HINDI ALAM ni Agat kung ilang oras siyang nawalan ng malay tao, nagising na lang siya dahil sa ingay. Nararamdaman niya ang lubid na nakatali sa kanyang mga kamay. Nang imulat niya ang kanyang mata'y nalaman niya ngang nakatali ang lubid rito. Napapikit siya ng kanyang mata dahil sa nakakasilaw na liwanag ng tulos na nakasabit sa pader sa kanyang bandang kanan.
Ang dulo ng lubid ay hinihila ng lalake. Nakuha nga siya nitong ibitin at ang tanging nalang niyang nagawa'y pagmasdan ang lalaki sa pagtali nito sa dulo ng lubid sa nakabaong kahoy sa lupa. Gumalaw ito papalapit sa kanya't pinakatitigan siya sa mata. Ang mga mata nito'y lalong umitim. Naglalaway pa ito na itim rin ang kulay. Matapos siya nitong pagmasdan tumalikod ito sa kanya sa paghawak nito sa kanyang ulo. Inuntog nito ng marahas ang ulo sa pader.
Pansin niya sa gilid ang bangkay ng babae, buto't balat na ito na ikinanlaki ng kanyang mata. Katabi ng kanyang sisidlan na naalis sa kanyang likuran. Nangingitim ang buong balat nito. Muli siyang hinarap ng lalaki, inalis nito ang pagkatali ng lupa sa kanyang kamay. Bumagsak siya sa lupa sa ginawa nito. Napagapang siya patalikod upang makalayo sa lalaki.
"Dapat hindi ka na lang sumunod sa akin. Maililigtas mo pa sana ang sarili mong buhay," sabi ng lalaki sa kanya. Kumuha ito ng lubid na nasa mesang naroon.
"Lumayo ka!" ang sigaw niya rito sa paglapit nito. Tumayo siya't pinasalubungan niya ito ng isang suntok sa mukha. Gumiwang lang ang ulo ng lalaki't bumalik sa dating ayos na tila hindi nasaktan. Sinipa niya ito sa tagiliran na walang naging resulta. Nakatayo parin ang lalaki. Pinagsusuntok niya ito ng makailang ulit sa mukha na tinanggap lang ito. Iba na ngayon ang sitwasyon, nasaktan pa niya ito noong una.
Tumakbo siya sa gilid, umiwas sa lalaki saka tinumbok ang hagdanan. Ngunit hindi siya nakatuloy sapagkat nahawakan siya ng lalaki sa kanyang suot. "Hindi ka na makakatas dito," ang sabi ng lalaki sa kanya saka marahas siyang hinila na muli niyang ikinabagsak sa lupa.
"Ano ka ba ha?" sigaw niya sa lalaki.
"Hindi ko rin alam kung ano ako! Pero gusto ko ang nararamdaman ko ngayon! Para akong isang bagong panganak! Nagugustuhan ko! Nagiging masaya ako!" sabi ng lalaki saka tumawa ng malakas na pumuno sa buong imbakan.
"Pakawalan mo na ako. Wala kang mapapala sa akin," sabi niya rito. Tinayo niya ang kanyang sarili saka humawak sa pader.
"Iyan ang hindi ko puwedeng gawin. Ngayon, gawin natin ang isang bagay, tingnan natin kung anong magiging resulta," sabi ng lalaki saka binuhol ang dulo ng hawak na lubid.
Sa paglapit ng lalaki'y sinipa niya ito ngunit hinawakan lang nito ang paa niya saka inihampas siya nito sa kabilang pader na kanyang ikinaungol. Halos mabali ang buto niya sa lakas ng pagtama ng kanyang likod. Ang binuhol nitong lubid ay nilagay nito sa kanyang leeg.
"Maawa ka sa akin," sabi niya sa lalaki. Hindi siya nito pinakinggan bagkus ay nilagay nito ang gitna ng lubid sa kahoy na nakasabit sa kisame saka hinila nito upang siya'y maingat sa lupa. Sa ginawa nito'y humigpit ang buhol ng lubid sa kanyang leeg. Nakangisi pa siya nitong pinagmamasdan. Tuwang-tuwa ito sa nakikita nito.
Nang walang anu-ano'y umalingaw-ngaw ang tunog ng malakas na katok mula itaas kaya umalis ang lalaki ng imbakan. Imbis na pabayaan siya nito sa sahig, itinali nito ang lubid sa tubo. Nangingilid ang tubig sa kanyang mata sa unti-unting pagkawala ng hangin sa kanyang baga. Umakyat ang lalaki ng hagdan, naiwan siyang nahihirapan. Pagkasara ng lalake sa sara ng imbakan nangliliit na ang kanyang paningin.
Sinubukan niyang buhatin ang sarili sa lubid at marahas na ginalaw ang katawan sa ere. Kaunti pang pagbayo ng katawan at naputol na nga ang lubid na kanyang ikinabagsak sa sahig. Napaubo-ubo siya sa paghabol ng kanyang hininga. Bumangon siya mula sa sahig bitbit ang kanyang sisidlan kahit nananakit ang buong katawan. Inilayo niya ang kanyang paningin sa kalunos-lunos na kalagayan ng bangkay ng babae.
Hindi na niya inaksaya pa ang sandali, tinakbo niya ng paakyat ang hagdanan. Pagkalabas niya ng imbakan ay maririnig ang kaguluhan mula sa sala ng bahay, bumagsak ang mga ilang kagamitang nakasabit sa dingding, sinundan ng pagkasira ng ilang kasangkapan. Natatakot man at naglalaro sa likuran ng isipan na dapat siyang umalis, mas pinili ng kanyang sarili na lumapit sa nakasaradong pinto sa itaas ng limang baitang na hagdan. Upang malaman kung anong kaganapan sa likuran nito.
"Sumama ka sa akin. Kung ayaw mo naman hindi kita puwedeng hayaang gawin mo ang gusto mo!" ang sabi ng tinig ng isang lalaki na doon niya lamang narinig. Hindi malinaw ang pagsasalita nito dahil sa ilang timbre ng boses na naghalo. Sa kabila nito'y nauunawaan naman niya ang mga lumabas rito.
Matapos ng sinabi ng lalaki'y binalak niyang hawakan ang pinto, sinabayan ito ng pagsigaw ng tagatala. Ngunit, bago pa siya makalapit sa sara'y natanggal ito sa bastidor gawa ng pagtalsik ni Kuol dito. Yumukod na siya bago siya mahagip ng lalaki. Ang pinto'y sa harapan niya tumumba samantalang ang kawawang tagatala ay tumilapon sa sahig, bumangga sa mesa na nabiyak pa. Natigil lang sa pagtama ng likuran nito sa dingding.
Sa takot kung anong nagdulot sa pagtilapon ni Kuol, dahan-dahan siyang tumingin sa pasilyo. Kumalat ang mga basura kasama na ang nawasak na lampara't lamesita. Sa dulo ng pasilyo'y nakatayo ang isang lalaki na natatakpan ang mukha ng balabal.
Hindi naman niya makilala ang lalaki sa kaunting liwangmag ng buwan na umaabot rito. Panandaliang natigagal ang lalaki nang makita siya nito, napahakbang ito ng isa paharap.
Bago pa mahuli ang lahat tumakbo na si Agat sa labasan ng bahay sa likod. Walang pagalinlangang binuksan niya ang sara at kumaripas ng takbo nang makarating sa itaas patungo sa kakahuyan. Ang dating normal na bilis niya'y dinagdagan niya pa kaya halos madapa siya sa kadiliman ng dinaraanan. Napatid siya ng sanga na kanyang ikinagulong, nasubuan siya ng tuyong dahon na kaagad niyang dinura. Bumangon siya sa kanyang paglingon pabalik sa bahay, ang lalakeng nakasombrebro ay sumunod.
Sa labis na takot muli siyang tumakbo, tumalon sa mga halaman upang makarating sa daan. Kahit nahihirapan na sa paghinga'y patuloy parin siya. Pagkarating na pagkarating ng ilog siya ay dumaosdos siya rito.
Naghanap siya ng mapapagtaguan at nakahanap naman siya ng mga gabundok na basura. Sumuksok siya sa bahaging may espasyo na nakadapa saka tinabunan ang sarili ng mga mabahong basura. Kumakabog ang kanyang dibdib sa pag-aantay sa lalaki kung sumunod man ito. Hindi nga siya nagkamali ukol dito.
Gumawa siya ng kaunting awang sa mga basura upang makita ang paglapit ng lalaki na nasa itaas ng ilog sa gilid ng daan, ilang hakbang ang layo sa kanya. Ang nilalang na kasama nito'y naglaho na. Naglakad ang lalaki sa gilid ng ilog sa paghahanap sa kanya. Pinigilan niya ang kanyang paghinga baka sakaling pati iyon ay marinig ng lalaki sa paglapit nito sa nagsilbing taguan.
Hindi rin nagtagal ang lalaki sa kinatatayuan, umalis narin ito nang hindi siya mahanap. Pero siya'y nanatili sa ilalim ng basura sa takot na nariyan sa tabi-tabi ang lalaki't nag-aabang. Isa lang ang pumasok sa kanyang isipan, masamang sumunod sa mga taong hindi mo lubos na kilala ang katauhan.
MAGBUBUKANGLIWAY-WAY nang magdesisyon na siyang umuwi ng kanilang tahanan. Binagsakan siya ng pagod ng sabay-sabay, kaya't mabagal siyang naglakad. Ang mga basura'y nagkalat sa kahabaan ng ilog sa kawalan ng dumadaloy na tubig. Sa dulo nito'y nagtagpo ang isa pang parte pa ng ilog. Pagdating niya rito'y nalampasan siya ng isang taong nanakbo hawak ang kanyang braso na mayroong sugat.
Pinakatitigan niya ang likuran ni Yail sa paglayo nito patungo sa kanan. Sa kanyang kaliwa naman ay maririnig ang malakas na sigaw. Binilisan niya ang paghakbang sa direksiyon kung saan nagmumula ang sigaw.
Sa pagliko niya sa pakurbang daluyan ng ilog, nakita niya sa tabi ang tagatala. Hawak nito ang kutsilyo sa ere na kumislap pa sa pagtama ng liwang ng buwan dito. Sinaksak nito ang wala ng buhay na si Damo.
Hindi pa rin nakuntento ang lalaki at sinaksak pa ulit nito si Damo sa balikat na ikinadagdag sa paglabas ng dugo. Napahakbang siya patalikod at doon narin napalingon ang lalaki ng dahan-dahan. Masama ang mga mata nitong nakatitig sa kanya. Ang mata nito'y nanatiling maitim. May nagsasabi sa kanyang sarili na hindi niya ito matatakasan pa at kayang labanan ng hindi siya nasasaktan nito sa tuluyang pagbabago ng buong katauhan nito. Nilamon na ng kadiliman ang pagiging tao nito.
Siya'y lumunok ng laway sa pagkabog ng kanyang dibdib. Sa lapit niya sa lalaki, kitang-kita niya ang pait at uhaw sa mukha nito. Binali-bali nito ang buto sa katawan sa ikalawang pagkakataon sabay titig sa kalangitan kung saan nakangiti ang bilugang buwan. Sabay biglang baling ng tingin sa kanya na kanyang bahagyang ikinagulat.
Sa pagtayo ng lalaki, siya'y tumakbo pabalik sa kanyang pinanggalingan. Nilingon niya ang lalake na nakasunod ng takbo. Binilisan niya pa ang bawat paghakbang. Kailangan niyang makatakas sa lalaki dahil baka pati siya'y magaya ang kinahihinatnan kay Damo. Hindi na siya makakatakas pa kung mahuli na siya nito. Napapatanong siya sa kayang sarili kung kailan matatapos ang kamalasan niya.
Inakyat niya ang tabi ng ilog patungo sa itaas at nanakbo sa daan na tahimik dahil naging mistulang abandunado sa kawalan ng mga dumadaang tao. Tinakpan niya ang kanyang ilong nang mapadaan sa tambakan ng basura.
Nakahanap siya ng mapagtataguan habang habol siya ng lalaki.
Tumago siya sa loob ng abandunadong bahay kasunod lamang ng tambakan ng basura. Pumasok siya sa sira nitong sara. Pagkapasok sa loob, naghanap siya ng mapagtataguan sa naroon paring mga estante. Nagdalawang isip siyang tumago sa likuran ng mga estante dahil madali siyang makikita ng lalaki kung pumasok ito roon. Kung kaya't sa mesa na lang siya pumunta. Tumalon siya rito at nanglaki ang mata nang makita si Yail sa ilalim nito na napasigaw pa sa pagkagulat. Ang nagtapang-tapangan na lalaki'y bumahag ang buntot.
Tinakpan niya kaagad ang bibig nito saka sinamahan ito sa pagtago sa ilalilm. Nanginginig ang buong katawan ni Yail kasabay ng impit na ungol sa nakabusal nitong bibig. Maririnig sa kabuuan ng tindahan ang pagpasok ng lalaki dahil sa pagsipa nito sa sara. Sinira nito ng tuluyan hanggang sa natanggal sa pagkadikit sa pader na nakikita niya sa maliit ng butas sa mesa.
"Lumabas ka na. Wala akong gagawin sa iyo. Magsasaya lang tayo," ani ng boses ng lalaki na hindi sa kanya ng mga oras na iyon. Pinalo-palo nito ang hawak na kutsilyo sa nakahilerang estante sa paglalakad nito. Napalunok siya ng laway sa papalapit na ingay. "Saan ka na? Lumabas ka na." Hindi niya matukoy kung sino ang gustong palabasin ng lalaki sa kanilang dalawa ni Yail. Ang sigurado ay nasa harap na ng mesa ang lalaki. Binagsak ng lalaki ang mga kamay nito sa mesa kaya nahulog ang alikabok sa kanilang uluhan. Pinilit niyang huwag maubo. Sumigaw pa ang lalaki, "Labas na!" Umalingaw-ngaw ang boses nito sa katahimikan ng tindahan.
Napatingin siya sa sahig nang maramdaman ang mainit na likido mula sa kanyang katabi. Napaihi sa bahag si Yail. Pinandilatan niya ng mata si Yail na nangingilid ang luha sa sobrang takot.
Hindi nakatiis ang lalaki't pinagsisipa nito ang mga estante. Sa bawat pagbagsak ng estante lalong kumakabog ang kanyang dibdib. Itong si Yail ay inalis nito ang kamay niya sabay nanakbo ito paalis ng mesa. Sinilip niya ng maayos sa butas si Yail. Nalingonan ni Kuol si Yail na papalabas na ng tindahan. Kaagad na sumunod ang lalaki't napamura na lang siya sa isipan sa kaduwagan ni Yail.
Narinig niya na lang ang sigaw nito mula sa labas. Humihingi ng tulong.
Lumabas narin siya sa pinagtataguan saka naghanap ng pamalo. Ang nakuha niya'y maliit na kahoy na natanggal mula sa bubongan. Hinanap niya si Yail at nakita niya ito na sinasakal ni Kuol. Tinakbo niya ang lalaki sabay palo dito ng kahoy nang itaas nito ang kutsilyo. Nabitawan ng lalaki ang hawak sabay lingon sa kanya na hindi man lang nasaktan. Itinigil nito ang pagsakal kay Yail kaya bumagsak ito sa daan na nanginginig ang buong katawan.
"Takbo na!" sabi niya kay Yail na umalis rin naman. Nadapa pa ito sa pagtakbo.
Ang mukha ng lalaki na papalapit sa kanya'y lalong sumama. Hinigpitan niya ang kapit sa kahoy sabay palo sa ulo nito. Sa kasamaang palad hindi nito naramdaman ang pagpalo niya sa hindi nito pagsangga. Hinawakan nito ang kahoy saka hinablot mula sa kanya sabay pinatunog ang buto kaliwa't kanan. Tinapon nito ang kahoy sa tabi pagkatapos.
Sumunod ay pinulot nito ang kutsilyo na tumalsik saka nilamon nito ang espasyo sa pagitan nilang dalawa. Sinubukan niyang suntukin ito ng makailang ulit sa tagiliran at tiyan ngunit walang naging resulta. Malaki na nga ang naging pagbabago nito mula sa bahay ng asawa nito.
Napapahakbang siya patalikod para makalayo. Inabot siya ng lalaki sabay sakal sa kanyang leeg. Sa higpit ng pagkakapit ng lalaki sa kanyang leeg nahihirapan siyang huminga. Pilit niyang inaalis ang kamay nito.
Nagkasalubong ang kanilang mga mata. Mabilis niyang pinikit ang mata.
Sasaksakin siya ng lalaki kaya pinagsusuntok niya ito ng makailang ulit sa dibdib. Lumuwag ang pagkasakal ng lalaki hanggang sa nabitiwan siya nito.
Habang siya'y habol ang hininga, tumumba ang lalaki saka nangisay-ngisay ito sa daan sa huling pagkakataon. Halos lumuwa ang bumaliktad nitong mata.
Iniwan niya ang lalaki, kusang tumakbo ang kanyang paa't nagpaubaya rito.
Sa bawat pagtama ng kanyang paang walang sapin sa daan ay sumasabay sa pagtibok ng kanyang puso. Pigil ang kanyang hininga sa pagtakbo upang makatakas sa panganib. Nakalampas siya sa ilang mga puno bago pumasok sa isipan na nagkamali siya ng direksiyon ng natakubhan. Kung kaya'y tumigil siya sa pagtakbo na habol ang hininga.
Ang dalawang kamay niya'y kanyang pinahinga sa dalawang tuhod. Walang naidulot ang kalamigan ng gabi sa pinagpapawisan niyang katawan. Pinihit niya ang kanyang sarili pabalik sa pinanggalingang daan. Ang lalaki'y hindi sumusunod sa kanya kundi ang kadiliman lamang ng gabi.
Sa pagpahid siya sa pawisang noo ay siya ring pagpatak ng ulan. Napatingala siya sa kalangitan sa pagkatipon ng makakapal na ulap. Ang unang butil ng tubig-ulan ay tumama sa kanyang pisngi. Pinahid niya ito't pinakiramdaman ang lamig.
Ang unang patak ay nadagdagan sa muli niyang paghakbang kahit hindi niya naman alam kung saan dapat pumunta, may kalayuan pa ang tirahan ng kanyang ama. Panigurado siya masusundan parin siya ng lalaki. Hanggang sa rumagasa na nga ang ulan kaya siya'y napasilong sa naroong sa maliit na silungan sa tabi. Ang silungan ay natatabingan ng makapal na dahon ng punong mangga. Ang bubong nito ay butas-butas kaya nababasa parin siya. Naghanap siya ng parte na walang gaanong butas. Mayroon naman siyang nahanap sa pinakagilid.
Humawak siya sa malamig na kawayan na katawan ng sikungan habang pinapaikot ang paningin sa paligid.
Ilang saglit pa'y nabuhayan siya nang mapansin ang nakakasilaw na tulos ng isang ginoo, lumabas mula sa kalapit nq mga puno. Sinalubong niya ito kaagad. "Ginoo, kailangan ko ng tulong niyo," sabi niya rito.
Napahakbang siya ng patalikod nang tuluyang masilayan ang mukha ng lalaki. Seryoso ang nakaguhit na ekspresiyon sa mukha ng lalake. Sa ilaw na tumatama sa uluhan nito, lumilitaw pa lalo ang nangingitim na balat sa ilalim ng mga mata nito dahil sa kakapalan.
Nagsitayuan ang balahibo niya sa katawan nang marinig ang pagsasalita nito.
"Anong ginagawa mo parin sa labas sa oras na ganito, bata? Sa ganito pang panahon?" sabi ni Apugay sa malalim na tinig nito. Sinasabayan pa ang mga salita nito ng kulog at kidlat.
"Mayroong gustong pumatay sa akin, ginoo," pagbibigay alam niya kay Apugay. Nagsisimula siyang mabasa ng tuluyan ng ulan ngunit hindi niya ito alintana. Sumusuksok ang lamig sa kanyang suot hanggang sa kanyang balat.
"Alam mo ba batang maling gawan mo ng kalokohan ang isang matanda na katulad ko. Huwag kang magloko. Umuwi ka na," utos ni Apugay sa kanya.
"Pero totoo po ang sinabi ko. Nandoon iyong lalaki kalapit ng lumang tindahan," aniya sabay turo sa malayong direksiyon kung saan naiwang nangisay ang lalake. "Maniwala kayo, ginoo. Sinubukan niya rin akong patayin. Sinuwerte lang ako dahil may nangyari sa kanya na hindi ko kayang maipaliwanag. Samahan niyo na lang ako para malaman niyo."
Sa puntong marinig ni Apugay ang kanyang sinabi, lalong lumalalim ang tingin nito sa kanya. "Paano ka nakakasigurado? Sa nakikita ko sa'yo gusto mo lang may patunayan. Wala ka bang nakukuhang atensiyon sa bahay?" ani ng matanda. Binaba ni Agat ang kanyang kamay sa kawalan ng pag-asa para maniwala lamang ang kaharap.
"Puntahan niyo na lang ho para malaman niyo kung nagsasabi ba ako ng totoo o hindi. Nag-iba ang katauhan nito't gustong pumatay lang ng pumatay," mariing niyang sabi sa matanda.
Natahimik si Apugay sa mga salitang kumawala sa kanyang bibig. Umihip pa ang hangin kaya lalo siyang nilamig na ikinayakap niya sa kanyang sarili.
"Ano pang ginagawa mo diyan?" sigaw ni Apugay kanya sa pananatili nilang nakatayo. Inilawan pa siya nito ng hawak nitong tulos na lumalaban sa buhos ng ulan. "Saan ba ang sinasabi mo? Bilisan mo't umuulan."
Lumakad na nga sila hanggang marating lugar kung saan bumagsak si Kuol.
Nanlaki ang mata niya nang walang makitang katawan sa daan. Malinaw na wala siyang nakikitang katawan sa pag-sayaw ng apoy ng tulos. Wala rin ang kutsilyo.
"Dito nangisay ang lalaki. Akala ko'y hindi na siya gagalaw kaya tumakbo na ako," saad niya sa matanda sa paglapit nito sa kanyang kinatatayuan.
"Wala akong nakikitang iba sa kinatatayuan mo kundi ikaw lang," sabi ni Apugay.
"Sigurado ako sa nakita ko bago ako tumakbo." Napahawak siya sa kanyang noo sa gulo ng nangyayari sa akin. Hindi niya maintindihan kung paanong nawala ang lalaki sa daan. Napatingin siya sa abandunadong tindahan. Ang katabing puno nito bago ang pasukan ay nagsasayaw sa pag-ihip ng hangin. Tumakbo siya papalapit sa tindahan saka sumilip sa sira nitong sara. Wala siyang napansing ano mang gumagalaw sa loob.
Paglingon niya'y napatingkayad siya dahil sa nakatayong matanda. Inilawan siya nito sa mukha. "Umuwi ka na bata. Tama na ang laro. Wala ang sinasabi mo," anito. Umiwas siya sa matanda.
"Hindi ako naglalaro. Alam ko ang nangyari. Pinatay pa nga noong lalaki si Damo," malakas niyang abi para marinig ng matanda ang kanyang sinasabi sa pagbuhos lalo ng ulan. Tiningnan niya ang matanda na nakatitig lang sa kanya. Nag-aantay kung ano ang kanyang susunod na gagawin. "Makikita mo kapag nasilayan mo ang katawan ni Damo. Hindi ko gawa-gawa ang lahat."
Lumakad siya patungo sa ilog. Nilampasan niya lang ang mga nadaanang puno at sumunod ay ang tambakan ng basura. Ito namang si Apugay ay nakasunod lamang sa kanya na nagmamasid sa paligid. Pinapaikot-ikot nito ang hawak na tulos.
Nang sa gilid na siya ng ilog pinagmasdan niya ang pag-agos ng tubig ulan dito sa paglalakad niya rito patungo sa kung saan naroon ang katawan ni Damo. Pinakatitigan niya ang tabi ng ilog sa ibaba. Katulad ng unang nangyari sa lalaki wala rin ang katawan ni Damo. Marahas niya hinawakan ang kanyang ulo sa pagluhod niya sa daan. Hinugasan niya ang kanyang mukha ng dalawang palad.
"Dapat nariyan siya. Sigurado ako. Kita ko pa nga kung paano siya sinaksak ng lalaki," ang nasabi niya sa hangin.
Ang matanda ay inilawan ang kanyang likuran kasabay ng pagbuntong hininga. "Ihahatid na kita sa inyo."
"Hindi! Alam ko ang nangyari! Kita ko! Puwede pa nating puntahan si Yail! Narito rin siya ng mangyari ang lahat!" sigaw niya dahil hindi niya na napigilan ang sarili.
Binaba ng matanda ang hawak na tulos saka hinawakan siya nito sa suot na kangan.Marahas siyang nitong itinayo. "Inaaksaya mo lang ang panahon ko bata," mariing sabi ng matanda sa kanya. Natakot siya bigla sa matalim na titig nito. Kumawala siya sa kapit nito sabay tulak dito.
"Si Yail. Mapapatunayan niya ang lahat," pagpupumilit niya sa matanda. Akala niya'y papaniwalaan siya nito ngunit hindi naging maganda ang tugon ng matanda. Hinampas siya ng likuran ng kamay nito. Tinamaan siya sa mukha na nagdulot sa kanyang pisngi na pumintig.
Hindi niya inasahan ang ginawa nito. Lumakad na siya papalayo sa matanda imbis na ipagpilitan pa ang katotohanan. Hapo ang pisngi umuwi na siya na mabigat ang dala-dala sa isipan.
Bago pa siya makalayo nang tuluyan sa matanda, tumago siya sa likuran ng isang puno. Pinagmasdan niya ang paglalakad ng marahan ng lalaki patungo sa kung saan ito papunta.
Siya'y umuwi narin nang lumiko ang lalaki papalayo sa kanyang pinagtataguan. Huminga siya ng malalim sa bawat niya paghakbang. Pinahid niya ang kanyang pisngi.
Patuloy parin ang pagbuhos ng ulan.