CHAPTER 3

1602 Words
Malakas na iyak ng sanggol ang pumuno sa loob ng lying in kung saan ako naroroon. Hinang hina ako nang lingunin ko ang anak ko na inaasikaso ng mga kasa kasama ng midwife na nag aasikaso naman sa akin ngayon. "The baby is fine and healthy. Wala namang problema dahil kabuwanan naman na ni Cindy. Napaaga nga lang ang pagnganganak niya sa due date niya sana na last week of this month pa." Iyon ang narinig ko ng magkaroon ako ng malay. Dahan dahan akong nagmulat ng aking mga mata at nakita ko pa ang pag alis ni Ate Imee ang midwife na nagpaanak sa akin. Nasa tabi ko naman si Leo at ngiting ngiting buhat ang aming anak. Nilalaru laro niya ito habang hinihele. Ilang saglit ko silang pinagmasdan sa ganoong ayos. "Ang ganda ganda naman ng anak ko," wika pa nito habang ngiting ngiti at hinahalik halikan sa pisngi ang anak namin. Uminit ang isang bahagi ng aking puso sa tanawing iyon. Sumagi na naman sa isipan ko ang tatay ko. 'Ganito ka rin ba kasays no'ng ipanganak ako?' 'Binuhat mo rin ba ako? Niyakap o hinalikan man lang?' 'Tinawag mo rin ba akong anak?' Mga katanungang walang kasagutan. Dahil kahit si mama ay ayaw siyang maalala ni pag usapan. Sa tuwing nagtatanong ako sa kanya tungkol sa kung sino ba o nasaan na ba ang tatay ko ay lagi siyang galit. Palagi niyang sinasabing walang kwenta ang tatay ko. Walang kwenta na kagaya ko. "Leo..." "Gising ka na pala!" tuwang tuwang sabi nito nang tawagin ko siya. "Tingnan mo ang baby natin. Babae s'ya, Cindy!" Inilagay ni Leo sa aking tabi ang aming anak. Napangiti ako ng tuluyan siyang makita. Mapula ang maliit niyang labi. Namumula rin ang malaman niyang mga pisngi at matangos ang ilong na nakuha niya kay Leo. Napakaputi rin niya at ang cute ng kanyang mga daliri. "Kinuha na kanina ni Ate Imee ang pangalan n'ya. Ilalagay daw kasi sa birthcertificate. Cherry ang ipinangalan ko sa anak natin. Okay lang ba sa 'yo?" litanya ni Leo habang inaayos ang pagkain na nasa loob ng plastic. Napangiti ako. "Cherry," usal ko. Hinawakan ko ang isang kamay niya gamit ang aking hintuturo. Sumilay ang ngiti sa aking labi nang humigpit ang kapit ng maliit niyang kamay doon. "Ang ganda ng pangalan mo! Bagay na bagay sa mapupula mong pisngi at labi," ani ko pa saka pinatakan ng halik ang kanyang noo. "Kumain ka na muna para makabawi ka ng lakas mo." Iniupo ako ni Leo nang dahan dahan. "Susubuan kita para hindi ka na mahirapan." Lugaw iyon na may itlog. Nakita ko rin ang maliit na pack ng gatas at malaking lagayan ng mineral water. May isa pang plastic doon na diaper at ibang gamit ni Cherry ang laman. "Sabi ni Ate Imee bukas pwede ka ng umuwi sa bahay," ani Leo na ikinatigil ko. Naalala ko ang nangyari kanina sa bahay bago ako dalhin dito sa center. "Ayaw kong umuwi," sabi ko ng may sama ng loob. "Kinuwento ni Anna sa 'kin ang nangyari kaninang umaga," aniyang napapabuntong hininga pa. "Pasensya ka na kay Lesly, ha. Pinagalitan ko na rin s'ya." "Sana kung kailangan n'ya ng pera humingi s'ya. Hindi n'ya kailangang gawin 'yon, Leo." "Alam ko," tugon nitong napayuko na dahil siguro sa hiyang nararamdaman. "Sakit na ni Lesly 'yon." Gulat akong napatingin sa kanya. "Sakit?" naguguluhang tanong ko. "Bata pa lang ay madalas na ipatawag si mama sa school dahil sa pangunguha niya ng mga bagay na hindi kanya." Nasapo ko na lang ang ulo ko dahil sa biglaang pananakit nito. Sugarol ang mama ni Leo. Malikot ang kamay ni Lesly. Hindi ko rin makita pa ang ugali ng iba niyang mga kapatid dahil mas maraming oras ang inilalagi ng mga ito sa labas ng bahay. Ayaw kong lumaki sa ganoong klase ng paligid ang anak ko. Ayaw kong lumaki ang anak ko at makuha niya ang ugali ng mga taong nakakasalamuha niya. "Alam kong nahihirapan ka sa sitwasyon sa bahay. Pamilya ko sila kaya alam ko ang mga ugali nila na alam ko ring napapansin mo. Ako na ang humihingi ng pasensya." "Kaya ko namang makisama sa kanila, Leo. Ang sa akin lang sana pakisamahan rin nila ako ng maayos. Oo, ako ang nakikitira kaya dapat ako ang mag-adjust. Pero, puro na lang ba ako ang dapat gumawa no'n?" "Hayaan mo. Bukas magtatanung tanong ako kung saan may mauupahang bahay," pampalubag loob na saad niya. "Bubukod na tayo para hindi na maulit pa ang nangyari." Iniuwi na rin kami ni Leo kinabukasan. Wala rin akong choice dahil pinag iipunan pa ni Leo ang pang-down sa nakita niyang paupahan sa kabilang baranggay. "Hindi ka papasok?" takang tanong ko dahil alas kwatro na ay narito pa siya sa bahay. "Sino ang mag aalaga sa 'yo kung papasok ako?" nakangiting balik tanong niya sa akin. "Wala naman akong aasahang iba sa pag aalaga sa inyo ni baby. Nag paalam naman ako kay Ate Loida na isang linggo muna akong hindi papasok," pahayag pa niya. Taga-linis, taga-laba, taga-luto, at tagapag alaga kay Cherry kapag natutulog ako. Ilan lang 'yan sa trabaho ni Leo na siyang ikinatutuwa ko ng sobra. At kung gaano ako kasaya na makita si Leo sa pagiging responsable nito ay ganoon naman kagalit si Mama Ellen sa akin. 'Nanganak ka lang naman, ah! Hindi ka baldado para paglabahin o alilain mo si Leo!' 'Wow! Feeling prinsesa ka! Ako nga noon nanganak kahapon, naglaba na ngayon, eh! Tapos ikaw! Ilang linggo na para kang may nana! Ang sarap ng buhay mo, 'no!' Ilan lang 'yan sa mga salitang ibinabato ni Mama Ellen sa akin. Dagdagan pa ni Lesly na lagi ay bastos kung makipag usap. At dahil sa paulit ulit na pakiusap ni Leo sa akin na habaan pa ang aking pasensya ay hinahayaan ko na lang. Kung hindi lang dahil kay Leo ay pinatulan ko na talaga ang nanay at kapatid niya. Pero kapag ginawa ko naman iyon ay tiyak na masasaktan ko ang loob ng asawa ko. "Saan kayo pupunta?!" galit na tanong ni Mama Ellen nang pumasok sa loob ng kwarto namin. Kasalukuyan kasi kaming nagliligpit ng mga gamit namin. Isang buwan matapos kong manganak at makaipon ng pang-down si Leo sa bahay na lilipatan namin ay agad niya akong sinabihan na mag impake. "Lilipat na kami ng bahay, ma," ani Leo sa kanyang ina. "Lilipat?! Paano kami? Sige nga!" galit na sabi pa nito. "Kaya naman na kayong buhayin ni Mang Eddie, 'di ba?" sagot ni Leo na masama ang loob. Isa iyon sa mga dahilan ni Leo kaya gusto niyang umalis dito sa bahay nila. Nag asawa ulit ang mama n'ya na hindi man lang sinasabi sa kanya. Basta na lang rin pinatira ni Mama Ellen dito sa bahay si Mang Eddie. "Leo, nag aaral pa ang mga kapatid mo! Tapos iiwan mo kami!" "Lumabas na kayo ni Cherry. Ako na ang bahala sa gamit natin," utos ni Leo sa akin. "Ipagpapalit mo kami d'yan sa Cindy na 'yan! Na-brainwash na ba n'yan ng tuluyan ang utak mo! Paano ang mga kapatid mo?" "Walang kinalaman si Cindy dito!" "Isipin mo nga ang mga kapatid mo!" "Ngayon iniisip mo ang mga kapatid ko?! Nang mag asawa ka ulit wala kang narinig sa akin! Nang iwan ka ng tatay nila Lesly wala kang narinig sa akin! Ngayon, ma! Nag asawa ka na naman! Paano kung magkaanak ka na naman? Sa akin ulit ang pasa?!" "Hindi n'yo kayang ibigay ang pangangailangan ko bilang babae! At kung mag asawa man ako wala kang pakialam-" "Meron, ma! Dahil sa akin mo lahat ipinapasa ang mga responsibilidad na dapat magkatuwang nating ginagawa! Concern ka sa mga kapatid ko? Kailan mo balak sabihin sa akin na huminto na sa pag aaral si Lesly, ha?" Natahimik ang loob ng kwarto dahil hindi nakaimik si Mama Ellen. "Pagod na ako, ma! Hindi naman ako bulag para hindi makita kung paano n'yo tratuhin ang mag ina ko!" sumbat pa ni Leo. "Wala akong ginawa kundi tulungan kayo! Wala akong gusto kundi mapabuti kayo! Pero binabalewala n'yo lahat ng ginagawa ko!" "Sige! Lumayas ka! Simula ngayon wala ka ng pamilyang babalikan pa!" Napatayo ako bigla nang lumabas si Leo sa kwarto namin bitbit ang tatlong bag. Kasunod niya si Mama Ellen na umuusok sa galit. "Tara na, Cindy!" tawag ni Leo sa akin. "Walang utang na loob! 'Wag na 'wag kang babalik dito sa bahay! Magsama kayo ng malanding babaeng 'yan! Akala n'yo kung sino kayong magsi asta! Wala naman kayong silbi!" Iyon ang mga salitang isinisigaw ni Mama Ellen habang papalayo kami sa bahay. Halos lahat ng kapit bahay namin ay nasa amin ang pansin dahil sa pagsigaw sigaw ng mama ni Leo na animo'y nakalunok ng mega phone dahil sa lakas ng bunganga nito. Nang makarating kami sa waiting shade sa kanto ay hapung hapo na naupo si Leo doon. Tinabihan ko siya nang makita kong mangiyak ngiyak na siya. "Magiging maayos rin ang lahat, Leo," sabi ko sabay hagod sa kanyang likod. "Ngayong wala na tayo sa poder nila magiging maayos na rin ang lahat. Matagal ko ng gustong gawin 'to, Cindy. Matagal ko ng gustong lumaya." Hindi na ako umimik at niyakap na lang siya. Ngayon, nakalaya na siya sa lahat ng pasaning ipinasa sa kanya ni Mama Ellen. Gagawin ko ang lahat para maging masaya ang pamilya namin. Ayaw kong maramdaman ulit ni Leo na nakakulong siyang muli sa responaibilidad sa amin. Tutulungan ko siya hangga't kaya ko. Handa kong gawin lahat maging maayos at masaya lang ang pamilya namin. Si Leo, ako, at si Cherry...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD