang kaibigan mong alipin, mahinahon lamang," dagdag pa niya kaya lalong sumama ang mukha ni Sinugyaw. "Matagal na kaming hindi naging magkaibigan. Simula ng inagaw niya si ina sa akin," ang malakas na sabi ng binatilyo. Narinig ng lahat ang sinabi niya. Si Silakbo ay napatigil sa paghamapas ng kampilan at binaling ang tingin kay Limong na wala namang naging reaksiyon. Nagpatuloy na lamang siya paggawa ng daan. Samantalang ang nakakatandang kapatid na si Sinag ay nilingon si Sinugyaw. "Hindi tama iyang sinasabi mo, Sinugyaw. Kailan man ay hindi nagbabago ang pagmamahal ni ina sa iyo," ang sabi Sinag. Bumagsak ang balikat ni Sinugyaw. Humugot siya nang malalim na hininga sabay tumingin na lamang sa lupa. Humugot din nang malalim na hininga si Sinag kapagkuwan ay pinagpatuloy ang paglalakad. Dumikit si Talas sa kaibigan sabay bulong, "Totoo ba iyong sinabi ng kapatid mo?" "Hindi ko na dapat sinabi sa iyo," ang mahinang sabi ni Sinag saka kaagad na sumunod kay Silakbo. Sa paglampas nila sa mga kabahayan ng gagamba, makikita na ang mayabong na itaas ng puno na humugis na kalahating bilog. Sa taas ng puno'y lumampas ito sa ibang puno sa hindi kalayuan. ANG PUNO'Y matayog na tila baga maabot na ang mga ulap. Malalaki ang ugat nitong nakaangat sa lupa. Sa ilalim ito ay ang tirahan ng babaylan. Napapaikutan ang puno ng mga nakatayong mga patpat na sa dulo ay nakasabit ang mga dahon at ang ilan ay bungo ng ilang hayop. Lumapit si Silakbo sa pintong kahoy habang naiwan ang mga kasama. Binaba ng dalawang mandirigma ang langkayan sa lupa upang magpahinga. Sa unahan ng mga ito ang tatlong maharlika na sina Talas, Sinugyaw at Sinag. Nakailang katok si Silakbo kaya lamang ay walang sumasagot. "Hamibis, papasukin mo kami. Kailangan namin ang kaalaman mo," ang sabi pa ni Silakbo sa pagtayo niya sa harap ng pinto. Ang mga kasama niya'y napapatingin sa kanya. Samantalang si Limong ay malayo ang tingin, sa bandang kaliwa. Sa mga halaman sa direksiyong ito'y lumabas ang babaylan na may mahabang itim na buhok. "Magandang araw sa inyo! Naparito kayo?" bungad ng babaylan kaya napalingon ang lahat sa kanya. Ang kasuotan niya'y patadyong na itim, katambal ng pangitaas na kayumangging blusa. Nababalot din siya ng balabal na kayumanggi. Sa leeg niya'y nakasabit ang kuwintas na pinaghalong ngipin at buto ng mabangis na hayop. Hawak niya ang sisidlan na may lamang mga prutas na nakuha nito sa kakahuyan. Ang mga mata niyang nangingitim ang gilid ay nakatutok sa isang tao lamang, kay Limong. Walang kaagad na nakasagot sa babaylan sa presensiya niya. Si Silakbo na lamang ang nagsalita dahil siya naman ang pinakalider. "Nagkaroon ng suliranin ang aming mahal na datu dahil sa isang alipin," wika niya na ikinatingin ng babaylan sa kanya. Sa sinabi niya'y napatingin nga si Hamibis sa nakabalot ng bangkay ni La-in sa harapan lamang ni Limong. "Pasok muna kayo sa loob," anang babaylan sa paglalakad niya. Sinuri niya ang lahat ng mga mukha na naroon sa kanyang tirahan. Huminto siya sa harapan ni Limong. "Kilala kita bata," ang nasabi pa niya kaya si Limong ay humigpit ang kapit sa tali ng sisidlan na dala. Ang alam ni Limong hindi niya kilala ang babaylan sapagkat iyon lang din sa pagkakataon na iyon sila nagkita. "Paano mo siya nakilala, Hamibis? Samantalang ngayon lang iyan sumama dito," ang nasabi pa ni Silakbo. Hindi rin maganda ang naging pakiramdam niya sa sinabi ng babaylan. "Napapansin ko siya kapag nagiikot ako sa kakahuyan. May ilang pagkakataon nakita ko siyang naglalakad sa gabi," anang babaylan kaya napalunok ng laway si Limong. Nakuha pang ngumiti ni Hamibis. Ang nakarinig naman na mga maharlika ay gumuhit ang pagtataka sa mukha. "Huwag kayong mag-alala wala namang masama sa paglalakad sa gabi," ang nasabi ni Hamibis. "Anong wala babaylan? Hindi siya maaring gumala sa gabi," ang nasabi ni Silakbo. Sumama ang tingin niya kay Limong. Ang binatilyo naman ay mataman lang na nakatingin. Sa loob ng isipan niya'y sinasabi niyang hindi