"Oh! Ang dami naman n'yan?" bulalas ko nang makita ang mga plastics at paper bags na dala ni Leo pag uwi.
Hinihingal at nakangiti siyang humarap sa akin pagkatapos ilapag sa maliit naming sofa ang kanyang mga dala.
"Ang dami mo namang pinamili. Hindi pa naman araw ng sweldo, ah!"
"Hindi ko binili 'yan. Galing 'yan kay Engineer Velliejo. Regalo daw n'ya kay Cherry kasi wala man lang daw s'yang dala no'ng binyag," pahayag ni Leo.
Napatingin akong muli sa mga plastics at paper bags na iyon. "Napakarami n'yan!" ani ko. "Nagbigay s'ya ng cash 'di ba?" sabi ko pa ng maalala na binigyan niya ako ng sobreng may lamang two thousand pesos.
"Galante talaga 'yon si engineer. Sige na. Tingnan mo na kung ano ang mga laman n'yan," utos pa niya sa akin.
Sinilip ko muna si Cherry sa loob ng kwarto at nang makitang busy ito sa paglalaro sa loob ng kanyang crib ay inumpisahan ko nang buklatin ang mga dala ni Leo.
Gatas, diapers, mga personal hygine ni Cherry at mga damit na may kamahalan ang presyo. May mga laruan rin na alam kong ikatutuwa ni Cherry.
"Pakisabi kay engineer salamat sa mga ibinigay n'ya, ha," natutuwang sabi ko pa habang pinapasadahan ng tingin ang mga gamit.
"Abot abot na nga ang pasasalamat ko kanina sa kanya, eh. Iba talaga kapag mayaman 'no?" ani Leo pa.
Naikwento ni Leo sa akin na anak mayaman si Engineer Velliejo. Project engineer ito sa pinapasukan niya at pamilya rin nito ang may ari ng ginagawa nilang building.
Mabait daw ito sa lahat at hindi kagaya ng ibang anak mayaman o nakakataas sa trabaho ay friendly daw ito at kabiruan ang mga kasama nila.
Hindi rin daw ito maarte o maselan at kahit ano'ng trabaho ay kaya daw nitong gawin. Malayung malayo daw si Engineer Velliejo sa dating project engineer sa dating site na pinasukan nila dahil ubod daw iyon ng yabang hindi naman kagwapuhan.
Hindi lang minsan nangyari na nag uuwi ng kung ano anong pasalubong si Leo na galing kay Engineer Trina Velliejo. Minsan ay may mga pagkain pa na galing sa mamahaling restaurant at fast food. Nililibre daw kasi sila ni engineer at ipinapauwi sa kanila ang tirang pagkain.
Minsan ay hindi ko maiwasang mag isip ng kung ano kapag nag uuwi ito ng mga pasalubong at galing sa babaeng iyon.
Pero sa kabilang banda ay alam kong wala akong dapat na ipag alala. Kilala ko si Leo at alam ko na hindi siya gagawa ng isang bagay na sisira sa pamilya namin. O, ikasasama ng loob ko.
"Ate Jo, kanina ka pa?" Nagmamadali akong lumapit kay Ate Joana nang makita ko siyang nakatayo sa harap ng maliit naming gate.
"Akin na si Cherry at hirap na hirap ka d'yan sa mga dala mo," ani ate nang tuluyan akong makalapit sa kanya.
"Napadalaw ka?" tanong ko habang isa isang inilalabas sa plastic ang mga pinamili ko. Galing ako ng palengke at bumili ng mauulam namin ngayong gabi. "Dito ka na kumain, ha."
"Sige ba!" aniyang nakangiting lumapit sa akin buhat pa rin si Cherry. "S'ya nga pala. Dumaan ako dito kasi magpapaalam ako sa inyo."
Kunut noo ko siyang tiningnan. "Bakit?"
"Uuwi na kasi ako ng probinsya bukas," may lungkot sa boses na sagot niya sa akin.
"Kailan ang balik mo?"
"Hindi ko alam," aniya sabay buntong hininga. "Baka hindi na."
Isang buwan na ang nakakaraan ay nagkasakit si Kuya Peter. Dahil nga malala ang kalagayan ay pinili ng mga anak nila na kunin na ang mag asawa dahil may edad na rin.
Nauna nang umalis sina Kuya Omar at Kuya Ariel. Magkasama pa rin ang dalawang iyon sa trabaho sa pabrika naman sa Laguna.
Si Ate Pearl ay umuwi na rin ng probinsya matapos ang binyag ni Cherry no'ng nakaraang linggo.
"Wala ka bang nahanap na trabaho?" malungkot na tanong ko.
"Trenta na akong mahigit, Cindy. May tatanggap pa ba sa akin?" natatawang turan niya.
Nalulungkot ako dahil sila na lang nga ang mga kaibigan ko dito sa Maynila ay isa isa pang nawawala.
"Basta kapag umuwi ka lagi mo akong tatawagan, ha," naiiyak na sabi ko.
"Oo naman 'no! Ano na lang ang silbi ng social media ngayon kung hindi natin gagamitin."
Dahil linggo at pahinga sa trabaho ay inihatid namin ni Leo si Ate Joana sa terminal ng bus na pauwi sa probinsya.
Kung ano ano pa ang mga habilin niya sa akin. Binalaan pa nga niya ako ulit tungkol kay engineer.
Iba raw kasi ang pakiramdam niya sa babaeng iyon kaya mabuti na daw ang alerto ako.
Alam ni Leo na malungkot ako kaya ipinasyal niya kami ni Cherry sa mall pagkatapos naming magsimba.
"Parang kailan lang 'no?" malungkot na ani ko. "Nakaka-miss rin sila ate at kuya."
"Hindi naman natin kalkulado ang panahon. Baka talagang gano'n ang tadhana nila. Nangako naman si Ate Jo na tatawag palagi 'di ba?" alo ni Leo sa akin.
Nag iikot ikot kami sa loob ng mall nang makita kami ni Engineer Velliejo. May dala itong mga paper bags na may tatak ng mamahaling brand ng damit at sapatos.
Iba nga talaga kapag mayaman ka! Mabibili mo lahat at makukuha mo lahat ng gusto mo.
Naiinggit ako sa kanya dahil mayaman na, maganda pa! At hanggang doon na lang iyon. Dahil kung ano ang wala siya ay mayroon naman ako.
Ang pamilya ko...
Si Leo at si Cherry...
"Saan ang punta n'yo n'yan?" tanong nito kay Leo.
"Nag iikot ikot lang, engineer. Uuwi na rin kami," ani Leo.
"Maaga pa naman. Pwede bang samahan n'yo akong kumain?" anyaya niya sa amin matapos sulyapan ang suot nitong relo.
"Naku! Nakakahiya po," tanggi ko agad dahil sa totoo lang ay hindi ako kumportableng kasama o kausap siya.
Simula ng makilala ko siya sa binyag ni Cherry ay may kung anong pakiramdam ang mayroon ako sa kanya.
Hindi ko alam kung bakit ganoon ang pakiramdam ko. Maging si Ate Joana ay tahasan ding sinasabi na may kakaiba sa kanya. Kasi kung pagbabasihan ang mga kwento ni Leo ay mabait ito.
"My treat! Don't worry," Nakangiting baling niya sa akin. "Pauwi na rin ako pagkatapos nito. Samahan n'yo na ako, okay?"
Wala akong nagawa nang hilahin na niya si Leo. Kinuha na rin ni Leo ang bitbit nito habang naglalakad kami papunta sa isang restaurant dito sa loob ng mall.
Tahimik akong nagmamasid sa kanila. Inabala ko ang aking sarili sa pag aasikaso kay Cherry ngunit ang tainga ko ay sa kanila nakatutok.
Pakiramdam ko ay na-out of place na kami ng anak ko dahil sa kwentuhan nilang dalawa.
Iyong tipo na silang dalawa lang ang magkasama at wala kami ni Cherry sa harapan nila.
Para bang matagal na silang magkakilala n gano'n na kakomportable sa isa't isa kung mag usap.
Gusto ko nga sanang kawayan si Leo at sabihing 'hello! May kasama kayo, oh!' hindi ko lang ginawa.
Kaya naman hanggang sa makauwi kami sa bahay ay hindi ako umiimik. Marahan kong pinalitan ng damit si Cherry dahil tulog na ito pag uwi namin.
Kinuha ko ang towel at papasok na sana sa banyo nang mahinto ako dahil pigil ni Leo ang aking braso.
"Masama ba ang pakiramdam mo?" nag aalalang tanong niya.
"Pagod lang ako," walang ganang tugon ko at tuluyan nang pumasok sa loob ng banyo para maligo.
Napahinto ako sa tuluyang paglabas sa banyo nang marinig kong may kausap sa cellphone si Leo. Tumatawa pa ito na animo'y siyang siya sa kausap.
"Sinong kausap mo?"
Nagulat pa siya at mabilis na pinatay ang tawag nang marinig akong magsalita sa kanyang likuran.
"Bakit mo pinatay?" kunut noong tanong ko pa.
"Ah... Tapos na rin naman. Si engineer 'yon. May binilin lang para sa site bukas," paliwanag niya.
May ibinilin pero kung makatawa kanina akala mo may clown sa harapan niya?
"Hindi ba helper ka?"
"Oo. Bakit?"
"Bakit sa 'yo nagbibilin?"
Saglit siyang natigilan at napakamot sa kanyang sentido. "Hindi. Ano lang..."
"May hindi ka ba sinasabi sa akin?" nagdududa na talagang tanong ko. "Baka iba na 'yan, Leo, ha!"
"Ano ka ba?!" natatawang sabi niya at yumakap sa akin. "Malapit na kasing matapos ang building na ginagawa namin. Sabi ni engineer gagawin daw iyong casino at sabi n'ya magpasa daw ako ng resume ko bukas sa main office nila," paliwanag niya.
"Sabi mo sa site?"
"Mga deliveries 'yon bukas," aniya pa habang pinapatakan ng halik ang ulo ko. "Teka nga!" Iniharap niya ako sa kanya. "Nagseselos ka ba?"
"May dapat ba akong ika selos?" seryosong tanong ko at nakipaglabanan ng titigan sa kanya.
Hinakan niya ang aking magkabilang pisngi saka ako hinagkan sa labi. "Kaibigan na ang turing ko kay Engineer Velliejo. 'Wag kang mag isip ng kung ano dahil hinding hindi kita ipagpapalit sa kahit na sino. Kayo ni Cherry ang buhay ko at mahal na mahal ko kayo. Tandaan mo 'yan." Niyakap pa niya ako nang mahigpit
Para akong nabunutan ng tinik sa aking narinig. Gusto kong kutusan ang aking sarili dahil sa mga iniisip ko.
Kakapanuod ko yata ito ng mga korean drama at filipino drama sa t.v.
"Magandang opportunity iyon, Cindy. Tiyak na malaki ang magiging pagbabago sa buhay natin kapag nakapasok ako sa casino."
Tama si Leo. Magiging maganda ang buhay namin dahil permanente ang magiging trabaho niya.
Hindi na rin ako mangangamba sa safety niya sa araw araw. Lumalaki na rin naman si Cherry at kailangang paghandaan ang future niya.
Pero hindi ko lang talaga maiwasang isipin si Trina at ang pagiging malapit niya sa asawa ko.