Kabanata 22

4290 Words
HINDI niya lang nararamdaman ang lamig ng sariwang hangin na nanunuot sa kaniyang balat, nalalanghap niya rin iyon sa marahan niyang paghinga. Nakahiga siya sa maputing batong sahig ng bilugang kuweba. Maging ang kisame't dingding ay namumuti na nagliliwanag sa kadiliman. Naguguluhan siyang bumangon nang paupo. Marahan lang ang kaniyang naging paggalaw dahil sa nanakit niyang buong katawan. Natatakpan ng kung anong manipis na dahon ang mga sugat sa kaniyang balat lalong lalo na ang kaniyang ulo na napuruhan sa kaniyang pagkahulog. Nasapo niya ang likuran ng kaniyang ulo sa biglaang pagtusok ng nakakadeliryong kirot na siyang nagpaungol sa kaniya nang matigas at nagpasama sa kaniyang mukha. Wala siyang matandaan kung paano siya napunta sa bilugang kuweba na iyon dahil ang huling naalala niya ay ang pagdilim ng kaniyang paningin habang naririnig ang dalawang boses na seryosong nag-uusap. Hindi siya nagkaroon ng kung ano mang ideya kung saan matatagpuan ang bilugang kuweba na iyon, ito ang natatanging kuweba na hindi niya pa napupuntahan sa kalaparan ng isla. Hindi rin nagtagal unti-unti na ring nabawasan ang pagkirot ng sugat sa likuran ng kaniyang ulo. Kung kaya nga ibinaba niya na ang kaniyang kamay sa pangangalay niyon. Nagkaroon siya ng pagkakataon nang sandaling iyon na iikot ang paningin sa kalaparan ng bilugang kuweba na mahigit limang dipa ang lawak. Mayroon itong dalawang butas na nagsisilbing labasan at pasukan. Sa kaniyang pagkaupo hinanap niya ang pinagmumulan ng hangin. Nakita niya rin naman ang parihabang daluyan sa gawing uluhan niya lamang na bumitak sa kisame. Hindi naman siya maaaring lumusot sa daluyan sa kipot niyon, ulo lang niya ang kaniyang maipapasok kung susubukan niya. Mahihirapan lang siya sa huli dahil hindi niya rin alam kung gaano kalayo ang dulo niyon na pinapasukan ng hangin. Mas mainam na sa dalawang lagusan na lamang siya dumaan nang makalabas siya sa kuweba na iyon. Kumilos lamang siya sa kaniyang kinauupuan nang umabot sa bilugang kuweba ang ingay ng pag-uusap galing sa isa sa mga lagusan na pamilyar sa kaniyang pandinig. Masyado pang maingay ang paglalakad ng mga nagmamay-ari sa boses, kumikiskis ang paghakbang sa makinis na puting batong sahig. Dahil doon tumayo siya't iika-ikang naglakad palapit sa dalawang lagusan. Pinakinggan niya kung saan sa dalawang kuweba lalabas ang nag-uusap na nagawa niya rin namang malaman kahit na malayo pa ang mga ito. Sa katahimikan ng kuweba maririnig nang malinaw kahit na mumunting kaluskos. Nagmumula ang ingay ng paparating sa gawing kaliwang lagusan kung kaya nga nagtago siya sa ikalawang lagusan. Tumayo siya sa pinakagilid niyon sapat lang na maitago ang kaniyang katawan kung hindi siya lilingunin. Sa paglapit ng ingay lalong nadagdagan ang kaba niyang nararamdaman, naging mabilis ang pagtambol ng puso sa kaniyang dibdib. Nakuha niya pang bagalan ang paghinga dahil iniisip niyang maging iyon ay maririnig. Ilang sandali pa nga ay napagmasdan niya na rin ang nagmamay-ari sa dalawang tinig. Malayo sa inasahan ang nakita niya sapagkat ang napagmamasdan niya nang sandaling iyon ay hindi tao kundi mabangis at makamandag na mga hayop. Lalo lamang siya sinakluban ng takot sa katotohanang iyon, nangatog ang kaniyang tuhod sa panghihina niyon, naginig ang kaniyang mga kamay sa pananakit ng mga iyon. Inakala niya pa ngang nagkamali lang siya nang narinig, pinilit niyang paniwalain ng sarili na hindi pa talaga nakararating doon ang mga nagmamay-ari sa mga tinig. Ngunit higit siyang nagkakamali sa bagay na iyon sapagkat ang dalawang hayop talaga ang kaniyang hinihintay at hindi taong katulad niya. Ubod ng puti ang balahibo ng tigre na kasing puti ng malamig na niyebe. Sumisilip ang matulis nitong pangil na kung madidikit sa kaniyang balat pihadong masusugatan siya nang malala. Sa laki ng katawan nito aabot ang taas nito sa kaniyang dibdib. Nakaupo sa likuran nito ang makamandag na pulang ahas na minsan na niyang nakita, ang ahas na kamuntikan na siyang makagat sa leeg. Kaagad na napagtanto ng mga ito na wala siya sa pinag-iwanan ng mga ito pagkalampas ng mga ito sa bukana ng unang lagusan. "Inilipat mo ba siya ng lugar?" ang naitanong ng tinig ng isang babae na nagmumula sa pulang ahas. Gumapang ang makamandang na hayop paibaba ang likod ng tigre kapagkuwan ay lumapit sa inalisan niyang puwesto, mabilis na gumalaw ang mahaba nitong reptalyang katawan na dumudulas lang sa maputing bato. Umungol ang tigre sa narinig mula sa kasamahan nito. "Paano ko naman magagawa iyang sinasabi mo? Magkasama tayong dalawa na lumabas at pumasok dito," sabi naman ng mabangis na hayop sa malamig, malalim at buong-buo nitong tinig. Bumagay sa katawan nito ang tinig nitong tinataglay. "Saan naman pupunta ang batang iyon? Wala naman siyang ibang mapupuntahan," ang sumunod na sabi ng ahas nang ibalik nito ang tingin sa puting tigre. Sa puntong iyon nasilip na nga siya ng ahas sa kaniyang pinagtataguan kung kaya nagkasalubong pa ang kanilang tingin na dalawa. Hindi na siya nakapaghintay pa na mayroong masabi ang dalawang hayop sa kaniya. Kusa na lamang gumalaw ang kaniyang mga paa na para bang mayroong sariling isip ang mga iyon. Hindi siya lumingon sa kaniyang pagtakbo papalayo habang umiikang-ikang, tiniis niya lamang ang nararamdamang pananakit ng kaniyang mga paa dahil ang mahalaga sa kaniya nang mga sandaling iyon ay ang makaalis sa kuweba na iyon. Humabol din naman sa kaniya ang dalawang hayop. Matuling tumakbo ang puting tigre sa apat na mga paa nito, nabubutasan ng matutulis nitong kuko ang tinatakbuhang bato. Samantalang mabilis namang gumapang ang pulang ahas nang maabutan siyang tumatakas. "Bumalik ka rito! Hindi ka puwedeng magtungo riyan!" sigaw pa ng puting tigre sa kaniya. Hindi niya naman pinakinggan ang isinigaw nito, pinalusot niya lamang sa kaniyang tainga't inilabas sa kabila. Pinagpatuloy niya ang pagtakbo na walang ibang laman ang isip kundi ang makaalis sa kuwebang iyon. Hindi naman nagbabago ang lawak ng lagusan kaya naisip niyang hindi siya nagkakamali ng dinaraanan. Liban pa roon naririnig niya ang pag-agos ng tubig na nagmumula sa dulo niyon. Dahil sa bagay na iyon binilisan niya pa ang pagtakbo na inaalayan ang kaniyang napilay na kanang paa. Sa kaniyang pagmamadali nadulas na lamang ang kaniyang kaliwang paa na siyang naging dahilan ng kaniyang pagbagsak. Impit ang kaniyang ungol sa pagtama ng kaniyang braso sa matigas na bato. Nagmadali pa rin naman siya sa pagbangon kahit nahihirapan dahil iilang hakbang na lamang ang layo niya sa dalawang nakabuntot na hayop. Hindi siya nagaksaya ng mga sandali sa kaniyang muling pagtakbo hanngang sa makarating na siya sa dulo ng lagusan. Wala nang iba pa siyang mapupuntahan kundi ang ilog sa ibaba. Nang lingunin niya ang dalawang hayop tumigil na ang mga ito sa pagtakbo. "Huwag mong ituloy ang binabalak mo," ang nakuhang sambitin sa kaniya ng ahas. "Imbis na mabubuhay ka pa hindi na lang. Mapapahamak ka lang kung itutuloy mo ang pagtalon diyan." Hindi siya makakilos sa pagkapako ng tingin ng mga ito sa kaniya. Natigalgalan siya dahil sa takot na kaniyang nararamdaman para sa mga ito. "Kung gusto niya talagang mamatay, hayaan mo na siya," sabi naman ng tigre na nawawalan ng interes sa kaniya. Ibinaling ng pulang ahas ang tingin sa tigre. "Nasisiraan ka ba talaga ng ulo? Kailangan natin siya. Ikaw na mismo ang nagsabi na puwede siya nating gamitin," paalala naman ng ahas sa tunay na dahilan kung bakit kinuha siya ng mga ito. Nadagdagan lang ang pagnanais niyang makaalis doon dahil sa mga narinig niya mula sa mga ito. "Nagbago na ang isip ko. Akala ko rin naman ay makatutulong siya." Hindi inaalis ng puting tigre ang tingin nito sa kaniya. "Sa nakikita ko sa kaniya ngayon mukhang hindi talaga siya makatutulong." Ibinaba ng ahas ang ulo nito dulot ng pagkadismaya. "Kung mamamatay siya madagdagan lang ang kasalanan natin. Mawawalan tayo ng pagkakataon na mabuhay ulit." Pakiramdam niya ay tinatakot lang naman siya ng dalawang hayop nang hindi niya ituloy ang pagtalon kaya ganoon ang sinasabi ng mga ito, alam ng mga ito na maaari siyang makalabas sa kuwebang iyon sa pagdaan sa ilog na iyon. Bago pa mayroong masabi sa kaniya ang dalawang hayop hind na siya nagdalawang isip na tumalon sa rumaragasang tubig kahit na wala siyang ideya kung saan patungo iyon. Sa ginawa niyang pagtalon naglaro na lamang ang hangin sa kaniyang suot na bahag. Sa kabilang banda nailing naman ng ulo ang puting tigre na nakuha pang pagmasdan ang kaniyang pagkahulog paibaba ng tubig. "Tulungan mo na siya bago pa tayo mahirapang makuha siya sa tubig," ang nasabi ng puting tigre sa kasamahan nitong ahas. Atubili ngang sumunod ang pulang ahas sa sinabi ng puting tigre. Nanatali ito sa katapusan ng lagusan habang nagbabago ang laki ng katawan nito, ang dating maliit na katawang reptalya nito ay dumoble ang haba't laki. Higit na malaki ang kabuuan ng katawan nito sa ulo ng puting tigre. Bumangga na nga ang ulo nito sa kisame ng lagusan. Hindi rin naman ito nag-aksaya ng sandali dahil babagsak na siya sa tubig. Hindi na siya nakadikit sa tubig sa pagwasiwas ng ahas sa mahaba nitong buntot, pumulupot iyon sa kaniyang katawan na siyang pumigil sa kaniyang pagkahulog. Pinilit niya pang kumawala nang iangat siya ng ahas pabalik sa lagusan ngunit wala rin namang nangyayari, hindi niya magawang luwagan ang pagkapulupot ng buntot nito. Naramdaman niya lamang ang lamig ng kaliskis nito sa kaniyang palad. "Mabuti na lang talaga nahabol pa kita. Dahil kung hindi patay ka nang makikita sa dalampasigan," ang nakuhang sabihin ng ahas sa kaniya. Inilapit pa siya nito sa harapan ng mga ito nang makausap siya sa malapitan. Sa lapit niya sa mga ito napagmasdan niya nang maigi ang mga mata ng mga ito na parehong magkaiba ang kulay, abuhing pares na mga mata ang nasa tigre samantalang ang ahas ay ginintuan. Ang hugis butil na bigas lamang na balintataw ang pagkawangis ng dalawa. Nagsitayuan ang balahibo niya sa buong katawan sa hindi pag-alis ng mga ito ng tingin sa kaniya. Tanging paglunok na lamang ng laway ang kaniyang nagawa dahil wala siyang maisip na paraan para makawala sa mga ito. Nagtinginan pa ang dalawa bago muling magsalita ang puting tigre. "Ang mga kabataan talaga ngayon ay hindi man lang nag-iisip. Masyadong padalosdalos kaya madalas ding napapahamak," sabi naman ng puting tigre. "Hindi iyan ang gusto kong sabihin mo sa kaniya," wika naman ng ahas kapagkuwan ay iniling-iling ang ulo para sa puting tigre. "Ano ang gusto mong sabihin ko? Totoo rin naman ang nasabi ko," hirit naman ng puting tigre. "Ikaw na lang sana ang kumausap sa kaniya kung magrereklamo ka riyan." Imbis na patulan ng ahas ang puting tigre ibinaling na lamang nito ang atension sa kaniya. Pinagmasdan siya nito nang tuwid habang ibinababa ang ulo patungo sa kaniya kasabay ng pagsagitsit ng dila nitong lumalabas-masok sa nguso nito. Sumasalamin ang mukha niya sa mga mata nitong matulis kung tumingin. "Kahit kailan talaga ay hindi ka marunong makisama sa mga batang katulad niya," ang nasabi ng ahas na hindi nakatingin sa kasamahan nito. "Huwag kang matakot sa amin. Wala kaming gagawing masama sa iyo. Tinulungan ka pa nga namin. Kung mayroon kaming gagawin sa iyo na hindi maganda, hindi ka sana namin iniligtas sa bingit ng kamatayan matapos ngang mahulog sa bangin." Natauhan din naman siya matapos marinig ang sinabi ng ahas sa kaniya. Ngunit dahil sa narinig niya sa mga ito bago siya tumalon sa rumaragasang tubig nagdadalawang-isip pa rin siyang magtiwala sa naging mga salita ng ahas. Sa pagkakaintindi niya nga naman kanina'y mayroong kailangan ang mga ito sa kaniya kaya marahil kinuha siya ng mga ito sa ilalim ng bangin. "Sino ba kayo?" ang nakuha niya rin namang itanong. "Paanong nakapagsasalita ang tulad niyong mga hayop? Pagkatapos kaya mo pang magbago ng laki." Ibinaba siya ng ahas hanggang sa makatayo na siya sa kaniyang paa, ngunit hindi pa rin siya nito pinapakawalan. "Sasabihin namin sa iyo ang gusto mong malaman pero ipangako mo munang hindi ka tatakbo sa oras na pakawalan kita," sabi naman ng ahas sa kaniya. Sa pakikipag-usap niya sa ahas sumingit ang puting tigre. "Pero kung balak mo pa rin tumakbo wala na akong magagawa kundi ang saktan ka." Itinaas ng puting tigre ang isa nitong paa sa harapan kapagkuwan ay inilabas ang matutulis na kuko. Napalunok siya ng laway sa pagbabanta nito sa kaniya. Ibinaba rin naman nito ang paa nang mariing sumagitsit ang ahas. "Huwag mo nga siyang takutin. Imbis na mayroon nang makatutulong sa atin hindi na lang dahil sa ginagawa mo," sita ng ahas nang pakawalan na siya nito. Sa puntong naalis ang pagkapulupot ng buntot nito sa mabilis na bumalik ito sa dating sukat nang una niya itong makita. Sa kabila ng takot niyang nararamdaman para sa mga ito hindi niya rin naiwasang makaramdam ng pagkamangha. Iyon nga rin naman ang unang pagkakataon na nasaksihan niya ang hiwaga na nakabalot sa mundong ibabaw. Kung kanina'y pinagmamasdan siya nito paibaba, tinitingala naman siya nito nang matingnan siya nito nang mabuti. Samantalang ang puting tigre'y lumakad na lamang pabalik sa inalisan niyang bilugang kuweba. Hinatid niya pa nga ng tingin ang puting tigre sa hindi nito paglingon. "Ikaw na nga ang bahala sa kaniya," ang walang buhay pa nitong sabi. Naalis niya lamang ang tingin sa puting tigre nang ipagpatuloy ng ahas ang pakikipag-usap sa kaniya. "Halika ka. Sumama ka sa amin. Ipapaliwanag ko ang lahat," sabi ng ahas sa paggapang nito pasunod sa puting tigre. Huminto lamang ito nang mapagtanto nitong hindi siya kumikilos sa kaniyang kinatatayuan. Nilingon siya nito na mayroong pasubali sa mga nais ntiong sabihin sa kaniya. "Ano pang ginagawa mo riyan? Huwag kang mag-alala mabuting tao rin naman kami bago pa kami naging ganito." "Ano ang ibig mong sabihin? Tao talaga kayo?" Hindi pa siya nakaririnig nang katulad ng nangyayari sa mga ito. "Oo. Katulad mo rin kami na maraming gustong gawin sa buhay. Puno ng mga pangarap na nais na matupad," ang malumanay na sabi ng ahas. Mahahalata ang pagsisisi sa tinig nito na alam niya ang ipagkahulugan dahil maging siya ay marami siyang pagkakataon na pinagsisihan, mga araw na mahirap nang balikan. "Paanong naging hayop kayo?" sumunod niyang tanong. Lalong tumataas ang interes niyang malaman kung paano ngang nakapagsasalita ang mga ito. Kahit na natatakot pa rin siya nakuha niya na ring humakbang nang makasabay sa ahas. Pinili niya na lamang na paniwalaan ang sinabi nito na wala itong gagawin sa kaniya, tinulungan nga rin naman siya ng mga ito nang magamot ang sugat sa kaniyang katawan. Mababatid ang tuwa sa ahas sa magalaw nitong paggapang. Sa unahan nila ay naroon ang puting tigre na naging mabagal lamang ang paghakbang. "Ano bang gusto mong marinig?" ang naispang itanong ng ahas nang tingnan siya nito. Sinalubong nyia ang mga mata nito sa patuloy nilang paglalakad. "Gusto ko lang malaman kung ano bang kailangan niyo sa akin bakit niyo ako tinulungan." "Naiintindihan ko naman bakit ganiyang ang nasabi mo. Nais mo lang namang makasigurado na wala kaming gagawin sa iyong masama. Katulad nga nang sabi ko kanina mabuti naman kami. Ang gusto lang namin sa iyo ay tulungan mo kaming makaalis ng isla. Hindi rin naman siguro masamang ibalik mo ang pagtulong namin sa iyo, hindi ba? Gusto mo rin namang umalis ng isla kaya isama mo na kami." Hindi niya malaman kung nagbibiro ba ito sa huling naging salita nito sa kaniya. Kung maryoong lamang itong labi pihadong nakangiti ito nang mga sandaling iyon sa kaniya. Wala nang ibang mga salita na lumabas mula rito sa kanilang paglalakad, tanging paghakbang niya ang nakikipag-usap sa ingay ng paggapang nito. Hindi nga nagtagal nakabalik na nga sila sa bilugang kuweba kung saan nakaupo lamang ang tigre na nakapikit ang mga mata. Gumapang palapit ang ahas sa tigre't nanatili sa tabi nito. Samantalang siya naman ay naupo sa maputing bato ilang hakbang ang layo sa dalawa. Sa marahang paghinga ng tigre nasabi niyang natutulog ito nang sandaling iyon. Itinayo niya ang kaniyang dalawang tuhod kapagkuwan ay niyakap iyon nang malabanan niya ang nararamdamang lamig. "Mayroon lang akong gustong siguraduhin. Ikaw iyong ahas na gusto akong tuklawin, hindi ba?" sabi niya nang sumagi sa isipan niya ang sandaling papatuklaw ang ahas. Nakaiwas lamang siyang matuklaw sa tulong ng mandirigmang si Mitos. "Nakilala mo pa rin ako kahit iniba ko ang kulay ko nang sandaling iyon. Paano mo nalaman?" saad nito dala ng pagtataka. "Nahulaan ko lang dahil hindi niyo nga rin naman ako matutulungan kung hindi niya ako sinusundan." "Isang malaking pagkakamali nga ang pagkakilala ng mga tao sa iyo rito sa Malayo. Tingin ng lahat sa iyo ay walang utak. Lalong lalo ang mga anak ng datu." Kiniskis niya ang kanyiang palad sa kaniyang braso nang magbigay iyon ng init sa kaniya kahit papaano. "Kung ganoon ang sinasabi mo mukhang marami kayong alam tungkol sa akin." "Hindi ka nagkakamali riyan," sabi nito sa kaniya. "Matagal ka na naming inoobserbahan. Sa lahat ng taong narito ikaw lang ang mayroong kakayahang mailabas kami rito sa isla." "Bakit kailangan ako pa? Puwede namang umalis nang kayo lang." Hindi niya itinigil ang pagkiskis dahil wala pa rin siyang nararamdamang init. "Hindi namin magagawa ang sinasabi mo dahil nagsilbi naming kulungan ang isla. Kailangan namin ng taong babagay sa taglay naming anyo. Ikaw nga iyong nahanap namin," paliwanag naman sa kaniya ng ahas. "Bago ka pa mag-isip ng kung anu-ano hindi kami nakakulong dito sa isla dahil sa marami kaming nagawang kasalanan. Sadyang dito lang kami nagising at nanirahan na kami rito ng ilang daang taon na." Nagsalubong ang dalawa niyang kilay sa narinig dahil sa tagal ng sinabi nitong panahon. Posible nga rin namang walang mababago sa itsura ng mga ito sa taglay na kapangyarihan ng mga ito. "Bakit niyo naman gustong makaalis ng isla? Ano ang dahilan niyo?" ang sunod-sunot niyang tanong dito. Napatitig nang mariin sa kaniya ang ahas. "Tungkol sa bagay na iyon. Hindi ko alam kung puwede naming sabihin sa iyo?" "Huwag mong sabihin kung hindi mo gusto. Wala na akong magagawa sa bagay na iyan." Pinatong niya ang kaniyang ulo sa ibabaw ng kaniyang tuhod. Kapagkuwan ay pinikit ang kaniyang mga mata nang makapaghinga siya. Nararamdaman niya pa rin ang pagod ng kaniyang katawan na sinasabayan ng pananakit ng kaniyang mga sugat. "Puwede ko namang sabihin sa iyo. Pero mapagkakatiwalaan ka ba?" sabi nito sa kaniya sabay inihampas nito ang dulo ng buntot nito sa mukha ng natutulong ngang tigre. Napatitig naman dito ang tigre nang buksan nito ang pares ng mga mata. "Gusto niyang malaman kung bakit aalis tayo ng isla. Ayos lang ba na sabihin ko sa kaniya?" Humugot nang malalim na hininga ang tigre na mapapansin sa paggalaw ng mga balikat nito. "Sabihin mo nang matapos na. Huwag mong isipin kung ano ang balak niyang gawin dahil hindi na mahalaga pa iyon. Wala namang mababago kung malaman niya ang tungkol sa perlas na kailangan nating ipunin." "Tama ka," pagsangayon naman ng ahas. Muling ipinikit ng tigre ang mga mata nito kaya naibaling niya ang tingin dito. Mukha nga lang naman itong mabangis na hayop pero tao pa rin naman ito, nagbago lang hugis at anyo nito. "Ano ang perlas na sinasabi niyo? Iyong mga perlas na magliligtas sa buong sansinukob? Kailangang ipunin panglaban sa iba't ibang nilalang." Inalis niya ang pagkapatong ng kaniyang ulo sa ibabaw ng knaiyang tuhod. "Saan mo narinig ang tungkol sa mga perlas?" takang tanong ng ahas na nakuha pang gumapang patungo sa kaniyang kinaupuan. "Sa babaylan dito sa isla," tugon niya sa naging katanungan. "Nang patingnan namin ang aking ama." Napatango-tango ang ahas sa narinig mula sa kaniya. Hindi na niya pinagtakhan na maging ang bagay na iyon ay alam nito. "Nakalulungkot ang nangyari sa ama mo. Sinunog na nila ang katawan niya," pagbibigay-alam nito sa kaniya. Hindi na rin naging pasabog sa kaniya ang ibinalita nito dahil inasahan na niya na ganoon ang mangyayari sa kaniyang ama. Isa lang alipin ang kaniyang ama kaya wala talaga itong magiging payak na libing. Mula't sapol hindi na niya gustong maging alipin dahil nga sa hindi pantay ang tingin sa kanila gayong magkaparehas lang namang tao ang lahat, hindi sila nabibigyan ng kalayaang gawin ang mga bagay, hindi sila maaring mamili mahirapan man o hindi. Dala ng pagkadisgusto hindi lang sa mundo maging sa kaniyang sarili napabalikwas na lamang siya ng tayo na siyang naging dahilan kaya iminulat ng tigre ang mga mata nito. "Puwede naman sigurong bigyan niyo ako ng panahon para mag-isip. Kailangan kong bumalik sa amin," pagdadahilan niya dahil pagkakataon niya na iyon para makaalis sa lugar na iyon. Hindi pa rin naman niya pinaniniwalaan nang buo ang sinabi ng ahas sa kaniya. Balak niya rin namang bumalik sa tirahan hindi dahil gusto niyang singilin ang ginawa ng mga anak ng datu sa kaniya kundi ang kunin ang kaniyang ina para makaalis na sila nang sabay ng Malayo. "Mapapahamak ka lang kung babalik sa inyo. Hindi ba't akala ng mga anak ng datu ay patay ka na?" paalala sa kaniya ng ahas. "Hindi malayong pati ang nanay mo ay mamamatay din kung magagawa mo ngang bumalik doon." Natigil siya sa narinig dahil mayroon din namang punto iyon ngunit hindi siya maaaring manatili roon habang naghihirap ang kaniyang ina. Pihadong labis na ang pag-iyak nito dulot ng pag-aalala dahil hindi pa siya nakababalik. "Kaya nga gusto kong umuwi para hindi mangyari ang nasabi mo," aniya sa ahas. "Saan ba ang daan?" sumunod niyang tanong dito. Gumapang ang ahas patungo sa kaniya. "Ihatid na kita," suhestiyon pa nito sa kaniya. Nagkasalubong ang kanilang mga tingin. "Mabuti pa nga," pagpayag niya na lamang nang hindi nito mahalatang wala talaga siyang balak tulungan ang mga ito. Hindi niya rin maalis sa isip niya na niloloko lamang siya ng mga ito. Hindi niya nasisigurado na mabait nga ang mga ito't nais lang iligtas ang mundo sa kaguluhan. Naguguluhan siya sa sinabi ng ahas na nakakulong ang mga ito na nangyayari lang kapag marami kang nagawang kasalanan. Nagpatiuna sa paggapang ang ahas patungo sa unang lagusan kaya bumuntot siya rito. Naiwan ang putin tigre sa loob ng bilugang kuweba na inahahatid siya ng tingin. Hindi niya ito sinulyapan pa sa kanilang paglayo. Bahagyang maingay ang paglalakad niya sa kahabaan ng lagusan na iyon na umaalingawngaw pa. Hindi ulit nagsalita ang ahas sa tuloy-tuloy nitong paggapang kaya hindi rin siya nagtanong pa rito. Mas pinili niyang makiramdam dahil baka mangguat na lamang ito't mayroong kung anong gawin sa kaniya. Sa unti-unti nilang paglapit sa dulo ng lagusan na iyon pumaitaas na iyon kaya kinailangan niyang yumuko nang hindi bumangga ang kaniyang ulo sa ibabaw. Nagawa niya namang makapaglakad kahit na sa ganoong posisyon. Napapatingin pa siya sa kaniyang unahan dahil sa sumisilip na liwanag. Hindi rin nagtagal nakarating na nga sila sa labasan ng lagusan na natatabunan ng makapal na gumagapang na halaman, lalo pa niyang iniyuko ang kaniyang katawan nang makalusot siya na nagawa niya rin naman. Naunanng nakalabas ang ahas na lumusot lang sa pagitan ng mga gumagapang na halaman. Nang siya naman ang lalabas hinawi niya ang halaman. Tumayo siya nang tuwid kapagkuwan na pinagmamasan ang malaking puno ng balite sa kaniyang likuran kung saan sila nagpalipas ng mga sandali, nagtatago ang pasukan ng lagusan sa ilalim ng malalaking ugat kaya hindi mapapansin kung hindi mo hahanapin. Pinanghawak niya ang kanang kamay sa ugat nang kumuha ng suporta roon. Naroon pa nga sa lupa ang abo ng nagawa nilang siga. Sa itaas na mga sanga'y nag-aawitan ang mga ibon na siyang naglalaro sa paligid ng puno. Naalis niya lang ang tingin sa malaking puno sa pagsasalita ng ahas. Gumapang ito sa itaas ng ugat na hinahawakan niya. Inalis niya na lamang ang kaniyang kamay nang makaiwas siya rito kung sakaling maisipan nitong tuklawin naman siya. "Aasahan naming ang magiging desisyun mo nang matulungan mo kami," ang nasabi sa kaniya ng ahas. "Maging ako rin naman. Gusto ko rin namang tumulong sa abot ng makakaya ko." Humakbang na siya palayo sa puno't hinanap ang daan pauwi sa pamayanan. "Mauna na ako." "Mag-ingat ka sa daan," wika pa nito kaya itinaas niya ang kaniyang ulo para rito. Sinundan nito ng tingin ang paghakbang niya kaya napapalingon na rin siya rito. Nakuha pa nitong iwagayway ang dulo ng buntot bilang pagpaalam sa kaniya. Tinaas niya na lang ang kamay dahil posibleng iyon na nga talaga ang huli nilang pagkikita. Tumuwid siya sa paglalakad nang ibaba niya na ang kaniyang kanang kamay. Pumasok siya sa kakahuyan na walang ibang laman ang isip kundi ang makauwi. Sa bawat niya paghakbang lumalayo naman sa kaniya ang puno ng balite kasabay ng pagkapal ng mga mababang puno at halaman. Hinawi niya pa ang ilang mga nakaharang sa kaniyang daraanan. Panandalian siyang huminto nang makarinig siya nang pagkabali ng sanga sa kaniyang kaliwa. Napatitig nga siya sa halaman na malalaki ang dahon na hugis puso habang inihahanda ang sarili sa mangyayari. Napaatras siya nang isa nang makita niyang gumagalaw ang mga dahon na nadadaann ng kung anong papalapit sa kaniya. Sa pagtitig niya sa halaman nagulantang nalamang siya nang tumalon mula roon ang puting tigre. Binangga ng mabangis na hayop ang dalawang mga kamay nito sa kaniyang balikat na kaniyang ikinagbagsak sa lupa. Nang hindi siya makakakilos dinaganan siya nito kasunod ng malakas nitong pag-ungol sa kaniyang mukha na ikinabingi ng kaniyang tainga. Tumalsik pa ang ilang butil ng laway nito sa kaniyang mukha't naamoy niya ang hininga nitong hindi kaaya-aya. "Subukan mong ipagsabi sa ibang tao ang tungkol sa amin nang hindi ka na sikatan ng araw," pagbabanta nito sa kaniya. Matapos nitong mag-iwa ng mga salita sa kanyia umalis na ito sa pagkadagan sa kaniya't naglakad pabalik sa direksiyon kung saan naroon ang puno.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD