ANG MAPUTING buhangin na humugis gasuklay na buwan ay kapansin-pansin sa pagtama ng maagang sinag ng araw dito. Ito ang naging mukha ng Malayo buhat nang magkaroon ng buhay sa sansinukob, isa sa mga islang nahihiwalay sa malapad na kalupaan. Tumatakbo ang kahabaan nito mula sa hilagang dulo ng isla nang mahigit dalawang daang dipa hanggang sa pataas na bangin sa bandang timog.
Kahanay ng buhangin ay ang kakahuyan kung saan mas malakas ang ugong ng hangin na lumulusot sa mga sanga. Sa bukana niyon ay nakatayo ang mga kabahayan na tila mga guwardiyang nagbabantay kung pagmamasdan sa malayo.
Makikita sa pinakagitna ng maputing baybayin ang hanay ng mga mandirigmang sampu ang bilang sa ilalim ng pamumuno ng datu sa islang iyon. Hawak ng mga mandirigma ang kalasag na kahoy na hanggang balikat ang taas at sibat na lumampas sa ulo ang talim.
Sa harapan ng mga ito ay ang anak na babae ng datu na si Silay suot ang patadyong na kulay pula at ang pang-itaas na blusang itim. Ang buhok niyang itim ay nakalugay lamang na lumilitaw sa kutis niyang kayumanggi, nadadala pa ito nang bahagya sa ilalim ng hanging umiihip. Sumunod siya sa panganay na anak na si Silakbo. Nang mga sandaling iyon ay wala pa ito sa isla.
Katabi ni Silay sa kaniyang kanan ang kapatid na sumunod sa kaniya na kilala sa pangalang Sinag.
Ang katawan ni Sinag ay napipintahan ng mga tatu --- ang karamihan ay sa dibdib at ang iba ay sa dalawang braso na kitang-kitang sa suot lamang na kangang asul at bahag na pula. Ang bunso na sumunod naman sa kaniya ay lalaki.
Sa paligid nila ay nakakalat ang mga tao sa iba't ibang direksiyon. Ang ilang mga bata ay naghahabulan sa buhangin sa dakong kaliwa sa unahan ng balangay na nakadaong: ang nguso niyon ay lumampas sa bubongan ng kubo. Katabi ng sasakyang pandagat ang maliit na bangka na magkasunod-sunod. Ang iba namang mga timawa ay nag-aayos ng nakasampay na lambat sa pahigang kahoy sa harap ng mga kubo nila. Ang panghuli'y gawa sa manipis na hibla ng lubid na pinagbuhol.
Ilang sandali pa ay nagsalita na ang mas nakakabata sa magkapatid. "Paano ba iyan kapatid? Mukhang hindi na makakarating ang iyong kasintahan. Itutuloy pa ba natin ang pag-iisa niyong dibdib kahit siya ay wala sa iyong tabi?" ang nasabi ni Sinag.
Inayos niya ang suot na pulang putong na may iilang burda. Sa paggalaw niya'y umugoy ang bilugang ginintuang hikaw niya't nagbanggaan ang ginintuan ding porselas na nagtulak rito upang kumalatong. Ang babaeng anak ng datu na si Silay ay porselas lamang ang mayroon. Nanatiling walang butas ang mga tainga nito na maaring gawin lamang kapag nakipag-isang dibdib na ito.
Hindi naman sumagot si Silay sa sinabi ng kapatid bagkus ay pinanatili ang mga mata sa humahampas na naninilaw na alon dulot ng ilog sa likuran ng mataas na bangin.
Ang pagkabasag ng mga alon ay sumuksok sa kanilang tainga kasabay ng ugong nang hanging nagmumula sa dagat.
Matagal na silang nag-aantay sa baybayin kaya naiinip na itong si Sinag na binalik na lang ang mga kamay sa tabi. Isang tradisyon na sa isla na antayin ang dayo lalo na kung ito ay magiging kasali sa tahanan ng datu.
Ilang sandali pa'y maririnig ang malakas na dagundong ng tambol mula sa hilaga ng isla. Kaagad na napalingon ang hanay nina Silay maging ang iba pang mga tao sa baybayin sa pinanggalingan ng ingay. Maya-maya'y lumitaw na nga ang nguso ng isa pang balangay sa dulo ng isla na nagmula pa ng Mangaya na matatagpuan sa hilagang bahagi ng malapad na kalupaan.
Nagliwanag kaagad ang matapang na mukha ni Silay sa pagdating ng kanilang inaantay.
Hindi sila umalis sa kinatatayuan hanggang hindi nakakalapit ang balangay at minabuting tanawin na lamang ito na mahigit isang daang dipa pa ang layo.
Sa magkabilang gilid ng balangay ay mabilis na pumipihit ang walong pares ng sagwan. Naglalaro ang nadadalang tubig-alat sa malapad na dulo ng mga sagwan at babalik ng kusa sa dagat. Isang lalaki ang nakatayo sa unahan ng balangay na taglay ang pangalang Talas. Kumakaway siya na tila ba wala ng mapagsisidlan ang nararamdaman niyang galak.
Sa bawat tabi sa loob ng balangay ay ang mga timawang sanay sa pagsasagwan. Kasunod ng mga ito ang anim na timawang mula pa sa pangkat na pinanggalingan ng lalaki, ang Malay na pinamumunuan ni Datu Kasag. Ang datung minsang naging kaaway ni Datu Silaynon nang sila ay mga batang mandirigma pa lamang.
Sabay-sabay na tumatama ang mga kamay ng anim sa timawa sa nakataling mahahabang tambol sa kanilang beywang. Nakapuwesto ang mga ito bago ang kubo na nagsisilbing lilim sa bandang hulihan ng sasakyang pandagat.
May tatlo pang maliit na bangkang nakabuntot rito sakay ang iba pang kasama ni Talas na ang mga mata ay sa buhangin sa nakatayong sina Silay at Sinag.
Sa baybayin naman ay lumakad si Silay papalapit sa tubig at tumigil nang naabot na siya ng alon. Ang kapatid naman niyang si Sinag ay sumunod na nanatili sa likuran. Samantalang ang mga mandirigma ay naiwan sa kinanatayuan. Wala ng maririnig ang mga ito sa paguusap ng dalawa.
"Wala kang sasabihin kay Talas pagkababa niya kahit na siya'y matalik mo na kaibigan," ang nasabi ni Silay na hindi inaalis ang tingin sa paparating na balangay.
Nilingon ni Sinag ang mukha ng nakakatandang kapatid, wala siyang mabanaag na pagsisi rito. Siya ay napabuntong hininga na lamang bago magsalita.
"Kahit sabihin ko pa'y huli na ang lahat," ang nasabi ni Sinag. "Wala na akong magagawa kung kayo talaga ang nababagay saksi ang mga diyos. Tanggapin mo na lamang na hindi kayo magkakaroon ng supling."
"Hindi ako naniniwala sa sinasabi mo. Kabaliktaran iyan ng hiling ko. Antayin mo na lamang," ani Silay sa nasabi ng kapatid.
"Paano? Hindi ka hahayaan ni ama. Sa ating dalawa ay alam na alam mo kung ano ang nagtulak rito para pumayag na ika'y makipag-isang dibdib kay Talas. Alam mong hindi nais ni ama na mag-isa ang pangkat ng Inunhan at ng Agatan. Dahil hindi ka magkakaanak mananatiling hiwalay ang ating pangkat kina Talas. Kaya nga tayo narito sa Malayo dahil hindi gusto ni ama na may ibang gumugulo sa pamumuno niya." Nang sabihin iyon ni Sinag, siya ay napalingon sa kaliwa sa mga batang masayang naghahabulan kalapit ng balangay. Ang kaninang pantay na buhangin ay nabulabog sa pagtakbo ng mga ito.
"Tumahimik ka na. Huwag mong ipaalala," ang pagtatapos na sabi ni Silay sa tuluyang pagdating ng balangay na nasa tubig.
Si Sinag ay napabuntong hininga na lamang ng malalim sa pagbalik ng atensiyon sa harapan.
Sa pagdaong ng balangay ay naging malinaw sa paningin ng dalawa ang ngiting naka-guhit sa mukha ni Talas. Naging marahan ang paggalaw ng sagwan at tumigil lang sa pagsadsad ng balangay sa buhangin sa ilalim ng tubig. Nagiwan ang paghinto ng balangay nang mahigit pitong dipa na pagitan mula sa baybayin.
Ang mga tao'y tumigil sa kanilang mga ginagawa't nagkatipon sa buhangin paikot ng mga mandirigma. Kasabay nito ang pagdaong ng mga nakasunod na bangka sa kanan.
"Narito na kami!" ang sigaw ni Talas kaya lalong lumakas ang ugong ng tambol sa likuran nito.
Upang maalis ang mga sarili sa balangay nagsitayo ang unang pares ng timawang nagsagwan. Binuhat ng mga ito ang malapad na tabla mula sa gitna ng inupuan patungo sa unahan sa pagtabi ni Talas. Inihulog ng mga ito ang unang dulo na bumulusok lang sa tubig sabay isinandig sa balangkas ng nguso ng balangay. Pagkatapos niyon ay bumalik sa puwesto't binuksan ang lagayan na kubyerta, sunod-sunod na bumaba rito't papasok ang mga iba pang kasamahan.
Si Talas naman ay madaliang bumaba sa magaspang na tabla. Lumusong sa tubig na lampas tuhod kaya nabasa ang suot niyang bahag. Siya ay naglakad habang naiwan ang mga timawa sa pagbubuhat ng mga dalang pagkaing maiihahanda na nababalot ng balat ng saging.
Nakangiting sinalubong ni Sinag ang kaibigan sa pag-ahon ni Talas sa tubig.
"Ang buong akala namin ay masasayang ang aming paghahanda," ang sabi ni Sinag sa pakikipagkamay sa kaibigan.
"Natagalan lang kami dahil sa bagyo," ang sabi naman ni Talas na tinanggap ang kamay ni Sinag. Mahigpit ang pagpisil ng mga palad ng mga ito sa isa't isa sa tagal nilang hindi pagkikita.
"Mabuti naman at hindi kayo napano," saad ni Sinag sa pagtatapos niya ng pakikipagkamay sa bagong dating.
"Iyon ay dahil sa tulong ng kasama naming atubang na si Lilim," pagbibigay alam ni Talas na ikinatango ng kaibigan. Sa pagtabi ni Sinag binaling ni Talas ang mata sa babae. "Binibini, dumating na ang iyong sinisinta," ang magiliw na sambit ni Talas sa paghakbang niya papalapit kay Silay.
Ngumiti lang si Silay nang kuhanin ng dayo ang kamay niya, ginawaran ng manipis na halik ang likod niyon.
Nagtitigan ang mga ito kaya binawi ni Silay ang kamay na animo'y nahihiya kahit kilalang matapang na babaeng mandirigma.
Hindi pinansin ni Sinag ang naging reaksiyon ng kapatid. "Tayo na't kanina pa nag-aantay sina ama," ang sabi ni Sinag nang tapikin niya sa balikat si Talas.
Nagpatiuna si Sinag sa paglalakad sa buhangin kasunod ng magkasintahan. Kasabay niyon ay ang pagbaba ng mga kasamahan ni Talas na dala ang mga nakabalot sa balat ng saging. Maging ang mga nakasakay sa tatlong maliit na bangka'y lumakad na rin matapos na maidaong ang kanilang mga sinakyan. Mistulang mga buntot ang mga kalalakihan sa likuran ng tatlong maharlika.
Ang mga timawang nakatali ang tambol sa beywang ay sige pa rin sa ginagawa pagkaalis nila ng balangay, sa paglalakad at sa pag-ahon nila mula sa tubig.
Ang pinakahuling bumaba ng balangay ay ang atubang na si Lilim. Pinagmasdan niya ang kabuuan ng buhangin habang isinasayaw ng hangin ang balabal na kayumangging hinabing tela. Sa pagbalik ni Talas ng tingin sa kinatatayuan niya at sa pagkawa nito'y atubiling nagbigay siya ng pansin kaya siya'y lumusong na sa tubig. Basang-basa ang balabal niya pagdikit ng tubig rito kapagkuwan ay sumunod sa buntot ng dayo.
Sa unahan, ang mga taong naroon sa buhangin ay nagbigay daan kina Sinag kasabay ng mga mandirigma at ng mga panauhin. Pumasok sila sa kabahayan patungo sa silangan kung saan ipagdadaos ang kasalan at dumaan sa pagitan ng dalawang kubo.
Dahil minsan lang may pangyayaring ganoon, iyon nga ang unang beses na may nanyaring kasalan ng mga maharlika sa isla na iyon, ang halos ng mga tao'y sumunod.
Ang naiwan sa baybayin ay ang mga batang walang kamuwang-muwang sa nangyayari na nagpatuloy sa paglalaro. Ito lamang ang tanging paraan na nagpapasaya sa mga bata sa ibabaw ng islang inakala ng lahat na magliligtas sa kanila sa hinaharap.
LUMIPAS ang mga sandali at ang limang bata ay nakuha pang umakyat sa hulihang katig ng balangay ng isla, pinasok ang kubo sa gitna kapagkuwan ay nagtungo sa nguso nito. Nagsisigaw ang mga ito sa tayang batang naiwan sa ibaba, nakatingalang nanakbo sa mataas na katawan ng balangay.
"Habulin mo kami," ang halos sabay na sigaw ng limang bata. Sa paggalaw ng mga ito sa nguso ng balangay, gumawa ng ingay ang kanilang mga paa sa pumuspusyaw na tabla ng sasakyang pandagat.
Winasiwas pa ng batang lalaki na nasa unahan ang dulo ng suot na bahag para pagtawanan ang kalaro.
Ang batang nahuli ay binalak pang umakyat. Naitapak lang nito ang kanang paa sa katig na pinaghalong kawayan at maliit na troso bago maririnig ang pagsigaw ng isang ginoo na kakalabas lang ng mga kabahayan.
"Mga bata bumaba kayo diyan!" ang malakas na sigaw ng ginoong si Mitos sa tabi ng kubo na gawa sa pawid. Ang kasuotan niyang purong asul mula sa kamisang pangloob hanggang sa kangan ay nagpadala sa hangin. Sumasabay din ang pulang bahag niyang mayroong burda.
Nang malaman ng bata kung sino ang sumigaw kaagad na nagsibaba ang mga ito ng balangay, magkasunod na lumambitin mula sa gilid ng balangkas ng balangay, bumitiw ng sabay, panghuli'y nagsitakbo papalayo sa takot sa ginoo kasama ang tayang bata.
Sa pagsunod ng ginoo sa mga bata ng tingin nailing na lang siya ng kanyang ulo. Nagtago ang mga ito sa likuran ng kabahayan.
Humugot si Mitos nang malalim na hininga na makikita sa pagtaas ng balikat niya bago siya nagpatuloy sa paglalakad. Yumukod upang makadaan sa unahan ng balangay.
Sa pagbaon ng kaniyang mga paa sa buhangin ay napapalingon siya sa mga nakadaong na mga bangkang nadadaanan. Wala siyang ibang nakasalubong na iba pang tao hanggang makarating sa harapan ng huling kubo katabi ng punong niyog. Naiwan sa buhangin ang kaniyang mga yapak.
Sa gilid ng kubo ay naroon si Oputon na nag-aayos ng sibat na pangaso niya. Pinapatulis niya ang mga sibat na bilugang kahoy. Siya ay nakaupo sa piraso ng pinatumbang katawan ng punong kahoy.
Tumigil ang si Mitos sa paglalakad na napapatingin sa binatilyong nakaupo sa buhangin ilang hakbang ang layo sa mabatong paanan ng pataas na bangin.
