Kabanata 2

2182 Words
Ilang mga puno't halaman pa ang kanilang nalampasan bago nila marating ang pinagmulan ng liwanag. Isang maliit na tirahan ang naroon katabi ng malaking punong mayabong ang dahon. Makikita ito sa hilaga ng puwang na lupang maputik. Hindi pansin ng tatlo ang mga patatsulok na kubong nakapaikot sa puwang na nakatayo sa pagitan ng mga punong nakapaligid sa kanila. Sapagkat ang mga mata'y nasa masisilongan. Pabilog ang naturang tirahan na may bubong na gawa sa pinatuyong mga masamang damo at hinabing dahon ng niyog. Ang dingding nito'y pinaghalong mga tabla, kawayan at kahoy. Ang liwanag ay makikita sa malalaking awang na sara ng pintong kahoy. Lumapit si Silakbo sa pinto upang kumatok. Sa isang beses na tumama ang kamao niya sa matigas na tabla'y nalaman niya ang pagkilos ng nasa loob. "Papasukin niyo kami," ang sabi pa ni Silakbo na hindi man lang naging tunog ng taong nakikiusap. Sa likuran niya'y nakatayo ang dalawang timawa na parang mga rebultong pinako sa lupa. Ilang sandali lang ay bumukas nga ang pinto. Binati ang tatlo ng isang lalaki na nababalot ang katawan ng balabal na gawa sa tuyong damo, sumisilip rito ang suot na itim na kamisang walang manggas. "Sino kayo?" tanong ng lalaking si Kusog. Nakaguhit sa mga mata ang pagtataka na kaagad din namang nawala kasing bilis ng paglabas niyon. Sa likuran niya ay naroon ang isang binata na nakaupo sa siga at nakasandig sa pangunahing poste ng tirahan. Ang siga ay kinalalagyan ng palayok na nakapatong sa tatlong inilagay na bato. Ang isang kahoy na natutupok ng apoy ay bumisirit pa habang naglabas ng usok. Pinagbuksan ni Kusog ang bagong dating na walang ibang tinanong. Nag-ingay ang pinto sa paghila niya rito, ang ibaba pa niyon ay gumuhit sa lupa ng linyang baluktot. Hindi sinagot ni Silakbo ang katanungan ng lalaki bagkus ay pumanhik kaagad. "Nasaan na ang pinuno niyo?" ito ang tinanong ni Silakbo sa pag-upo niya sa maliit na katawan ng kahoy na inalisan ng lalaki. Kaharap niya ang binata na nakatitig lamang sa nagniningas na apoy. "Wala siya rito, lumikas sa kuweba. Kami lang ang naiwan dito upang magbantay," pagbibigay alam ni Kusog na nakatingin sa dalawang timawa na nasa labas. "Pasok kayo," ang mahinang sabi niya. Ang sinabi ni Kusog ay isang malaking kasinungalingan. Dahil maging siya, kasama ang binatang anak na si Kalsag, ay panandaliang nagpahinga sa isla na iyon. Dinala sila roon ng paghahanap sa nawawalang asawa. Ang ginang na kinuha ng mga hindi kilalang mga lalaki na sa pagkakaalam niya'y nagtatago sa mga maliit na isla. Hindi na rin tumanggi ang dalawang timawa at pumasok na rin ang mga ito. Walang gaanong laman ang loob ng tirahan kundi ang mababang papag na nasa kaliwa ni Silakbo, ang mesang bato na kinalalagyan ng malaking banga at mga bao na sa bandang likuran naman niya, ang makikita pa roon ay ang mandala na inupuan ng dalawang timawa na ilang hakbang buhat sa pinto. "Tumaob ang bangka ko. Makikituloy ako at bigyan mo ako ng mainit na sabaw," ani Silakbo na walang pakialam sa kasama. Ang init na dulot ng apoy ay sumalamin sa kaniyang basang katawan sa pananatiling nakaharap rito. Makikita sa liwanag ang tatu niya sa kaliwang dibdib at dalawang braso. Pinagmasdan pa nga niya ang palayok na may lamang kumukulong sabaw. Nakalublob rito ang sandok na may hawakang kawayan. Sinarang muli ni Kusog ang pinto matapos sumilip sa labas. Inililipad ng hangin ang hibla ng mga damo sa kaniyang balabal. Nang maisara niya iyon iniikot niya ang katawan pabalik sa naging panauhin. "Paano po ang mga kasama niyo?" tanong ni Kusog sa paglapit niya sa batong mesa. Kumuha siya ng tatlong bao kapagkuwan ay lumapit sa siga. "Hindi na nila kailangan. Bayaan niyo na sila," sagot naman ni Silakbo kaya napaangat ng tingin sa kanya ang binatang si Kalsag na kaniyang kasalungat. Ang mga itim nitong mata'y matamang tumitig sa kaniya. Sinamaan ni Silakbo ito ng tingin kaya binalik nito ang atensiyon sa dating ginagawa. Itinaas pa nga nito ang mga palad upang mainitan ng apoy. "Marami naman ang aming nagawang sabaw kaya pagbigyan niyo na ako na painomin sila," paghingi ni Kusog ng pahintulot nang ibaba niya saglit sa lupa ang dalawang bao. Hindi na siya sinagot ni Silakbo kaya nagsalin na siya ng mainit na sabaw mula sa nakasalang na palayok, ginamit niya ang sandok na ang ulo ay inukit na bao. "Kung hindi niyo po mamasamain ginoo. Saan po kayo galing?" Nakakapit nang maigi ang kamay niya sa hawakang kawayan ng sandok. Ginalaw ni Kusog ang bao patungo sa mandirigma. "Sa Magayon," ani Silakbo nang tanggapin niya ang bao na may lamang mainit na sabaw. Nagsalin ng sabaw si Kusog sa pangalawang bao na inabot niya sa binatang tahimik na nakaupo. "Malayo-layo po ang pinanggalingan niyo. Mabuti po at nakaligtas kayo sa masungit na panahon. Ano pong nangyari't tila takot na takot ang iyong mga kasama?" dagdag ni Kusog nang sa pangatlong bao na siya. Ang binatang si Kalsag naman ay tumayo't dinala ang mainit na sabaw na nakasilid sa bao kay Aliguygoy. Bumalik ito kay Kusog at kinuha ang pangalawa na ibinigay sa huling timawa. Matapos sabihin ang islang pinanggalingan ay wala ng lumabas sa bibig ni Silakbo, humigop lang siya ng mainit na sabaw na atubiling pinagsasalin naman ni Kusog. Ang dalawang timawa naman ay tinapon ang sabaw sa lupa habang hindi nakatingin ang iba sa kanila. "Pahiramin mo ako ng bangka sa umaga. Aalis kami kaagad dito." Inangat ni Silakbo ang bao sa bibig. Nag-ingay pa ang paghigop niya sa sabaw. "Walang magiging sulirannin, mayroong mapapahiram sa inyo," ang sabi naman ni Kusog na kumuha pa ng isang bao para sa sarili niya. "Nais mo bang magbalot ng tuyong damo para mawala ang lamig sa katawan mo?" "Hindi na," ani Silakbo't binaba lang sa lupa ang walang lamang bao. "Ikaw ang bahala. Kung nais mo'y mahiga ka sa papag para makapagpahinga ka," mungkahi ni Kusog kay Silakbo na napalingon naman sa papag na kawayan na nasa bandang kaliwa. Si Silakbo ay napatigil sa paghinga ngunit tumayo rin naman ng huli't lumapit sa papag Siya ay nahiga ng patagilid na patalikod sa lahat kahit bahagyang basa pa ang kasuotan. Inunan niya ang kanang braso. Laman ng isip niya kung dapat bang paniwalaan ang mga nangyari sa kanila. Wala naman siyang balak matulog ngunit kusang sumara ang mga mata niya. Matapos na humigop ng sabaw si Kusog iniwan niya ang siga. Lumakad siya papalapit sa mandala at inayos ang pagkapatong niyon upang mahihigaan ng dalawang timawa. "Anong nangyari sa inyo?" pag-usisa naman ni Kusog. Nagkatinginan ang dalawang timawa na parating ginagawa ng mga ito bago magsalita. "Wala naman," ang sagot ni Muong. Binalik niya ang bao sa lalaki kasabay ng kasamang timawa. Inabot ng lalaki ang binalik sa kaniya. "Dadag-dag pa ba kayo?" ang sabi pa nga ni Kusog ngunit tinanggihan lang ito ng dalawa. Umiling ng mga ulo ang mga ito. "Hindi na," simpleng sabi ni Aliguygoy kapagkuwan ay nakabaluktot na humiga ng patagilid sa mandala. Tumabi naman dito si Muong habang pinagmamasdan sila ni Kusog. Ang mga mata nila ay sarado ngunit ang tainga ay nanatiling nakikinig. Bumalik sa dating puwesto si Kusog habang namamahinga ang mga panauhin. Siya naman ang naupo sa kahoy kapagkuwan ay inaangat ang tingin sa binatang anak. "Lumabas ka muna. Tingnan mo ang dagat," utos ni Kusog sa binata sa pagdagdag niya ng kahoy sa siga. Kaagad namang tumalima ang binatang si Kalsag, naglakad niya na tinutumbok ang pinto. Madali niyang binuksan iyon kaya pumasok ang malakas na bugso ng hangin. Sa paglabas niya'y sinara rin ang pinto at nanakbo siya patungo sa baybayin. Si Kusog naman ay nanatiling nakaupo lamang, pinikit niya ang mga mata habang malalim ang pag-iisip. Sa ganito siyang ayos nang magbalik ang binata. Lumingon siya sa pinto sa pagpasok ng binata na nakahawak sa pinto. "Mabuti na ho. Sa paglabas ng araw ay mawawala na ang bagyo," pagbibigay alam ng binatang si Kalsag nang ipagtagpo ang sara sa bunganga ng pinto. "Mabuti naman. Magpahinga ka na rin," utos ni Kusog dito. Tiningnan ng binata ang mga nakahiga. "Ayos lang po ako," ang sabi naman ni Kalsag. Naupo siya sa dating puwesto, itinaas ang kamay sa siga upang makaramdam ng init. Nanatiling gising ang dalawa sa lalong paglalim ng gabi samantalang ang tatlong mga bagong salta'y nakatulog sa labis na pagod. Naglabas ang lalaki ng maliit na kutsilyong kasinghaba lamang ng daliri niya buhat sa likuran ng balabal na tuyong damo. Kumuha siya ng may kaliitang kahoy sa tabi kapagkuwan ay iginuhit ang matulis na dulo ng patalim dito --- gumawa ng mukha ng isang ibon. Sa patuloy na pag-ulan sa labas kasabay ng pabugso-bugsong hangin, umukit ang lalaki. Samantalang ang binata'y walang kibong nakatitig sa humihinang siga. Sa paghugis ng lalaki sa mukha ng ibon ay siya ring pagbabago ng panahon sa labas. Humihina na ito kaya nang nasa katawan na ang lalaki'y tuluyan nang kumalma ang bagyo. Walang lumabas sa bibig ng dalawa sa paglipas ng mga sandali. Sa pagtapos ng lalaki sa inuukit sumilip ang unang liwanag ng bagong araw sa loob ng tirahan. Lumulusot ang mga sinag sa awang ng mga kahoy sa dingding. Iniwan ng lalaki ang hawak na pinatayo niya sa batong mesa. Mahusay na naiukit niya ang ibong maya. Matapos niyon ay lumabas siya kasunod ang binatang anak. Hindi pa tumatagal sa labas ang dalawa nang magising ang dalawang timawa, nauna lang ng ilang segundo si Aliguygoy. Sa paggalaw niya ay nagising narin si Muong. Aligagang napabangon sila sa mandala. Naiwan ang basa sa bahagi na hinigaan. Pinagmasdan nila ang loob na hinahanap ng mata ang lalaki at binata. Nagtaka sila kung saan naroon ang dalawa nang hindi nila nakita ang mga ito. Hindi maiwasang tumalon ang t***k ng puso sa kanilang dibdib. "Nasaan na ang dalawa?" ang naitanong ni Aliguygoy sa kasama na nagkibit-balikat lamang. "Mabuti naman walang nangyari sa atin. Hindi ko napigilang makatulog. Tingnan mo si Silakbo," anang timawa na kapag hindi kaharap ang mandirigma'y tinatawag lamang sa pangalan na walang paggalang. "Baka naman hindi naman totoo ang mga narinig natin tungkol sa islang ito," sabi naman ni Muong. "Mas dapat nating pakaisipin ang nangyari kay La-in. Hindi magandang mapaglaruan tayo ng ano mang diyos." "Kaya nga dapat na tayong umalis kaagad habang maaga pa sa pananahimik ng panahon," ang sabi ni Aliguygoy. Tumayo sila na pinagmamasdan ang mahimbing na si Silakbo. Dahil nga sa katungkulan nila'y lumabas sila upang magtungo sa baybayin na hindi nagpapaalam sa mandirigma. Nagising naman si Silakbo nang mayroong humuni na ibon sa bubongan. Siya ay napabalikwas ng bangon sa lakas ng huni, ang mga paa ay nasa lupa habang ang mga kamay ay nasapo ang ulo. Nang mapagtanto niyang wala namang mangyayari binaba niya ang kamay. Lumabas na rin siya ng tirahan na hinahanap ang dalawang timawa pati na rin ang nagpatuloy sa kanila. Naging malinaw sa kaniya ang paligid na kagabi'y hindi nabigyang pansin. Binati siya ng puwang na lupa na basang-basa ng ulan. Napapaikutan ito ng luntiang mga puno't halaman. Sa pagitan ng mga puno ay ang mga kubong patatsulok na mahigit sampu ang bilang. Ang iba'y sira na ang bubongan. Napapatingala si Silakbo sa ibabaw ng mga puno sa paghuni ng mga ibon sa mga sanga. Tila natabunan ng ingay ang nangyari sa nagdaang gabi. Si Silakbo ay napasilip sa kubong patatsulok na kalapit nang makitang nakabukas ang tabing na kurtina. Nalaman niyang magulong-magulo sa loob dulot ng matagal ng hindi nagagamit --- ang ilang gamit ay kumalat sa lupa kasama ang nabubulok ng dayami. Pati ang higaang papag na gawa sa kawayan ay kinain na ng anay ang isang paa. Nagtataka siyang umalis sa kubo na hinahanap ng mata ang dalawang nadatnan sa isla. Matapos maiikot ang paningin sa paligid nagtungo siya sa baybayin kaya sumalubong sa kaniya ang tagpong nagtulak sa kaniya na mapabuga ng mainit na hangin. Ang bangkang sinakyan nila ay dinagsa ng mahihinang alon sa tagpuan. Naalis ang isang katig nito pati ang lagayan ng layag ay nabali. Kumalat pa ang mga kinalakal nila kalapit niyon. Lumingon siya sa kanan nang marinig ang sigaw ng dalawang timawa. Humahangos na tumatakbo ang mga ito galing sa dulo ng maputing buhangin kung saan naglalakihan ang mga itim na bato. Nanatili siyang nakatayo't inantay na makarating ang dalawa. "Ginoo, si La-in nakita namin," pagbibigay alam ni Aliguygoy na nakaturo pa ang kamay sa pinanggalingan. Si Muong ay nasa likuran lang ng unang timawa. Sumalubong ang kilay ni Silakbo sa sinabi ng timawa pero lumakad na rin siya patungo sa sinasabi nito. Nilampasan niya ang dalawa. Lalong sumalubong ang kilay niya nang makita nga ang bangkay ni La-in sa buhangin ng padapa bago ang mabatong parte ng baybayin. Ang paa ng alipin ay nahahalikan ng tubig sa bawat paghampas ng alon. Hindi maganda ang naging ayos ng katawan ni La-in sapagkat namumutla ang buong katawan nito. Ang mga mata'y dilat na dilat na halos lumuwa na. Idagdag pa ang itim sa mata nito ay namuti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD