Kabanata 4

2422 Words
SI DATU SILAYNON ay nakaupo sa itaas na bahagi ng dalawang baitang na entablado na dalawang dipa ang taas mula sa lupa habang ang mga tao sa paligid ay abala sa pagsisimula ng kasalan. Sa unang tingin pa lang ay makikitang maraming pinagdaanan ang datu base sa putong niyang pula na madami ang burda, dagdag dito ang mga tatu na pumuno sa pang-itaas niyang katawan. Ang pares ng bilugang ginintuang hikaw sa tainga niya ay umugoy sa pagtabingi niya ng ulo, sinapo niya ang sintido sa pagkapatong ng siko niya sa kamay ng kahoy na upuan. Pagkuwa'y sinandig ito sa mataas na upuan. Sa tabi niya sa kanan ay nakatayo ang atubang na si Lilim. Wala na itong suot na balabal, ang naiwan na lamang ay ang kangan nitong suot na manilaw-nilaw ang kulay at bahag na pula. Isinuot na rin nito ang putong na walang burda na kumain sa buong ulo nito. Naliliman ang dalawa ng bubongang pawid ng entablado. Ang mga mata nila'y nasa malinis na lupa nakapako kung saan nagkatipon ang mga tao. Gumawa ng bilog sa tabi ang anim na naglalakihang puno ng Higad, pumaikot sa patag na lupang hindi tinutubuan ng alin mang damo. Ang mga mandirigma ay nakakalat sa iba't ibang direksiyon sa harapan ng mga tao kung sakaling magkagulo ang mga ito. Maging sa entablado'y nakapaikot din ang mga mandirigma. Sa likuran ng ebtablado ay makikita ang torogan ng datu na gawa sa matitibay na kahoy buhat sa kagubatan at ang kalahating katawan ay binalangkas ng matigas na adobe. Pahalang ang isang bahagi nito sa likuran at patayo ang nasa unahan na nagmula sa gitna ng pahalang na bahagi. Sa pag-aantay ng datu'y kinausap na lamang niya ang panauhin. "Sa paglipas ba ng mga araw ay walang gumugulo sa hilaga Lilim?" ang naitanong ni Datu Silaynon. Ang boses niya'y malalim na buong-buo, kung sino man ang makakarinig mapapasagot talaga sa katanungan niya. "Wala namang gaano mahal na datu. Minsan-minsa'y may mga tulisan na nag-aaklas ngunit naayos naman kaagad ni Datu Kasag na walang namamatay," ang pagbibigay alam ni Lilim sa pagtitig nito sa mga pares ng mga magsasayaw. Katabi rin nito ang mga taga-tambol na kasama ni Talas. "Hindi pa rin pala nagbabago ang lalaking iyon," ang nasabi ni Datu silaynon sa pagbabalik ng isang ala-ala sa isipan niya. "Dito sa Malayo ay mukhang tahimik. Wala akong napapansing kakaiba," ang makahulugang sabi ni Lilim. Tiningnan nito ang datu kung ano ang maging sagot. Ngunit wala naman itong nakita sa blangkong tingin ng datu sa mga tao. Hindi na natuloy ang pag-uusap ng mga ito nang bumukas ang malaking pinto ng torogan na ikinalingon ng dalawa rito. NAHABOL ni Limong si Mitos nang makapasok na ito ng kabahayan, sa pagitan ng kubo ni Oputon at ng isa pang kubo ng timawa. Itinaas nila ang kanilang mga paa sa nakatumbang katawan ng niyog upang makalampas rito. Sa kanilang paghakbang ay bumubuntot ang ilang buhanging kumapit sa kanilang talampakan. Siya'y nasa kaliwa ni Mitos na pinagmamasdan ang mga halamang ang dahon ay mapula sa harapan ng isang kubo. Lumiko sila matapos ang kasunod na puno ng niyog, kinuha ang daan patungo sa kasiyahan. "Ilang kabilugan ng buwan ka na ba ngayon, Limong?" ang naisip na itanong ni Mitos sa binatilyo pagkalampas nila sa hanay ng mga tirahan ng mga timawa. "Dalawang daan at tatlong buwan ginoo," ang atubiling sagot ni Limong sa ginoo. Noong bata pa siya'y tinutulungan pa siya nito sa pag-sasanay kaya ganoon na lamang siya'y kausapin nito kahit na siya ay alipin sa gigilid. Sa lugar na iyon bilang lang sa mga kamay ang kumakausap sa kaniya. Isa na ang ginoo sa mga iyon na pinagpasalamat niya. Kahit ang kapwa alipin ay hindi nakikipagusap sa kaniya. "Labing pitong taong gulang. Maari ka na palang sumali sa mga mandirigmng katulad ko," anang lalaki sa paglapit nila sa mga humahabi. "Wala po akong balak ginoo," ang makatotohanan niyang sabi't naputol ang sumunod sa sasabihin dahil sa paghahabulan ng anim na batang naglalaro kanina lamang sa baybayin. Napasunod na lang ng tingin ang dalawa sa paglayo ng mga ito na may iniiwang tawanan. Ilang hakbang pa ay narating nila ang dalawang malapad na habihan sa kaliwa't kanan na walang dingding. Sa loob ng mga ito ay naroon ang mga matatandang babae na abala habang nakaupo sa malapad na sahig. Sa harapan ng mga ito ay ang panghabi na bumubuo sa malalapad na tela. Ang mga kamay ng matanda'y maingat at mabilis na gumagalaw, pinapasok ang kahoy sa loob ng mga hibla't siniksik nang maigi kapagkuwan ay inulit ang naunang kilos. Halos magkasabay na gumagalaw ang lahat ng matandang naroon, kaya ang hindi nagbabagong ingay ng pagtama ng mga kahoy ay tila isang musika sa lugar. Ngumiti pa ang mga matatandang babae sa napadaan na si Mitos kaya lumabas ang mga mapuputing ngipin. Ginantihan naman ito ni Mitos kaya lalong nagliwanag ang mga mukha ng matandang babae sa paglampas nito kasabay si Limong. Isang dalagita ang kanilang nakasalubong bitbit ang isang bangang maliit ang nguso sa dalawang kamay buhat sa ilog. Sa paglalakad nito'y dumudulas lang ang patadyong nitong kayumanggi sa kaniyang mga paa. Ang suot nitong kuwentas na gawa sa makulay na bato ang pabitin ay lumilitaw sa pang-itaas na kasing-kulay ng pang-ibaba. "Magandang umaga ginoo," ang kaagad na bati ng dalagita na nagngangalang Mada. Napapatingin ito ng tuwid kay Limong imbis na sa binating ginoo. "Salamat sa iyong pagbungad Mada. Ako ay natutuwa. Hindi ka rin ba nagtungo sa kasalan? Anong mayroon sa inyong mga kabataan ngayon?" ang nasabi ni Mitos na may ngiti sa mga labi niya. "Tinutulungan ko po kasi ang mga matandang timawa sa pagsaksi ng mga ginang sa kasalan," pagbibigay linaw ni Mada sa tinuran ng ginoo. "Maiwan ko po muna kayo," pagpaalam ng dalagita't tumuloy na kapagkuwan ay umakyat sa habihan sa kanan. Napasunod na lang ng tingin si Limong sa dalagita. Hindi niya alam kung bakit iba ang pakiramdam niya kay Mada mula nang makita niya ito sa tirahan ng mga matatandang naghahabi dahil sinama siya sa pagtatala bilang alalay. Kung kaya nga hindi sila nag-uusap nito kahit nasa iisang lugar lamang. Pagkalapit ni Mada sa mga matanda'y pinagsalin niya ang mga iyon ng tubig sa mga bao sa tabi ng mga ito. Binalik ni Limong ang kaniyang paningin sa ginoo nang ito ay mayroong nasabi na hindi niya lubos akalain na maririnig niya mula rito. "Hindi mo naging kaibigan si Mada, Limong?," ito ang nakakalokong sabi ni Mitos. Lumihis ang blangkong ekspresiyon sa kaniyang mukha, naningkit ang kanang mata't umawang nang kaunti ang labi. "Hindi ginoo," ang sabi niya na lamang kay Mitos na nagtulak dito upang ngumiti nang malapad. Paano niya nga ba sasabihin dito ang nararamdamang kakaiba kay Mada. Hindi niya alam kaya nga nanatili siyang tahimik, ikinukubli sa likuran ng isipan ang isang katanungan kung saan nagmula ang dalagita. Sa kaniyang paglaki'y lalo niya lamang napag-isip-isip na hindi siya dapat naroon sa isla na iyon. Dahil sa mga nararamdamang kakaiba sa paninirahan dito. "Dapat nakikipagkilala ka sa mga kaedad mo lang dito sa isla. Magandang may mga kaibigan ka. Masaya ang magkaroon ng mga ganoon. Makakatulong sa iyo sa pagharap mo sa buhay. Maari kayong maglakbay na magkasama," ani Mitos kay Limong. "Malabo po atang mangyari iyan ginoo. Hindi po nararapat ang katulad ko na umalis ng isla," aniya na isang katotohanan. Ngunit may plano rin siyang umalis kung magkakaroon ng pagkakataon. "Bakit naman? Kaya nga sabi ko sa iyo'y maging mandirigma ka na lang para makagalaw ka nang maayos rito." Ang sinabi ni Mitos ay kabaliktaran ng laman ng kaniyang isipan. "Liban sa ayaw ko ring maging mandirigma. Iyon din ang nais ni ama sa akin," pagbibigay alam ni Limong sa kausap na tumangu-tango naman. "Naiintindihan ko iyang sinasabi mo," ang nasabi ng ginoo. Sa pag-ugong ng tambol sa kanluran sa likuran ng mga puno't hanay ng tirahan ng mga maharlika sila'y muling naglakad ni Mitos. Nasanay na rin si Limong sa mga hirit nito kaya hinayaan niya na lamang na lamunin ng ingay ang mga sinabi nito. Ang pagkagawa ng mga tahanan ng maharlika na kanilang nalalampasan ay malayo sa mga kubo sa baybayin, mas malapad, malalaki at napapaikutan pa ng mga bakod na kahoy. Tila naabanduna ang mga ito sa pagitan ng mga punong niyog sa kawalan ng tao. Hindi rin nagtagal ay narating nila ang kakahuyan na naghihiwalay sa tahanan ni Datu Silaynon. Kinatutubuan ito ng mga iba't ibang halaman at mga mayayabong na punong kahoy. Sila'y tumuloy sa malapad na daan sa gitna nito't natigil nang may ilang hakbang pa lamang sila galing sa liwasan. Naglalakad dito ang isang lalaki kaya initaas ni Mitos ang kamay ng bahagya bilang pagbati sa nakasalubong sa kasuotang nitong manilaw-nilaw. Sa pagtama ng sinag ng araw dito'y kumikinang ang kayumanggi nitong balat dahil sa namuong mga pawis sa katawan. "Naging maayos naman ba ang pananatili mo rito Mitos?" bungad ni Lilim. Ito ang taong iginagalang ni Mitos dahil kung hindi sa kaniya ay wala rin ang ginoo roon sa Malayo. Si Limong ay napapatingin sa atubang sapagkat sa paningin niya'y tila isa itong diyos na bumaba mula sa trono nito. Narinig niya ang nagawa nito sa hilaga mula sa pagkuwento ni Mitos sa paglipat-lipat nito ng lugar. "Oho, ginoo. Naging maayos naman. Maraming salamat sa tulong na ibinigay mo," anang Mitos sa pagtayo niya nang maayos. "Ako ay nagagalak sa iyong sinabi. Ilan taon na ba nang huli tayong mag-kausap?" ang sabi ni Lilim na napatitig sa himpapawid sa pag-alala sa mga nagdaang taon. "Sampung taon na ginoo mula nang mailigtas ako ni Datu Kasag sa mabangis na hayop," pagpapaalala ni Mitos sa araw nang makilala niya ang atubang. Si Lilim ay ngumiti nang manipis. "Humihina na ang aking memorya," ang sabi ni Lilim na binaling ang mata sa nakatayong si Limong. Hindi pinapahitulutan ang katulad ni Limong sa usapan ng mga nakakataas sa kaniya, liban na lamang kung kinausap siya ng mga ito kapag may inuutos. "Iyon na nga po ang dahilan kaya hindi mo matandaan, ginoo," ani Mitos bilang biro. Pinaniwalaan niya ang lumabas sa bibig ng atubang. Ngunit si Limong sa nakikita niya sa mata ng bisita ay hindi. Sa sandaling iyon nabaling kay Limong ang atensiyon ng dalawa. "Sino naman itong binatilyong kasama mo, Mitos? Ipakilala mo siya sa akin," ang sabi naman ni Lilim na lalong lumalim ang titig kay Limong. Sa ilalim ng tingin ng atubang napahakbang si Limong ng isa patalikod upang magtago sa likuran ng ginoo. Ngunit itong si Mitos ay tumabi naman upang makita ang kabuuan niya ni Lilim. "Si Limong, ginoo. Isa sa mabait na taong nakilala ko." Tinapik siya ni Mitos sa balikat. Napansin nitong wala siyang balak magsalita kaya pinagtulakan siya nito. "Magpakilala ka Limong. Maaari mong kausapin si Atubang Lilim. Walang problema iyan sa kaniya," dagdag ni Mitos na may titig ng pag-alala para sa kaniya. Bumuntong hininga ng malalim si Limong bago tinitigan ng tuwid si Mitos na nangsenyas gamit ang ulo upang siya ay mag-salita. Dahil doon binaling niya ang tingin sa atubang. "Ipagpaumanhin niyo po, ginoo." Niyuko niya ang kaniyang ulo. "Ngunit ang katulad ko ay hindi nararapat na makipagkilala sa inyo. Hindi rin naman na po tayo magkikita pa sa pag-alis niyo po ng Malayo." "Hayaan mo na bata. Alam ko na rin ang pangalan mo. Bakit may nagsasabi sa akin na nagkita na tayo dati pa. Nakapunta ka na ba sa malapad na kalupaan minsan?" ang tanong ni Lilim sa kaniya na ikinatayo niya ng tuwid. Iniling niya ang kaniyang ulo na nagtulak dito upang muling mag-isip. "Hindi pa po. Siguro'y nakikita niyo po ang aking ama sa akin. Sa kalupaan po siya lumaki bago napunta rito sa Malayo kasama ang aking inang si Ilaya," dagdag niya. "Ganoon nga siguro. Paano tumuloy na kayo't ako'y maglalakad pa. Nagsasawa na kasi ako sa mga kasiyahan katulad ng nangyayari ngayon," ang sabi ni Lilim na may mga ngiti sa labi. Niyukod ni Mitos ang ulo nito't napasunod na lang si Limong sa pagpapatuloy ni Lilim. "Maraming salamat, ginoo," banggit ni Mitos sa atubang. Bago pa ito makalayo'y mayroon itong sinabi para kay Limong. "Tandaan mo ang pangalan kong Lilim, bata. Baka kailanganin mo ang tulong ko sa hinaharap," ang makahulugan nitong sabi't ipinagpatuloy ang paghakbang. Si Limong ay napasunod na lang tingin dito. "Matuwa ka Limong. Mukhang nagustuhan ka ng ginoo," ang sabi ni Mitos nang sila ay maglakad na rin. Si Limong ay napalingon pa sa papalayong si Lilim sa liwasan. Nakatitig ang mga mata niya sa likuran nito. Pinihit din ng atubang ang katawan nito pabalik kay Limong kaya nagkasalubong ang kanilang mga mata. Niyuko ni Limong ang ulo't sumunod sa lumalayong si Mitos. Pagkalabas nila ng daan ay siya ring lalong paglakas ng mga tambol mula sa kasiyahan. Ang mga taong nakisaksi sa kasalan ay nakapaikot rito, napapaligiran ng mga nagtatayugang punong sinadyang itinanim sa paligid upang magbigay ng lilim. Ang ilan pa nga sa mga tao ay umakyat sa nakausling malalaking ugat at dito ay naupo. Sa likuran ng kasiyahan ay matatanaw ang torogan ni Datu Silaynon. Si Mitos ay sumingit sa mga tao't napalingon kay Limong nang hindi sumunod ang binatilyo. "Sumabay ka na sa akin para mas makita mo sa malapitan ang magkabiyak!" ang sigaw ng ginoo sa ilalim ng sigaw ng mga tao't tunog ng tambol. "Huwag na ho. Pupuntahan ko na lang si inay para makatulong," ang sigaw ni Limong pabalik kay Mitos. Siya ay lumakad na paikot ng kasiyahan. Wala nang nagawa si Mitos at nagpatuloy na lamang sa pakikipagsiksikan. Sa paglalakad niya'y napapatingin siya sa mga taong tila tuwang-tuwa sa kasalan. Ang naririnig niya lamang ay ang sigaw ng pagkagalak dulot ng mga taong nanonood. Nilampasan niya ang malaking puno't tinalon ang nakausling mataas na ugat. Pagbaba niya sa lupa'y natigil siya nang mapansin ang isang lalaking pababa ng ugat mula sa pagkasandig sa katawan ng puno. Ni hindi nakilala si Kari-a ng iba dahil matagal na siyang binaon sa limot at hindi na nakikita sa lugar na iyon. Nakasuot siya ng asul na kangan at pulang bahag, wala siyang suot na kamisang walang manggas kaya nalantad ang katawan niyang napintahan ng tatu sa kaliwang bahagi ng dibdib. Sa pagbaba ni Kari-a sa ugat, napapatitig si Limong rito sapagkat may nagsasabi sa binatilyo na nakita niya na ito noon pa man.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD