CHAPTER 24

1728 Words
Hindi matawaran ang saya sa puso ko dahil sa nakikita kong pag aalaga at pag aasikaso ni mama sa aking anak habang nagbabakasyon siya dito sa amin. Hindi man niya ako naalagaan ng ganoon noong maliit pa ako, ayos lang sa akin dahil nakikita kong bumabawi siya sa pamamagitan ni Charity. Tuwang tuwa ang anak ko dahil may lola daw pala siya. Nangako si mama sa kanya na sa susunod na pagpunta niya dito sa amin ay kasama na niya sina Belinda at Benjie para makilala naman ni Charity. "Bye, mama! Bye, lola!" masiglang paalam ni Charity sa amin ni mama nang ihatid namin siya sa school. "Tara na, ma," yaya ko kay mama nang makapasok na si Charity sa loob ng classroom at salubungin ni Teacher Aracelle. Palabas na kami ng gate nang makasalubong namin si Elvies sakay ng motor nito. Napatingin ito kay mama at si mama naman ay bahagyang natigilan nang makita siya. Agad napatayo ng tuwid si mama at tumikhim pa nang makitang nakatingin ako sa kanya. "Nasaan ang estudyante mo?" untag ko kay Elvies na naroon pa rin kay mama ang tingin. "Ah... Ipagpapaalam ko lang ang pamangkin ko. May sakit kasi, eh," tugon niya matapos bawiin ang tingin kay mama at bumaling ng nakangiti sa akin. "Pauwi ka na?" tanong niya at sinulyapan muli si mama sa aking tabi. "Oo. Kailangan rin kasi ako sa shop dahil monday ngayon. Si Marla lang ang nakatao ngayon do'n," pahayag ko. "Ma, ito nga po pala si Elvies kaibigan ko. Elvies, mama ko," pakilala ko sa kanila sa isa't isa. "Nice to meet you, ma'am," pormal na bati ni Elvies kay mama. Inilahad ni Elvies ang kanyang kamay at sandali pa iyong tinitigan ni mama bago tanggapin. Bahagya lang ngumiti si mama sabay bawi na ng kanyang kamay. "Umalis na tayo, Cindy, baka marami ng tao sa kainan mo," ani mama sa akin Muli ay nagkatinginan pa sina mama at Elvies bago ako tuluyang hilahin ni mama paalis doon. "Kilala mo si Elvies, ma?" hindi na nakatiis na tanong ko. "H-hindi!" agad niyang sagot sa akin. "Akala ko kasi boyfriend mo," natatawa pang aniya. "Kaibigan ko lang po si Elvies. Saka kailan ko lang po iyon nakilala," kwento ko. "Iba kasi ang pakiramdam ko sa kanya. Para bang hindi gagawa ng mabuti," komento ni mama. "H'wag kang basta basta nagtitiwala sa kung kanino, Cindy. Baka mamaya iba pala ang pakay sa 'yo." "Mukha naman pong mabait si Elvies," turan ko. "Saka kung gagawan n'ya man kami ng masama sana una pa lang 'di ba." "Basta mag iingat ka pa rin," nag aalalang sabi pa ni mama sa akin. Dito sa shop ay tumutulong din si mama. Sa kusina ang gusto niya dahil mas gusto raw niya ang pagluluto. "Two weeks na ang mama mo dito, hindi ba s'ya nag aalala sa mga kapatid mo?" minsan ay tanong ni Marla sa akin. "Kasama naman nila si Tiya Emma kaya kampante si mama na iwan ang mga kapatid ko doon," ani ko. "Alam mo, kung pagbabasehan ang kwento mo noon sa akin tungkol sa mama mo ang layu-layo ng ugali niya ngayon," sabi ni Marla na nangalumbaba pa sa harap ko. "Kahit ako rin naman," pag amin ko. "Siguro nga talagang gusto niyang bumawi sa mga pagkakamali niya noon sa akin." "Hindi kaya may hidden agenda?" makahulugang ani Marla. "Tulad ng?" kunot noong balik tanong ko sa kanya. "May sinasabi ka na sa buhay?" patanong pa ang pagkakasabi niya roon. "Kung iyon lang naman ang habol niya hindi ko naman ipagdadamot sa kanila 'yon," sagot ko. "I recieved five hundred pesos, ma'am. One, two, twenty pesos. Thank you for coming!" masayang paalam ko sa mag inang suki na dito sa amin sa shop matapos magbayad ng kanilang kinain. Sabay pa naming tinanaw ni Marla ang palabas na mag ina bago niya ako lingunin. "Ikaw ang naghirap sa pagtatayo nito tapos gano'n lang kadali sa 'yo na ipamigay sa iba." "Matagal rin naman akong nalayo sa kanila. Kahit ano pa ang mangyari, pamilya ko pa rin sila. Handa akong tulungan sila sa abot ng makakaya ko," nakangiting tugon ko. Ngayon pa lang ay nai-imagine ko na ang buhay ko kasama sina mama at mga kapatid ko. Isasama ko rin dito si Tiya Emma para kompleto na kami. Mag isa na rin naman iyon sa buhay. "Mukha kang sira d'yan!" naiiling na binato ako ni Marla ng tissue. "May makakita sa 'yo d'yan, iisipin pang baka nababaliw ka na." Napabuntong hininga ako at hindi na mapalis ang ngiti sa aking labi. "Ini-imagine ko lang ang buhay ko kasama ang pamilya ko. Sabi mo nga nakakaluwag luwag na ako. Gusto ko namang maging maginhawa ang buhay nina mama. Gusto ko na magsama sama na kaming lahat dito sa Mindoro." Habang busy sa pag-au-audit ng kita ng shop namin sa maghapon ay nakatanggap ako ng tawag mula sa isang unknown number. At dahil nga hindi naman iyon naka-register sa cellphone ko ay hindi ko na lang pinansin. Ngunit makulit ang kung sino mang tumatawag. Pang apat na beses na kasi iyon kaya sinagot ko na. "Cindy!" Bungad sa akin ng isang boses babae sa kabilang linya. "Sino 'to?" "Cindy, ang tiya mo 'to! May kailangan kang malaman!" ani ng boses sa kabilang linya. Parang hinihingal ang boses at pabulong ang pagsasalita ngunit sapat na para marinig ko dahil tahimik naman dito sa loob ng maliit na opisina ko. "Teka! Tiya Emma?" kunut noong sabi ko pa dahil si Tiya Emma lang naman ang kapatid ni mama. "Ako nga! Ako nga! Cindy, may plano ang mama mo-" "Tiya? Tiya Emma!" tawag ko sa kanya sa kabilang linya ngunit wala ng sumagot pa doon hanggang sa tuluyan nang maputol ang tawag. Napalingon ako sa pintuan ng bumukas iyon at pumasok si mama na nakangiti agad sa akin. "May problema ba?" tanong ni mama nang makalapit. "Nakausap mo ba si Tiya Emma, ma?" "Si Emma?" Naupo si mama sa upuang nasa harapan ko. "Kakatawag lang nila sa akin kanina. Bakit daw?" "Tumawag kasi s'ya. Pero naputol din," sabi ko pang sinulyapan ang cellphone kong kakalapag ko lang. "T-tumawag?" Natitigilan pang ani mama. "Ano ang sinabi n'ya sa'yo?" "Hindi ko nga po maintindihan, eh. Ang sabi n'ya kasi may plano ka raw." Natigilan na naman si mama at napahinga pa ng malalim bago alanganing ngumiti sa akin. "Iyon ba. Naku! Si Emma talaga!" kakamut kamot sa batok na ani mama pa. "Plano ko kasi sanang umuwi sa Antique ngayong byernes. Gusto ko sana kayong isama ni Charity para sunduin ang mga kapatid mo. Makapunta man lang doon ang apo ko bago tayo mag-stay for good dito sa Mindoro," paliwanag ni mama. Nakahiga na ako at tulog na rin si Charity sa aking tabi ngunit hindi ako dalawin ng antok. Bigla ko kasing naisip si Tiya Emma. Parang may kakaiba sa kanya kanina. Bumangon ako at kinuha ang cellphone kong nakapatong sa ibabaw ng glass table. "The number you have dialed is un attended or either out of coverage area. Please try to call later." Ilang beses ko pang sinubukang tawagan ang number ni Tiya Emma pero wala talaga. Ilang linggo na nga rin pala si mama dito sa amin pero ni minsan hindi ko man lang nakausap ang mga kapatid ko o si Tiya Emma. Maingat akong tumayo para lumabas at puntahan si mama sa guest room. Baka gising pa ito. Nag aalala talaga ako kay tiya at hindi ako mapapalagay hanggang hindi ko nasisigurong okay s'ya, sila ng mga kapatid ko. "Ma," tawag ko sa labas ng pintuan. Kumatok ako ng dalawang beses bago buksan ang pintuan. "Ma." Walang tao sa kwarto niya pagpasok ko. Magulo na ang kama. Naupo ako doon at naghintay kay mama dahil baka nasa banyo lang siya. Ilang minuto na pero walang lumalabas sa banyo. Tumayo ako para sana katukin ang pintuan ng banyo ngunit hindi ko na ginawa dahil nakaawang naman iyon at walang tao sa loob. Lumabas ako ng kwarto at nagpasyang tingnan si mama sa kusina. Baka naroon ito at nagkakape lang. Nasa kalagitnaan na ako ng hagdan nang bumukas ang main door at iluwa noon si mama. "Ma, saan ka galing?" Nagulat si mama kaya napalakas ang pagkakasara niya sa pintuan nang marinig ako. Napatingin ako sa wall clock at alas dyes na ng gabi. "Galing ako sa kwarto mo wala ka. Saan ka ba nagpunta?" tanong ko pa. "Sa... Sa labas! Oo! Nag... Nagpahangin lang ako. Hindi kasi ako makatulog," sagot ni mama na parang kinakabahan pa at pinag iisipan pa ang isasagot sa akin. "Ikaw bakit gising ka pa?" "Hindi rin ako makatulog, eh. Naalala ko po kasi si Tiya Emma." Naupo na ako ng tuluyan sa sofa. "Ma, pwede bang tawagan mo si tiya. Hindi po kasi ako mapalagay, hindi ko rin makontak ang cellphone niya," pakiusap ko. "S-sige. Saglit lang at tatawagan ko." Nakamasid lang ako kay mama habang nagda-dial siya sa kanyang cellphone. Pawis na pawis siya at malalalim ang kanyang sunud sunod na paghinga. Nagpahangin ba talaga siya sa labas? "Tulog na yata, walang sumasagot," ani mama matapos ng ilang dial. "Mabuti pa matulog na tayo at gabi na. Bukas ng umagang umaga tatatawagan ko si Emma at sasabihin kong tawagan ka para hindi ka na mag alala." Sabay kaming umakyat sa itaas. Inihatid pa niya ako sa bungad ng kwarto namin ni Charity. "Matulog ka na. 'Wag ka ng mag isip ng kung anu ano, hmm?" Hinaplos ni mama ang buhok ko at iniwan na rin ako kalaunan. Isinara ko agad ang pintuan ng kwarto ko nang makitang umiilaw ang cellphone ko sa ibabaw ng lamesa. May ilang missed calls mula kay Elvies. Binuksan ko ang text message na pinadala n'ya. "I can't reach you. Are you at home? Are you busy?" Iyon ang unang laman ng text messages niya. Binuksan ko ang isa pa. At nahiwagaan pa ako sa aking nabasa. "Can I talk to you tomorrow? I have something important to tell you. But before that, please be careful. Always watch your surroundings and the people you are with." "Ano'ng ibig niyang sabihin?" naguguluhang tanong ko sa aking sarili. Hindi ko alam pero bigla akong kinabahan. Parang may sarili ring isip ang katawan ko na lumapit sa babasaging bintana para tingnan ang paligid. Para akong napa-praning dahil sa pakiramdam ko na parang may hindi magandang mangyayari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD