Makalipas nga ang isang buwan ay natanggap si Leo bilang casino staff sa Casino de Velliejo. Dahil maganda na ang kinikita niya ay lumipat na rin kami sa mas malaki at komportableng bahay.
Mas malapit na rin iyon sa pinapasukan ni Leo kaya hindi na rin siya nahihirapan kapag papasok sa trabaho. Malaking bagay iyon dahil hindi siya mapapagod ng sobra.
"Sandali lang!"
Nagmamadali ako sa paglapit sa pintuan dahil sa sunud sunod na katok na narinig ko. Parang nagmamadali ang kung sino sa labas na buksan agad iyon.
"Sino- Ma!" gulat na ani ko nang makitang si Mama Ellen iyon. "Pasok po kayo," sabi ko pa at niluwagan ang pagkakabukas ng pinto.
Palinga linga si Mama Ellen sa loob ng aming bahay nang makapasok siya. Nakataas pa ang mga kilay nito. "Tama nga ang sabi ni Mareng Tikang, big time na kayo ngayon!" nakangising aniya pa at naiinis na tingin ang ipinukol sa akin. "Si Leo? Nasaan ang anak ko?" Naupo ito sa sofa at naka de kwatro pa.
"Pauwi pa lang po si Leo, ma. Pang gabi po kasi ang duty n'ya ngayon. Nand'yan na rin po iyon maya maya," sagot ko habang masusi ring pinagmamasdan ang galaw niya.
Panay pa rin ang linga niya sa buong sala namin. Lahat ay pinapasadahan niya ng tingin.
"May pagkain na ba? Malayu layo rin ang byinahe ko kaya gutom na ako."
"Meron-" Hindi ko na naituloy ang aking sasabihin nang talikuran niya ako.
Napabuntong hininga na lang ako nang pumasok siya ng dire diretso sa kusina at naghalungkat sa lamesa ng pagkain. Nakapagluto na rin naman ako ng umagahan dahil malapit ng umuwi si Leo.
Walang paalam siyang kumuha ng pinggan at nagsimulang kumain. Siya na rin ang kumuha ng pitsel ng orange juice sa ref at nakataas pa ang paa habang kumakain sa hapag.
Halos mangalahati ang pagkaing niluto ko ng matapos siya. Sobra sobra naman sa amin ang agahang iyon kung tutuusin pero sana ay nagtanong man lang siya kung may kumain na ba?
Tumayo na lang siya basta at iniwan sa lamesa ang pinagkainan. Iniwan rin niyang nakatiwangwang ang natirang pagkain sa lamesa. Ilang taon ko siyang nakita at wala pa ring ipinagbago.
Bumalik siya sa sala at binuksan ang t.v saka humilata sa sofa. "Ang ganda ng bahay n'yo, ha!" sabi pa niyang panay linga na naman sa paligid. "Talagang asensado na kayo."
"Hindi naman po-"
"Naku! Cindy!" nakaismid na putol niya sa akin. "Alam ko na 'yang mga style mo! Maramot ka rin, eh 'no!" singhal niya sa akin.
Sasagot na sana ako pero narinig kong umiyak si Cherry sa loob kaya agad ko itong kinuha sa kwarto namin.
"Ang laki na ng apo ko, ha," puna niya nang makita si Cherry. "Alagang alaga at mukhang ni kagat ng lamok ay wala. Talagang pinakikinabangan n'yo ng husto ang kinikita ni Leo 'no!"
Nakaramdam ako ng inis sa mga sinabi nito. Natural lang naman siguro na alagaan ko ng mabuti ang anak ko dahil anak ko s'ya! At kung nakikinabang man kami sa perang kinikita ni Leo karapatan naman siguro namin 'yon hindi ba.
"Nandito na 'ko-" Nabitin sa ere ang pagsasalita ni Leo nang mabungaran si Mama Ellen dito sa sala.
Nang makabawi sa pagkagulat ay agad siyang lumapit sa ina at nagmano. Nilapitan rin niya kami at hinagkan sa noo na ikinaismid at ikinairap na naman ni Mama Ellen.
"Kumain ka na po ba, ma?" tanong niya maya maya.
"Oo, anak," ngiting ngiting ani Mama Ellen dito. "Maupo ka at mukhang pagod na pagod ka." Hinila pa niya ito paupo sa kanyang tabi. "Balita ko maganda na ang trabaho mo ngayon, ah!"
"Hindi naman po. Sakto lang," ani Leo na napapatingin sa akin. "Ano pong sadya n'yo?"
"Kailangan ko kasi ng pera kaya pumunta ako dito," walang paliguy ligoy na sagot nito. "Nakakaluwag luwag naman ka na kaya baka naman meron ka d'yan kahit limang libo lang."
Muli akong tiningnan ni Leo. Para bang sa akin humihingi ng permiso kung bibigyan ba niya o hindi ang kanyang ina.
"Bakit si Cindy ang tinitingnan mo?" puna pa nito sa asawa ko. "H'wag mong sabihing nagpapaalam ka pa sa kanya?! Aba! Ikaw ang nagtatrabaho dito, Leo! Pasarap buhay lang 'yan sa bahay na 'to! Kahit hindi ka na magpaalam sa babaeng 'yan, ikaw ang masusunod dahil ikaw ang kumikita dito!"
"Ma-"
Agad kong sinenyasan si Leo nang tumingin ito sa akin dahil tiyak na baka kung ano pa ang masabi nito na ikagalit na naman ng mama niya.
"Ikaw na muna ang mag asikaso kay mama. Papalitan ko lang ng diaper si Cherry at puno na," pagdadahilan ko.
Ang totoo! Naiinis ako! Gusto kong sumagot at ipagtanggol ang sarili ko sa maling sinabi ni Mama Ellen sa akin.
Pasarap dito sa bahay?
Gusto kong matawa at mainis! Paano kasi ay siya ang may gawain ng gano'n. Kahit asikasuhin man lang ang mga anak niya ay hindi pa magawa.
Bumukas ang pintuan ng kwarto at pagod na pagod si Leo na ibinagsak ang sarili sa kama.
"Umalis na si mama?" tanong ko at iniligpit na ang kahon ng diapers ni Cherry.
"Nang bigyan ko ng pera matulin pa sa bulang umalis," aniyang napahilamos pa sa kanyang mukha. "Siguradong babalik balikan na naman tayo no'n."
"Hayaan mo na. Nanay mo naman 'yon," turan ko.
"Ayaw ko lang na mamihasa s'ya."
Totoo nga ang sinabi ni Leo. Linggo linggo ay halos narito sa bahay si Mama Ellen. Minsan ay kasama pa niya ang mga kapatid ni Leo.
Darating silang mga sarili lang ang dala at uuwing may mga bag nang bitbit. Paano kasi ay ultimo gulay na laman ng ref ay kinukuha ni mama.
Minsan nga kahit gatas at diaper ni Cherry ay kinukuha niya ng wala man lang paalam. Makikita ko na lang ay nasa loob na ng bag nila.
Gusto kong magreklamo pero baka masabihan lang ako ng 'madamot.' Hindi ko na nga rin sinasabi iyon kay Leo dahil pagkain at gamit lang iyon. Madaling palitan at bilhin.
Araw ng linggo at paalis na sana kami nang dumating ulit si Mama Ellen. Ngayon ay si Lesly ang kasama nito at may kasamang baby.
"Kuya," bati ng isang lalaking kadarating lang kay Leo at tinapik pa ang asawa ko sa balikat.
"Masama sa baby ang makalanghap ng usok ng sigarilyo," saway ni Leo sa lalaki.
Humithit pa muna ng ilang beses ang lalaki sa sigarilyong hawak bago itapon iyon sa gilid ng kalsada.
"Si Tanner nga pala, kuya," pakilala ni Lesly.
"Asawa mo?" si Leo.
"Oo," tugon ni Lesly. "Saka si Tanya, anak namin," pakilala pa nito sa buhat buhat na sanggol.
"Saan ang punta n'yo, anak?" singit ni Mama Ellen. "Isama mo naman kami! Mukhang magha-happy happy kayong tatlo!"
"Ano?" untag ni Leo sa pananahimik ko.
"Bahala ka," sagot ko dahil kahit naman tumanggi ako ay sasama at sasama pa rin naman sila.
Ayaw ko lang na magsalita ng kung ano ano si Mama Ellen lalo na at narito kami sa labas ng bahay. Ayaw kong pag usapan ng mga kapitbahay dahil nakakahiya.
Nakita kong bored na bored na ang tatlo dahil narito pa rin kami sa loob ng simbahan. Sinadya ko talagang tapusin ang misa para naman mabawasan ang mga kasalanan nila kahit paano.
Paglabas nga namin ng simbahan ay para silang nabuhayan bigla. Lalo pang naging excited nang pumasok kami sa isang kainan dito sa mall.
"Ang galante mo talaga, kuya!" bulalas ni Lesly. "Dati pang karendirya lang tayo! Ngayon pang big time na kainan na!"
Napatingin ako sa paligid dahil sa lakas ng boses ni Lesly. Napayuko ako dahil nasa amin nga ang tingin ng ilan.
Hindi ko halos malasahan ang kinakain ko dahil sa pagmamasid ko kina mama. Halos lahat ng pagkain sa lamesa namin ay order nilang tatlo.
Para bang isang buwang ginutom ang mga ito dahil ganoon na lang kung makasubo ng pagkain.
"Anak, ipabalot mo na lang ang mga tirang pagkain, ha. Iuuwi namin 'yan sa mga kapatid mo," sabi ni mama pagkatapos naming kumain.
"Kuya, baka naman pwede mo akong bilhan ng damit. Wala na kasi akong damit, eh," hirit ni Lesly. "Sige na, kuya."
"Ako rin, tol," dagdag pa ni Tanner na akala mo ay close kay Leo kung makahirit rin.
Tinanguan ko lang si Leo dahil nakatingin na naman ito sa akin. Pamilya pa rin naman sila ni Leo at nakakaluwag luwag na rin naman kami. Hindi ko naman magagawang magdamot dahil kahit anong mangyari ay iisang pamilya sila.
"Ate Trina?!"
Napatingin ako kay Lesly nang bigla itong magsalita. May tinatanaw itong babae sa kabilang side ng pinasukan naming damitan.
"Ate Trina! Ikaw nga!" Patakbo itong lumapit sa isang babae na namimili ng damit.
"Uy! Si Trina, Leo, oh!" bulalas ni mama sa katabing si Leo.
Napayuko si Leo habang himas himas ang batok nito. Hindi rin nito sinagot si mama.
Tiningnan ko si Leo ngunit nag iwas lang ito ng tingin sa akin. Isang babae lang naman ang kilala kong Trina. At hindi nga ako nagkamali ng lumapit si Lesly akay akay ang babae.
"Ma! Kuya! Tingnan n'yo kung sino ang nakita ko!" may pagmamalaki pang sabi ni Lesly habang nakahawak sa braso ni Trina. "Kuya! Si Ate Trina!" waring kinikilig pang dagdag niya.
Trina Velliejo...
Bakit kilala s'ya nina Mama Ellen at Lesly?