Ang binatilyo'y gumuguhit ng bilog sa buhangin gamit ang kahoy na nabubura naman ng naninilaw na alon. Si Oputon naman ay patuloy sa ginagawa na ni iangat ang tingin kay Mitos ay hindi niya ikinilos. Hindi aakalain ng ninoman na magkakilala ang dalawang lalaki.
"Kumusta naman ang pagmanman mo?" ang tanong ni Oputon na tinutulisan ang kahoy. Ang paghiwa ng kutsilyo sa kahoy ay naglalabas ng tunog na panandaliang pumupunit sa ugong ng hangin.
"Wala gaano akong nalaman, Oputon. Maingat itong si Datu Silaynon na kahit akong maging isa sa pinagkakatiwalaan niyang mandirigma na nakakalabas-masok sa tahanan niya'y wala pa ring nakuha. Hindi ko malaman kung saan niya tinatago ang perlas na kailangan natin upang maitayong muli ang nasira nating baryo," ani Mitos namang nakatayo. Inilipat niya ang kaniyang paningin sa karagatan na hindi nagtatapos sa kaniyang mga mata.
Sa uluhan pa ng mga ito ay napadaan ang dalawang ibong dilaw ang ilalim na katawan, patungo sa hilaga. "Iisa lang ang ibig sabihin niyon kaibigan. Mayroong tumutulong sa kaniya na itago ang mga lihim ng pangkat na ito. At hindi lang basta simpleng mortal lamang. Maaring isa sa mga diyos," sabi ni Oputon.
Itinigil niya ang paggalaw ng kamay, sinundan ng tingin ang papalayong ibon. Maging ang binatilyo sa buhangin ay napapatingala rin sa mga ibon.
"Paano mo nasabi iyan?" tanong ni Mitos sa kaibigan. Kung totoo nga ang sinasabi nito hindi iyon maganda. "Ang Malayo ang isa sa ligtas na isla dahil na rin sa tulong ng babaylan sa kagubatan. Liban pa sa nasa loob ito ng tatsulok ng mga diyos."
"Maniwala ka sa akin kaibigan. Alam ko ang nararamdaman ko. Nagiiba ang agos sa ilalim ng tubig." Pinagpatuloy ni Oputon ang pagtatalim. Nasa huling sibat na siya. "Pati na rin ang mga halaman at hayop sa lupa."
Ang naalis na hibla ng kahoy ay nahuhulog sa buhangin kapagkuwan ay madadala ng hangin.
Sa narinig mula kay Oputon napatingin ang si Mitos rito. Naging saksi siya sa mabigat na pagpapahayag na nakaguhit sa mukha nito. Alam niyang hindi gumagawa ng kung anong kuwento ang kaibigan, kaya pinaniniwalaan niya ito kahit wala pang patunay. Sapagkat ang kaibigan niya ay nagmula rin sa hanay ng mga babaylan. Ang yumaong ina nito ay isang dating babaylan ng kanilang baryo.
Binalik na lamang ni Mitos ang tingin sa karagatan. "Huwag mong sabihing ang babaylan dito ang may gawa?" ang nasabi niya sumunod.
"Nagkakamali ka diyan. Ibang lakas ang nararamdaman ko. Mas mabigat kaysa sa binibigay ng babaylan," pagbibigay alam ni Oputon. Tinapos niya ang paglalagay ng talim sa huling kahoy at isinama sa iba sa kaniyang tabi.
"Kailangan na nga nating umalis dito kung pagkagayon." May bigat sa mga salita ng ginoo.
"Paano natin magagawa iyon? Gayong matagal na tayong naninirahan dito matapos mong makuha ang tiwala ni Datu Silaynon. Pero hindi pa rin mahanap ang perlas na sinasabi ng batang babaylan. Naisip ko tuloy na isang pagkakamali ang pagtungo natin rito," ani Oputon nang ilagay niya ang kutsilyo sa pangbalot na kahoy nitong nakatali sa kaniyang beywang.
"Naniniwala akong tama ang batang iyon. Si ginoong Raon ang kumupkop mismo sa kaniya. Ang huling dinig ko ay nasa Dahilig siya ngayon sa Habigan sa mungkahi ni ginoong Raon. Alam mo rin naman ang ibig sabihin niyon? May kakayahan talaga siya," ang nasabi ni Mitos na ikinabuntong hininga nang malalim ni Oputon.
"Sana nga," ito na lamang ang lumabas sa bibig ni Oputon nang kunin niya ang mga sibat na sampu ang bilang. Sa pagtayo niya'y binitbit niya iyon sa ibabaw ng dalawang pulsuhan. Ang dulo ng mga kahoy na walang talim ay kamuntik pang tumama sa braso ng nakatayong si Mitos.
"Sa tingin mo'y may kinalaman din ang babaylan dito kaya hindi natin malaman kung saan nakatago ang perlas?" pahabol ni Mitos sa kaibigan nang magsimula itong humakbang patungo sa kubo.
Lumingon si Oputon sa ginoo bago magsalita. "Hindi ko alam. Kahit ang sinasabing senyales ng batang babaylan ay hindi rin natin nararanasan," ang huling nasabi ni Oputon bago siya nagpatuloy. "Dapat na ba tayong mag-alay ng panalangin sa mga diyos?"
"Iyan ang hindi natin maaring gawin na kabilin-bilinan ng batang babaylan," ani Mitos.
"Natatakot na ako para sa kaligtasan natin kaibigan," ang hindi maisawang sabihin ni Oputon. Mababatid talaga sa tinig niya ang takot.
"Ilang pagpalit pa ba ng buwan ang gusto mong igugol natin Oputon dito?" tanong ni Mitos na napalingon sa binatilyo. Sapagkat ang binatilyo'y pinaglaro ang mga paa sa tubig nang mapagod sa pagguhit.
"Ikaw ang bahala, Mitos," ang mahinang sabi ni Oputon nang makalapit sa kubo't sinandig ang mga sibat sa dingding nitong nababalot ng pawid. Nilamon lang ng hangin ang mga salita niya kapagkuwan ay pumasok sa kubo upang kumuha ng pangtali sa mga sibat.
Sa pagtatapos ng naging usapan ng kanyang kaibigan, si Mitos ay nilapitan ang binatilyo na nagpapahabol na sa humampas na alon. "Limong, bakit nag-iisa ka rito?" ang tanong ni Mitos sa binatilyo.
Ang binatilyong si Limong ay nahinto ang paglalaro niya't nilingon si Mitos. Sa malapitan ay mas makikita ang mga mata niyang walang kasing itim. Kayumanggi ang kulay na balat na lumilitaw dahil tanging bahag lang ang suot.
"Ikaw pala ginoo," ang sabi ni Limong. "Inaantay ko si ama kasi ang sabi niya'y matapos ang sampung araw sila'y dito na. Ngayon po ang araw na iyon."
"Ganoon ba? Mukhang wala pa naman sina Silakbo kasama ang ama mong si La-in. Baka matagalan sila dahil sa dumaang bagyo," anang ginoong si Mitos. "Manood ka na lang muna kaya ng pag-iisang dibdib ng pangalawang anak ni Datu Silaynon sa isang maharlika."
"Hindi ko po hilig ang ganoon. Mas nais ko pong pinagmamasdan ang kalikasan."
"Halika na. Minsanan lang na mayroong mangyari na kasiyahan dito. Malalaman mo rin naman ang pagdating ng iyong ama sa ugong ng trumpetang kabibe," pagpupumilit ni Mitos kay Limong. Siya ay nauna na sa paglalakad.
Nag-alangan na magsalita si Limong. "Sige po," ang nasabi niya na lamang sa mababang himig. Tumingin siya sa karagatan bago sumunod kay Mitos.
Sana lang naging maayos ang kaniyang ama kabaliktaran ng kaniyang kutob. Kaya nga siya nagtungo sa baybayin dahil sa bumabagabag sa kaniya.