CHAPTER 14

1570 Words
Pagkatapos ng libing ni Cherry ay nagkulong ako sa kwarto namin. Ilang ulit akong kinatok nina Ate Precy para lumabas ngunit hindi ko ginawa. Kahit hilam sa luha at nanghihina ay pinilit kong tumayo. Binuksan ko ang lagayan ng mga damit ni Cherry at isa isa kong inilabas ang kanyang mga damit doon. Ang mga damit na iyon ang paborito kong ipasuot sa kanya tuwing umaalis kami. Isinalansan ko iyon sa kama at isa isang hinaplos na para bang siya ang haplos haplos ko. "Miss na agad kita, anak," umiiyak na wika ko. Isa isa kong kinuha ang mga damit ni Cherry at saka iyon hinagkan at niyakap isa isa. Ang sakit sakit ng puso ko. Hindi ko matanggap na wala na ang anak ko. Hindi ko na siya makakasama kahit kailan. Hindi ko na siya makikita. Hindi ko na siya maaalagaan pa. At hindi na rin mayayakap. Ang dami kong pangarap para sa kanya ngunit lahat ng iyon ay wala na. Nawala na kasama niya. Tumalim ang tingin ko nang bumukas ang pintuan ng kwarto. Isa lang naman ang maglalakas loob na buksan iyon. Si Leo... Natagpuan agad niya ang mga mata ko nang tuluyan siyang pumasok at isara ang pintuan. "Ano'ng ginagawa mo dito?!" naiinis na tanong ko. Pinunasan ko ang mga luhang naglandas sa aking magkabilang pisngi. Isa isa ko ring itinupi ang mga damit ni Cherry. "Wala na ba akong karapatang umuwi dito sa bahay natin?" malumanay na sabi niya. Bahagya akong natawa dahil sa kanyang sinabi. "Bahay mo rin pala 'to 'no?" sarkastikong turan ko. "Sa pagkakaalam ko kasi may iba ka ng bahay. Nagbabahay bayahan na nga kayo ng kabit mo 'di ba?" "Cindy-" "Ano? Itatanggi mo?!" sigaw ko sa kanya. "H'wag mo akong gawing gawing bobo at tanga dahil alam ko ang nakita ko!" "Pag usapan natin 'to ng maayos," pakiusap niya sa akin. "Malinaw na sa akin lahat, Leo! Hindi mo ako minahal! Hindi mo kami minahal ng anak mo!" "Hindi totoo 'yan" giit niya. "Matatanggap ko pa kung ako lang ang binalewala mo, eh! Kaya kong tiisin 'yon! Pero si Cherry!" Doon na tuluyang nabasag ang boses ko. "No'ng may sakit s'ya, ikaw ang hinahanap n'ya. Ilang beses kitang tinawagan! Ilang text ng pagmamakaawa ang ginawa ko pero ano? Wala ka! Iniwan mo kami sa ere!" sumbat ko. "Hindi ko alam..." nanghihina at umiiyak na sagot niya. "Hindi mo alam dahil nagpapakasaya ka! Habang ako! Habang si Cherry!" Napahagulgol na lang ako at napaupo sa isang tabi. Lumapit siya sa akin para aluin ako ngunit itinulak ko lang siya palayo. Kitang kita sa mga mata ni Leo ang sakit dahil sa ginawa kong pagtulak at paglayo sa kanya. Pero wala ng sasakit pa sa puso kong unti unti ay nadudurog na. "Sabi mo kami ang buhay mo? Pero ano'ng nangyari, Leo?" "Hindi ko sinasadya." "Hindi mo sinasadya pero ginawa mo na! Sana sinabi mo na lang, eh! Kasi kahit masakit tatanggapin ko!" sigaw ko. "Handa kitang bitawan! Handa kitang ibigay sa kanya kung sinabi mo lang! Pero hindi! Ginawa mo akong tanga!" "Mahal kita!" sigaw niya habang umiiyak at sinunggaban ako ng yakap. "Mahal na mahal kita! Alam mo 'yan!" "Bitiwan mo 'ko! Bitiwan mo 'ko! Sinungaling ka! Sinungaling!" Pinaghahampas ko siya at wala akong pakialam kung saan man s'ya tamaan. Gusto kong iparamdam sa kanya ang sakit na nararamdaman ko. Gusto kong iparamdam sa kanya lahat ng sakit na meron ang puso ko. Ako na rin ang kusang tumigil dahil sa pagod at sobrang sakit na nararamdaman ko ngayon. "Saktan mo 'ko! Saktan mo pa ako, Cindy!" Kinuha niya ang magkabilang kamay ko at isinampal iyon sa mukha niya. "Saktan mo ako kung 'yan ang magpapagaan sa loob mo!" hilam sa luhang saad pa niya. "Kapag nasaktan ba kita babalik si Cherry? Kaya mo bang ibalik ang anak ko?" umiiyak na tanong ko. "Ayusin natin 'to! Please! Cindy, please?" pagmamakaawa niya habang yakap ang baywang ko at nakaluhod sa aking harapan. "Gagawin ko lahat mapatawad mo lang ako, Cindy! Hindi ko kaya ng wala ka! Nawala na si Cherry, ayaw kong pati ikaw mawala na rin sa akin." "Sana naisip mo 'yan noon palang! Sobrang sakit ng ginawa mo sa akin! At hindi ko alam kung mapapatawad pa ba kita." Kinalas ko ang mga kamay niyang nakayakap sa akin at dahil siguro sa panghihina niya ay nakabitiw siya agad. Nakakailang hakbang pa lang ako palayo sa kanya ng bigla kong maramdaman ang pagkahilo. Biglang nagdilim ang paningin ko. Pero bago pa man ako tuluyang bumagsak ay nasalo na agad ako ni Leo. Nang magkamalay ako ay nasa tabi ko si Leo at hawak ang aking kamay. Lumiwanag ang kanyang mukha ng tuluyan kong imulat ang aking mga mata. "Gising na si Cindy!" ani Ate Joana sa iba pang naroon. "Kumusta ang pakiramdam mo?" may pag aalalang tanong ni Leo sa akin. "May masakit pa ba sa 'yo?" Unti unting nag sink in sa akin ang lahat, na hinimatay nga pala ako kanina. Dala marahil ng kawalan ng maayos na tulog at pagod simula ng hindi pag uwi ni Leo sa bahay. Sinabayan ng pagkakasakit ni Cherry at hanggang sa huling lamay nito. Ilang buwan na rin naman akong walang maayos na tulog at pahinga dahil sa pag aalala kay Leo. Sobrang stress na nag alala lang pala ako sa wala! Iyon naman pala ay nagpapakasaya sa piling ni Trina! "Ate Jo, pwede na ba akong umuwi?" tanong ko kay Ate Joana at hindi pinansin si Leo. "Hintayin lang natin na bumalik 'yong doktor. Baka pwede na," tugon niya at matamis na ngumiti sa akin. "Kumusta na ang pakiramdam mo?" "Ayos naman na ako," tugon ko. Maya maya pa ay bumukas ang pintuan at iniluwa noon ang babaeng doktor na may kasama ring nurse. "Kumusta ang pakiramdam mo, misis?" nakangiting tanong niya sa akin. "Nakakaramdam ka pa ba ng pagkahilo? May masakit pa ba sa 'yo?" "Wala naman po, dok. Maayos na po ang pakiramdam ko," turan ko. "Starting today be extra careful, okay. You are three months pregnant. Bawal na bawal ang ma-stress." Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko ng mga sandaling iyon. Maging ang mga kasama ko ay naghalo ang saya at pagkabigla dahil rin sa kanilang narinig. "Uubusin lang natin ang swero mo then pwede ka ng umuwi. Bumalik ka dito sa akin next week para mabigyan kita ng mga vitamins at ma-check up kitang mabuti. Congratulations," ani pa doktora at iniwan na rin kami doon. "Narinig mo 'yon, Leo! Buntis ang asawa mo! Bawal ang ma-stress. Kaya utang na loob lang! 'Wag mo namang bigyan ng problema si Cindy!" pangaral ni Ate Precy kay Leo na tulala pa rin sa tabi ko. Uminit ang sulok ng aking mga mata. Kumirot ang isang bahagi ng aking puso. Masaya ako pero lamang ang lungkot. Masaya dahil may kapalit agad si Cherry. At malungkot dahil hindi na makikita ni Cherry ang magiging kapatid niya. Nang makalabas ako ng hospital ay nagpaalam na rin sina Ate Pearl, Kuya Omar at Kuya Ariel na uuwi na dahil may trabaho pa kinabukasan. Sina Ate Joana at Ate Precy ang umalalay sa akin sa loob ng tricycle. Nasa likod naman si Leo na kanina pa tahimik. "Ipinagsaing ko na kayo. Kunin ko lang 'yong ulam na itinira ko," ani Kuya Allan nang makapasok kami sa loob ng bahay. "Kakain ka ba, Cindy?" si Ate Joana. "Mamaya na lang. Gusto kong humiga," wika ko. Hinayaan ko si Leo na alalayan ako papasok ng kwarto. Nang makapasok doon ay muli kong naramdaman ang sakit sa puso ko. Una kasing nakita ng mga mata ko ang crib ni Cherry. Nakita ko ang mga laruan sa isang tabi. Umahon ang poot sa dibdib ko nang maalala na kay Trina galing ang halos ilan sa mga laruang iyon. "Anon'ng ginagawa mo?" nagtatakang ani Leo. Kinuha ko kasi ang karton sa ilalim ng papag namin at inilagay doon ang mga laruang ibinigay ni Trina noon. Maging ang mga damit na galing sa babaeng iyon ay inilagay ko rin sa kahon. Wala akong pakialam kung mamahalin pa ang mga iyon. Kung pwede nga lang na maging ang babaeng iyon ay ilagay ko dito sa loob ng kahon at itapon ay ginawa ko na sana! "Ako na! Baka kung mapano ka pa!" awat ni Leo sa akin nang hilahin ko ang kahon. "Itatapon mo ba 'to? Kay Cherry ang mga 'to?" aniya pa habang hila hila ang kahon palabas. Napairap lang ako sa kanya at naglakad na palabas. Napatingin sa amin sina Ate Precy maging sa kahon na hinihila ni Leo nang lumabas kami. Nakakita ako ng lighter na nakapatong sa plastic na upuan kaya kinuha ko iyon at lumabas na. "Ano ba kasing-" Nahinto si Leo sa pagsasalita ng mag umpisang lumiyab ang kahon. "Bakit sinunog mo? Sayang-" "Nanghihinayang ka sa ibinigay ng kabit mo?!" galit kong tanong sa kanya. Natigilan siya at parang napagtanto rin niya na kay Trina nga galing ang mga iyon. "Simula ngayon wala na akong pakialam sa 'yo! Umalis ka at magpakasaya kayong dalawa hangga't gusto mo! Hindi ko ipipilit sa 'yo ang sarili ko at kahit itong dinadala ko!" Lalagpasan ko na sana siya nang pigilan niya ang aking braso. "Magsimula tayo ulit," nakikiusap na sabi niya. "Kahit 'wag na! Nagawa mo na akong lokohin ng isang beses. Imposibleng hindi 'yon maulit!" saad ko at inalis ang kamay niyang nakahawak sa aking braso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD