Maliit man ang bahay na tinitirahan namin ay ayos lang iyon sa akin. Hindi naman importante sa akin kung maliit o malaki ang bahay. Ang importante ay magkakasama kaming tatlo. Tahimik at masaya.
Walang makikialam sa mga gagawin ko dahil sarili ko ang bahay na ginagalawan ko. Hindi ko kailangang manimbang dahil kaming tatlo lang dito sa bahay.
Umalis na rin sa grocery store si Leo dahil malayo na iyon dito sa bago naming tinitirahan. Lumipat siya ng ibang trabaho at pinalad naman bilang construction worker dito malapit sa amin.
Nagkita kasi sila ng dati niyang kaklase no'ng high school nang minsang magsimba kami at inalok siya ng trabaho na agad naman niyang tinanggap.
Maganda ang naging takbo ng trabaho ni Leo. Nakakabayad kami ng mga bills, nakapagpundar ng ilang kailangang gamit at nakaka kain ng sapat dahil maganda ang kita niya.
Ito ang buhay na pangarap ko at ni Leo. Tahimik, simple at masaya. Iyong kaming tatlo lang at walang nakikialam sa mga desisyon at plano namin sa buhay.
"Magluluto na tayo, anak. Darating na si papa." masayang kausap ko kay Cherry na ngayon ay sampung buwan na.
Inilagay ko sa crib si Cherry at binigyan ng mga laruan niya. Ako naman ay agad tinungo ang maliit na ref namin para kunin ang aking iluluto.
Nagsaing na rin ako sa rice cooker para sabay na maluto ang hapunan namin. Habang hinihintay na kumulo ang sinigang na hipon ay nakipaglaro na lang muna ako sa aking anak.
"Nandito na si papa!"
Sabay kaming napalingon ni Cherry sa bukana ng pintuan nang marinig si Leo. Binuhat ko si Cherry at nagmadaling sinalubong si Leo sa pintuan.
Napapikit ako ng hagkan ni Leo sa noo. Ganito siya noon pa man, bago umalis at pagdating sa bahay ay palagi niya akong hinahalikan sa noo.
"Kumusta ang mga prinsesa ko?" tanong niya habang akay kami papasok.
"Ayos naman kami. Ikaw? Kumusta ang trabaho? Mukhang pagod na pagod ka, ah!" turan ko naman.
"Oo nga eh. Pero ayos na ako kasi nakita ko na kayo," aniyang niyakap pa kami ni Cherry. "Kapag nakikita ko kayong dalawa tanggal na ang pagod ko."
"Sus! Nambola na naman s'ya!" biro ko.
"Pambobola ba 'yon? Totoo 'yon. Kayo ni Cherry ang buhay ko. Kayo ni Cherry ang mundo ko," madamdaming saad ni Leo at pinatakan ng halik ang labi ko.
"Ako rin," pag amin ko. "Kayo ng anak natin ang nagbigay ng kulay sa mundo ko. Mahal na mahal kita, kayo ni Cherry."
Matapos magpahinga saglit ay kumain na rin kami ng hapunan. As usual ay pinagsisilbihan na naman kami ni Leo. Inuna niyang lagyan ng pagkain ang pinggan ko bago ang sa kanya.
"Ako na d'yan," awat ko sa kanya nang makitang inililigpit niya ang mga pinagkainan namin. "Magpahinga ka na. Samahan mo si Cherry sa sala. Pagod ka sa trabaho," ani ko pa.
"Pagod ka rin naman sa maghapong pag aalaga kay Cherry at sa mga gawaing bahay," rason niya.
"Mas mabigat ang trabaho mo sa site. Saka sanay naman ako sa gawaing bahay 'no!" natatawang sabi ko habang isa isang kinukuha ang mga kasangkapan.
"Napaka swerte ko talaga sa misis ko!" Napangiti na lang ako nang yakapin ako ni Leo mula sa likod at halikan ang aking buhok.
"Hmm... mukhang alam ko na ang ibig sabihin ng mga lambingang ganyan," natatawang turan ko pa.
Maging siya ay natawa na rin dahil pareho yata kami ng iniisip.
"Hala na! Magpahinga ka na do'n. Samahan mo na si Cherry sa labas." Pagtataboy ko pa sa kanya.
"Sige na nga! Magpapahinga na po dahil mapapalaban 'to mamaya," sabi pa niyang panay flex ng kanyang muscle.
"Sira!" naiiling na ani ko at nagpatuloy na lang sa aking ginagawa.
Dalawang buwan mula ngayon ay kaarawan na ni Cherry. Pinaghahandaan ko iyon dahil pagsasabayin namin ang first birthday niya at binyag para isang gastos na lang.
At dahil nga maganda ang kita ni Leo ay napapag ipunan namin iyon. Syempre may sarili rin akong ipon na hindi ko talaga ipinaaalam kay Leo.
Natutunan ko iyon kay Tiya Emma na kapatid ni mama. Dapat daw may bukod rin akong ipon na ako lang ang nakakaalam para pagdating ng kagipitan ay may makukuha ako.
"Picture na! Picture na!" tawag ni Ate Joana matapos ang binyagan.
Kompleto sina Ate Joana sa araw ng binyag ni Cherry. May ilang ninong rin na kinuha si Leo sa mga bago niyang katrabaho na nagprisinta daw na maging ninong.
Maliit ang bahay namin kaya kumuha kami ng venue na abot presyo naman at malapit lang din sa simbahan. Doon na dumiretso ang ibang hindi na nakaabot sa aimbahan.
"Pinapabigay nga pala ni Ate Loida. Pumunta kasi sila sa anak n'ya sa Cavite kaya ako na ang pinagdala," turan ni Ate Joana matapos ilagay sa bulsa ng bestida ko ang isang sobre.
"Pakisabi kay Ate Loida, salamat. Malaking tulong ito sa amin," ani ko.
Sa tulong nina Ate Pearl at Ate Joana ay naasikaso naman namin lahat ang mga bisita. Nakilala ko rin ang ibang katrabaho ni Leo na pumunta ngayong araw.
Lahat kami ay napatingin nang may humintong sasakyan sa tapat ng venue. Maganda ang sasakyan at alam mo talaga na hindi basta basta ang nagma may ari noon.
Nagkatinginan kaming tatlo nina Ate Pearl nang pumasok ang isang babae. Simple man ang suot ay agaw pansin dahil sa ganda nito at hubog ng katawan.
"Sino 'yan?" bulong ni Ate Joana sa akin.
"Hindi ko alam," kibit balikat na sagot ko.
"Kilala yata ng mga katrabaho ni Leo, eh! Binabati nila, oh!" ani Ate Pearl naman na nakamasid sa mga nangyayari sa di kalayuan.
"Engineer!"
Muli ay nagkatinginan kaming tatlo at nilingon si Leo na kalalabas lang mula sa mini kitchen dala ang pinggan ng ilang lutong ulam.
Ngumiti ang babae at agad lumapit kay Leo. Nang makita ko silang nag uusap ay bigla akong nanliit sa aking sarili. Ang ganda ganda kasi ng babae na tinawag ni Leo'ng 'engineer.'
Parang bigla akong na-concious sa hitsura ko ngayon dahil sa babaeng kausap ng asawa ko. Pasimple ko tuloy inayos ang buhok at damit ko.
"Halika, engineer! Ipapakilala kita sa asawa at mga kaibigan namin," yaya ni Leo matapos iabot sa isang kasamahan ang bitbit niya kaninang pinggan.
"Si Cindy nga po pala asawa ko. Ito po ang anak namin si Cherry. Sina Ate Joana at Ate Pearl po, mga kaibigan namin," pakilala sa amin ni Leo isa isa. "S'ya si Engineer Velliejo, kasama namin s'ya sa site."
"Grabe sa formality, Leo, ha!" natatawang saway nito sa asawa ko. "Trina na lang sabi!"
"Hello po,Miss Trina!" sabay na bati nina Ate Joana sa kanya.
Ngumiti si Engineer Velliejo sa dalawa. Bumaling s'ya sa akin at pinasadahan ako ng tingin. "Hi! Happy birthday sa anak n'yo, ah..."
"Cindy po," sagot ko dahil nag aalangan pa yata itong banggitin ang pangalan ko.
Nilingon muna nito si Leo. "Okay... Cindy," nangingiting ulit niya sa pangalan ko.
Hindi ko maintindihan ang aking sarili habang pasimple kong tinitingnan si Trina. Para kasing may kakaiba sa aura niya. Panay rin ang sulyap niya sa asawa ko na wala man lsng kamalay malay.
Lihim na lang akong napailing at binura sa isipan ko iyon. Ngayon ko lang naman siya nakilala kaya mahirap ring mag komento.
"Wala kayong picture ni Cherry sa simbahan, engineer. Pwede'ng dito na lang?" ani Leo maya maya.
"Sige, okay lang," tipid na sagot nito.
"Ibigay mo muna kay engineer si Cherry para ma-picture-an ni Ate Pearl," utos ni Leo sinunod ko naman.
"Ninang pala s'ya?" bulong ko kay Leo nsng tumabi ito sa akin.
"Ah... oo, last minute na nagsabi, eh!" kakamut kamot sa ulong tugon niya. "Ayos lang ba?"
"Oo naman!" maagap na turan ko.
Saglit pang nakipag usap si Engineer Velliejo sa amin pagkatapos silang kuhanan ni Ate Pearl ng picture. Maya maya ay inaya na rin ito ng ibang kasamahan ni Leo na sumama na sa lamesa nila.
Magkatabi sila ni Leo sa upuan habang nakikisaya sa mga kasama nila. Nakaramdam ako ng kaunting inis nang makita kong kunin ni Trina ang tissue sa kamay ni Leo at ito mismo ang magpunas sa natapong inumin sa damit ng asawa ko.
"Naku, bunso! Bantay bantayan mo 'yang asawa mo, ha!" makahulugang sabi ni Ate Joana sa akin.
"Bakit naman?" painosenteng tanong ko kahit alam ko naman talaga ang ibig niyang sabihin.
"Hindi ka naman siguro bulag?" May halong inis sa boses niya at pairap na binawi ang tingin sa umpukan nina Leo. "No'ng tayo ang kausap kanina parang walang gana! Tingnan mo naman ngayon! Alive na alive, eh! May papunas effect pa sa asawa mo!"
"Wala lang siguro iyon," naiiling na tugon ko.
Pero ang totoo... Naaalarma rin ako sa ikinilos ng Trina Velliejo na ito. Kanina pa lang sa pagsulyap sulyap nito kay Leo na binalewala ko rin.
"Hihintayin mo pa bang may mangyari?" makahulugang tanong muli ni Ate Joana sa akin.
"Kilala ko naman si Leo, Ate Jo. Kilala mo rin s'ya," sabi ko pa.
"Eh, 'yang Trina Velliejo kilala mo ba?" taad kilay niyang tanong sa akin. "Hindi naman sa pinag-o-over think kita. Pero sa panahon ngayon daig ng malandi ang maganda," patuloy pa niya.
Hindi na ako umimik at nagmasid masid na lang sa paligid. Ayaw ko ng patulan ang mga espekulasyon ni Ate Joana.
Kilala ko si Leo at alam kong hindi niya iyon gagawin o magagawa sa akin.