NAGLIPARAN ang mga ibon buhat sa kung saan naroon ang tahanan ng datu patungo sa kabahayan ng Habigan. Sa gitna ng tahanan at ng tambakan ay ang may kalaparang kakahuyan. Hindi malinaw ang imahe ng ibon dahil sa papalubong na araw na nagkalat ng mamula-mula at manila-nilaw na kulay sa kapaligiran.
Dito nakapako ang paningin ni Sibol sa kanyang pagtigil sa malalim na pagiisip. Ang kaniyang itim na buhok na nakuha niya sa kanyang ina ay nadadala sa pag-ihip ng hangin. Siya'y nakaupo sa mahabang upuan na gawa sa kawayan sa ilalim ng mayabong na puno ng mangga. Tanaw niya ang kabuuan ng pamayanan at maging ang tahanan ng datu dahil sa paanan siya ng kabundukan ng Usbong. Ang kinalalagyan niya ay nahihiwalay ng pababang lupa na kinatutubuan ng mga mababang puno't halaman.
Nang marinig niya ang pagbukas ng pinto ng Dahilig sa kanyang likuran siya'y lumingon. Ang Dahilig ay isang malaking tirahan na nakaidikit sa bunganga ng kuweba. Lumabas mula rito si Malaya na iniwan ang kawayang pinto na hindi nakasara. Sa paglalakad ni Malaya patungo sa kanyang kinauupuan, binalik niya ang tingin sa malayo, sa pantay na tagpuan ng kalangitan at karagatan.
Pagkalapit ni Malaya'y naupo siya sa kabilang ibayo ng upuan, ilang dangkal mula kay Sibol. Huminga ito saglit kapagkuwan ay inilabas na ang bumabagabag sa kanyang kalooban. "Mula nang bumalik ka nang isang araw. Napupuna kong parati kang tahimik," ang sabi ng babae. Pinagpahinga niya ang dalawang kamay sa upuan, pinakarimdaman ang kinis at init na naiwan roon, habang ang mga mata'y pinako sa papalubog na araw. Hindi niya kailangan tingnan ang lalaki dahil malalaman niya rin naman kung totoo ang sasabihin nito sa pamamagitan ng pagsasalita nito. Dalawang taon na silang magkasama sa panunungkulan sa Dahilig kaya kilala na niya ang ibang paguugali nito.
"Parati namang akong tahimik," ang sabi ni Sibol. Tumuwid siya ng upo.
"Oo nga, kaya lamamg ay iba ang dahilan ng pagkatahimik mo ngayon," wika ni Malaya. "Mayroon bang nangyari sa pamamasyal mo nang mag-isa? Sabihin mo na nga sa akin kasi kahit magsinungaling ka malalaman ko pa rin naman. Huwag na nating pahirapan ang ating mga sarili. Ilabas mo na."
Huminga si Sibol nang malalim. "Si Kuol nakita ko," ang sabi niya. Hindi niya binanggit si Kalsag. Ano nga ba ang magagawa ng binata sa kanilang pagsisiyasat gayong wala naman itong alam na gawin. Ni hindi nga nito nalabanan si Kuol at nagpahabol sa takot nito. Ito ang tingin niya.
"Ano?!" bulalas ni Malaya. Napatayo pa ito buhat sa pagkaupo. "Bakit ngayon mo lang sinabi?"
"Inantay lang kita na ika'y magtanong," simpleng sabi naman ni Sibol.
"Ikaw talaga Sibol, hindi ko maintindihan kung anong gusto mong mangyari sa buhay mo. Pagkakataon na nating dalawa na mahuli si Kuol pagkatapos ngayon mo lang pinaalam." Tumatalim lang ang tingin ni Malaya na hindi naman binibigyang pansin ni Sibol. Inalis na lang niya iyon kapagkuwan ay huminga nang makailang ulit upang mapanatag ang kumukulong kalooban. "Nasaan na siya ngayon? Saan mo siya nakita?"
"Marahil nagpapaikot-ikot siya o nagtatago," ani Sibol, tinuro niya ang daliri kung saan naroon ang mga kabahayan bago ang tambakan, "Tinamaan ko siya ng ilang sibat bago tumakbo sa mga talahib." Binaba niya ang kamay matapoa ng mga sinabi.
"Hindi mo sinundan?" tanong ni Malaya na ang tingin ay sa pamayanan. Pinagiisipan niya kung saan maaring tumakbo si Kuol.
"Hindi," tipid na tugon ni Sibol kaya napatingin na naman sa kanya si Malaya.
"Ano ba talaga ang problema mo ha? Dapat sinundan mo," yamot na sabi ng dalaga.
"Wala sa plano ko iyon," pahayag niya sa babae kaya lalo lang itong nayamot. Wala naman talaga sa plano niya na puntahan si Kuol. Nagkataon lang na naroon ito nang balak niyang manmanan ang binatang si Kalsag. Kahit na si tingin niya'y duwag ito'y may nararamdaman siyang kakaiba sa binata na hindi niya maipalawanag. Tila may lakas na humihila at naguutos sa kanya na lapitan ang binata. Kaya nga imbis na sundan niya si Kuol sa pagtakas nito'y si Kalsag ang sinundan. Sa tingin niya rin kasi ay ito ang taong sinabi ng mangingisdang si Alipugay na may alam sa nangyayari kay Kuol.
"Alam mo kung mananatili kang ganiyan. Tatagal ka sa paninilbihan dito sa dahilig," ani Malaya sa binata.
"Malabo iyang sinasabi mo. Alam ko ang mangyayari sa akin. At hindi iyon ang pananatili rito sa Dahilig," ang seryosong sabi ni Sibol kaya tumigil na rin si Malaya. "Bakit hindi mo na lang subukang tingnan nang hinaharap ko? Para malaman mo."
"Hindi ko gagawin iyan. Tumigil ka nga marinig ka pa ng mga babaylan," ang sabi ni Malaya kapagkuwan ay iniwan na lamang mag-isa si Sibol. Maglalakad na siya pabalik ng Dahilig nang mapansin niya si Lakan Ibano paakyat ng lupang daan. Nakasuot lamang ito ng kangan na dalandan at walang balabal. Inantay niya itong makaakyat sa pantay na lupa.
"Kumusta na rito?" ang sabi ni Lakan Ibano. Pinagmasdan niya si Malaya kapagkuwan ay binaling ang tingim kay Sibol na malayo na naman ang tingin.
"Kayo na lang po ang inaantay ng mga babaylan," wika ni Malaya. "Halika na po kayo guro."
Nagpatiuna si Malaya sa paglalakad na kasunod sa kanya si Lakan Ibano. "Anong bang dinadala ni Sibol?" ang naisipang itanong ng lakan sa paglapit nila sa Dahilig.
"Naalala niya lang po ang kanyang pamilya," pagsisinunglang ni Malaya kasi hindi niya rin alam kung anong bumabagabag kay Sibol.
Napatango-tango ng ulo ang lakan. "Hindi nga magandang pinatay lang basta-basta ang kanyang magulang. Mabuti na lamang at hindi siya nilamom ng galit," wika ni Lakan Ibano.
"Iyon nga po ay maganda, ginoo. Mabuit nga po'y hindi," ang huling nasabi ni Malaya sa tuluyan nilang pagpasok sa Dahilig.
Ang pag-uusap ng mga ito ay malinaw na nadinig ni Sibol na hindi niya gaanong pinansin. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay ang makilala ang binatang si Kalsag. Kung sino ito at kung bakit may lakas na humihila sa kanya para sila ay maglapit. Sa isipan niya'y malinaw niyang pa ring nakikita ang takot sa mukha ni Kalsag. Hindi niya maiwasang bigyan pansin na posibleng alam nito kung anong mayroon sa kanya. Kung paano nito nalaman iyom ang gumugulo sa kanya.
Naputol ang kanyang pag-iisip dahil sa sigaw ng babaylan sa loob ng Dahilig. Tumakbo siya mula sa kinauupuan papasok niyon. Pagkalampas niya sa pinto'y hinawi niya ang itim na kurtinang nakaharang. Nadatnan niya sa lupa ang babaylan na mapusyaw na kayumanggi ang suot. Sa harapan nito ay ang malapad na bato na kinahihigaan ng katawan ng pahinante. Inalalayan ito ng kasamahan nitong babaylan. Si Lakan Ibano at Malaya ay nagkatinginan nang magsalita ang babaylan.
"Hindi ito maganda," wika ng babaylan na nasa lupa.
MARAMING GUMUGULO sa isipan ni Datu Maynor kung kaya imbis na sumalo sa kasiyahan sa labas ng kanyang torogan, nanatili siya sa loob, sa silid kung saan ginagamit niya na lamang kapag pribado ang pag-uusapan. Nakaupo siya sa upuang kawayan na sa kinis ay kumikinang sa ilalim ng liwanag ng lamparang kabibe na nasa mababang mesa sa kanyang harap. Sa kabila ng pagiging sarado ang bintana sa kanyang kanan, lumulusot ang liwanag ng malaking siga sa labas sa mga mumunting butas. Maririnig din buhat roon ang sigaw ng mga bisita sa kanyang kasiyahan.
Ang buhok niyang nakalugay ay may kaunting hibla ng puting buhok. Hindi iyon nangangahuluhan na siya isang mahina na. Sa tagal niyang pananatili sa lupa'y nagagawa niya pa rin ng mainam ang kayang gawin ng mas bata sa kanya. Katulad na lamang ng ibang tao, mayroon din siyang pinagsisihan. Alang-alang sa nakuha niyang posisyon kinalimutan niya ang tinubuang baryo. Minsan'y hinihiling niyang bumalik sa nakaraan upang itama ang lahat. Sapagkat kung siya'y tatanungin hindi siya nagiging masaya kung anong mayroon siya ngayon. Nais niyang iiwan na lang sana ang lahat kaya lamang naisip niyang walang nararapat sa posisyon kundi siya lamang. Kung mayroon man siyang nakikitang mayroong posibleng maging datu siya na mismo ang magsasabi sa mga maharlika na iluklok ang tao na ito kung sakali. Kaya lamang matagal pa bago mangyari iyon, lalo pa't ang tanging alam lang ng iba'y pangsariling kaligayahan lamang at hindi isinasaisip ang mga mamayan.
Mula pa nang siya'y bata pa, naturuan siya ng kanyang magulang na kabilang sa pinakamababang pamilya ng maharlika na isaalang-alang ang kapakanan ng lahat. Iyon nga ang ginawa niya kahiy na kailangan kalimutan ang mga malapit sa kanyang buhay lalong lalo na ang kanyang minamahal.
Ang kanyang malalim na pag-iisip ay panandaliang naputol nang bumukas ang pinto sa bandang likuran niya. Pumasok rito ang si Lakan Ibano na kasuotan pa rin nitong kangan na dalandan.
"Magandang gabi mahala na datu. Ipagpaumanhin mo't ako'y natagalan sa pagtungo rito," anang matanda nang isara niya ang pinto upang sila lamang ang magkarinigan ng kanilang usapan. Kahit ba abala naman ang lahat sa dinadaos na kasiyahan.
"Huwag mo nang pakaisipin iyan Ibano. Maupo ka na," utos naman nitong si Datu Maynor.
Dahil sa narinig kinain na nga ni Lakan Ibano ang daan patungo sa upuang kawayan kaharap ang datu. Ang mga paa niya'y tahimik na humakbang sa binalot na marmol sa lupa bilang sahig.
"Maraming salamat mahal na datu," ang kanya pang naisatinig, naupo ng tuwid, sinalubong ang tuwid na tingin ng datu.
"Anong dala mo?" ang kaagad na wika ni Datu Maynor. Ang simula ng kanilang pag-uusap kahit na may kasiyahan sa labas. Malimit silang naguusap na dalawang lang lalo na kung tungkol sa mga bagay na kakaiba. Binibigyan ng solusyon bago isiwalat sa mga nakakarami, sa mga maharlika, sa mga nakababa sa datu.
"Tama ka nga mahal na datu sa nangyari sa pahinante. Nawalan nga ito ng kaluluwa katulad ng sabi ng mga nakasaksi. Iyong hula mong nagbabalak na naman ang kadiliman na umikot sa sansinukob ay totoo," pagbibigay alam ni Lakan Ibano. Ang mga kamay niyang nakapahinga sa kanyang hita'y kumislot ng bahagya nang pakawakan niya ang mga salita.
Ang mukha ng datu ay lalong naging mabigat, isama na rin ang mga mata na malayo ang tingin kahit na ang kausap ay ang lakan. "Isa nga namang suliranin na babagabag sa akin," ang nasabi ng datu kapagkuwan ay huminga nang malalim, "Hindi pa natatapos ang isa't mayroon na naman. Mabuti pa sigurong mas maliit akong isla namuno katulad ni Sulaynon. Hindi ko pa nga nabibigyan ng solusyon ang iba. Wala ba akong kakayahan na mabago ang lahat, sa tingin mo Ibano?"
"Mayroon po datu. Kayo po ang pinakamabuting namuno rito," wika ni Lakan Ibano.
"Ikaw Ibano'y mahilig na talagang magbiro," pasaring ng datu, gumuhit ang manipis na ngisi sa labi nito, "Ano sa tingin mo ang dapat kung gawin Ibano?"
"Kung hindi niyo po mamasamain mas maigi pong mahanap natin ng maaga ang taga-tala. Nagpaikot-ikot lamang siya sa pamayanan, nag-aantay ng tamang pagkakataon upang manguha ng kaluluwa. Ang akala ng lahat ay nababaliw lamang ito. Nakausap ko na rin ang nga nakasaksi na hindi nila maaring ipagkalat ang nangyari. Nagpakalat na rin ako ng balita na nalunod lamang ang pahinante't inatake ng lamang dagat upang mawala ang takot ng mga tao."
"Iyon nga ang dapat nating gawin, Ibano," ang sabi ni Datu Maybiro. "Tahimik mong ipahanap ang taga-tala sa mga maghusay na mandirgma. O mas mabuting sa mga kasamahan mo na lang ipahanap."
"Gagawin ko po iyan mahal na datu. Kaya lamang ibang tao po ang gagawa dahil hindi sapat na ang kasamahan o alin man mandirigma. Alam niyo naman po ang kaya gawing ng taga-tala. Mapapahamak lang sila," ani Lakan Ibano. Iyon naman talaga ang pakay niya kaya nagbigay siya hakbang para mabigyang lunas ang suliranin.
"Sino naman ang naiisip mo na utusan, Ibano?" tanong ni Datu Silaynon. Hindi rin na niya kailangang magisip nang malalim sapagkat naalala na niya kung sino ang sinasabi ng lakan. "Mabuti na lamang ang tinanggap ko ang dalawa. Makakatulong nga sila kagaya ng sabi mo."
"Tama po kayo mahal na datu," pagsangayon ni Lakan Ibano. "Kakausapin ko na kaagad ang dalawa matapos nating magusap."
"Gawin mo ng maayos Ibano." Tumango-tango si Datu Maynor. "Ano pa ba ang ibabalita mo sa akin?" Hininaan niya ang tinig upang wala ng ibang makarinig.
Inisog ni Lakan Ibano ang pangitaas ka katawan patungo sa datu at siya ay nagsalita na halos pabulong na rin. "Ngayon ay sigurado na walang kinalaman ang mga nilalang sa kagubatan. May nga nakakita sa nga ilang lalaki na gumagala sa gabi. Naniniwala akong iyon na nga ang nangunguha ng bata. Sapagkat hindi iyon gagawin ng mga ibang nilalang, alam mo naman iyon mahal na datu. Hindi sila maaring mangialam sa mundong ibabaw dahil sa kanilang pangako sa mga diyos."
"Sino na naman ang mga lalaking iyon?" ang naitanong ni Datu Maynor.
"Kasalukuyan pa naming inaalam mahal na datu," saad ni Lakan Ibano. Tumango ang datu bilang pagpatibay sa nasabi niya. "Hindi pa natin malalaman kung saan dinadala at kung buhay pa ang mga ito. Liban pa rito'y nadagdagan ng bilang ang mga nawawala. Mukhang natigil lamang sila dahil sa aming pananaliksik. Sa apat na baryo ng Habigan ay may bilang na isa."
"Hindi ka rin naman sigurado na ang parehing mga kalalakihan ang kumuha sa kanila," komento ng datu.
"Inaalam na rin namin ang tungkol sa bagay na iyan, mahal na datu. Wala rin namang dahilan upang maglayas ang mga bata sabi ng kanilang pamilya," pagpapatuloy ni Ibano. "Kaya pinagpalagay na namin isang grupo lang ang kumuha sa mga bata."
"Nasubukan mo na bang tanungin ang nga negrito sa bagay na iyan?"
"Oo mahal na datu. Sinasabi mo ba na may kinalaman sila?"
"Posible, lalo na ngayon patay na ang matandang namumuno sa kanila ng matagal. Ang nagpalit ay ang pangalawa niyang anak," saad ni Datu Maynor.
"Kung ganyan po'y bakit niyo pa sila inimbitahan sa kasiyahan mo?" takang tanong ni Lakan Ibano. Siya ay tumuwid muli ng upo sa kawayan na upuan kung kaya nga umirit iyon ng kaunti.
"Upang maobserbahan kung may balak na naman nilang mag-aklas. Mas maigi na narito siya sa mga kasiyahan. Sa pagkakaalam ko'y iba kung magisip ang pangalawang anak, nais niyang makuha ang lahat ng lupain."
Si Lakan Ibano ay napabuntong hininga nang malalim. "Dapat na lang tayong mag-ingat mahal na datu."
"Tama ka, Ibano. Kaya nga ikaw ay narito," wika ni Datu Maynor bago sumilay ang manipis na ngiti sa labi nito.
Nagtapos ang kanilang paguusap sa pagbukas ng pinto. Niluwa nito si Agat na nakabihis ng kangan bughaw, sa balikat niya ay nakasabit ang sisidlan. Siya ay natigil sa pagsara ng pinto nang mapansin ang dalawang matanda.
"Ipagpaumanhin niyo ang aking paggambala sa inyong usapan," saad ni Agat, sinara niya ang pinto at binaling ang tingin sa datu na ang tingin sa kanya ay tuwid. "Tutuloy na ako. Ipagpatuloy niyo na lang ang inyong paguusap."
Lumakad na nga si Agat patungo sa isang pinto kasalungat ng pintong pinasukan. Siya ay natigil nang magsalita si Datu Maynor.
"Sandali lang Agat," wika ni Datu Maynor, ang tinig niya'y nanuot sa tainga ni Agat.
Hindi nga tumuloy si Agat sa paghakbang bagkus ay hinarap niya ang kanyang ama.
Si Lakan Ibano naman ay tumayo mula sa kanyang kinauupuan. "Magpapaalam na ho ako mahal na datu. Babalik na lamang ako bukas ng umaga," paalam ni Lakan Ibano. Sa pagtaas ni Datu Maynor ng ulo'y lumakad na nga siya, lumabas ng pinto.
Pagkawala ng lakan ay doon na nagsalita si Datu Maynor. Samantalang si Agat ay napabuntong hininga dahil hindi na niya kailangang umasal na nagbibigay galang sa nakakatanda.
"Anong ginagawa mo rito?" ang matigas na sabi ni Datu Maynor.
Sinalubong ni Agat ang mapanuring tingin ng kanyang ama. "Nakalimutan mo atang inimbitahan mo ako sa kasiyahan mo," pagpapaalala niya rito.
"Ginawa ko nga iyon. Ngunit, tingnan mo nga sarili mo, wala sa itsura mong dadalo lang ng kasiyahan."
"Tama ka rin naman. Dito na muli ako titira." Inalis niya ang pagkasabit ng sisidlan sa balikat at binitbit na lamang sa kamay.
"Alam mong hindi ka maaring manatili rito ng matagal."
"Kaya ba, pinapabantayan mo ako. Hindi ako maaring pumasok man lang dito. Paano ba iyan, nalusotan ko ang mga nagbabantay," ang buong pagmamalaki na sabi ni Agat. "At saka hindi ako dapat ang binibigyan mong pansin. Hanapin mo na lang ang taga-tala dahil kung hindi, sigurado babagsak ka kung hindi mo mabigyan ng solusyon."
Sa narinig ng datu'y nagsalubong ang kilay nito. "Paano mo nalaman ang bagay na iyan?" ang matigas na sabi ng Datu Maynor.
"Dahil nasa kondisyon ako ngayon sasabihin ko na sa iyo. Nakita ko si Kuol, dalawang beses," ang mahinang sabi ni Agat upang mas maging mabigat ang dating. Sa tuwing gagawin niya ang ganoong paraan nagkakaroon ng ibang reaksiyon ang kanyang ama, alam nitong hindi siya nagsisinungaling.
Sumama ang mukha ng datu at nagsabi ng, "Huwag na huwag kang lalabas habang narito ka."
"Masusunod mahal na datu," panunuya ni Agat at tinalikuran ang datu na nagiinit ang ulo.
ANG KATAWAN ni La-in ay unti-unting nilalamon ng apoy na nakabalot rito. Sa ibabaw ito ng pinagpatong-patong na mga kahoy ilang hakbang ang layo mula sa dulo ng ilog. Ang liwanag ng apoy pa ay sumasalamin sa panatag na dagat. Nasa baybayin iyon sa likod ng bangin upang hindi malaman ng ibang mga tao ang pagsunog sa katawan.
Ang naging saksi lamang sa ritwal na iyon ay ang ginang na si Ilaya at ang dalawang magkapatid na maharlika, sina Silakbo at Sinag. Si Ilaya ay nakaupo sa buhangin malayo sa nasusunod na asawa. Samantalang ang magkapatid ay nakatayo sa bandang likuran niya.
Sa mukha ni Ilaya ay namalisbis ang kanyang luha lalo pa nang malaman ang balitang nahulog si Limong sa malalim na bangin. Alam niyang hindi mabubuhay ang sino mang mahulog roon kaya labis pang bumigat ang kanyang kalooban. Hindi na natigil ang kanyang pagtangis na pinabayaan lamang ng dalawa.
"Nabigo tayo La-in," ang nasabi ni Ilaya sa asawa na tila maririnig siya nito. Ang mga mata niya ay nakatutok sa naglalarong apoy sa katawan ng asawa. "Dapat binantayan ko na lang siya't hindi inilayo sa aking tabi. Sana'y buhay pa siya hanggang ngayon. Ano na lang ang gagawin ko ngayon? Wala na rin naman kayo?" Matapos ng mga sinabi niya'y muli siyang humagulhol, ang likod ay nanginginig sa labis na pasakit ng kalooban.
Ang dalawa naman ay tila walang pakialam sa kalunos-lunos na kalagayan ng ginang. Nanatili lang silang nakamasid na animo ay mga punong hindi na gagalaw.
Natigil lamang sa pag-iyak ang ginang nang marinig ang sigaw mula sa katawan ni La-in. Siya ay napalunok ng laway nang bumangon ng paupo ang katawan ni La-in. Naglalaro pa rin ang apoy sa katawan nitong nangingitim na.
Umalis ang katawan ni La-in sa natutupok na mga kahoy, humakbang papalapit sa ginang. Hindi man alam ni Ilaya ano ang dahilan ng nangyayari sinabi niya pa rin, "Lumayo ka na! Pakawalan mo na ang asawa ko!"
Napaatas si Ilaya sa papalapit na katawan ni La-in. Ngunit, bago pa ito makalapit tumama ang isang pana sa noo nito mula kay Silakbo. Si Sinag naman ay nilapitan niya kinuha ang ginang.
"Halika ka na!" wika ni Sinag.
Hindi naman nagpapigil ang ginang. Hinayaan niyang itayo siya't hilahin ni Sinag. Samantalang si Silakbo ay pinangalawahan niya ng pana ang naglalakad na katawan ni La-in. Tumam ang pana sa dibdib na nagtulak sa katawan na magpakawala ng sigaw na hindi na kay La-in. Hindi tumigil ang katawan ni La-in kahit na nababalot ng apoy.
"Lumayo na kayo," ang sabi ni Silakbo kay Sinag.
Sumunod nga ang nakakabata't naglakad pabalik sa kakahuyan. Kaya lamang si Ilaya ay tumigil sa paghakbang, binalikan ng tingin ang katawan ni La-in. Pinagbigyan na lang din ni Sinag dahil mahigit sampung ang layo nila rito. Si Silakbo naman ay hindi tumigil sa pagpapakawala ng pana sa katawan ni La-in na tumama sa dibdib.
Ang katawan ni La-in ay nagpatuloy sa paglalakad. Hindi na ito nakatiis at tinakbo ang mandirigma. Dahil naubusan na rin si Silakbo ng pana, hinarap niya ang katawan ni La-in sabay tarak ng binunot na kampilan sa dibdib nito. Sinipa niya na rin ito upang makaiwas na siya mapaso.
Sa ginawa ni Silakbo'y bumagsak ang katawan ni La-in sa buhangin ng pahiga. Napahakbang siya ng patalikod nang biglang nangisay ang katawan ni La-in. Tumagal ng ilang segundo iyon bago lumabas sa bunganga nito ang itim na nilalang na walang anyo. Sumibad iyon ng lipad pataas. Tinaas pa nga ni Silakbo ang hawak na kampilan sa pagaakalang susugod sa kanya ang itim na nilalang. Imbis na lumapit iyon sa kanya'y sumipad ito ng lipad paibaba't bumagsak sa buhangin bago naglaho. Ang naiwan na lang sa ibabaw niyon ay ang kulay itim na buhangin na nilusotan nito.
"Naniniwala ka na ba kapatid?" ang nakuha pang itanong ni Sinag kay Silakbo na hindi naniniwala sa ano mang kababalaghan at kahit sa ano mang diyos.