MISTULANG nagkaroon ng lindol sa loob ng katawan ng matandang alipin na si La-in sa labis na panginginig. Ang buong katawan niya ay basang-basa, kasama na ang tanging kasuotan niyang pulang bahag. Ang telang dilaw, pananggalang na nakatali para sa tainga, sa ulo niya ay bahagyang bumaba sa kabigatan niyon na tumakip sa kaniyang kilay.
Ininda lang niya ang sakit ng pagtama ng malalaking butil ng ulan sa kaniyang balat, kakambal ito ng hanging nagmumula sa silangan.
Sa kabila ng nararamdaman ni La-in, mahigpit ang mga kamay niyang nakakapit sa kahoy na hawakan ng timon sa hulihan, habang ang kanang paa ay nakaluhod sa matigas na katawan ng bangka at ang malayang paa ay nakatukod bilang pang-alalay.
Kasama niyang naglayag ang dalawang timawa na nakaupo sa magkabilang dako ng tabla. Maingat na pinipihit ng mga ito ang nakataling sagwan. Ang mga paa ay baluktot na magkatagpo sa kanilang pagkaupo.
Ang pinakahuling kaagapay ay ang panganay na anak sa tahanan ni Datu Silaynon na nakatayo sa gitna. Kumislap ang bilugang ginintuang hikaw sa tainga ni Silakbo sa ilalim ng pagkidlat na bumagay sa pulang putong niyang may iilang burda.
Si Silakbo ay isang mandirigmang maipagmamalaki ng pinanggaling pangkat ng Agatan. Ang mga kamay niya ay nakakapit sa kahoy na kinakabitan ng nakatiklop na layag. Sa tabi niya ay itinali ang mga kalakal mula sa karatig na pulo ng Magayon.
Mahusay na nagmamaniobra si La-in sa nagtatagisang mga alon na dumuduyan sa kanilang sinasakyang bangka. Naroong pinaliguan sila ng alon na sinamahan pa ng malakas na bugso ng hangin.
"La-in, kami ba ay sinasama mo sa pagtatapos ng buhay sa iyong ginagawa. Iyong tingnan ang paligid wala akong nakikitang isla na dapat ay nasilayan na natin katulad ng nauna mong sinabi," ang sigaw ni Silakbo sa nakayakap na ugong ng hangin. Sa pagsasalita niya'y tumalsik ang pinaghalong tubig-alat at ulan na dumaan sa kaniyang bibig.
Sa sinabi ng mandirigma, ipinako ni La-in ang kaniyang paningin sa unahan ng bangka, lampas sa mga alon upang aninagin ang isla. Ngunit wala siyang makita na ano mang liwanag o senyales sa direksiyon na ito.
Huminga si La-in nang malalim nang iduyan ng mataas na alon ang bangka. Dahil dito ay napatingala siya sa kalangitan kung saan patuloy pa rin ang pagkidlat na nagsilbing kanilang panandaliang ilaw sa madilim na karagatan. Ang buwan na dapat naroon ay nakatago sa makakapal na ulap kasama na ang mga tala.
Sa kaniyang isipan ay inusal niya ang kanyang panalangin na makaligtas sa delubyong iyon. Sana ay marinig ito ng alin mang diyos kahit isa lamang siyang alipin na walang maihahandog kundi ang sarili lamang. Kalahati ng buhay niya ay inalay sa paninilbihan sa tahanan ni Datu Silaynon. Hindi niya nais na mawalan ng buhay hanggang 'di nabibili ang kalayaan kasama ang anak at asawa.
Naputol ang panalangin niya nang matalsikan siya ng tubig sa mukha pagkalampas ng bangka sa mataas na alon, bago pumaibaba't sumayaw sa mas mababa.
Nanlabo ang kaniyang paningin dahil sa alat kaya saglit na inalis ng matanda ang kanyang kamay sa hawak. Mabilisan niyang pinahid ang tubig sa mukha upang bumalik sa dating talas ang mga mata. "Paumanhin ginoo, ipagpatawad niyo po ako," ang malakas na sabi ni La-in kapagkuwan ay binalik ang kamay sa hawakan ng timon.
Si Silakbo ay nilingon ang matandang alipin na mayroong mapanuring tingin. "Naniniwala akong isang kamalian ang nasabi mo," singhal niya sa matandang sa paglaki niya ay nakasubaybay na.
Hindi mawari ng alipin kung anong nakaguhit sa mukha ng mandirigma.
Parehong napalingon si Silakbo at ang matanda sa timawa sa kanan nang sumuka ito ng mapuputing laway. Tumama ang inilabas ni Aliguygoy sa isang tuhod at ang karamihan ay sa tabla. Hindi ito bumitaw sa hawak na sagwan at hinayaan na lamang ang alon na hugasan ang maasim na dumi.
Binalik ni La-in ang kaniyang atensiyon sa mandirigma. "Hindi ko po ninais na matagalan tayo na makatuntong sa lupa ngunit sa ganito pong kalagayan matatagalan po talaga tayo," ang paliwanag ng matanda na sana ay maintindihan ni Silakbo. Ngunit sa kasamaang palad hindi umayon sa kaniya ang sumunod na sinabi nito.
"Wala sa itsura mo ang pagiging magaling na manlalayag," ang panglalait ni Silakbo sa matanda na nanuot sa damdamin ng huli. Si La-in ay napayuko na lamang ng kaniyang ulo sa kamalian. Marahil tama si Silakbo dahil kung magaling nga ang matandang alipin nasa baybayin na sana sila sa mga sandaling iyon. Nagpatuloy sa pagsasalita ang mandirigma na naiinis na sa pananatili nila sa laot. "Hindi na dapat kita sinama sa pahintulot ni ama. Hindi ko na dapat sana siya sinang-ayunan kung alam kung ganito lang naman ang mangyayari," dagdag niya sa paghampas ng alon sa kanila. Mabibigat ang mga salita niya na parang batong bumubulusok sa tubig.
Ang dalawang timawa ay nanatiling nakikinig na saradong ilabas ang mga opinyon, napaubo-ubo pa ang mga ito dahil sa nainom na tubig-alat.
"Kaunting pagtitiis na lang ginoo malapit na tayo," anang alipin matapos na madaanan ng alon ang bangka. Lumusot ang tubig sa awang ng mga tabla at ang kalahatan ay lumampas.
Gumalaw si Silakbo sa kinatatayuan sa paggiwang nang kaunti ng bangka na hindi inaalis ang kamay sa kahoy. Nilagay niya ang bigat sa umangat na kaliwang bahagi ng bangka sa unahan ng timawa na si Aligugoy upang hindi tuluyang tumaob.
Nang mabalik sa dating ayos ang bangka, nanatili si Silakbo sa gitna. Hindi roon natapos ang pakikipag-usap niya sa alipin.
"Ako ba ay pinaglalaruan mo La-in. Paano mo malalaman iyan? Tingnan mo ang kalangitang nagdidilim, wala ni isang bituin na sumisilip," hiyaw ni Silakbo na ang mga kamay ay nakaturo sa himpapawid. "Hindi ka tinutulungan ng diyos na sinasabi mo." Kasabay ng salitang sinabi niya ay ang malakas na pagkulog na sinundan ng pagkidlat. Ang maliwanag na kidlat na pumunit sa himpapawid ay nasa hindi kalayuan ng bangka. Tila baga nagsasabing kalapastanganan ang naiusal ng mandirigma.
Labis na ikinatakot ni La-in ang nasaksihan dahil sa paniniwala ni Silakbo. Hindi na rin bago sa kaniyang pandinig na hindi ito naniniwala sa ano mang mga diyos o kababalaghan. Ang paniniwala nito ay iba sa pinanggalingang pamilya na ang simula ng lahat ay ang supremo ng mga diyos na si Kaptan.
"Sigurado po ako ginoo," ang sabi ng matandang alipin na pinipilit pakalmahin hindi lang si Silakbo kundi ang sarili. "Mula pa nang madaanan tayo ng bagyo'y hindi ko na binago ang direksiyon na tinatahak natin."
Sinamaan ni Silakbo ng tingin ang matanda.
"Pagbibigyan kita alipin ngunit sa sandaling masira ang bangka. Ako mismo ang magtatapos sa iyong buhay, ilulunod kita sa galit na tubig. Naintindihan mo?" ang pinaleng saad ni Silakbo bago binalik ang atensiyon sa karagatan.
"Opo, ginoo," ang mahinang sabi naman ni La-in na nilamon ng ingay --- panaghoy ng kalikasan na tanging iyon lamang ang may alam. Isang malayong musika na walang kahulugan sa ilang mortal katulad ni Silakbo.
Nagpatuloy ang bangka sa pakipagbuno sa nag-aalburutong dagat. Muli namang napaliguan sila ng alon kaya todo kapit ang lahat.
Sa nangyari'y naalis ang pulang putong na may iilang burda ni Silakbo, ang mahabang basa niyang buhok ay naglaro sa kaniyang pisngi. Hinabol niya ang putong bago pa tuluyang madala ng tubig. Inipit niya iyon gamit ang paa sa tabla kapagkuwan ay madaliang pinulot.
Nang itali niya iyon sa ulo mayroon silang narinig na iyak ng kawan ng mga ibon na ilang matataas na alon ang layo mula sa kanila.
"Ginoo, isang pahiwatig po ang ating naririnig na malapit na ang isla," ang bulalas ni La-in matapos marinig ang mga ibon.
"Maari mang tama iyang sinabi mo ngunit hindi mo pa rin masasabing ligtas na tayo hanggang hindi nakakatapak ang paa ko sa lupa," ang nasabi ni Silakbo sapagkat kailanman ay malayong magpapakababa siya para lamang sa isang hamak na alipin.
Ang matanda ay hindi na lang binigyang pansin ang nasabi ni Silakbo. "Maniwala lang po kayo, ginoo," ani La-in.
Sa pag-angat ng bangka dahil sa alon doon na nakita ng lahat ang nagliliparang kawan. Ang mga basang abuhing pakpak at katawan ng mga ibon ay bahagyang kumislap sa pagtama ng liwanag ng kidlat sa mga ito, sa isang direksiyon lamang ang mga ito patungo.
Hindi man maamin ni Silakbo ngunit tama nga si La-in. Ang islang sinabi nga nito ay naroong nag-aantay sa kanila. Sa isla ring ito mamahinga ang mga ibon na papalipat ng tirahan. Makikita ang hugis niyon na may dalawang matutulis na batong tuktok na mistulang tuwid na sungay sa malayo. Dahil dito ay nagkaroon ng panibagong sigla ang mga timawa pati na rin ang matandang alipin.
"Bilisan niyo ang pag-sagwan," ang utos ni Silakbo sa muling paghawak niya sa kahoy. Sa narinig ng dalawang timawa'y nagsagwan ang mga ito ng may kabilisan kaysa sa normal. Nakahinga nang malalim si La-in dahil makakaligtas na sila sa delubyong iyon.
Tumagilid ang bangka sa direksiyon ng alon bago sumabay rito habang ang hangin ay umiihip pa rin nang malakas. Sa puntong iyon ay maaaninag ang liwanag ng apoy sa bandang ibabang bahagi ng isla na naglalaro sa pagbuhos ng ulan, kung kaya nga't hindi iyon gaanong malinaw. Ang unang nakapansin niyon ay si Silakbo. Mahigit isang daang dipa pa ang layo nila sa baybayin.
Sa paglapit nila sa isla ay lalong magulo ang mga alon, tataas at bababa ang mga ito't nababasag dahil sa pagbabaw ng tubig.
Nang walang anu-ano'y nanlaki ang mata ni La-in nang inalis ni Silakbo ang tali ng layag.
"Ginoo! Hindi mo maaring gawin iyan!" ang malakas na sabi ni La-in.
"Tumahimik ka matanda. Alam ko ang ginagawa ko. Mas mabilis tayong makakarating sa isla," ang matigas na sabi ni Silakbo. "Bibigyan kita ng kaparusahan sa oras na makauwi tayo dahil sa sinabi mo!"
"Ngunit ginoo," ang tanging nasabi ni La-in sa pag-urong ng dila niya.
Tuluyan na ngang naalis ni Silakbo ang tali ng layag. Ang mga daliri niya ay mabilis na tinanggal ang pagkabuhol ng lubid sa nakatayong kahoy.
Walang nagawa si La-in kundi itikom na lang ang nanginginig na bibig.
Sa pagbaba ng layag ay siya ring pagbuga ng hangin rito kaya nga hindi naitali kaagad ang lubid sa ibabang dulo nito sa katig. Dahil dito'y mabilis na lumihis ang layag, natamaan pa sa ulo ang timawang si Aliguygoy ng kahoy na bahagi niyon. Hindi kaagad nakayuko ang timawa kaya nga napasubsob ito sa tabla ng bangka.
Ito namang si La-in ay bumitiw sa hawak na timon at hinabol ang lubid na abaka. Pumiksi ang layag sa pagpigil niya sa lubid na muntikan namang tumama sa mukha ni Silakbo na nakatayo sa likuran niyon. Si Aliguygoy ay nasapo ang ulo dahil sa sakit, nakatingin dito ang kasamahang timawa.
Umalis sa tabla si La-in at itinali kaagad ang lubid sa kawayan na kinakabitan ng katig. Sa nangyari'y mabilis na umusad ang bangka kasabay ng alon sa pag-ihip ng malakas na hangin.
Napapahawak si Silakbo sa tabi na kinatatayuan ng layag, pati na rin ang dalawang timawa na iniangat ang mga sagwan pahalang sa tabla. Pero itong matandang alipin ay bumalik sa puwesto at matigas na humawak sa timon.
Umurong pa ang mandirigma lalo hanggang sa dulo upang hindi tumaob ang bangka ngunit hindi naging sapat ang kaniyang bigat. Sa malakas na bugso ng hangin sa layag tuluyang umangat ang hulihan ng bangka, idagdag pa ang bigat ng tatlo at ng mga kalakal.
Hindi na nakagalaw si Silakbo maging ang dalawang timawa sa pagsaboy ng alon sa pag-angat ng bangka. Napasigaw na lang ang lahat nang tuluyang tumaob iyon. Kung kaya nga sabay-sabay na nahulog ang lahat sa tubig, pigil ang mga hiningang nilabanan ang nanunuot na lamig ng tubig sa kanilang mga katawan.
Ang tanging naisip na lang ni La-in nang sandaling iyon ay ang lumangoy patungo sa baybayin. Napangiwi siya nang humigpit ang lubid na nakatali sa kaniyang beywang. Hindi niya makita ang mga kasama sa ilalim kaya kaagad siyang lumangoy ng paitaas. Pinagpasalamat niya nang makita ang mga kasama na nakakapit sa katig ng tumaob na bangka na hindi gaanong nadadala ng alon. Mabuti na lamang mayroon silang mga tali sa katawan. Lumangoy siya papalapit sa mga kasama't walang nagsasalita na pinagtulungan na ayusin ang bangka kahit napapaubo-ubo at nanghihina.
Nilagay nilang lahat ang bigat sa isang katig sabay hila sa lubid na nakatali sa kabilang katig. Bahagyang yumangitngit ang bangka sa pag-angat ng kalahating bahagi sa tubig, sa kasamaang palad hindi nila magawang iaayos dahil sa bigat niyon. Sinubukan pa nilang pihitin upang makatulong ang alon ngunit wala pa ring nangyari. Kaya sumuko na lang sila na habol ang hininga.
"Kasalanan mo ito La-in. Kasalanan niyong lahat," ang matigas na sabi ni Silakbo sa paglangoy niya patungo sa katawan ng bangka.
Nagkatinginan na lang si La-in at ang dalawang timawa habang nakakapit ang mga ito sa katig. Hinayaang nilang anurin sila ng alon patungo sa baybayin na malayong-malayo pa.
Habang namamahinga mayroong nangyari na hindi inaasahan ng lahat maging si La-in.
Biglang pumailalim ang matanda sa tubig habang nakalutang sa tabi ng bangka. Dumulas ang kamay niyang nakakapit sa katig hanggang sa nawala sa paningin ng mga kasama.
Ang tanging naiwan na lang sa ibabaw ay ang telang dilaw na tinali niya sa ulo.
Nanlaki ang mga mata ng dalawang timawa at nagmadaling lumangoy sa katawan ng bangka sa takot na baka sila ay magaya kay La-in. Samantalang si Silakbo ay tumayo naman dito sabay talon sa tubig kung saan nawala si La-in at sumisid. Ngunit hindi na naabutan ni Silakbo ang matanda kaya muli siyang umangat sa tubig. Naisipan niyang hawakan ang lubid na nakatali kay La-in upang hilahin ang matanda.
Hihilahin na ni Silakbo ang lubid nang tumigas ito bago naputol. Napatitig na lang ang mandirigma sa dulo ng naputol na lubid, ikinapit niya ang kamay sa katig at nagpalutang-lutang sa ibabaw ng tubig.
Sa mukha ni Silakbo ay hindi makikita ang pagsisi at panghihinayang sa paglamon ng karagatan kay La-in. Samantalang ang dalawang timawa ay nanginig sa nakataob na katawan ng bangka hindi dahil sa lamig kundi dahil sa takot sa bangis ng karagatan.
"Ano pang ginagawa niyo diyan? Magsilangoy na kayo," bigkas ni Silakbo. Ang mga salita niya ay nadagdagan ng bigat na para sa sarili. Hindi na dapat siya nagdala ng mga taong mahihina.
Nagkatinginan ang dalawang timawa na ang mga tuhod ay dikit sa dibdib sa paraan ng pagkayakap dito. Ang mandirigma ay bumitiw sa katig kapagkuwan ay nagpatiunang kinampay ang mga kamay kasabay nang pagsipa ng paa sa ilalim.
"P-paano po si La-in ginoo?" ang alanganing sabi ng timawa na si Muong na nasa kaliwa. Inunat niya ang kaliwang paa pahalik sa tubig. Ang bangkang nakataob ay dumuduyan sa pagdaan ng magulong alon. Sumunod naman dito si Aliguygoy na ang tingin pa rin ay sa tubig kung saan nawala si La-in.
Sa narinig ni Silakbo, umakyat ang pagngitngit ng damdamin sa kaniyang ulo. "Huwag kayong magbulag-bulagan. Ano bang hinihintay niyo na bumalik ang alipin na iyon?" malakas na sabi niya sa pagdaan ng alon sa mukha. Hindi na niya binanggit ang pangalan ni La-in sapagkat may nagsasabi sa kaniya na kamalasan pati iyon (mas naniniwala siya sa pag-ikot ng kamalasan at suwerte kaysa sa alin mang bagay). Huminga siya nang malalim sa paglutang sa tubig. "Kung sino ang makakuha sa inyo sa kaniya. Hahayaan ko kayo tutal wala kayong mga naitutulong," dagdag niyang puno ng galit. Sa puntong iyon ay mabilisan na siyang lumangoy.
Hindi na lamang nagsalita ang dalawang timawa at sabay na sumunod na lumangoy sa tubig. Ang mga kamay nila'y mabilis na kumampay na animo'y nakasunod sa kanila ang sino mang kumuha kay La-in. Pinilit nilang maabot ang mandirigma ngunit nasa hulihan pa rin sila lalo pa't hindi naman nakakatulong ang magulong alon. Nahirapan silang gumalaw sa ibabaw ng tubig, idagdag pa na sumisikip ang daluyan ng hininga sa kanilang baga sa labis na lamig. Ito namang si Silakbo ay patuloy lamang na ni lingunin ang kasama niya ay hindi magawa, tunay ngang wala siyang nararamdamang awa.
Maya-maya'y binalikan ng timawang si Aliguygoy ang kasamang si Muong sa pag-aakalang pati ito ay kinuha na rin. Panandalian kasi itong nawala sa pagdaan ng alon. Sa kabuting-palad hindi naman nangyari. Hinila niya sa kamay ang huli't nagkasabay na sila upang kahit papaano'y mabantayan nila ang isa't isa.
Walang kasiguraduhan ang mangyayari kapag nasa ganoong kalagayan --- ang kalikasan ay tila pinaglalaruan sila.
Hindi rin katagalan narating nila ang baybayin na hapong-hapo, ang paghampas ng mga alon sa mabatong tagpuan ay nagbibigay ng malakas na ugong. Si Silakbo ay naunang umahon na inaayos ang kasuotan na basa. Samantalang ang dalawang timawa ay pagapang na umalis ng tubig, nadudulas pa ang mga paa nila sa malumot na mga bato hanggang narating ang pinong buhangin. Hindi sila tumigil sa paggapang kaya bumabaon sa malambot na buhangin ang kanilang nanginginig na mga kamay at tuhod.
Sa pagtayo ng dalawang timawa na lumulupaypay hinarap sila ng mandirigma. "Ang mga bibig niyo ay isarado niyo. Sa oras na ibuka niyo puputulin ko ang mga dila niyo," ani Silakbo kapagkuwan ay nagpatiuna patungo kung saan naroon ang liwanag ng apoy.
Hindi na nakasagot ang dalawang timawa dulot ng pagod. Atubili na lamang silang sumunod sa mandirigmang hindi kalauna'y tatanggapin ang nararapat na posisyon sa tahanan ng datu.
Nagsilakad na sila sa ilalim ng masungit na panahon, iniwan nila ang baybayin na kinalalagyan ng mga nakahanay na apat na bangkang itinali sa kalapit na mga punong niyog.
"Ginoo, hindi po magandang basta na lang tayong pumasok sa islang ito. Hindi po natin kilala kung sino ang narito." Napapatingin ang nagsalitang si Aliguygoy sa matutulis na tuktok ng isla na inilalabas ng kidlat, nalaman niya kaagad kung nasaan sila. "Alam niyo po ba ang tungkol sa kuwento ng mga napadpad dito? Wala po dapat na tao rito sa Sibuyan pero tingnan niyo po," anang timawa na nasa unahan nang papasok na sila sa kakayuhan na nilampasan ang mga bangka.
"Masyado kayong paniwala sa mga bagay-bagay na wala namang katotohanan," sabi naman ni Silakbo na patuloy lamang. Alam niya ang kuwentong sinasabi dahil maging ang atubang ng datu ay ganoon din ang ibinahagi sa pagtuturo nito. Ngunit sa tingin niya ay nag-iba na ang lahat, ang nakita nilang liwanag at mga bangka ay isang patunay na natitirahan na ang islang iyon.
"Totoo ginoo ang lahat ng narinig namin. Tingnan mo ang nangyari kay La-in?" pagpupumilit ng timawang si Aliguygoy para masiksik sa mandirigma ang pinaniniwalaang katotohanan.
"Kapag hindi ka tumigil, iiwan ko kayo sa isla na ito para maging totoo ang sinasabi niyo. Isang hangal si La-in hindi siya marunong mag-ingat," sabi ni Silakbo na pilit na kinukumbinsi na iba ang naging dahilan ang pagkawala ni La-in. Ang tingin niya'y malayo sa akala ng timawa na ang naging sanhi ay ang Sibuyan --- ang islang pinaniniwalaan na nababalot ng kadiliman.
Wala na ring lumabas sa bibig ng dalawa sa tuluyan nilang pagpasok sa kakahuyan dahil kung ano ang nasabi ng mandirigma'y gagawin talaga nito.
Sa dakong ito'y nagsasayaw ang mga halaman at puno sa ritmong binibigay ng bugso ng hangin. Maging ang ulan ay hindi gaanong tumatama sa ibaba dahil sa makakapal na mga sanga at dahon. Tinahak nila ang nagawang makipot na daan sa lupa na hindi tinubuan ng ligaw na damo. Tuwid na humakbang si Silakbo na nilalabanan ang lamig, kabaliktaran ng dalawang timawa na ang mga ngipin ay nagingay na sa panginginig.