UMIHIP ng banayad ang hangin mula sa silangan, pumapantay sa hindi gaanong mainit na panahon dulot ng nagdidilim na kalangitan na nagdadala ng maginhawang pakiramdam sa mga ilang taong nag-aantay sa kahabaan ng daungan. Sa magkabilaang dako'y nakatali ang mga maliliit na bangkang tahimik na nagsasayaw sa tubig. Mula sa makakapal na hamog na nabuo sa ibabaw ng tubig humantad ang nguso ng may kalakihang bangka. Ito'y marahang dumaong sa sadsaran, maingat sa pagdikit sa gilid nito.
Ang lumuwang dalawang pares ng makakapal na tabla sa gilid nito ang magsisilbing tulay ng mga pasahero paibaba. Kasabay ng mga hamog na dumadampi sa malaong katawan nito, tatakbo pailalim kung saan naglalaro ang mga hamog na tumatakip sa tubig.
Sa pag-alingawngaw ng sirenang gawa sa kawayan na umaabot sa daan ng pamayanan ng Habigan, nagsibaban na ang mga tao na magkasunod-sunod sa dalawang tabla.
Kumakaway pa ang ilan sa mga nagaantay ma winawasiwas din ang mga kamay dahil sa galak. Ang iba'y hawak ang makulay na tela na para bagang walang nangyayaring 'di maganda sa loob ng Habigan. Hinaharangan ng mga ito ang daanan ng mga taong pababa kung kaya't pumaimbawbaw ang sigaw ng pahinante sa unahan ng bangka. Sa kasamaang-palad ang sigaw nito'y hindi pinansin ng mga taong nakaharang.
Hinigpitan ni Agat ang tali ng bitbit na sisidlan na naglalaman ng ilang gamit. Hindi niya alam kung bakit ba pinasakay pa siya ni Episo sa bangkang iyon samantalang maari naman siyang ihatid. Ang sabi kasi ng matanda'y mayroon pa itong pupuntahan matapos na pinalipat siya sa malaking bangka habang nasa tubig. Ang pinapanalangin niya lang ay nakauwi na ang kanyang ama para hindi niya kailangang magpaliwanag sa mga maharlika kung bakit niya nakuhang umuwi.
Siya ang pinakahulinh bumaba ng malaking bangka. Sa kanyang pagdating sa kahoy na daungan siya'y nagsumiksik sa mga tao upang makalampas. Umiwas siyang masiko ng iba sa kanyang paghakbang. Hapo siyang nakalabas at narating ang dulo ng sadsaran kung saan nakatayo ang malapad na tablang pinaglalagyan ng pinintang mukha ng mga nawawalang bata gamit ang uling. Sa pag-ihip ng hangin nabaling ang paningin niya rito. Mukhang bagong lamang ang mga mukha.
Sa kanyang likuran ay patuloy ang paglalakad ng mga tao papasok at papalabas ng sadsaran.
Marami na namang nawawala na hindi narin gaanong nabibigyang pansin. Mula nang maging datu ang kanyang ama sa pamayanan ng Habigan nagkaroon na ng ganitong suliranin.
Ni hindi na nga bago ang may nawawalang tao dahil palagi namang ganoon. Sa laki at sikip ng Habigan nahihirapang maghanap ang mga mandirigma. Ang ilang mga tao'y pinagpalagay na pinagkukuha ng mga masamang elemento ng kalikasan.
Kapansin-pansin ang bago lamang na mukha. Pinakatitigan niya ang itsura ng lalaki dahil may nagsasabi sa kanya na kilala niya ito. Nalaman niya ngang nakilala niya na ang lalaki, si Kuol. Matapos mapagmasdan ito siya'y nagpatuloy na kinakabahan. Sinasabi ng kanyang pakiramdam na may mangyayaring masama na hindi niya mabigyan ng kahulugan.
Sa laki ng bawat niya paghakbang nakalampas siya kaagad ng labasan ng daunga.
Hindi niya inalis ang paningin sa paligid sa kanyang paglalakad sa lansangan na nababalot. Nakakasalubong niya ang ilan pang mga tao.
Napatigil siya sa paglalakad sa pagdaan ng mga mandirigma na may sampung bilang na suot kangang asul.
Bawat isa'y may bitbit na sibat at kalasag, sa bawat paghakbang ng mga mandirigma ay nag-iiwan ang mga ito ng alikabok na kanyang ikinaubo. Nag-iikot ang mga ito sa buong pamayanan.
Binaybay niya ang lansangan sa gitna ng mga puwesto ng mga tindahan. Tumabi siya nang makasalubong ang limang batang naghahabulan. Sa kanilang mga bibig ay lumalabas ang malakas na tawa. Naiingit siya sa nakikitang saya sa mga ito. Kung bakit hindi siyang nagiging masaya katulad ng mga bata'y hindi niya alam. Mula pa ng sanggol siya'y ni minsan ay hindi siya tumatawa. Kahit simpleng ngiti ay hindi gumuguhit sa kanyang labi. Palaging sumusuksok sa kanyang isipan na walang rason para siya'y ngumiti sa masasayang bagay.
Napupuno ang daan sa dakong iyon ng mga sigawan ng mga nagtitinda na sinasabayan ng mga taong naglalakad, patingin-tingin sa mga bilihin. Nakarinig pa siya ng nag-aaway na mag-asawa nang mapadaan sa kainan. Nang makalampas sa kahabaan ng bilihan, nanakbo siya patungo sa kabilang ibayo.
Ilang liko ang ginawa niya makarating lang sa pinakasulok ng Habigan kung saan nakatira ang mga taong nakakaluwag-luwag sa buhay. Iyon ay mahabang daan na ang magkabilang gilid ay kinatatayuan ng mga serbeserya at mga paupahang bahay para sa mga manglalakbay.
Nanatili ang mga basura sa daan na nagbibigay ng mabahong amoy sa mga napapadaan rito. Ang itaas pa nito'y mistulang piyesta dahil sa mga nakasampay na damit sa taling sinabit ng pa-ekis ekis. Napapatingin ang mga taong nakakasalubong sa kanya kung kaya't pinangtabon niya sa mukha ang pangtakip ng balabal.
May isang bagay na parating laman ng kanyang isipan kapag ganoong mapanghusga ang tingin ng mga tao sa kanya. Kung maari nga lang na puwede niyang baguhin ang takbo ng kanyang buhay. Kung puwede lang palitan ang kanyang pagkatao, ito'y kanyang gagawin. Ngunit, kahit ano pang pagsusumikap na baguhin niya ang tingin ng mga tao sa kanya, naiiwan parin siyang nag-iisa sa sulok.
Nagpatuloy siya sa paglalakad na may katanungan sa likuran ng kanyang isipan. Tumawid sa daan hanggang marating ang hagdanan paibaba ng daan kung saan mas marami ang tao.
Sa paghakbang niya sa huling baitang ng hagdanan mula sa kalsada'y bumungad sa kanya ang mga taong nakatayong nag-aantay sa pagsisimula ng isang kasiyahan. Halos punuin ng mga ito ang daan habang abala sa pakikipagusap. Sa uluhan ng mga ito ay umalingangaw ang isang malamyos na kanta ng isang dalaga na umaayon sa lamig ng panahon.
Pagpahinga ng kanyang mga paa inipit niya ang kanyang ilong dahil sa mabahong amoy na tila nasusunog na laman. Lumingon siya sa kaliwa sa pinagmumulan nito.
Nahuli ng kanyang paningin ang isang lalaking nakaupo sa baitang, ilang hakbang ang layo sa karamihan. Ang ulo ng lalaki'y nakasandig sa pader sa panginginig ng katawan nito. Walang naitulong ang mahabang kayumangging balabal na nakabalot dito. Putlang-putla ang kulay ng balat nito na tila hindi na nadadaluyan ng dugo.
Siya'y humakbang papalapit sa lalaki sa pagtama ng kuryosidad sa isipan. "Ginoo, okay ka lang?" ang tanong niya rito nang makalapit.
Biglang lumingon ang lalaki sa nanlilisik nitong tingin kasabay ng malalim na ungol.
Siya ay napaatras ng isang hakbang sa pagtayo ng balahibo sa kanyang batok. Ang mata ng lalaki'y itim na itim, kasing itim ng madilim na gabi. Kung mamalasin nga naman siya'y nakita niya pa si Kuol. Sana naman hindi siya nakilala nito sa panandaliang pagbalik ng pagiging tao nito.
Nagsumiksik siya sa mga tao para makadaan hanggang sa nakarating siya sa gilid bago ang maliit na entablado. Nakatayo rito ang dalagang kumakanta na nakasuot na pulang patadyong. Ang hangin na nagmumula sa kanluran ng daan ay nakipagsayaw sa kanyang may kahabaang buhok, at hinuhugasan ang kanyang balat.
Nanatiling nakatayo si Agat na walang kibo, 'di binigyang pansin ang nakatinging dalagang kumakanta. Pinagiispan niya kung ano ang dapat gawing hakbang kaya napaupo siya upuang kawayan. Napalingon siya sa kaliwa nang marinig niya ang pamilyar na tinig na pinakaiiwasan niyang tao.
"Tingnan mo nga naman," ang sabi ni Yail sa paglapit nito. Tiningnan siya nito ng pababa kasabay ng pagguhit ng matalim na ngisi sa bibig. Maging ang kaibigan nito'y gumuhit din ang ngisi sa labi. Hinarangan ng mga ito ang kanyang paningin para wala siyang makitang iba, kundi ang katawan at mukha lang ng mga ito. "Anong ginagawa mo rito? Diba sabi ko sa'yo kapag nasa isang lugar tayo, kailangan mong umalis. Anong gusto mo ipaalala ko pa sa'yo?" Hinawakan siya nito sa nakatabong ulo, sabay diin ng mga daliri. Naramdaman niya ang pagbaon ng daliri nito sa suot na balabal.
Pinalis niya ang kamay nito na ikinanlaki ng mata nito. Naiwan ang kamay nito sa ere na binaba rin ng huli. "Hindi na kailangan. Wala akong balak kang sundin. Kung gusto mo, ikaw na lang ang umalis," sabi niya rito sabay tingin ng masama.
"Natututo ka na, Agat," anito sabay tawa ng pagak. Dinagdagan ang sama ng tingin sa kanya. "Anong gusto mo Agat saktan pa kita. Mamalasin ako sa ginagawa mo."
"Hindi ako malas," ang mariin niyang sabi kay Yail. Ilang ulit niya na bang nasabi ang katagang iyon sa lalaking ito. Hindi na niya maalala.
"Talaga? Hindi ba kamalasan iyong pagkamatay ng lolo't lola mo." Pinalo siya nito sa mukha na hindi niya inasahan kaya nauntog ang ulo niya sa sandigan ng upuan ng kahoy. "Ikaw lang ang buhay. Nadamay sa kamalasan mo. Ha?" Inulit nito ang pagpalo sa kanyang mukha kaya naramdaman niya na ang kirot ng ginawa nito. Nais niya mang lumaban sa taong ito ngunit naglalaro sa likuran ng kanyang isipan ang bilin ni Episo kapag nagtutungo roon, pati na rin ang bilin ng kanyang ama. Pinigilan niya ang pagputok ng kalooban sa pagkumyos ng kamao sa itaas ng tuhod.
"Kabaliwan ang sinasabi mo." Hinila niya ang dulo ng balabal upang matabunan ang kalahati ng kanyang mukha.
"Nakakatawa iyong kuwento ng buhay niya," ang nakakainsultong sabi ng kasama ni Yail, si Damo.
"Sinabi mo pa. Ang hindi ko gusto ay makita ang pagmumukha ng taong ito," tugon ni Yail sa kaibigan na hindi ito tinitingnan. Sinipa nito ang upuan sa pagitan ng kanyang dalawang hita na kanyang ikinabigla. Pareho namang natawa ang dalawang barumbado sa naging reaksiyon niya. "Umalis ka diyan. Ako ang uupo," utos nito. Pinihit pa nito ang dulo ng paa sa kanto ng upuan.
Tatayo na sana siya kung hindi lang sa kaguluhan sa may hagdanan. Nagsilingon ang lahat sa dakong ito. Maging siya'y napatingin din. Inalis ni Yail ang kanyang paa sa upuan kaya nakahinga si Agat nang malalim.
Pagbalik ni Agat ng atensiyon sa kaguluhan, kitang-kita niya ang pagkataranta ng lalaking kaninang nangingitim ang mata. Marahas itong lumingon sa iba't ibang direksiyon na tila may hinahanap.
"Lumayo ka nga sa akin!" ang sigaw ng isang babae sa lalaki sa paglapit nito rito.
Pinagtutulak pa ng ibang kalalakihan ang lalaki patungo sa gilid ng hagdanan. Napahalik ang pisngi nito sa mataas na lupa.
"Gusto ko lang makita ang asawa at anak ko!" ang sigaw pa ni Kuol.
Napasigaw ang babaeng hinawakan nito upang hindi matumba. Kasunod nang pag-sipa ng lalaki sa likod ng kawawang lalaki, pinagpag ng babae kamay para maalis ang duming inakalang nitong kumapit.
Si Kuol ay naiwan na nakaharap sa mataas na lupa. Nakahawak ito sa ulo't may kung anong binubulong.
Umurong ang mga taong nakapaikot sa lalake kung kaya't siksikan na sa kinauupuan ni Agat. Naitaas niya ang kanyang paa sa upuan para hindi maipit dahil sa paggalaw ng mga tao.
Pagtingin niya kay Yail pinipigilan nitong madikit sa kanya. Siya na ang kusang umiwas dito.
Sa kanyang pagtayo sa upuan, kitang-kita niya ang pagligwak ng maitim na pulang dugo sa bibig ni Kuol. Kumapit ang sinuka nitong dugo sa mataas na lupa. May iba pang natalsikan kaya lalong nagkagulo sa takot sa nangyayari sa lalaki. Ang ibang tao'y nagsitakbuhan na papalayo.
"Ano bang nangyayari?" tanong ni Yail sa kasama nito habang patuloy sa pag-alis ang mga tao.
"Huwag mo akong tanungin masi hindi ko rin alam," tugon ng kasama ni Yail. Binatukan nito ang kasama sa sinabi nito.
Dahil sa nasaksikan ni Yail gusto na niyang umalis kaya lamag may kung ano pang pumipigil sa kanya. "Kita mo!" ang makahulugang sigaw ni Yail sa kanya sa pakipagsisikan nito upang makalayo kahit hindi naman alam ang tunay na nagaganap.
Pinandilatan niya na lang ito ng mata sa paglayo nito. Pinaghihila ng dalawa ang nasa unahan para mauna sila. Binantayan ng kanyang mga mata ang lalaking nakaluhod na sa lupa. Hawak nito ang ulo na para bagang nanalangin ito. Pagkahanggang sa oras na iyon nanginginig parin ang mga kamay nito.
Ang sinuka nitong dugo ay dumulas sa mataas na lupa na gumawa ng guhit. Ilang saglit pa'y siya na lamang ang naiwan kalapit ng lalaki. Ang ilang mga tao ay sa malayo nakatingin.
Ang lalaki'y lumingon sa kanyang paligid, bago ito tumakbo sa kabilang hagdanan. Nakahinga siya nang malalim, balak sana niyang sundan kaya lamang pumasok naman sa kanyang isipan ang bilin ni Episo.
Umalis narin siya ng daan na iyon sa mabilis na paghakbang na may kasamang pagtakbo. Nang malapit marating na niya ang pataas na lupang daan lumingon siya sa likuran dahil baka nakasunod sa kanya ang lalaki. Huminga siya ng malalim nang makitang wala ito sa hagdanan tanging ibang mga tao lang magsisibalikan sa kasiyahan.
Pagbalik niya ng atensiyon sa harapan nabangga niya ang isang tao. Pagkasalubong ng kanilang paninigin kaagad siyang humakbang papalayo rito, ngunit nahawakan siya nito sa likuran ng suot na balabal saka marahas na hinila.
"Bitiwan niyo ako," ang sabi niya kay Yail kasama ang kaibigan nito. Ngunit hindi nakinig ang mga ito at patuloy sa paghila sa kanya. Hindi man lang sila pinansin ng mga taong nadaraanan.
"Tumahimik ka!" singhal ni Yail sa kanya. HInawakan siya ng mga ito sa magkabilaang braso kahit na siya'y nakatalikod.
Pilit niyang inalis ang mga kamay ng dalawa sa paghabyog na katawan ngunit hindi bumibitaw ang mga kamay ng mga ito. Sinubukan niya pang sipain ng patalikod ang dalawa. Naging marahas lang lalo ang paghila ng mga ito sa kanya. Umalis sila sa daan kung saan patuloy ang paglalakad ng mga tao. Lumiko sila mula sa daan at dinala siya ng mga ito sa damuhan kung saan hindi gaanong umaabot ang liwanag ng mga tulos na dala ng mga tao katabi ng isang mayabong na puno.
Pabalibag na binagsak siya ng dalawa sa damuhan kaya napasubsob siya una ang balikat.
"Ibigay mo sa amin ang pilak mo," ang matigas na utos ni Damo. Habang si Yail ay naiwang nagsindi ng nirolyong pinatuyong dahon. Ang nasusunog na dulo ng upos ay gumagawa ng liwanag sa mukha nito.
"Wala akong maibibigay sa inyo," aniya sa dalawa. Naupo siya para makatayo. Dinambahan siya ng isang malakas na sipa sa tiyan ni Damo na kanyang ikibinaluktot. Hindi siya makahinga sa sakit. Tila nagsarado ang daluyan ng hangin sa kanyang lalamunan kasabay ng pait sa sikmura.
"Huwag kang magsinungaling sa amin," sabi ni Yail saka ito naman ang sumipa sa kanya. Napahiga siya sa damuhan nang hindi ito tumigil sa pagsipa. Sinabayan pa ni Damo kaya sigaw na lang ang kanyang nagawa. Sigaw na walang nakakarinig.
Naroong sinuntok pa siya ni Yail ng makailang ulit sa mukha. Sa lakas ng suntok nito'y pumutok ang kanyang labi. Tiniis niya na lamang ang sakit nang huli. Kahit magmakaawa siya sa mga ito, hindi makikinig ang mga ito.
Nang mapagod ang dalawa'y kimuha ni Damo ang sisidlan niya'y tinaktak ang laman na iyon. Nahulog sa lupa ang supot ng pilak.
"Sinungaling ka Agat," ani Yail na nasa kanyang uluhan. Inalis nito ang upos sa bibig bago siya nito binugahan ng usok sa mukha na kanyang inubo-ubo. Hindi pa nakuntento si Yail at diniin ang umaapoy na upos sa kanyang leeg. Sumigaw siya ng malakas dahil sa sakit kasabay ng amoy na nanunuot sa kanyang ilong.
Tumawa pa ang dalawa sa pagtayo ng mga ito. Pinabaunan pa siya ni Damo ng isa pang sipa saka siya'y pinabayaan.
Nang wala na ang dalawa, tumihaya siya sa damuhan. Pinagmamasdan ang buwan sa kalangitan na nakikipaglaro ng taguan sa makakapal na ulap. Gusto niyang umiyak ngunit wala ng luhang lumalabas sa kanyang mga mata. Itinaas niya ang kanyang nanakit na kamay, tila inaabot ang mga ulap. Kahit pilitin niyang may makuha ay wala talaga siyang maabot. Matapos nito'y hinawakan niya ang paso sa kanyang leeg na kanyang ikinangiwi.
Pinilit niyang bumangon kahit nanakit ang katawan. Inayos niya ang mga laman ng sisidlan bago ito nilagay sa ikuran. At naglakad hawak ang tagiliran. Para malinis ang laman ng bunganga, dumura siya ng dugo sabay pahid sa bibig.
Sa hindi kalayuan sa gilid ng daan natanaw niya si Kuol na naglalakad. Nagtago siya likuran ng halaman bago niya sinundan ito. Sumuray-suray ang lalaki sa paglalakad nito. Ilang mga puno ang layo sa kinatatayuan nito'y maririnig ang ingay ng tbol na nagmumula sa isa pang kasiyahan. Lumakad ito hanggang marating ang kasiyahan habang siya'y nanatiling nakasunod. Ilang saglit pa'y narating nito ang kasiyahan at siya naman ay nagtago sa likuran ng tambakan ng basura.
Kitang-kita niya kung paanong humalo ang lalaki sa mga nagsasayaw sa indayog ng tugtog sa damuhan sa harapan ng malapad na bahay. Walang sino man pumapansin dito. Tumayo na siya't lumapit sa kasiyahan, natigil siya sa paghakbang nang makita sina Yail at Damo na nasa pinto na may hawak na basong kawayan. Sa gilid na lang ng mga nagsasayaw siya dumaan.
Ang kanyang ulo'y lingon-lingon upang hanapin ang lalaki. Gusto niyang sabihin sa mga taong naroon ang tungkol sa lalaki, pero panigurado siya walang maniniwala sa kanya. Hinanap niya ang daan sa gilid ng bahay. Pumasok siya sa gilid na pinto ng bahay patungo sa sala kung saan nagsasayaw ang iba pang mga tao. Umakyat siya ng kawayang hagdanan katabi ng sala patungo sa ikalawang palapag, sinuri ang bawat silid ngunit wala roon ang lalaki. Sa kanyang pagbaba sa hagdanan, nanigas siya nang makita ang lalaki na inalalayan ang isang babaeng wala sa huwisyo na lumabas mula sa pinto sa kusina. Kaagad siyang sumunod hanggang sa pinto.
Pumasok ito sa madilim na kakahuyan. Bumalik siya sa mga taong nagsasayaw. Nilapitan niya ang isang lalaking, ang katawan nito'y halos pumutok na sobrang lake. Kinalabit niya ito sa balikat ng makailang ulit bago ito lumingon.
"Tulungan mo ako. May lalaking dinala ang isang babae. Sa tingin ko'y may gagawin itong 'di maganda sa babae," sabi niya sa lalaki.
"Anong pinagsasabi mo? Lasing ka na ata," ani ng lalaking hindi naniniwala sa kanya. Nagpatuloy ito sa pagsayaw. Nang mapansin ang papalapit na magkaibigan sa kanyang kinatatayuan, lumabas narin siya ng kusina patungo sa likuran ng bahay.
Sumunod siya sa kakahuyan na kumakabog ang dibdib. Nahanap naman niya ang daan papalabas ng kakahuyan, ngunit nahuli na siya sapagkat wala na roon sina Kuol. Mabilis siyang tumakbo para makasunod. Kahit hindi naman sigurado na uuwi ang lalaki sa bahay na dating asawa nito, doon siya tumuloy na ilang pang mga puno ang layo. Hindi siya dumaan sa daan, sa tuyong ilog nalang siya pumunta kung saan maliit na lang ang dumadaloy na tubig.
Nagpadaos-daos siya sa madulas nitong tabi. Dito na siya dumaan upang mas madaling makapunta sa bahay ng dating asawa ni Kuol. Nang makita ang mataas na puno sa ibabaw ng iba, umakyat siya ulit sa tabi ng ilog patungo sa daan. Pumasok siya ulit sa kakahuyan na pumapaikot sa bahay. Muntikan pa siyang madapa sa kawalan ng ilaw, mabuti na lamang nakahawak siya sa maliit na puno. Natatanaw niya na ang bahay na isang palapag lamang.
Ilang saglit pa'y dumating narin si Kuol buhat ang babae sa balikat. Dumapa siya kaagad bago siya mapansin nito. Dinala nito sa likuran ng bahay.
Binuksan ng lalaki ang sara sa likod ng bahay bago ito pumasok at hindi pinagkaabalahan itong isara. Ilang minuto ang lumipas bago bumalik ang lalaki sa itaas. Marahas nitong sinara ang pinto't muli itong umalis.
Nang masiguradong hindi pa babalik ang lalaki, lumabas na siya sa kanyang pinagtataguan. Nagdalawang isip siya nang marating ang pinto.
Sa huli'y kusang gumalaw ang kanyang katawan saka pumasok ng bahay. Natakpan niya ang kanyang ilong sa pamilyar na amoy na umaalingasaw sa loob ng kusina. Inaninag niya ang loob. Wala namang laman ang maliban sa mesa.
Narinig niya ang pag-ungol ng babae kaya hinanap niya iyon kung saan nagmula. Sa may kabinet ito nanggagaling sa kanyang kaliwa. Hinila niya ang sara ng kabinet patungo sa gilid, pagkatapos nanglaki ang mata nang wala naman ito sa loob nito. Pinakinggan niya ulit ang ungol at nalamang nasa ilalim ito nagmumula ng sahig. Sinuksok niya ang daliri sa gilid ng sahig at nabuksan niya ito sa pagtaas sa sarang tabla.
May hagdanan pa-ibaba sa madilim na imbakan.
"Nandiyan ka ba?" pagtawag niya sa babae. Nakarinig siya ng ungol kaya sigurado ang babae iyon. "Tutulungan kita."
Bumababa siya ng kawayang hagdanan, nang nasa huling baitang na siya'y napalingon siya sa kanyang likuran nang mapansin ang aninong tumatama sa kanya. Pagkalingon niya'y nakita niya ang lalaki na nakatayo sa taas ng hagdanan, may hawak na tulos. Mabilis itong bumaba ng hagdanan sabay sakal sa kanya, tinulak siya nito hanggang bumangga ang kanyang likod sa pader na lupa. Sa higpit ng pagkasakal ng lalaki'y nahihirapan siya sa kanyang paghinga. Hindi nagtagal nawalan siya ng malay tao.