na niya uulitin ang paglabas sa gabi. "Hayaan niyo na. Pumasok na tayo," pagiiba ni Hamibis sa usapan sa muli nitong paghakbang. Nilampasan niya ang maharlika't binuksan ang pinto. Binuhat naman ng dalawa isng mandirigma ang langkayan. "Diyan ka lang sa labas," ang sabi ni Silakbo kay Limong sa pagkilos ng mga kasama. "Hindi siya maaring manatili sa labas. Hindi maganda," ang sabi ni Hamibis sa pagtiuna niyang pumasok sa kanyang tirahan. Wala nang nagawa si Silakbo't sumunod na lamang. Kasunod niya ang nakakabatang mga maharlika at ang dalawang mandirigma. Si Limong ang huling pumasok na sinara ang pinto. Ang silid ay walang gaanong kagamitan. Sa malayong sulok nito ay naroon ang mesang kawayan na kinalalagyan ng mga halamang ugat, mga bao, tapayan at pandikdik na gawa sa kahoy. Ang ibabaw ng silid ay ilalim mismo ng puno kaya may maliit na ugat na nakausli. Nakasabit dito ang mga pinatuyong dahon. Ang dalawang mandirigma ay nilapag ang langkayan sa gitna. Samantalang ang mga maharlika ay naupo sa lapag. Nakasunod ang ang mga mata nila sa nakatalikod na babaylan na nilapag ang dala sa mesa. Ang dalawang mandirigma naman ay naupo rin kasunod ng pinto. Iniupo na rin ni Limong ang kanyang sarili sa kaliwa ni Mitos. Hindi niya pinagmamasdan ang mga maharalika dahil iba na naman ang tingin sa kanya ni Sinugyaw. "Ano bang nangyari sa alipin na ito?" pagusisa ni Hamibis na ibaling niya ang kanyang atensiyon sa bangkay. Hawak niya ang baong may lamang tubig. Sa isang kamay naman ay ilang piraso ng dahon. "Nalunod siya sa dagat kalapit ng Sibuyan," pagbibigay alam ni Silakbo. Napaangat ng tingin ang babaylan sa kanya nang ilapag nito ang hawak. Inalis ni Hamibis ang nakabalot sa mukha ni La-in. "Sino kasi ang may sabi sa inyo na magtungo roon?" tanong niya. Kinuha niya ang mga dahon sabay hinaplos sa mukha ni La-in. Nakuha pa nitong ibuka ang bibig nang makailang ulit kahit wala namang lumalabas na ano mga salita rito. "Siya mismo," ani Silakbo. Ang mga kasama niya'y nanatiling tahimik, tutok sa ginagawa ng babaylan. "Ang haka-haka ng lahat ay kadiliman ang kumuha sa kanya. Kaya pumunta kami rito," dagag niya nang ipadaloy ni Hamibis ang dahon sa ibabaw ng nakabalot na katawan ni La-in. Sa sandaling iyon ay hindi muna nagsalita si Hamibis at pinagpatuloy ang kilos. Matapos niyang ipadaloy ang mga dahon kay La-in, pinunit niya ang mga dahon na inihulog niya sa bao na may lamang tubig. Nag-iba ang tingin niya sa paglubog ng mga dahon sa tubig. Idagdag pa na naging itim ang tubig na dapat ay malinaw. "Hindi ito maganda," ang nasabi niya sa nakikita niya. Kinuha niya ang bao sabay tinapon ang tubig sa lupa. Sumuksok iyon hanggang sa nawala na nagiwan ng basa kasama ang mga dahon na nagsasama sa anim na bilang. "Masamang pangitain." Ang lahat ay nagkaroon ng reaksiyon sa huling sinabi ng babaylan. "Bakit mo nasabi?" ang nailabas ni Silakbo. Napatayo na rin ang ang tatlong katabi niya samantalang sina Limong at ang dalawang mandirigma ay walang sinasabi. Hindi kaagad na nakasagot si Hamibis dahil biglang itong napaluhod, tinakpan ang mga tainga na tila baga mayroon siyang naririnig na hindi naririnig ng ibang naroon. Nilapitan siya ni Silakbo sabay hawak sa braso nito. "Sabihin mo kung anong nakikita mo? Kung totoo ba iyan?" ang matigas niyang sabi Napasigaw si Hamibis nang tumingin siya kay Silakbo. Kung kaya'y binitiwan siya nito. Hinawakan na rin ni Sinag ang nakakatandang kapatid dahil kilala niya ito. "Sandali lamang. Mabuti't dinala niyo rito," ang mabilis na sabi ng babaylan sabay napahawak sa kanyang taing ulit. "Kaya pala nagiging magulo ang kagubatan ngayon. Simula pa lang ito. Kailangan niyong ipunin ang mga perlas para makapaghanda." Ang mga salita niya'y hindi naging malinaw. Ngunit, naunawaan naman ni Sinag. "Anong perlas ang sinasabi mo Hamibis?" ang sabi ni Sinag. Nagkatinginan pa sila ni Talas. Hindi na rin nagugustuhan ni Silakbo ang narinig kaya nauna siyang lumabas na masama ang tingin kay Limong. Sa naging tanong ni Sinag ay tumayo bigla si Hamibis. "Ang perlas na simi ng mga buwan na nilamon ng bakunawa," mabilis na naglalaro ang bibig ni Hamibis. Tinulak niya ang mga maharlika patungo sa pinto. "Tama ang mga haka-haka. Magbabalik ang kadiliman kaya kailangan niyo na ring umalis. Bilisan niyo nauubusan tayo ng panahon," pagpapatuloy niya hanggang sa makalabas ang mga maharlika. Natakot rin sa iginawi ng babaylan. Ang dalawang mandirigma'y kaagad na binuhat ang langkayan. Si Limong ay nakatingin lang sa babaylan sa pagtabi niya upang makadaan ang dalawang mandirigma."Sunugin niyo kaagad ang bangkay ng alipin kalapit ng dagat bago pa may mangyari sa kanya. Iyon lang ang tanging paraan para maalis ang kadilimang naiiwan sa katawan niya. Umalis na kayo!" sigaw ni Hamibis kaya napahakbang narin si Limong sa papalabas ng tahanan niya. Nang palayo na si Limong sa pinto'y napalingon siya sa babaylan sa sinabi nito. "Umalis ka na kaagad alipin kung nais mo pang mabuhay," ang sabi ng babaylan sabay sarado ng pinto. Umalingaw-ngaw pa ang ingay ng pagsara niya sa paligid. Kinabahan siya kaagad sa narinig kaya laman iyon ng kanyang isipan sa pagbalik nila. Paglingon ni Limong sa mga kasama'y napansin niya ang pagbulong ni Talas sa tainga ni Sinugyaw. Nakakapit pa ang kamay ng dayo sa balikat ng binatilyo. Sina Sinag, Silakbo at dalawang mandirigma ay nauna na sa paglalakad sa kakahuyan. Iba na naman ang tingin sa kanya ni Sinugyaw kaya nagpatiuna na lamang siya, nilampasan niya ang mga ito. SA BILIS ng paglalakad ng apat hindi na na nasundan ni Limong ang likuran ng mga ito. Kung hindi lang sa nagawang daan pihadong hindi siya kaagad nakasunod. Mabilis din ang paglalakad niya dahil maging siya ay kinakabahan mula pa kaninang nakita niya si Hamibis. Naririnig niya ang dalawa sa likod na hindi niya pinagkaabalahang lingonin. Nang makarating ng punong tulay, napalingon siya kina Talas at Sinugyaw nang tawagin ng mga ito ang kanyang pansin. "Limong, kailangang maging maayos na tayo't sa isa-isa lalo pa kayong may mangyaring hindi maganda. Sangayo ka ba?" tinaas pa ni Sinugyaw ang kamay upang tanggapin ni Limong. Lumapit naman si Limong na nakatitig sa kamay ni Sinugyaw. Ngunit, sa paglapit niya ay tinulak siya ni Sinugyaw sa bangin. Sinubukan niya pang humawak sa puno kaya lamang ay dumulas pa rin siya. Nanglaki ang mata niya ng makita ang matalim na ngisi ni Sinugyaw sa kanyang pagkahulog. "Paalam, alipin," ang sabi pa ni Sinugyaw. Nanatiling nakatingin lamang si Talas na blangko ang mukha. "Limong!" ang sigaw pa niya na siya ring pagbalik ni Sinag. "Anong nangyari?!" ang sigaw ni Sinag na kaagad na tinanaw ang nahulog na si Limong. "Nadulas siya kapatid. Sinubukan ko pa siyang habulin ngunit nahuli na kami. Hindi ko alam kung mabubuhay pa siya diyan," pagbabalita ni Sinugyaw. Nagkunwari pa siyang nasasaktan, pinatong niya ang ulo sa dibdib ni Sinag. "Puwedeng bumaba tayo." Hinawakan ni Sinag ang ulo ni Sinugyaw. "Wala na tayong magagawa. Mahirap ang bumaba diyan. Saka kung makababa man tayo, wala na rin siyang buhay. Marahil ay nakatala na sa kalangitan na hanggang dito na lang siya. Wala kang kasalanan, kapatid," pag-alo ni Sinag sa nagkukunwaring kapatid. Tinapik pa ni Talas ang balikat ni Sinugyaw bago ito nauna sa paglalakad. SA PANINGIN ni Limong ay mapanlinlang na mga maharlika. Mabuti na nga sigurong mamatay na siya tutal wala na rin ang kanyang ama. Ang tanging pagsisi niya lang ay hindi nakapagpaalam sa kanyang ina. Pinikit niya lamang ang kanyang mga mata sa kanyang pagkahulog. Tumama pa ang kanyang likod sa matatas na bato sa ibaba kaya napasigaw siya sa pagtalbog niya sa isang bato pa, bago nakarating ang kanyang katawan sa lupa na nanghihina. Natusok ng matutulis na bato ang katawan pati na ang leeg. Nararamdaman niya pa ang pagdaloy ng dugo sa kanyang katawan. Sinubukan niya pang buksan ang kanyang mga mata ngunit hindi na niya magawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD